KBANATA XIV: SIGBIN

1559 Words
Napatakip ako ng ilong dahil sa mabagsik nitong amoy at niyaya si nanay na umalis sa lugar na 'to. Pinasakay ko s'ya sa aking kabayo at ako'y sumunod. Sumunod din ang dalawa sa akin at saka pinatakbo ko ang kabayo paalis sa lugar. Sa hindi inaasahang pangyayari, bigla naman sumulpot mula sa ibaba ang sigbin. Nakaharap sa amin ang kan'yang buntot at kitang kita ko ang paglalaway niya. Pumunta sa harapan namin ang dalawang kawal at kami ay sinigawan, "Umalis na kayo, mahal na binibini, ngayon na!" Mabilis ko pinatakbo ang kabayo at iniwan sila, ngunit laking pagtataka ko na makita na hindi sinugod ng sigbin ang dalawa bagkus ay nawala na naman ito. Hindi ko inaasahan ang pagsulpot ng mahaba niyang buntot sa anino ng kabayong sinasakyan namin at saka n'ya pinataob ito. Tumalsik kami ni nanay at nasubsob. Agad ako tumayo upang hanapin si nanay, subalit naramdaman ko na lang ang malaking halimaw sa aking likuran. Sa sobrang lapit ay amoy na amoy ko ang mabagsik na amoy nito at tunay akong nanlambot. Nais kong tumayo, subalit nang dahil sa takot ay 'di ko magawang gawin hanggang ang kan'yang buntot ay humampas na sa 'kin. Mabilis ako yumuko, ngunit wala akong naramdaman na kahit na ano. Iminulat ko ang aking mga mata upang malaman kung anong nangyari. Nakita ko ang hari at ang punong heneral na nasa unahan ko. Ginamit nila ang kanilang pananggala upang ako ay protektahan sa pag-atake ng halimaw. "Ngayon na!" sigaw ng hari. Sabay sa kan'yang sigaw ang mga nagliliparang pana na may apoy sa dulo at ito'y tumarak sa katawan ng halimaw. Umungol nang napakalakas ang sigbin at saka s'ya aakmang aalis mula sa anino subalit mabilis nila ito naagapan. May apat na malalaking katawan ang may hawak sa matabang lubid na kanilang hinagis sa paanan ng halimaw. Sabay sa kanilang paghagis ang pagtali sa mga paa nito kung kaya agad nila ito hinila, magkabilaan. Tumulong ang ilang mga kawal sa paghila hanggang sa napahiga na ang halimaw, tuluyan na itong hindi makagalaw. Inalalayan naman ako ng heneral sa pagtayo at nakita ko na sumugod ang hari upang tapusin na ito. Pinugutan niya ng ulo ang halimaw at saka sila sumigaw dahil sa matagumpay nilang paglupig sa halimaw. "S-sandali lang, mali ang pagpatay n'yo sa nilalang na iyan!" sigaw ko. Hindi nila ako napansin dahil sa kanilang kasiyahan at dahil doon muling gumalaw ang halimaw. Ginalaw nito nang malakas ang kan'yang katawan na sanhi ng pagtalsik ng mga kawal na nakakapit sa mga lubid. Pagkatapos ay kinalmot n'ya ang hari, ngunit mabilis niya naharangan ito gamit ang kan'yang espada. Iwinagayway niya ang hawak na espada at patuloy na sinusugatan ang halimaw. Tunay na malakas ang hari, ngunit mahina sa diskarte kung paano n'ya kalabanin ang halimaw. Muli nawala ang halimaw at nakita na lang namin ang mabilisang pagbagsak ng ilang mga kawal. Puting puti dahil ininom na ng halimaw ang kanilang mga dugo. "Magsindi kayo ng apoy at maghiwa-hiwalay kayo!" utos ng hari na agad nila sinunod. Nang dahil sa dami ng nainom nitong dugo, nanumbalik ang lakas nito. Sinugod ulit sila lalo na ang hari. Siguro, marahil, nalaman nito kung gaano kalakas ang hari kung kaya s'ya ang pinuntirya nito. Kahit wala ng ulo, tila ba kaya nito makita ang mga galaw ng hari hanggang sa makakita ito ng butas at mabilis nitong inatake ang hari. Gamit ang mahaba nitong buntot, hinampas siya nito nang napakalakas na sanhi ng pagtalsik niya. Agad nito nilundagan si Haring Ezekiel at kinalmot upang masira ang suot na baluti. Napaubo s'ya ng dugo, ngunit nagawa niyang makatakas. Sa pagtakas n'ya ay ang pagsugod ng mga iba pang kawal. Doon ko napansin na nananatiling gumagalaw ang ulo ng halimaw, pinagmamasdan ang bawat galaw namin. Mga hangal talaga. Gan'yan ang mangyayari sa oras na wala kang alam sa iyong kalaban. Nakaisip ako ng paraan upang matalo s'ya. Tumingin ako sa punong heneral at sinambit ang aking plano. "Nahihibang ka na ba!?" Agad din niya tinikom ang bibig at huminga nang malalim. "Ipagpaumanhin ninyo ang aking winika subalit mapanganib ang binabalak niyong gawin, mahal na binibini," gulat na usap n'ya sa akin. "Wala na tayong pagpipilian. Kung nais mo pa mabuhay ang mga tauhan at iligtas ang hari mo, gawin mo ang aking sinabi," mabilis kong tugon. "Wala na tayong oras." Mabilis ko pinunit ang laylayan ng bestidang aking sinusuot upang sa gano'n ay makakilos ako nang maayos. Pumunit din ako rito ng tela upang ipangtakip sa aking ilong, mabawasan kahit papaano ang maaamoy ko sa halimaw. Tumingin ako sa heneral at tumango, sabay ang pagtakbo ko sa harapan nito. Sumigaw ako upang makuha ang atensyon ng sigbin. Kung hindi ako nagkakamali, kanina lang, hindi nito pinansin ang iba no'ng ako ay makita nito. Tila ba ako ang pakay ng sigbin at dahil doon gagawin ko bitag ang aking sarili upang magkaroon ng pagkakataon ang heneral na tusukin ang puso nito. Mapapatay mo lang ang halimaw na ito kung tutusukin mo ang puso nito. Nakita ko ang kan'yang mata na nasa sahig at ito'y tumingin sa 'kin. Kasunod no'n ang mabilis na pagtakbo ng halimaw. Bago pa lang s'ya makalalapit ay muling pinana na may apoy ang kaliwang bahagi nito ng dalawang kawal na nagbabantay sa akin. Bumagal ang pagtakbo ng halimaw, ngunit pursigido pa rin ito na ako'y puntahan hanggang sa tinalunan na ako. Sa pagkakataong iyon ay agad na rin akong lumundag paalis doon. Agad ako lumingon para makita ang halimaw at laking tuwa ko na ginawa ng heneral ang aking plano. Nasa ilalim siya ng halimaw at nakatarak ang kaniyang espadang nagliliyab kung nasaan ang puso nito. Lalo pa n'ya diniinan ito at inikot sabay ang kan'yang pagsigaw. Sumigaw ang halimaw at nakita ko ang panginginig ng katawan nito. Unti-unti namang may kumakatas na itim at malapot na tubig sa katawan nito, tila bang natutunaw ang sigbin. Tinanggal ni Heneral Osis ang kan'yang espada at agad na umalis sa halimaw. Nakita namin ang pagkabalisa nito habang ito ay natutunaw, kasabay nito ang ulo hanggang sa tuluyan na natunaw ang halimaw. Tumayo ako at lumapit sa katawan ng sigbin. May nakita akong isang pulang hiyas na nagniningning sa natunaw nitong katawan. "Mag-iingat ka, mahal na binibini," paalala sa akin ng punong heneral. Tumango ako sa kan'ya at kinuha ang malaking bato na kasing laki ng aking palad. Kung hindi ako nagkakamali, ang batong ito ay ang puso ng sigbin. Nakita ko pa ang maliit na bitak dito, pakiwari ko ay ito ang parte na kung saan niya tinurok ang puso ng halimaw. Hindi ko inaakala na maliit lamang ang puso ng sigbin, sa katunayan niyan ay dapat maliit lang ang halimaw na ito. Kasing laki dapat ito ng pangkaraniwang aso at hindi gan'to na kasinglaki ng elepante. May masama akong kutob rito. Lumapit ang hari sa akin habang siya'y paika-ika at hawak sa kaniyang katawan. Akin lamang siyang pinagmasdan. "Mabuti at buhay ka pa," banggit ko sa kan'ya. Tumawa nang mahina ang hari. "Baka nakalimutan mo na isa akong hari, pinili ng mga diyos upang mamuno, at ang haring nagligtas sa iyong buhay kanina lamang," nakangiti n'yang sagot. Pagkatapos ay binagsak niya ang kaniyang katawan sa akin na agad ko naman siya sinalo at niyakap. "Mabuti na lang at ligtas ka," bulong n'ya. Nakahinga siya nang maluwag. "'Wag ka na magsalita pa," mabilis kong sambit. "Kung nakinig ka lang sa akin kanina, hindi ito mangyayari." "Oo na, oo na. Ako na ang mali," buntong hininga niyang sagot. "Gusto ko na magpahinga." Hindi na ako umimik at inalalayan s'ya. Nilapitan naman kami ng punong heneral at tinulungan ako sa pag-alalay sa hari. "Magaling ang ginawa mo kanina, Heneral Osis," masayang papuri ng hari sa kaniya. "Kung hindi ko ho sinunod ang plano ni Binibini Minerva ay hindi ko mapapatay ang halimaw, kamahalan. Ang binibini ang dapat ninyo pasalamatan," tugon niya. "Talaga?" Saka siya tumingin sa akin. "Paano mo nalaman ang tungkol sa halimaw? Akalain mo nga naman, hindi nga ako nagkamali na isa ka ngang diwata," masaya niyang sambit. Hindi ako nagsalita, wala akong ganang kausapin s'ya dahil na rin sa mga katanungang pumapasok sa aking isipan. Sa dinami-raming nangyari sa aking buhay, miski isa ay wala pa akong nakukuhang sagot. Nang makita si nanay na may mga sugat at nakaupo sa gilid ay agad ko iniwan ang hari. Patakbo ko siya pinuntahan. "'Nay, a-ayos ka lang po ba? Anong gusto niyo po? Tubig? Ah, tama! Gamot… Kailangan mo ng agarang lunas sa mga sugat n'yo po," taranta kong banggit sa kaniya. "Naku, hija." Saka siya tumawa nang mahina. "Ayos lang ako, wala lang ito. Kasalanan nito ng marurupok kong mga buto. Iba na talaga kapag tumatanda na," natatawa n'yang sagot. Sinuri ko ang kan'yang katawan at gumaan ang pakiramdam ko na kakaunting galos lamang ang natamo ni nanay. Mabuti na lang at s'ya ay nakaligtas. "Ngunit ang aking ipinagtataka ay bakit gano'n na lamang kalaki ang sigbin na ating nakaharap. Parang hinding sigbin ang sumalakay sa atin. Parang isang higante," banggit ni nanay. Sumang-ayon ako kay nanay. Tunay nga nakakabahala ang nangyari sa amin. Kung ang halimaw na ito ay kayang lumaki na kasing taas ng elepante, paano na lang ang iba pang halimaw? Kinapitan ko nang mahigpit ang tila diyamanteng puso ng sigbin. Kung akin ito susuriin ay baka may kakayahan akong malaman ang dahilan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD