KABANATA XIX: GRANDORYA

1711 Words
Simula nang gabing iyon, sinubukan ko na lumayo sa hari, ngunit ako'y nahihirapan dahil sa palagian niyang pagdikit na parang linta. Laking gulat ko rin na hindi na rin n'ya ako ginalaw o pinagsamantalahan – hindi pinupuwersa ang nais n'ya gawin sa akin. Palagi lamang niya ako niyayakap at binibigyan ng halik sa ulo, noo, leeg, at kamay. Kahit na ganoon, tunay akong nadadala sa mga pang-aakit at muntikan na bumigay. Mabuti na lamang at nasa tamang katinuan pa ako. Wala akong ideya kung ano ang nakain niya, subalit ako'y nagpapasalamat dahil huminto siya sa patuloy niyang pagpapapagod sa 'kin tuwing gabi. Sana magtuloy-tuloy ang asal n'ya kahit ang lahat na ito ay pakitang tao lamang. Makalipas ng ilang mga araw, muling bumalik ang manggagamot upang suriin ang mga sugat n'ya. Nakita ko sa mukha ng matandang babae ang kaginhawaan at masaya niyang binatid sa amin na tuluyan na humilom ang kan'yang mga sugat. Nakaramdam ako ng kaba nang marinig iyon. Natatakot ako na baka halayin na naman niya ako sa oras na gumaling na s'ya. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, nawala ang aking agam-agam nang hindi niya ako ginalaw sa mga sumunod pang mga araw. Hanggang sa kami ay nagpatuloy na sa aming mahabang paglalakbay. Ilang mga araw, linggo, at buwan na rin ang nagdaan nang kami ay nakarating sa kaharian ng Grandorya — ang kaharian ni Haring Ezekiel de Francia. Malayo pa lang ay tanaw ko na ang malawak at malaki niyang kaharian. Pinalilibutan ito ng mga malalaki at matatayog na harang. Kitang kita ko na makapal at matibay ito na talagang mahirap sirain at pasukin. Habang palapit na kami sa lugar, hindi ko maiwasan na makaramdam ng takot. Ako ay kinakabahan sa maaaring kahihinatnan ko sa loob ng palasyo. Sigurado ako na magiging mahirap ang mararanasan ko kumpara sa naranasan ko nang kami ay naglalakbay pa. Habang ginugulo ako ng aking pangamba, may isang yakap mula sa likuran ang aking naramdaman. Ang isang braso ni Haring Ezekiel ay nakayakapos sa aking katawan habang sakay sa itim na kabayo. Hinigpitan pa niya ang kan'yang yapos at aking naramdaman ang init ng kan'yang hininga mula sa aking tainga. Nang dahil sa kaniyang yakap, kahit papa'no ay nabawasan ang aking pangamba. Pagkarating namin sa harapan ng malaking pinto, dali-dali naman kaming pinuntahan ng mga kawal na nagbabantay sa lagusan at luminya sa aming dadaanan. Sabay-sabay nilang niluhod ang isang tuhod at niyuko ang kanilang mga ulo upang magbigay ng respeto sa haring nasa likuran ko. May dalawa namang kawal na nasa pangalawang palapag ang nagpatunog ng malaking kampana. Sa sobrang lakas ay sigurado ako rinig ito sa buong lugar. Pagkabukas ng malaking pinto ay nakita ko ang kagandahan ng lugar. Magaganda at malalaki ang mga tahanan at gusaling nakatayo sa lugar na 'to – tunay na naiiba sa aming bayan. Nakita ko rin ang mga taong luminya sa aming dinadaanan at masaya nilang pinupuri ang hari pati na rin ang mga kawal na kasama namin. May mga bulaklak at panyo pa silang hinahagis sa mga kawal na lumahok sa ekspedisyon. Sa oras na ito, ako ay nakaramdam ng inis. Naiinis ako dahil ang mga pinupuri nila ay ang mga taong walang puso at walang awang pumatay ng mga inosenteng tao at sumira ng maraming bayan. Bumabalik sa aking isipan ang lahat ng mga nasaksihan ko sa bawat puri nila. Dali-dali ko tinakpan ang aking mga tainga at niyuko. Bigla na lamang kumirot ang aking noo. Bukod sa mga sigawan ng mga tao, may isang pamilyar na bulong ang muli kong narinig. Bulong na narinig ko mula sa kagubatan. Sumasabay ito sa mga sigawan ng tao na unti-unting lumalakas. Tila ba tinutusok ang aking ulo sa sobrang sakit. Huminto lang ang mga bulong nang niyakap muli ako ng hari. "Mahal ko, ayos ka lang ba?" Isang bulong na nagpaginhawa sa aking kalooban. Akin siyang nilingunan at nasaksihan ko mula sa mga mata ang kan'yang pag-aalala. Gusto ko sabihin na ayos lang ako, subalit siguro dahil sa pagod, sinagot ko ang tunay kong nararamdaman. Umiling ako at muling hinawakan ang aking noo. Naramdaman ko ang labi niya na dumampi sa aking noo. "Huwag ka mag-alala, malapit na tayo. Makapagpahinga ka na," sagot n'ya at bahagya niya binilisan ang aming sinasakyang kabayo. Nang kami ay nakapasok sa palasyo, sunod siya bumaba sa kabayo at inalalayan akong bumaba. Nagulat ako na bigla niya ako binuhat. Marami masyadong tao ang naroroon, may mga magaganda pa silang kasuotan at sa pakiwari ko ay matataas ang kanilang katungkulan. "H-haring Ezekiel, maaari mo na ako ibaba," nahihiya kong bulong sa kaniya. "Mahina ka pa," tipid niyang sagot. Sabay-sabay nilang binati ang hari at may mga taong gusto siya kausapin, ngunit hindi niya ito pinansin. Dire-diretso lang siya pumasok sa palasyo. Ako ang nahiya sa kan'yang ginawa kaya naman napakapit ako sa suot niya at humarap sa kaniyang dibdib. Ayokong makita nila ang namumula kong mga pisngi. Habang buhat, nakita ko ang ganda at laki ng loob ng palasyo. Ako ay namangha sa aking mga nasaksihan. Gan'to pala ang loob ng palasyo? Ang daming mga bagay na ngayon ko lang nakita. Ang mga disenyo sa mga dingding, lapag, at higit sa lahat sa kisame ay tunay na kamangha-mangha. May mga ginto paat diyamanteng nakadikit sa dingding. Iyon siguro ang dahilan kung bakit nagniningning ang loob ng palasyo. Nang pumasok sa isang mahabang pasilyo, nagbigay ng utos ang hari na 'wag kaming sundan. Malalim at wala siyang emosyong pinapakita sa mga taong sumusunod sa amin. Hindi ko alam at baka guni-guni ko lang 'to, subalit para ba siya'y galit sa mga oras na ito. Nagagalit ba s'ya dahil sa akin? Dapat sinabi ko na lang sa kan'ya na ayos lang ako. Sa pangalawang palapag, pumasok kami sa isang malaking kulay gintong pinto at saka pinaupo ako sa isang malaki at malambot na kama. May mga kawal na nananatili namang nasa labas ng pinto, sila ang nagbukas nito at sa ngayon, kanila na 'to isinara pagpasok namin. Kami na lamang dalawa sa loob ng malaki at magandang silid. Lumuhod s'ya sa aking harapan at tinanggalan niya ako ng mga sapatos. Tumingala siya sa 'kin at tinitigan ako, bigla naman lumambot ang tingin niya. "Ayos na ba ang pakiramdam mo? Hindi na ba sumasakit ang ulo mo? Malayo-layo na tayo sa mga tao, hindi ka na mariringgi pa." Ako'y nabigla sapagkat natukoy niya ang rason kung bakit sumakit ang aking ulo. Hindi ko naman sinabi sa kan'ya ang dahilan, ngunit mabilis niya itong nalaman. "Hindi ka galit sa akin?" "Bakit naman ako magagalit sa iyo?" Umiling siya habang nakangiti. Sabay siyang tumayo at sumigaw, "May tao ba r'yan?" May isang babae ang pumasok sa silid habang nananatiling nakayuko ang kaniyang ulo. "Ano ho ang ipaglilingkod ko sa inyo, mahal na hari?" tanong n'ya. "Maghanda kayo ng tubig pampaligo at makakain. Kayo na ang bahala sa kan'ya. Ibigay ninyo ang lahat ng naisin ng aking mahal." Saka niya ako nilingunan at binigyan ng mainit na ngiti. "Masusunod ho." At saka s'ya lumabas ng silid. "Minerva, dito ka muna at may gagawin pa ako. Gusto ko man manatili sa iyong tabi, subalit may mga peste ako nakita na gustong gusto ko na patahimikin," nakangiti n'yang sambit. Tumango lamang ako kahit hindi ko maunawaan ang kan'yang binanggit. Parang wala naman akong nakitang hayop o insekto sa palasyo para tawagin n'yang peste. Siguro, nakaligtaan ko lang sila tingnan dahil buhat-buhat n'ya ako papasok. Binigyan niya ako ng isang halik sa aking noo bago s'ya tuluyang umalis sa silid. May narinig naman akong nagsasalita mula sa labas, ngunit dahil sa layo ko mula sa pinto, hindi ko ito narinig nang maayos. Sabay no'n ang pagpasok ng mga ilang kababaihan na pare-pareho ang kasuotan maliban nga lang sa isang babae na nakausap ng hari. Ang iba ay pumasok sa isang pinto na nasa bandang tapat ko, ng kama, at akin ito sinilip. Natukoy ko na isa pala iyong malaking paliguan. Sinunod nila ang utos ng hari. Naghanda sila na maliliguan ko at tinulungan nila ako paliguan. Pagkalabas ko ay mayro'n na masasarap na pagkain ang naghihintay na sila'y kainin. Ako ay natakam sa amoy nito lalo na sa amoy ng bagong lutong karne. Kakaiba rin kung paano ito ihanda, tunay na pangmaharlika ang mga pagkaing nakahanda. Tumingin ako sa aking paligid at nag-alala. Nilapitan naman ako ng babaeng natatangi ang kasuotan sa mga babaeng kasama ko at nagtanong, "May problema ho ba, mahal na binibini?" "Umm… Nais ko sana matukoy kung nasaan si Nanay Rosalia. Alam mo ba kung nasaan siya?" "Ipagpaumanhin ninyo ngunit wala akong kilalang Nanay Rosalia... 'Wag ho kayo mag-alala, kung nais ninyo papuntahin ang taong iyong hinahanap, amin siya hahanapin at dadalhin dito upang sa gano'n mapawi ang iyong lungkot." Sobrang kalma n'yang sumagot at malumanay pa. Naging panatag ang damdamin ko sa kan'ya kahit na ngayon pa lang kami nagkikita. "Maraming salamat," masaya kong tugon. Nakita ko ang panlalaki ng mga mata niya at bahagyang napaatras. Ngunit napalitan din ito ng tuwa. Ako'y naguluhan sa kan'yang naging reaksyon. May nasabi ba akong mali kung kaya s'ya nagulat? "Mahal na binibini, wala ho kayo sinabing masama bagkus ay nasiyahan ako sa iyong binanggit." Napahawak ako sa aking bibig. Paano niya nalaman ang nasa isip ko? Kaya ba niya basahin ang iniisip ko? Bahagya siyang tumawa. "Hindi ko ho kaya magbasa ng iniisip ng tao, nalaman ko lang 'to sa iyong naging reaksyon, mahal na binibini... Sa tagal ko na ho naninilbihan sa palasyo… sabihin na lang natin na nakakuha ako ng paraan para manatili nang matagal dito," paliwanag niya at saka s'ya tumawa nang mahinhin. "Kung iyo hong mararapatin, maaari niyo ho ba ilarawan ang iyong hinahanap ganoon na rin ang kan'yang ngalan?" Tumango ako at akin siya sinagot. Pagkatapos ay nagpaalam siya at sila'y lumabas. Sa ngayon, ako na lang ang tao nandito sa silid. Gustuhin ko man kainin ang mga pagkaing nakahain, ayaw ko naman na ubusin ito na hindi kasama si nanay. Sa tingin ko rin ay hindi ko ito mauubos sa daming pagkaing nakahanda. Makalipas ng mga ilang minuto, narinig ko ang pagbukas ng pinto. Mukhang nandito na si nanay. Masaya ko tiningnan ang nakabukas na pinto, ngunit napalitan din ito ng pagdududa nang makita ko s'ya. Anong ginagawa niya rito?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD