Laking gulat ko nang aking minulat ang mga mata ko dahil sa aking nasaksihan. Napadpad ako sa isang natatanging lugar. Ang buo kong paligid pati na rin ang malatubig kong tinatapakan ay parang kalawakan na nakikita ko lamang tuwing gabi at wala itong katapusan.
Sa hindi naman kalayuan sa aking puwesto, sa harapan ko, may isang malaki at matabang puno na nagliliwanag. Wala ako nakikitang dahon o bunga sa puno, ngunit kahit na gano'n, natatangi ang punong 'to. Tunay na maganda.
Hindi ko naman namalayan ang isang taong nasa baba ng puno na nakatalikod sa akin. Lumapit ako sa kan'ya upang magtanong sana kung nasaan ako at kung paano umalis. Mga ilang metro na lang ang pagitan namin na mapansin ko ang malaginto niyang buhok at tila porselanang kutis — katulad na katulad ko s'ya. Huminto ako sa paglalakad, sabay no'n ang paglingon niya sa 'kin. Kapansin-pansin din ang asul na mga mata niya. Akala ko noong una, ako lang ang may gan'tong klaseng anyo, hindi pala ako nag-iisa.
Mas matangkad s'ya sa akin at may edad na rin. Nananatili lang siya nakatitig sa akin, wala yata siyang balak na kausapin ako. Wala ako nakikitang emosyon sa kan'yang mukha hanggang sa lalong nagliwanag ang punong nasa likuran n'ya. Sa sobrang liwanag ay napapikit ako. Nang maramdaman ang pagwala ng liwanag, saka ko muli dinilat ang aking mga mata. Sa pagkakataong iyon, nakabalik na ako.
Una ko nakita ang babaylan na nasa harapan ko.
"Ayos ka lang ba, hija?" tanong n'ya sa akin.
Tumango ako bilang pagtugon, subalit may halong agam-agam. Pinaupo niya ako sa kama at s'ya ay nagpaalam upang lumabas. Mga ilang minuto lang ang nakalilipas nang pumasok ang hari sa loob at saka niya ako pinuntahan. Lumuhod s'ya sa harapan ko at sinuri ako.
"Ayos ka na? Nawala na ba ang panginginig mo? Magsabi ka lang kung ano ang gusto mo at ibibigay ko agad. Gusto mo ba ng tubig? Pagkain?" mabilis niyang tanong. Naramdaman ko sa kaniyang boses ang pag-aalala n'ya sa akin habang hawak sa aking mga kamay.
Marahal ko naman inalis ang mga kamay ko sa kan'ya at umusog palayo.
Akala n'ya siguro na napatawad ko na siya, nagkakamali siya.
Bumuntong siya ng hininga at tumayo. Kasunod noon ay naglakad siya papunta sa mesa at kumuha ng tubig. Pagkatapos ay inabot niya ito sa akin.
"Baka naubusan ka ng lakas gawa ng kanina. Gusto man kita puntahan dahil sa mga sigaw at iyak mo, ngunit hindi ko magawa para suportahan ka," malambing niyang sambit. "Ang paliwanag sa akin ng babaylan ay dahil sa sobra mong kapaguran kaya ka… kaya ka naglalakad na tulog. Kailangan mo na talaga ng maraming bantay, Minerva." Huminga siya nang malalim.
Tumingin ako sa kaniya at nagwika, "Pakiusap lang… Huwag ka magpanggap na mabait sa aking harapan. Kahit anong gawin mo, isa ka pa ring halimaw at mamamatay tao sa aking paningin."
Siya ay nagalit sa aking sinambit at saka niya hinagis ang hawak niyang pilak na baso sa tabi. Napakapit ako sa aking kaliwang braso dahil na rin sa takot.
Naging tahimik ang aming gabi, walang kibuan at walang pansinan.
Kinabukasan, hindi pa sumisikat ang araw ay nagpatuloy na kami sa aming paglalakbay. Ilang buwan din kami naglakbay pabalik sa kaharian ni Haring Ezekiel de Francia, ang kaharian ng Grandorya.
Sa loob ng aming paglalakbay ay hindi namin inaasahan ang pagsulpot ng isang nilalang na may nakakakilabot na anyo at kakayahan.
Nang gabing kami ay dumaan sa isang malabunduking lugar sakay sa isang kabayong itim, nakaramdam ako ng kakaiba sa aking paligid. Iba rin ang ihip ng hangin sa gabing iyon kasunod no'n ang pagsulpot ng isang ibong tigmamanukan. Itim ang kan'yang balahibo at may mga matitingkad na asul na welga sa mga balahibo nito.
Ang tigmamanukan ay binigay sa amin ni Bathala upang gabayan kami sa paglalakbay. Kung ang isang manlalakbay ay nakakita ng tigmamanukan at lumipad mula sa kanan patungo sa kaliwa, nangangahulugan lamang na aprubado ni Bathala ang manlalakbay na magpatuloy sa kan'yang tinatahak. Subalit kung ito naman ay kabaliktaran, kinakailangan na 'wag na ituloy pa ang paglalakbay dahil nangangahulugan lamang ito ng isang masamang pangitain. At sa pagkakataong ito, ang nasabing ibon ay lumipad sa amin mula sa kaliwa patungo sa kanan.
Tiningnan ko ang hari na nasa bandang kanang harapan ko at napansin na nakita naman n'ya ang ibon, subalit binalewala niya lamang ito. Bahagya ko binilisan ang pagtakbo ng kabayo upang tabihan at balaan s'ya.
"Kailangan na natin huminto," agad kong usap.
"At bakit naman?" Nagsalubong ang kan'yang mga kilay.
"Nakita mo naman ang ibong lumipad sa atin, 'di ba?"
"Anong ibon? Ah… Iyong maliit at magandang ibon na iyon? Bakit? Gusto mo ba iyon? Kung iyon ang nais mo, akin s'ya ipapahuli at ireregalo sa iyo," sagot n'ya.
"Hindi iyon." Inunahan ko s'ya at hinarangan ang kaniyang dinaraanan na nagpahinto sa kan'ya, gano'n din ang mga kasunod namin. "Kailangan na nating huminto at 'wag na ituloy ang paglalakbay natin ngayong gabi. Ang tigmamanukan ay isang mensaherong binigay sa atin ni Bathala upang magbigay sa atin ng babala. At sa pagkakataong ito, nagbigay siya ng masamang babala sa gabing ito," seryoso kong sagot.
"Alam mo, mahal kong diwata. Isa lang naman iyan haka-haka, mga sabi-sabi ng mga duwag na tao. Sinasabi nila iyan sa oras na nagkaroon sila ng problema sa kanilang paglalakbay. May maisisisi, kumbaga sa oras na nagkaproblema sila," natatawa niyang sambit. "Ako'y natutuwa sa pagiging seryoso mo at sa pag-aalala mo sa akin, subalit magpapatuloy pa rin tayo ngayong gabi."
"Hindi kita inaalala at kahit kailan, hindi kita inisip," diin ko. Pagkasabi ko ay pinatakbo ko ang kabayo papunta sa likuran upang puntahan si nanay.
"Hija, anong problema? Bakit ikaw ay nagmamadali?" gulat na tanong sa akin ni Nanay Rosalia nang makita n'ya ako.
Bumaba ako sa kabayo at kinuha ang tali nito, saka ko pinuntahan si nanay. "'Nay, masama po ang kutob ko sa lugar na ito. May nakita po kasi akong tigmamanukan at masama ang binigay po nitong mensahe sa atin."
"Diyos ko po! Pinaalam mo na ba sa hari ang tungkol d'yan? Sigurado ka ba na tigmamanukan ang nakita mo at hindi isang ibon lamang?" panlilinaw niya. Ramdam ko ang takot sa bawat salitang kan'yang binitawan.
"Sinabi ko na po iyan, ngunit hindi s'ya nakinig sa akin. Wala na ako maaasahan sa hayop na iyon. Wala naman din s'ya sinusunod maliban ang kan'yang sarili." May halong gigil ko sinagot si nanay.
Napansin ko na lang na may dalawang kawal sakay sa kanilang kabayo ang sumunod sa akin. Sila ang inatasan ng hari na magbantay sa akin, nag-umpisa ito noong biglaan kong pagpunta sa kagubatan na walang kamalay-malay. Agad ko rin inalis ang atensyon ko sa kanila.
Mga ilang minuto lang ang lumipas nang ako ay umalis sa tabi ng hari, nakita ko na lang na huminto sila sa paglalakad. Sinilip ko ang nasa unahan, ngunit dahil masyado na ako malayo mula roon, 'di ko rin matukoy kung ano ang dahilan ng paghinto nila hanggang sa narinig ko na lang ang sigaw ni Heneral Osis.
"Magsihanda ang lahat!"
Ang lahat ng kawal ay nilabas ang kanilang mga sandata at ang mga ilang tao na hindi naman kawal ay nagtipon-tipon sa isang lugar — nakita ko ang kanilang takot at pagtataka.
"'Nay, magtago ka po sa likuran ko," utos ko sa kan'ya.
Bumaba naman ang dalawang kawal na nagbabantay sa akin at saka tumabi habang hawak ang kanilang mga sandata at pananggala.
Hindi namin alam kung ano ang kinakaharap namin at ang dahilan ng pagsigaw ng punong heneral. May narinig na lang kaming mga sigawan ng mga kawal sa unahan.
"Binibini, kahit anong mangyari, manatili kayo sa aming tabi," banggit ng isang kawal na nasa kaliwang unahan ko.
Mula sa kalayuan, may narinig akong malakas na alulong — alulong na parang isang aso. Nanlaki ang mga mata ko na biglang may tumalon ng isang malaking nilalang papunta sa gilid ng lugar — sa sobrang laki nito ay tila ba kasing taas na nito ang isang elepante.
Hindi ito basta-basta nilalang lang kung hindi isang sigbin na umiinom ng dugo ng tao mula sa anino. Mailap hulihin ang ganitong klaseng nilalang, sapagkat mabilis ito magtago. Kaya nila tumagos sa lahat ng mga anino at hindi mo na namamalayan na nasa anino mo na s'ya, nagtatago at unti-unti na n'ya inuubos ang iyong dugo.
Kalahating aso at kambing sila, ang kanilang ulo ay parang ihahalintulad sila sa walang sungay na kambing ngunit may mahahabang tainga na katulad ng isang aso. Ang kanilang mga paa na pang-aso ay nasa likuran ang direksyon kung kaya pabaliktad sila maglakad. Ang ulo naman nila ay palaging nakayuko na nasa pagitan ng mga binti at nakatingin sa likuran. May mahahaba silang buntot na ginagamit nila panghampas sa kanilang kalaban. May nakakasuka ring amoy ang mga ito, ang dahilan kung bakit pahirapan ang paglapit sa kanila at puksain.
Ang nakakatakot na nilalang na ito ay pinana ng mga kawal, ngunit mabilis din s'ya nagtago sa mga anino ng mga puno, agad naman siya sumulpot sa kabilang lugar at sinalakay sila. Sa lakas ng paghampas sa kanila ng mahaba n'yang buntot ay nagsitalsikan ang mga nahagip na mga kawal. Sunod niya sinalakay ang iba gamit ang kan'yang matutulis na mga paa.
Sabi na nga ba at masama ang kutob ko sa gabing ito. Kung nakinig lang s'ya sa akin, ligtas pa sana kami.