KABANATA 3

1302 Words
“Oh, baka matunaw ’yang cellphone mo, Ate.” Biro sa akin ni Kate nang tumabi siya sa akin sa higaan. Pinahid ko ang luhang pumatak sa aking pisngi. Hinaplos ko ang larawan ni Tony sa cellphone ko. Sobrang miss ko na siya. “Miss ko na kasi si Tony, Kate. Nasaan na kaya silang magkapatid? Kumusta na kaya sila?” “Bakit kaya bigla na lang silang nawala dito sa lugar natin, Ate? Hindi naman ’yon basta-basta aalis si Kuya Tony nang hindi nagpapaalam sa iyo, eh. Patay na patay kaya ’yon sa ’yo. ’Di ba never pa siyang gumawa ng ikagagalit mo?” Malungkot akong tumango. Ingat na ingat si Tony na makagawa ng mga bagay na alam niyang ikagagalit ko. Ayaw niyang magkaroon kami ng tampuhan. Marami akong napagtanungan kung may nakakita sa kanila bago mawala pero pare-pareho lang ang sagot nila. Hindi daw nila napansin na umalis ng isla sina Tony at Netnet. Kahit sa mansiyon ng mga Del Mundo ay nagpabalik-balik din ako noon para magtanong pero ang sagot lang ng guwardiya ay umalis na daw ang magkapatid. Araw-araw akong pumupunta sa tinatambayan naming kubo, nagbabakasakaling isang araw ay babalik siya doon. “Hindi ko alam kung ano ang totoong nangyari sa kanila. Pero araw-araw akong nagtatanong-tanong sa mga kakilala ni Tony. Baka kasi alam nila kung saan sila naroroon.” “Pray ka lang lagi, Ate. Balang araw magkikita at magkakasama din kayo.” “Oo, ganiyan nga ang ginagawa ko.” Bago matulog ay taimtim akong nagdasal. Kung nasaan man sila Tony ngayon sana ay maayos ang kanilang kalagayan. Sana balang araw ay magsama ulit kami. Ipinagdasal ko din na maging ligtas parati si mama. “Hello, sino po ito?” namamaos kong tanong sa tumawag sa akin ng napakaaga. Hindi naka-register ang number ng tumawag sa akin. Pagtingin ko sa alarm clock ay alas singko pa lang ng umaga. Ang lakas ng ulan sa labas. “Hello anak, good morning! Ako ito, nakitawag lang ako sa tricycle driver. Pauwi na ako diyan, malapit na. Isang oras na lang at makakasama ko na kayo.” “Hello ’Ma? Good morning din po! Talaga, pauwi na kayo?” “Oo, anak. Marami akong pasalubong sa inyo.” “Dapat nagsabi po kayo ng maaga para masundo ka ni Papa. Ang lakas pa naman ng ulan,” sambit ko kay Mama. Ngayon lang ako magb-birthday na kasama siya mula nang magtrabaho siya sa ibang bansa. Sampung araw na lang, birthday ko na. “Hayaan mo na, para surprise.” “Ingat po kayo sa biyahe, ’Ma.” “Salamat, anak. Sige na, mamaya na lang tayo magkuwentuhan pagdating ko diyan. Nakakahiya sa may-ari nitong cellphone. Bye!” Excited na ginising ko si Kate matapos magpaalam ni Mama. “Kate, gising na. Tulungan mo ’kong maglinis ng bahay.” Niyugyog ko ang katawan ni Kate. “Ate, mamaya na po.” Tumalikod si Kate at nagtalukbong ng kumot. “Parating na si Mama kaya dapat malinis na malinis dito sa bahay.” Bigla siyang humarap sa akin at inalis ang kumot na nakatalukbong. “Talaga po? Totoo?” “Oo nga kaya bangon na diyan!” Pinagtulungan namin ni Kate na linisin ang loob ng bahay. Maulan sa labas kaya hindi kami makapagwalis. Lagi namang maayos at malinis sa bahay, pero gusto kong mas maaliwalas kapag dumating na si mama. “Good morning! Ang aga naman yata nagising ng mga dalaga ko? Five thirty pa lang ng umaga, dapat hindi muna kayo bumangon. Masarap matulog ngayon, umuulan,” saad ni papa pagkagising niya nang makitang nagluluto na ako ng almusal. “Pauwi na daw po si Mama. Baka malapit na po ’yon.” Binaliktad ko ang tinapa na piniprito. Lumingon ako kay papa at ngumiti ng malapad. “Aba’y bakit hindi ninyo ako ginising ng maaga para sana nasundo ko siya?” “Para daw po surprise. Nasa biyahe na daw po siya.” Paliwanag ko kay papa. “Surprise ka diyan, Ate. Eh sinabi mo na kay Papa, paano pa siya masosorpresa pagdating ni Mama?” napapailing si Kate na kumuha ng tatlong tasa. Nagsalin siya ng gatas, asukal at kape para sa aming dalawa. Kape at asukal naman ang kay papa. “Ang lakas pa naman ng ulan. Nasaan na kaya banda ang Mama ninyo?” nag-aalalang sambit ni papa. “Baka po parating na, kasi sabi niya kanina isang oras na lang daw at magkakasama na tayo.” Hinango ko sa kawali ang mga piniritong tinapa. Dinala ko iyon sa ibabaw ng lamesa. “Ate, mamaya na lang po kaya tayo mag-almusal? Magkape muna tayo. Sabay-sabay na lang tayo pagdating ni Mama,” sabi naman ni Kate. Inilapag niya ang bandehado na pinagpatungan ng tatlong tasa na tinimpla niya. “Mabuti pa nga.” Naghila ako ng upuan. Naupo ako at kinuha ang isang tasa na tinimpla ni Kate. “Kayo po, Papa? Gusto mo na pong mag-almusal o hintayin na natin si Mama?” tanong ni Kate kay papa na nakatingin pa din sa labas. “Mamaya na lang din, anak.” Tinungo ni papa ang banyo. Tahimik naming hinintay ni Kate ang pagdating ni mama. Samantalang si papa naman ay hindi mapakali. Pabalik-balik siyang naglalakad sa may pintuan namin. “’Pa, upo ho muna kayo dito. Siguradong maya-maya lang ay nandito na ’yun si Mama,” sabi ko kay papa. Pagtingin ko sa orasan na nakasabit sa pader ay six thirty five na ng umaga. Humupa na din ang ulan. “Ewan ko ba anak. Parang hindi ako mapakali. Iba ’yong kaba ko ngayon, eh.” “Sabi ko naman po kasi sa ’yo Papa na bawasan mo na ang pagkakape mo. Gatas at chocolate drink na lang ang inumin mo parati,” ani Kate. Napabuntong hininga si papa. Naupo siya sa katapat ng upuang kawayan na inuupuan namin ni Kate. Hindi pa din siya mapakali. “Kuhaan kita ng tubig, Papa. Dito lang po kayo.” Tumayo si Kate. Naglakad siya papunta sa kusina. Pagbalik niya ay may dala na siyang isang basong tubig. “Maligamgam po ’yan, Papa. Inumin n’yo na po. Ninenerbiyos na po kayo. Siguro na-e excite lang po kayo sa pagdating ni Mama kaya hindi kayo mapakali.” Inabot niya kay papa ang tubig. Tumayo si papa matapos niyang inumin at ubusin ang laman ng baso. “Lalabas ako mga anak. Sunduin ko na ang Mama ninyo. Baka kasi mamaya nasiraan ng sasakyan ’yung naghatid sa kaniya dito sa atin.” “Sama po kami, Papa,” ani Kate. Kinuha niya kay papa ang baso at inilapag sa lamesitang gawa sa kawayan. “Huwag na, dito na lang kayo.” Napanguso si Kate. Naupo siyang muli at sumunod na lang sa utos ni papa. “Subukan ko po munang tawagan si Mama bago ka umalis, ’Pa,” saad ko. Tiningnan ko sa messenger kung online si mama. Pero hindi siya online. “Pareng Angelo! Pareng Angelo!” Sabay-sabay kaming napalingon sa pintuan ng humahangang na dumating ang ninong ko na si Ninong Kulas. Malalaki ang hakbang na lumapit si papa sa kaniya. “Oh, bakit pare?” tanong ni papa. “Pare, huwag ka sanang mabibigla, si Mareng Katherine, naaksidente. Nahulog sa bangin ang sinasakyan niyang tricycle habang pauwi dito sa atin.” Nabitawan ko ang cellphone. Sabay kaming napatayo ni Kate at lumapit kay ninong Kulas. “K-Katherine . . .” usal ni papa. Napahawak siya sa kaniyang dibdib. “Papa!” magkapanabay na sigaw namin ni Kate. “Isinugod na sila sa ospital ngayon kasama ‘yung driver. Sumunod na lang tayo, ’Pare. Ako na ang magda-drive ng tricycle ninyo.” Sa nanlalabong mata ay tinungo ko ang kwarto nila papa upang kunin ang susi ng tricycle. Walang tigil ang pagpatak ng mga luha ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD