KABANATA XVIII: LETRA

1675 Words
Kinabukasan, pinautos ng hari na puntahan s'ya ni Heneral Osis. Lalabas na sana ako sa tolda upang mag-usap ang dalawa, ngunit pinigilan ako ng hari. "Manatili ka sa aking tabi, mahal ko. Kailangan mo pa ipaliwanag kay Heneral Osis ang iyong nalalaman lalo na sa mga kakaibang nilalang na ating nakaharap at sa posible nating haharapin," paliwanag niya sa 'kin. Nagkatinginan naman kami ng punong heneral at nagdesisyong bumalik sa kan'yang tabi. Pinaupo niya ako sa aming kama habang siya ay nakasandal, nakatayo naman ang heneral. Inumpisahan ko isalaysay sa punong heneral ang aking nadiskubre. Miski s'ya ay hindi naunawaan ang mga binitawan kong salita sa kadahilanang wala rin siyang kaalam-alam sa mga halimaw at sa mga aswang. Ipinaliwanag ko pa sa kaniya ang lahat ng mga nilalang at engkanto na aking nalalaman upang sakali ay maunawaan na n'ya ang aking pinupunto. Nakita ko sa kaniyang mukha ang pagkagulat gano'n na rin ang pangamba. Marami rin siyang katanungan tungkol sa mga aswang at sa itim na mahika. Iilan lang din ang nalalaman ko tungkol sa mga aswang mas lalo na sa mga nilalang na gumagamit ng itim na mahika, subalit ang mismong itim na mahika ay wala. Nag-utos si Heneral Osis ng isang tao para itala ang lahat ng aking nalalaman. Mabilis naman na pumasok ang nasabing tao at agad naman din niyang nilathala ang lahat ng aking binigkas. Habang siya ay nagsusulat, ako ay namangha sa ganda ng kaniyang sulat-kamay. "Kahit mabilis mo ito sinusulat, napakaganda pa rin ng iyong pagsulat. Tila ba ikaw ay gumuguhit, ngunit mga linya at letra lamang ang iyong ginuguhit," masaya kong puri sa kan'ya. Nakita ko ang pagkamula ng mga tainga at pisngi nito. Nailang din s'ya at hindi ako magawang tingnan. "M-maraming salamat ho, m-mahal na binibini," nakangiti niyang tugon. Narinig na lang namin ang isang malakas na ubo ng hari at mabilis ako napalingon sa kan'ya. Nakita ko ang pagkunot ng kaniyang noo, bakas sa mukha niya na siya'y galit. Hindi ko na lang siya pinansin at muli ko binalin ng tingin sa lalaki. Napansin ko naman sa kan'yang hitsura na pawis na pawis ito at pakiwari ko'y siya ay natatakot. "B-binibini?" bulong niya sa akin habang nakatingin pa rin sa mahabang papel. "Hm?" "M-maaari ho bang h-huwag niyo na lang ako purihin? G-gusto ko pa kasi mabuhay nang matagal," mahina niyang pakiusap sa akin habang siya ay nanginginig. Ilang segundo rin bago ko nakuha ang kaniyang tinuran. Bahagya ako nainis sa sarili dahil sa ginawa ko sa kan'ya, ngunit mas lalo ako nainis sa hayop na iyon. Masama bang magpakita ng paghanga sa isang tao? Namangha lang naman ako sa kagandahan ng kan'yang sulat-kamay. Doon kasi sa aming bayan, iilan lang kami ang may alam sa pagsulat. Kayog manok pa nga ang sulat ko na mas lalong hindi maunawaan kung sino man ang nais magbasa nito. Sa totoo n'yan ay kakaunti lamang ang kaalaman ko rito gano'n na rin sa pagbasa. Iilan lang ang letrang kaya kong isulat at lahat na 'yon ay sa letra lang ng aking pangalan. Katulad lang din sa pagbabasa, iilan lang din ang kaya kong basahin at masyado pa ako mabagal. "P-pasensya ka na," bulong ko. Nang matapos ay hinintay muna niya matuyo ito bago niya ito iikot at talian ng pulang laso. Nagpaalam na rin ang dalawa upang pag-aralan ng punong heneral ang mga nilalang na aking sinambit. Sa oras din iyon ay kaming dalawa na lang ng hari ang natira sa loob. Napagdesisyunan ko lumabas nang makalanghap ng sariwang hangin, subalit pinigilan na naman ako ng makulit na lalaking 'to. Ano na naman ba ang gusto niya? "Ang sabi ko ay manatili ka sa aking tabi, Minerva." May halong gigil sa bawat salitang kan'yang binitawan. Buntong hininga ko siyang nilapitan at muling umupo sa kaniyang tabi. "Ano bang problema mo? Nais ko lang naman magpahangin sa labas, pati rin ba iyon ay pinagkakaitan mo na?" inis na usap ko. "Talaga? O baka naman may iba ka pang pakay bukod doon?" "Ha?" "May gana ka pa talaga makipaglandian? Sa harap ko pa talaga mismo? At sa mababang uri pa ng tao?" "Ano?" Hindi ako makapaniwala sa paratang niya sa 'kin. "Saang banda ko siya nilandi? Talagang gan'yan ang tingin mo sa akin?" "'Wag ka na tumanggi pa. Kitang kita ko na nilalandi mo ang isang pesteng katulad niya, Minerva. Baka nakakalimutan mo na babae kita." "Alam ko! Alam ko na babae mo ako! Sa tingin mo ba ay kaya ko pang makipaglandian sa iba lalo na't marumi na akong babae!?" sigaw ko. Nang dahil sa huli kong sinabi naramdaman ko na lang ang aking mga luhang namuo sa aking mga mata. Nakita ko ang paggalaw ng labi niya, ngunit tila ba pinigilan ang sarili na 'wag na lang ituloy ang kaniyang sasabihin. "Nais ko lang naman ipahayag sa kan'ya ang pagkamangha ko sa kagandahan niyang magsulat dahil… dahil hindi ko magawa ang kaya niyang gawin. Iilang letra lamang ang kaya kong isulat samantala siya alam niya lahat. Humahanga ako sa kaniya at… at naiinggit din." Hindi ko namalayan ang pagbagsak ng aking mga luha. Agad ko ito pinunasan at iniwas ang tingin sa kaniya. Hindi ko alam kung bakit ako naluluha. Siguro dahil sa sinabihan niya akong malandi. Ayoko sa lahat na sinasabihan ako ng ganiyan. Narinig ko na lang ang paggalaw niya at naramdaman ang kaniyang yakap. Mula sa likuran, siya ay bumulong, "Patawarin mo ako, aking mahal. Patawarin mo ako sa mga binitawan kong salita." Saka niya hinalikan ang aking leeg. "Hindi ko nais masaktan ang iyong damdamin. Nadala lamang ako ng damdamin." Nandidiri ako sa kaniya lalo na sa mga halik niya, ngunit kahit na gano'n ang aking nadarama, hindi ko naman magawang itaboy siya – alisin ang kaniyang mga yakap. Siguro dahil sa lungkot ng nadarama ko kaya naman naghahanap ang aking katawan ng makasasama at nagkataon naman na ang hayop na ito ang nasa tabi ko. Muli s'yang humiling ng tawad nang paulit-ulit habang hinahalikan ang aking leeg sabay nito ang mahigpit niyang yakap. Walang salita ang lumabas sa aking bibig sa mga oras na ito. Hinahayaan ko lang gawin niya ang nais niyang gawin sa aking katawan. Hanggang sa makawala na ako sa kaniyang mga mahihigpit na yakap. Sunod n'ya hinawakan ang aking baba at iniharap sa kaniyang direksyon. Pagkatapos ay hinalikan niya ang mga luhang nagkukumpulan sa aking mga mata, naging malambing na naman siya – pakitang tao. "Kung gusto mo, ako mismo ang magtuturo sa iyo kung paano magsulat gano'n na rin kung paano magbasa. Habang nagpapahinga pa ako, maturuan kita kahit papaano nang sa gano'n ay magaya mo o mahigitan mo pa siya. Ano sa tingin mo, mahal ko?" masaya niyang alok at binigyan ako ng mainit na ngiti. Wala akong nararamdaman na kahit na ano sa mga oras na ito miski tuwa. Tumango na lamang ako bilang pagtugon. Ako'y kaniyang binigyan ng halik sa noo at hinaplos ang aking pisngi. Muli n'ya ako niyakap mula sa likuran at bahagya ako nakasandal sa kaniyang dibdib habang nakahawak sa malaki n'yang braso. Naramdaman ko na lang ang matagal na halik sa aking ulo at siya ay huminga nang malalim. Naging payapa kaming dalawa sa araw na ito. Hindi na niya ako kinulit at tinupad nga ang binanggit sa 'kin. Lumipas ang mga araw ay marami na akong letrang naisusulat gano'n na rin sa aking pagbabasa, bumibilis na rin akong magbasa at makaunawa. Sa bawat araw na ginugugol naming dalawa, hindi ko na namamalayan ang pagiging malapit namin sa isa't isa. Abala kami sa k'wentuhan at tawanan nang kami ay nagbabasa ngayong gabi. Tunay naman kasi nakakatuwa ang aming binabasa. Lalo pa n'ya ako pinapatawa nang bumato pa s'ya ng mga biro na kahit baduy ay nakakatawa pa rin. Natauhan na lang ako nang mapaso ako ng kandilang nakasindi sa aking gilid. Agad ko ito hinawakan at minasahe. Mabilis namang kinuha ito ng hari upang suriin. "Hindi naman masyado malala. Mawawala rin ito," malambing niyang sambit at saka niya hinalikan ang daliring napaso. Mabilis kong inalis ang aking kamay mula sa kan'ya. "Inaantok na ako. Mauuna na ako," mabilis kong tugon. Nagdesisyon na akong bumalik na sa kama. Paglingon ko ay naaninag ko sa gilid ng aking mga mata na balak niya sana ako sagutin, subalit wala akong narinig sa kan'ya. Hindi niya siguro tinuloy ang nais niyang sabihin. Mabuti na lang dahil ayaw ko rin siya mapakinggan at makausap ngayon. Iniiwasan ko siya upang hindi ako mahulog sa kan'ya. Pakiramdam ko ay nahuhulog na ako. Hindi dapat ito mangyari. Kinuha ko ang kumot at saka ko ito tinuklob sa akin. Patagilid akong humiga nang hindi ko siya makita. Nang gabing iyon, nakaramdam ako ng inis sa aking sarili dahil naging malapit ako sa taong pumatay sa aking pamilya — sa taong sumira ng aking buhay. Hindi ko mapapatawad ang sarili sa kahangalang ginawa ko kanina lamang gano'n na rin sa nakaraang mga araw. Nakaramdam na lang ako ng isang halik sa ulo at haplos mula sa aking balikat. "Matulog ka nang mahimbing, mahal ko," bulong niya at saka inalis ang kaniyang kamay sa akin. Ano ito? Bakit bigla na lang bumilis ang t***k ng aking puso? Nakakainis. Ayoko talaga na tinatawag n'ya akong 'mahal,' naiinis ako. Tunay akong naiinis dahil unti-unti ko na nagugustuhan ito at kung paano niya ako tratuhin – tila ba tunay niya akong iniibig. Alam ko naman na hindi niya ako mahal, ang tanging minahal niya sa akin ay ang kakaiba kong anyo. Kung isa lamang akong pangkaraniwang babae, baka isa na ako sa kaniyang napaslang. Bukod pa ro'n, isa rin sa kinaiinisan ko ay ang aking sarili. Unti-unting tumitibok ang traydor kong puso sa isang mamamatay tao. Narinig ko na lang ang tunog ng kama nang siya ay humiga. Napakalalim nang hinga ko sa mga oras na ito. At patuloy ako binabagabag sa kagustuhan kong ipaghiganti ang aking pamilya at sa namumuo kong damdaming mula sa lalaki na 'to. Kung ano man itong nararamdaman ko, pakiusap lang 'wag na ito matuloy. Puso, 'wag mo ako traydurin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD