KABANATA XV: DINIG

1221 Words
Nang gabing iyon habang lahat ay nagpapahinga at nagpapagaling, nagpasama naman ako sa dalawang kawal na nakaatas sa akin na ako'y bantayan upang magtungo sa isang ilog. Umupo ako sa tabi at kitang kita ko ang repleksyon ng malaking buwan na nasa harapan ko. Inilubog ko ang puso ng sigbin at nasaksihan ko ang unti-unti nitong pagtunaw hanggang sa maging isang maliit na bato ito. Kinuha ko ito at aking sinuri. Napakaitim nito at may nakikita pa akong mga itim na usok na lumalabas sa paligid nito. Kung isa itong pangkaraniwang sigbin, dapat lubusan na natunaw ang puso sa oras na nilubog ito sa tubig. Ngunit, sa pagkakataong ito, iba ang nangyari. Isa lang ang naiisip kong dahilan ng pagbabagong ito, wala ng iba kun'di ang mga aswang. Ayon sa sinabi ni Manong Silyo, ang sigbin ay isa sa mga alaga ng mga aswang. Kung may kakayahang manipulahin ng mga aswang ang halimaw na ito, makakaya rin nila gawin ito sa iba pang mga halimaw. Maaari nilang palakasin ito, upang mangwasak sa sangkatauhan. Lalo ako kinabahan na madiskubre ang tungkol dito. Tumayo ako at agad na bumalik, upang ipaalam sa hari. Bago pa ako papasok sa aming tolda, huminto ako at nagdesisyon na 'wag na lang ituloy. Sigurado ako na hindi na naman s'ya makikinig sa akin. Kahit kailan ay hindi naman siya nakinig sa katulad ko, hindi na kataka-taka iyon. Nagdesisyong puntahan na lamang ang punong heneral. Sigurado ako na papakinggan niya ako. Naabutan ko si Heneral Osis na tumutulong sa mga sugatan at dahil do'n, minabuti ko na lang na hintayin s'yang matapos. Nang siya'y tumalikod, ako ay kaniyang napansin at dali-dali ako pinuntahan. "Magandang gabi, binibini, ano ang maipaglilingkod ko sa iyo?" bati n'ya sa akin na sabay s'yang yumuko. "Maaari ba kita makausap na tayo lang sana?" bulong ko. Tumingin s'ya sa aking likuran at napansin ko na umalis ang dalawang kawal na sumusunod sa akin. Niyaya niya ako pumunta sa gilid, malayo sa mga tao. "Ano ang nais ninyong sabihin sa akin, mahal na binibini, at tila malalim ang iyong iniisip?" mabilis niyang tanong. "Alam ko hindi kapani-paniwala ang babanggitin ko sa iyo, ngunit ikaw lang ang maaasahan ko sa gan'tong bagay." Nagulat si Heneral Osis sa aking winika. "Ako ay… lubos nasiyahan sa iyong sinabi, subalit hindi ba dapat sa hari ninyo sabihin kung ano man ang nais ninyong ipabatid sa akin? Ayon sa iyong mukha ay tila bang mahalaga ang iyong sasabihin ngayong gabi," suhestiyon niya. Inirapan ko ang punong heneral at saka bumuntong ng hininga. "Kahit kailan ay hindi makikinig ang hayo– ang hari sa akin," inis na usap ko sa kan'ya. "Mukhang nagkakamali kayo ng pagkakakilala sa kan'ya. Kung ano man iyan, naniniwala ako na papakinggan ka ng hari, Binibini Minerva," nakangiti niyang usap at inilahad ang kamay niya sa direksyon kung nasaan ang hari. Buntong hininga akong naglakad pabalik sa aming tolda. Sinamahan naman ako ng punong heneral hanggang sa makapasok ako sa loob. Pagpasok ay nadatnan ko ang hari na nakaupo at nakasandal sa kama habang siya'y ginagamot ng isang manggagamot na babae. Naglakad ako papunta sa gilid at umupo sa isang upuan na gawa sa kahoy. Kumuha ng mansanas at akin itong kinain habang pinagmamasdan s'yang nahihirapan. Makalipas ng mga ilang minuto ay natapos na ang manggagamot at agad na umalis. Pumikit ang hari upang siya'y magpahinga. Inubos ko naman ang kinakain kong mansanas. At nang makaubos, muli pa ako kumuha ng isa pang mansanas. "Hindi mo ba ako tatabihan?" pambabasag niya ng katahimikan. "Hindi," mabilis kong tugon, saka ko ito kinagatan. Idinilat niya ang kan'yang mga mata at tumingin sa akin. Sunod ay inilahad niya ang kan'yang kaliwang kamay. Natukoy ko naman ang nais n'ya iparating kung kaya buntong hininga ko siya pinuntahan at tinabihan. Sumandal sa kaniyang malaking braso at ginawa ko itong unan habang nakatingin sa sugat-sugat n'yang katawan. Naramdaman ko na lang ang malalim niyang hinga 'tsaka niya hinaplos ang aking buhok. "Sinabi sa akin lahat ni Heneral Osis ang ginawa mong plano upang patayin ang halimaw. Sa susunod, 'wag mo na ulit gagawin iyon. 'Wag mo ulit gagawing pain ang iyong sarili, mahal ko," mabagal niyang sambit. "Wala na ako maisip pa sa mga oras na iyon. Sa huli naman ay naging matagumpay ang aking plano," sagot ko na may halong inis. "Kahit na…" "Kung nakinig ka lang talaga sa akin…" "Oo na." Saka n'ya ako hinalikan sa noo at niyakap. Sunod niyang hinawakan ang aking baba at iniangat ito, dahilan na kami ay magkatinginan. "Maaari ko ba tikman ang kinakain mong mansanas?" malambing niyang tanong. Inangat ko ang hawak kong mansanas, subalit kan'ya niyang hinawakan ang aking pulso. "Hindi iyan…" Pagkasabi ay marahal niya ako hinalikan. Nadala ako sa mabagal niyang halik dahilan ng paghalik ko rin sa kan'ya. Subalit agad ko rin inalis ang labi ko sa kan'ya nang hindi ako tuluyang malunod sa matamis niyang halik. Kasunod no'n ay mabilis akong bumangon. "Malubha ang natamo mong sugat, kailangan mo pa magpahinga," wika ko habang nakalihis ang tingin sa kaniya. "Gusto ko lang naman malasahan ang mansanas mula sa iyong labi. Ano ba ang nasa isip mo at bakit gan'yan na lang ang naging reaksyon mo?" Kahit hindi ko nakikita ang kaniyang mukha, nararamdaman ko na pinagtatawanan niya ako. "K-kahit na, magpahinga ka na. Isa kang hari at dapat maging maganda kang huwarang sa iyong tauhan. K-kapag nakita ka nila na mahina ka, bababa ang tingin nila sa iyo," tugon ko na may halong taranta. "Kung iyon ang iyong nais." Saka n'ya hinalikan ang aking balikat. Agad ako napatingin sa kan'ya at napahawak sa aking balikat. Nakita ko ang nakakainis niyang ngisi at saka s'ya sumandal. "Ano 'yang nasa kamay mo? Kakaibang bato iyan, sobrang itim," pag-iiba niya ng usapan. Tiningnan ko ito at naalala ang tunay kong pakay kung bakit ako narito. Tumingin ako sa hari at nilapitan. "Ang totoo niyan ay kaya ako nandito para ipaalam ito sa 'yo. Tungkol sa batong ito, may nadiskubre kasi akong kakaiba sa halimaw," sagot ko. "Hindi ka ba nagtataka sa hindi pangkaraniwang laki ng halimaw na sumalakay sa atin?" "Sa katunayan niyan ay ngayon lang ako nakakita ng gano'ng klaseng halimaw." "Seryoso ka? Ibig mo bang sabihin ay wala kang ideya sa halimaw na lumusob sa atin?" Umiling siya bilang pagsagot sa akin. "Ngayon ko lang din nalaman ang pangalan ng halimaw. Sigbin pala ang ngalan nito? Ha! Kakaibang pangalan at halimaw, sayang lang at ito'y natunaw. Ibig ko sana iuwi ito sa kaharian nang maging isa sa tropeyo ko at ilagay sa tabi ng aking trono. Gagawin kong panakot sa mga pumepeste sa akin," nakangiti niyang tugon. Hindi ko maunawaan ang huli n'yang binigkas. Akin lamang ito hinayaan. "Kaya pala para kayong mga bata kaharap siya. Akala ko naman…" Bumuntong ako ng hinga. At saka ko tinuloy ang pagpapaliwanag. Pinaliwanag ko na rin kung anong klaseng nilalang ang sigbin gano'n na rin sa aking nadiskubre. Laking gulat ko nang makitang seryoso ako pinapakinggan ng hari. Tunay nga ang sinabi ni Heneral Osis sa akin. Nagtanong pa s'ya ng mga ilang bagay. Bukod sa sigbin, tinanong niya rin ako tungkol sa aswang, at sa iba pang nilalang. Ngayon lang niya napakinggan ang mga binanggit kong nilalang kaya naman ngayong gabi, isinalaysay ko sa kan'ya ang lahat ng mga nilalang na aking nalalaman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD