KABANATA XII: IMAHE

1298 Words
Nakahiga sa malaking kama habang nakaupo ang hari na nananatiling nakayakap sa akin, dumating ang babaylan sa tamang oras. Agad naman n'ya ako pinuntahan. Laking gulat n'ya na ako'y makita. "Siya ba? Siya ba ang tinutukoy ninyo?" paglilinaw ng babaeng babaylan habang siya ay nakatingin sa akin. "Oho, mahal na babaylan" tugon ni Heneral Osis sa kan'ya. "Kailangan ko ng katahimikan at malawak na lugar. Lahat kayo maliban sa kan'ya," sabay turo sa akin, "ang matitira lang dito." "Hindi iyan maaari. Kailangan kasama n'ya ako. Mananatili ako sa kan'yang piling," mabilis na pagtanggi ng hari sa kan'ya. "Kamahalan, kung nais ninyo gumaling ang babaeng iyong pinapahalagahan, gawin ninyo ang pinapagawa ko," seryosong sambit niya. Kitang kita ko sa kan'yang mukha na hindi siya natatakot sa kaharap niya, kahit hari na mismo ang kan'yang kinakalaban. "Isa pa, 'wag na 'wag kayo papasok kahit ano pa ang marinig ninyo sa loob." "Subalit, ako'y nangako na mananatili ako sa kaniyang tabi," inis na sumbat niya. Hinaplos ko ang kan'yang kamay at tumingin. Sinubukan ko siya ngitian upang ipaalam na ayos lang ako. Huminga siya nang malalim at binigyan ako ng isang halik sa noo. 'Tsaka niya sinunod ang babaylan. At ngayon, kami na lang dalawa ang nandito. Nilapitan n'ya ako. "Bumangon ka. Umupo ka nang maayos upang sa ganoon ay masuri ko ang iyong katawan." Sinunod ko ang babaylan at ako ay bumangon. Kinuha n'ya ang aking dalawang kamay at s'ya ay nagdasal. Hindi ko maunawaan ang kan'yang binibigkas. Iba ang lengguwahe ang sinasabi niya. Nananatili siyang nagdadasal habang nakapikit, unti-unti na rin itong bumibilis at lumalakas. Sabay nito ang pagdaloy ng init sa buo kong katawan hanggang sa pumunta ito sa aking likuran. Kakaiba ang init na aking naramdaman lalo na't nang ito ay dumaloy sa aking likurang beywang kung nasaan ang aking tatu. Sa sobrang init ay ako'y napasigaw. Sabay sa aking sigaw ang mga alaalang hindi naman akin. Mga taong kahit kailan ay hindi ko pa nakikita, mga senaryo na hindi ko naman naranasan, at mga lugar na kahit kailan ay hindi ko pa napuntahan. Ang lahat na iyon ay mabilis na pumapasok sa aking isipan hanggang sa makarating ako sa dulo — isang imahe ng tao, isang babae na malaki ang pagkakahawig sa akin. Ilang sandali lang ay huminto s'ya sa kaniyang dasal. Kasabay nito ay ang pagpawi ng init sa aking katawan ganoon din ang mga alaalang aking nakita. Aking hinabol ang hininga ko at saka ko inalis ang mga kamay ko sa kan'ya. Naramdaman ko rin ang kalakasan sa aking katawan na hindi ko pa naranasan noon, gumaan din ang aking looban. Tumingin ako sa babaylan at nagwika, "Anong… Anong ginawa niyo po sa akin? A-anong… Bakit may mga alaalang pumasok sa isipan ko na… na hindi naman po iyon s-sa akin?" "Minerva ng Normia, ang ginawa ko lang sa iyo ay inalis ang mga masasamang puwersang sumasagabal sa iyong isipan at damdamin. Mga puwersang humahadlang sa tunay mong misyon." "M-misyon?" Ako ay naguluhan. "Minerva," saka niya kinuha ang aking kanang kamay at ito'y hinawakan, "isa kang natatanging babae sa lahat. Pinagpala ang iyong dugo ng ating Bathala at may tinataglay kang lakas at kapangyarihan na magpapabago sa sanlibutan," wika niya. "Ano pong pinagsasabi niyo? Ano pong misyon? Ano pong pinagpala? Pinagpala po ba ang isang babaeng katulad ko? Sa tingin n'yo po ba biyaya ang natatanggap ko sa malaimpyernong lugar na ito?" Nakaramdam ako ng galit sa mga kasinungalingang binitawan ng babaylan sa akin. Tumayo ako at nilayuan s'ya. "Kung ako nga ang babaeng tinutukoy n'yo, bakit hinayaan lang kami ni Bathala mangyari ito sa amin? Sa akin? Sa sinasabi niyong babaeng pinagpala?" tanong ko. "Hija… Ang lahat na nangyayari sa iyo ay mga pagsubok lamang na binigay ni Bathala." "Lintik na pagsubok na iyan! Palagi na lang "pagsubok" at "plano ni Bathala" ang mga naririnig kong dahilan sa oras na may nangyaring masama! Kung s'ya nga ang makapangyarihan sa lahat, bakit niya hinayaan mangyari ang lahat na ito!?" singhal ko. "Ikaw! Isa kang babaylan. Kaya mo kausapin ang mga diwata at diyos! Bakit hindi mo siya tanungin tungkol sa nangyari sa akin!? "Kung tunay nga ang iyong sinabi... pakiusap lang ayoko na nito. Pakiusap lang bawiin niyo na kung ano mang meron sa pagiging "pinagpala" ko upang makasama ko na ang aking pamilya." Muli ako nanlambot at bumigay. Umiyak na tila ba bata sa harapan ng babaylan sabay ang pagbagsak sa sahig. "Gusto ko lang naman makasama ang pamilya ko… B-bakit naman nila pinagkaitan sila sa 'kin? Sila lang ang natatangi kong kayaman sa mundo… B-bakit naman ganito? Anong klaseng diyos iyan!?" "Tulad nga ng sinabi mo, may kakayahan kaming kausapin ang mga diwata at diyos; mga espiritu, mabuti man o masama, subalit hindi nangangahulugan na kaya namin alamin ang kanilang iniisip." Narinig ko ang mga yapak n'ya na papalapit sa akin. "Kung ano man ang iyong naranasang hirap at lungkot, ako'y lubos-lubos na humihingi ng kapatawaran sa iyo at sa iyong pamilya. Nais ko man gawin ang iyong hinihiling, subalit wala akong kakayahan na baguhin ang nakatadhana. "Gusto ko rin alisin ang lungkot na nararamdaman ng iyong puso, subalit hindi ako isang diyos upang gawin ito. Isa lang din akong tao at gano'n ka rin. Nakakaramdam ka ng sakit, lungkot, ngunit sa kabila ng lahat may kasiyahan at kapayapaan ka malalasap. Hindi mo lang ito mararanasan ngayon, ngunit kung ikaw ay babangon at haharapin ang iyong lungkot, malalagpasan mo ito. "Ako ay lubos na naniniwala sa iyo, Minerva ng Normia, at sana ay gano'n ka rin sa iyong sarili. Maniwala ka sa iyong sarili na malalagpasan mo ang lahat ng mga pagsubok na binigay sa 'yo," sagot niya sa akin na may pag-aalala. Tumingala ako para makita ang hitsura ng babaylan. Nakita ko ang malaki at maamo niyang ngiti sa akin. Akin namang pinunasan ang mga luha at tumayo. Niyakap s'ya at humingi ng kapatawaran sa pagiging bastos ko sa kan'ya. Hinimas niya ang aking likuran at nagwika, "Ayos lang iyan, hija. Pinapatawad na kita. Lahat tayo ay nagkakamali subalit sa kabila noon, natukoy natin ang naging kamalian natin at tayo'y humingi ng kapatawaran sa taong ginawan natin ng kamalian. Hindi lang ako ang dapat mo hingan ng tawad, hija." Pagkasabi niya ay inalis ko ang yakap sa kan'ya. Muli ko pinunasan ang mga luha ko at saka tumango. "Siguro… Siguro hindi muna sa ngayon. Hindi pa handa ang sarili na humingi ng tawad kay Bathala. Hanggang ngayon ay s'ya pa rin ang sinisisi ko sa lahat ng masasamang nangyari sa akin," nahihiya kong sagot sa kan'ya. Hinaplos niya ang aking pisngi at ngumiti. "Alam ni Bathala ang nararamdaman mo at hihintayin n'ya na magbalik loob sa kan'ya. Palagi ka niya hihintayin, hija, gaano pa iyan katagal. Sinisiguro ko na patatawarin ka rin niya." Nailang ako na tumingin sa kan'ya kung kaya tumango na lamang ako. Inalis n'ya ang kaniyang haplos sa aking pisngi at huminga nang malalim. "Minerva," tawag niya sa akin. "Tandaan mo ang aking binanggit. May nakatadhana sa iyo na makapagbabago sa sanlibutan. Kailangan mo maging matatag at malakas sa lahat ng oras. Hindi ko man makita kung ano ito, subalit sa mga sinabi mong mga alaalang iyong nakita, naniniwala ako na makatutulong ito sa iyong misyon. Paalala rin, ang iyong malaking kalaban ay wala ng iba kun'di ang iyong sarili, Minerva. Huwag na huwag kang magpapalamon sa iyong galit." Napakunot ako ng noo sa mga winika niya. Hindi ko makuha ang kan'yang binanggit lalo na tungkol sa misyon. Muli ko inalala ang mga imaheng pumasok sa aking isipan, mga alaalang makatutulong(?) sa aking misyon. Pinikit ko ang aking mga mata. Sinubukan tandaan ang mga ito hanggang sa makaramdam na lang ako ng isang malamig na hanging humaplos sa aking pisngi. Ako ay dumilat at namangha sa aking nasaksihan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD