"Alex!" Sabay-sabay kaming napalingon sa pintuan nang malakas itong bumukas at humahangos na iniluwa ang mga kapatid ko sa pangunguna ni Zandro. Mabilis ding napahinto ang mga ito nang makitang hindi ako nag-iisa. Muntik pang nabangga ang pinakahuling pumasok na si Rusca sa likod ni Zandro. "Bakit kayo nandito?" nagtatakang tanong ni Zandro habang direktang nakatingin kay Tito Felan. Pumasada rin ang nagtatanong niyang tingin kay Tita Tiara at kay Hansel na kilala rin niya bilang right hand man ni Tito Felan. "Bakit ganyan ang ayos mo?" balik-tanong ni Tito Felan sa kanya. Oo nga naman, bakit mukhang kakabangon lang ni Zandro sa kama at nakapantulog na sumugod dito sa silid ko? Iyong dalawa naming kapatid na sina Migoh at Rusca ay mukha ring nakaladlakad lang at pareho pang magulo a

