May isang magandang babae na may itim at maganda ang pagkakapusod ng buhok, kayumangging mga mata, namumulang labi, at may mga magagandang palamuti sa kan'yang katawan ang pumasok sa silid. Suot ang isang maganda at kumikinang na pulang baro at malagintong korona, tukoy ko na kung sino ang taong ito.
Agad ako tumayo at nagbigay respeto. Hindi ako nagsalita sapagkat isa sa tinuro sa 'kin ng hari ay paunahing magsalita ang may mataas na katungkulan at hintayin na kausapin ako bago pa 'ko magsalita. Ngunit pahabol pa niya, natatangi lang daw ako sa kan'ya sa oras na kaharap ko s'ya. Wala siyang pakialam kung ako ang maunang magsalita kaysa sa kan'ya o murahin ko pa siya. Talagang mumurahin at lalaitin ko siya sa ayaw man o sa gusto niya.
Habang nakayuko, narinig ko ang tunog ng yapak ng mga sapatos palapit sa 'kin. Hinawakan niya ang aking baba at ako'y sinuri. Sunod niyang hinawakan ang aking buhok, ngunit hindi rin nagtagal ay binitawan na rin niya ito na may pandidiri. Kahit hindi nagsasalita, dama ko ang nararamdaman n'yang galit mula sa 'kin. Hindi na katakataka ang namumuo niyang galit sa babaeng kasa-kasama ng hari kumpara sa kaniya — sa reyna.
"Halata naman na magiging isang laruan ka lang ng hari. Dahil natatangi ang iyong hitsura, sigurado ako itatapon ka rin niya sa oras na pinagsawaan ka n'ya," nakangisi niyang usap. "Lubos-lubusin mo na ang pananatili sa palasyo sapagkat hindi rin magtatagal ang isang katulad mong hampaslupa." Saka siya naglakad palabas, kasunod ang ilan na mga babaeng nakabuntot sa kaniya.
Nasaktan ako sa kan'yang sinambit. Tama naman ang kaniyang tinuran. Nang dahil sa natatangi kong anyo, nananatili pa rin akong buhay at tinatamasa ang buhay ng isang babae ng hari. Tila ba kahapon lamang ay isang hamak lamang akong babae na nakatira sa bukid at ngayon, nakatira na ako sa malaking palasyo na pinapangarap ng halos lahat ng kababaihan sa buong kontinente. Sa kabila no'n, hindi ko pa rin makalimutan kung ano ang ginawa ng kakaiba kong hitsura. Isa lang naman itong dahilan kung bakit pinatay ang aking pamilya.
Mga ilang sandali pa ay muling nagbukas ang pinto, sa pagkakataong ito ay si Nanay Rosalia na ang pumasok kasama ang mayordoma ng hari. Agad ko siya niyakap nang napakahigpit.
"Oh, hija, grabe naman ang yapos mo sa 'kin, para bang hindi tayo nagkita nang napakatagal," natatawa niyang wika.
"Pasensya na po, 'nay. Sa ngayon po, gusto ko po kayo makayakap," mahina kong tugon.
Wala akong narinig na salita mula sa kaniya. Binalikan n'ya ako ng yakap at saka hinaplos ang aking likuran. Mukhang tukoy na ni nanay na may dinadamdam ako kaya hindi na niya tinanong ang kakaiba kong kilos.
Hindi rin nagtagal ay ako'y kumawala na sa mainit niyang yakap. Pagkatapos ay akin siyang niyaya, sabay naming pinagsaluhan ang pagkaing nakahanda kahit na malamig na ang mga 'to.
"Ano ka ba… Ayos lang na malamig na ang mga iyan, hija. Tingin pa lang nakakatakam na. Mas pipiliin ko pa iyan kumpara sa kinakain natin no'ng naglalakbay pa tayo," masayang sagot ni nanay sa 'kin.
Akin siya ningitian at sinabayan sa pagkain.
Nang makapagpahinga, pagkatapos naming kumain, nilapitan ako ni Dahlia — ang mayordoma ng hari — upang ipabatid sa akin ang habilin ni Haring Ezekiel.
"Pinapaabot ho ng mahal na hari na kayo ay manatili sa kan'yang silid hangga't hindi pa siya nakakabalik. Kung may nais kayo, kahit na ano, walang atubili ho kayo magbigay ng utos sa amin. Agad ho namin ito ibibigay, mahal na binibini," ika niya.
Ibig sabihin na ang malaki at magandang silid na ito ay silid ng hari?
Bakas sa sinabi ni Dahlia, sa tingin ko ay gagamitin na naman ako ng hari upang painitin ang kan'yang gabi. Mukhang gan'to lang ang posisyon ko sa lugar na 'to. Nakakatawa ngunit nakaramdam ako ng kirot sa aking puso. Sobrang sakit. Naaawa rin ako sa aking sarili. Gan'to lang ba ang papel ko sa buhay? Ito ba ang kapalit ng pagtakas kay kamatayan?
"'Nay, nais ko po sana mapag-isa ngayon kung p'wede po sana," wika ko, pilit na ngumiti.
Buntong hininga siyang tumango at bago s'ya aalis, hinaplos niya ang aking pisngi. Nakita ko sa kaniyang itim na mga mata ang pag-aalala niya. Akin lamang siya ningitian upang, kahit papaano, mabawasan ang pangamba n'ya.
Naglakad ako papuntang terasa upang magpahangin. Mula sa aking tinatayuan, tanaw ko ro'n ang lawak ng kaniyang kaharian.
Hindi rin nagtagal ay pumasok na ako sa loob at humiga, iniisip sa mga posibilidad na mangyari sa akin sa palasyo.
Ano kaya ang mangyayari sa 'kin sa oras na pagsawaan na niya ako? Itatapon ba niya ko kung saan? Saan naman ako pupulutin lalo na't wala na akong mapupuntahan? Ano na lang ang kahihinatnan namin ni nanay? Ayoko naman na pati rin s'ya ay madamay sa kamalasan ko. Mas mainam na ilayo siya rito — malayo sa mga katulad nilang may dalawang mukha.
Lumipas ang mga oras, lumubog na ang araw. Hindi naman ako nakapagpahinga nang maayos dahil sa pag-iisip at pag-aalala ko. Nakakakain naman ako, sabay ni nanay, subalit kaunti lamang ang nakaya kong kainin. Nananatili pa kasi busog ang aking tiyan. Napagalitan pa nga ako ni nanay dahil kakapiranggot lamang ang akin nakain, ngunit akin lamang s'ya tinawanan at biniro upang siya'y maaliw at mabawasan ang galit. Ayokong sabihin sa kan'ya ang mga agam-agam na tumatakbo sa aking isipan, ayoko naman na mag-alala pa s'ya sa akin.
Kasalukuyan akong nakahiga sa malambot at malaking kama, mag-isa sa silid, nang pumasok na si Haring Ezekiel. Bago ang kan'yang suot at batay sa kan'yang mukha na siya'y galit at pagod na.
Ako'y bumangon. Napansin naman ako ng hari at naglakad papunta sa akin.
Batay sa mga titig niya, sa tingin ko ay kailangan ko na gawin ang nag-iisa kong tungkulin sa lugar na 'to. Inumpisahan ko na hubarin ang aking suot na puting bestida, subalit laking gulat ko nang agad niya ako pinigilan — hinawakan ang aking kaliwang kamay.
"Anong ginagawa mo?" Nagawa pa n'yang mainis.
"Kung ano ang dapat kong gawin," mabilis kong tugon. "'Wag ka nga magpanggap na 'di mo alam ang ginagawa ko. Ito naman ang dahilan kung bakit mo ako dinala sa palasyo mo, 'di ba, kamahalan?" natatawa kong usap.
Huminga siya nang malalim at inayos ang aking baro. "Mahal," saka niya hinalikan ang aking noo, "maayos na ba ang pakiramdam mo? Hindi na ba sumasakit ang 'yong ulo?"
Iyan na naman siya. Ginagawa niya ulit ito. Nagpapanggap siya na tunay siyang nag-aalala sa akin. Hindi ako hangal na agad na mahuhulog sa mga pagpapanggap niya sa kadahilanang ang lalaking nasa harapan ko ay mas masahol pa sa halimaw kung pumatay. Baka nga sa oras na pinagsawaan na n'ya ako, patayin na lang n'ya ako gaya ng ginawa sa aking pamilya at itapon kung saan.
Hindi ko s'ya sinagot. Aking nilihis ang tingin dahil sa galit na nararamdaman ko sa kan'ya.
"Minsan, gusto ko biyakin ang iyong ulo upang alamin ang mga iniisip mo," sambit niya. "Anong problema? Ba't parang marami ang iyong iniisip? May bumabagabag ba sa iyo? Sabihin mo lang sa akin kung sino sila at patatahimikin ko sila habang-buhay, aking mahal."
"Alam mo naman kung sino ang problema ko," may halong gigil na sagot ko sa kan'ya at saka ko siya tiningnan nang masama.
Hinaplos lang n'ya ang aking pisngi. Nakita ko ang paggalaw ng kaniyang labi. Tila ba may gusto siyang sabihin, ngunit kaniya iyon pinigilan.
"Mauna ka na matulog, may tatapusin pa akong trabaho." Saka siya naglakad palabas ng silid.
Napakagat ako sa labi dahil sa inis. Naiinis ako sa kaniya gano'n din sa akin. Naiinis ako sa sarili ko dahil sa pagiging mahina ko.
Paggising, naramdaman ko ang bigat ng aking katawan. Tila ba hindi ako makatulog nang maayos at naramdaman ang kirot sa aking mga paa.
Pagbangon ko, ako'y sumilip sa labas ng bintana. Nakita ko na nakasara iyon, kabaligtaran sa pagkakatanda ko kagabi. Siguro isinara iyon ni Dahlia o ni nanay habang ako'y tulog. Iniwan ko kasi bukas ang bintana upang masilayan ko nang maigi ang malaki at bilog na bilog na buwan. Sobra ako namangha sa buwan kagabi, tila ba nakita ko ang diyosa ng buwan, si Mayari, sa gabing iyon.
Sabay ng pag-alis sa kama, may nakapa naman akong isang bagay sa aking tabi. Nakita ko na braso ng hari ang aking nakapa at siya'y mahimbing na natutulog.
Dahan-dahan naman ako umalis sa kama, subalit agad naman n'ya ako niyakap mula sa likuran at inihiga ako sa kaniyang tabi.
"Kahit saglit lang, manatili ka muna sa aking piling, mahal ko," bulong niya.
Tinikom ko ang aking bibig. Pinipigilan ang sarili sa kakaibang nararamdamang bumubuo sa akin. Naramdaman ko na lamang ang pagbilis ng t***k ng aking puso at pagkiliti ng aking tiyan. Tila ba nakikipaghabulan ito sa kabayo at may mga paru-parong lumilipad sa aking tiyan lalo na't muli niya ako tinawag na 'mahal ko.' Siguro dahil ito sa namumuo kong poot sa kan'ya.
Tama. Galit nga 'tong nararamdaman ko, wala ng iba pa.
"Patawad, aking mahal." Laking gulat ko na humingi s'ya ng tawad. Hindi ko ito inaasahan. "Patawad… Patawarin mo ako sa aking nagawa, Minerva." Lalo pa niya hinigpitan ang kan'yang yakap.
Hindi ko alam kung ano ang sasabihin sa mga oras na 'to. Ako'y gulong gulo na. Mahal ko ang pamilya ko kaya gustong gusto ko bigyan sila ng hustisya ngunit… Sandali lang, ba't may 'ngunit' akong binanggit? Hindi tama ito. Mali ito. Minerva, ipapaalala ko lang sa 'yo kung anong klaseng demonyo, halimaw, ang lalaking iyan. Gumising ka.
"Mahal, may hihilingin sana ako sa iyo," bulong niya mula sa likuran.
Hindi ko s'ya sinagot.
"Nais ko sana na manatili ka muna sa aking silid. 'Wag na 'wag ka muna lalabas hanggang," bumuntong siya ng hininga, "sa hindi ko pa nililinis ang aking palasyo."
Napakunot ako ng noo. Ano ang ibig niyang sabihin?
"Ayoko naman na mamasyal ka sa palasyo na maraming duming nakakalat. Hayaan mo muna ako maglinis at sa oras na ako'y tapos na, malaya ka na makagagala pa rito. Sa ngayon, dito ka muna."
"Isa kang hari, bakit ikaw mismo ang maglilinis ng iyong kaharian? Kaya mo ba magwalis o punasan man lamang ang mga bintana gamit ang basang tuwalya, ha?"
Narinig ko na lang ang kaniyang halakhak. Nagulat naman ako sa kaniya. Nababaliw na talaga ito.
Lalo pa niya hinigpitan ang yakap sa akin at hinalikan ang aking ulo. Pagkatapos, siya'y bumulong, "Mas… Mas maganda pa sa pagwawalis at pagpupunas ng mga bintana ang aking gagawin. Hintayin mo lang."
Napaisip ako nang malalim sa kan'yang winika. Hindi ko matukoy kung anong tinutukoy niya ngunit may pakiramdam ako na ibang paglilinis ang binabalak niyang gawin.