KABANATA XVII: MASID

1098 Words
Kinabukasan, habang ako ay kumakain ng almusal na dinala ni nanay ay masaya ko pinapanood ang hari. Hindi ko magawang hindi matuwa dahil sa kahangalan na ginawa niya kagabi at ngayon, namimilipit s'ya sa sakit. Alam naman niya na may sugat siya, ngunit naging matigas ang kan'yang ulo kahapon. Hindi niya sinunod ang manggagamot na 'wag gagalaw nang husto. Hayan tuloy ang nangyari sa kan'ya, bumuka lalo ang kaniyang mga sugat at siya ngayon ay nagdurusa. Kahit papaano ay may napala rin ako kahapon. Sa sobrang inis ng hari gawa ng nararamdamang sakit ay agresibo niyang sinakal ang manggagamot. "Kung hindi mo aayusin ang ginagawa mo… magdasal ka na sa lahat ng diyos at diyosa na alam mo dahil sinisiguro ko na makakasama mo na sila ngayon," inis na babala niya sa kaawa-awang manggagamot, sabay ang malalim niyang ungol. Nakita ko ang pag-iyak ng matandang babae mula sa mahihigpit na sakal niya gano'n na rin sa kan'yang babala. Hindi ko naman kaya makitang sinasaktan niya ang isang inosenteng tao dahil sa kahangalan niya. "Haring Ezekiel," tawag ko sa kaniya na sabay naman akong tumayo upang lapitan sila, "maaari mo na bang bitawan ang taong gumagamot sa iyo? Ang tanging kasalanan n'ya lamang ay gamutin ang isang tao na may matigas na ulo katulad mo. Kung ikaw ay nakinig lamang sa kan'yang habilin, baka ngayon ay magaling na ang iyong mga sugat at baka sakali," saka ko hinaplos ang kan'yang kamay na sumasakal sa matanda at binigyan ng isang nakakaakit na tingin, "magawa mo ulit ang ninanais ng 'yong puso sa akin," bulong ko sa kaniya, pilit na ngumiti. Dahan-dahan n'ya binitawan ang matanda at hinawakan ang aking kamay. Pagkatapos ay hinaplos niya 'to sa kaniyang pisngi habang nakapikit. Nakakainis talaga s'ya. Tumingin ako sa manggagamot at akin siya ningitian upang mawala ang kaniyang takot. Nakita ko ang kasiyahan sa kan'yang mga mata at bumulong, "Maraming salamat, mahal na binibini." 'Tsaka siya naglakad papunta sa kinatatayuan ni nanay. Inalalayan naman siya ni Nanay Rosalia upang pakalmahin. At ngayon, dapat ko pa paamuhin ang hayop na ito. Mas nanaisin ko pa maharap ang sigbin kumpara sa lalaking ito. Mas nakakadiri siya kumpara sa halimaw. Pagkatapos niya halikan ang aking kamay ay sunod n'ya ako tiningnan at sumenyas na umupo ako sa kan'yang tabi. Pilit ko siya ningitian at akin s'yang sinunod. Sabay sa pagtabi ko ay ang paggalaw ng isa niyang kamay sa aking katawan. Hinahaplos at hinihimas ang aking tiyan, beywang, at ang aking hita habang hinahalikan ang isa kong kamay. "Gutom ka na ba?" tanong ko upang kahit papaano, huminto siya sa ginagawa n'ya. "Hindi pa. Kung wala lang itong mga sugat na ito, kanina pa kita kinain." Saka siya ngumisi. Iyang mga sugat na iyan, karma iyan na binigay sa iyo ni Bathala. May gana pa siyang bumanat, ang sarap niya banatin. "Nanay Rosalia, maaari n'yo po ba dalhan ng pagkain ang hari? Salamat," masaya kong pakiusap kay nanay. "Walang problema." Bahagya siyang yumuko at naglakad paalis, sumabay naman ang manggagamot sa kan'ya. Siguro dahil na rin sa takot — ayaw niya maiwan sa loob. "Kung magbibigay ka ng utos sa 'yong tauhan, huwag ka makiusap sa kanila. Amo ka nila at sila ay alipin lamang," banggit ng hari. "Hindi ko alipin si nanay. Tinuturing ko s'ya isa sa pamilya ko at hindi alipin… Kung kaya mong tratuhin ang mga tauhan mo na isang hayop, iba ako," inis na sambit ko. "Kinakailangan kung ikaw ay isang hari... Kung magiging malambot ka, gagamitin nila ang kalambutan mo para sa pansarili nilang kagustuhan. Isa ka na babae ng hari at hindi babae lamang, tandaan mo iyan, Minerva. Sa oras na nasa palasyo na tayo, bawat galaw at salita na iyong gagawin ay kanilang gagamitin laban sa iyo. Marami ang nagbabantay at susuri sa 'yo sa oras na tumuntong ka na sa palasyo. Kailangan mo maging matibay, mahal ko," bulong n'ya habang pinaglalaruan ang aking buhok. Tumingin ako sa kan'ya at nakita ko sa mukha niya na siya'y seryoso at totoo sa mga salitang kan'yang binitawan. Pinag-isipan ko ang mga payo niya. Tama naman siya dahil hindi basta-basta ang papasukan kong lugar. Sa oras na makagawa ako ng kamalian sa loob ng palasyo, gagamitin nga nila 'yon upang pabagsakin ako o gamiti ring panakot sa akin. Hindi dapat mangyari iyon sa 'kin dahil sa oras na bumagsak ako, hindi ko makukuha ang hustisyang ninanais ko sa aking pamilya. Sa ngayon, ako ang paborito ng hari at ang lahat ng mga kawal at tauhan n'ya ay sumusunod sa akin. Gagamitin ko muna ito upang ako ay maprotektahan, subalit mapoprotektahan ba ako ng hari sa oras na nakapasok na ako sa palasyo? Masyado pa mababa ang aking katungkulan, babae lang ako ng hari, walang espesyal sa akin kun'di ang kakaiba kong hitsura. Magagamit ko ba 'to upang makaligtas sa palasyo at makuha ang hustisya para sa kanila? Napakunot ako ng noo nang maisip ang lahat na iyon. Hindi ko namalayan na naipakita ko pala sa hayop na ito ang nararamdaman kong inis. Naramdaman ko na lang na s'ya ay bumangon at hinawakan ang aking pisngi, iniharap sa kaniya. Kaniya niya ito hinaplos at nakita ko sa hitsura ang pag-aalala niya. Lalo ako nainis na muling makita ang kan'yang mukha. Iyong mukha na nag-aalala siya sa akin, ngunit ang totoo niyan ay pakitang tao lamang ito para makuha ang aking loob. Sa tingin ba n'ya ay mabibihag niya ako sa mga titig at haplos niya? Hindi. Nagkakamali siya. Kahit kailan ay hindi ako magkakagusto sa isang mamamatay taong katulad niya. "Ano ang iniisip ng aking mahal? Sabihin mo sa akin ang bumabagabag sa iyong isipan at gagawin ko ang lahat upang mawala ito," malambing niyang usap. Kung sinabi ko na ikaw ang dahilan at mawawala lang ito sa oras na pinatay mo ang sarili mo, gagawin mo ba? Nais ko ito isagot sa kan'ya, subalit hindi ko magawa. Baka muli s'ya magalit at may gawing masama kay Nanay Rosalia. Umiling na lamang ako at inalis ang kan'yang kamay sa aking pisngi. Tumingin ako sa labasan at sakto naman ang pagdating ni nanay. Tumayo at kinuha ko ang dala niyang pagkain para ihatid ito sa hayop na nakahiga sa kama. "Kailangan mong magpalakas. Kumain ka na," malamig kong usap sa kaniya, nananatili pa ring hindi siya tinitingnan. Baka sa oras na masilayan ko muli ang kaniyang mukha ay masaksak ko sa nakaiirita niyang mukha ang hawak kong tinidor. Wala akong narinig na salita na lumabas sa kaniyang labi. Siya ay sumandal na lamang at huminga nang malalim. Sinimulan ko na ang pagpapakain sa kan'ya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD