Maraming araw at linggo ang ginugol namin sa aming paglalakbay.
Nalaman ko kay Nanay Rosalia kung saan kami tutungo. Nasabi na pala ito sa akin ng hari, ngunit akin ito nakaligtaan. Akala ko ay babalik na sila sa kanilang kaharian ngunit ito'y kabaligtaran. Patungo kami sa isa pang lugar na kanilang sasalakayin.
Nagulat ako sa aking narinig at naalala ang lahat ng nangyari sa Normia — sa aming bayan. Sa kung paano nila sirain ang maganda at tahimik naming bayan. Muli nila iyon gagawin sa iba pang lugar.
"Napag-alam ko rin na marami pa silang lulusubing lugar," bulong sa akin ni nanay. "Naku… Iniisip ko pa lang ako'y kinikilabutan na."
Kasalukuyan kaming nakaupo sa isang pabilog at matabang kahoy, tapat sa isang apoy na nagpapaliwanag at nagpapainit sa malamig na gabing ito.
"Oh, hija. Kunin mo ito at kainin. Mainit-init pa 'yan kaya mag-ingat ka at baka ika'y mapaso," masayang paalala sa akin ni nanay habang inaabot ang isang mangkok na may pagkain.
Akin s'yang ningitian at kinuha ito. Nagpasalamat sa kan'ya at kinain ito habang pinagmamasdan ang apoy.
Habang ako'y kumakain, may naramdaman na lang akong kakaiba sa aking paligid. Para bang maraming mga mata ang nakatingin sa akin. Sinilip ko ang paligid ko at nahulihan ang ibang mga kawal na nakatitig sa 'kin. Kinila rin naman nilihis ang kanilang tingin nang akin silang napansin. Ako'y nagtaka sa kanilang kinilos.
Sa saglit na akin silang nahuli ay may narinig naman akong bungisngis na galing kay nanay. Tumingin ako sa kaliwa ko kung saan siya nakaupo.
"Alam mo ba, hija, no'ng sa oras na dinala ka ng hari, narinig ko ang usap-usapan ng mga kawal. Ang lahat na iyon ay tungkol sa iyo. Lahat sila ay nabighani sa iyong kagandahan at ang ilan naman ay malaki ang pagka-inggit sa hari," paliwanag ni nanay. "Kung nahulihan mo man sila na nakatingin sa iyo, hayaan mo na lamang sila. Gusto lang nila pagmasdan ang natatangi mong kagandahan."
Hindi ako nasiyahan sa ibinahagi ni nanay sa 'kin.
"Kung hindi pala ako maganda nangangahulugan lamang na patay na po ako ngayon, gano'n po ba?" nakangisi kong sagot kay nanay.
"Minerva, hija… 'Wag ka nga magsasalita ng gan'yan," inis na bulong sa akin ni nanay.
"Tama naman po ang sinabi ko. Walang mali po sa aking binanggit," sumbat ko. "Sa tagal nating paglalakbay, tayo lang po dalawa ang naisama nila dahil sa kakaiba kong hitsura at dahil malapit po ang loob ko sa inyo. Baka nga po iyong mga nakaligtas sa paglusob ay binenta na nila sa mga mangangalakal," walang gana kong sagot.
"Minerva…" buntong hiningang tawag ni nanay sa akin.
"Dapat po pala magpasalamat ako dahil binigyan ako ng ganitong hitsura, para po ano? Para maging laruan ng hayop na 'yon? Salamat na lang." Sabay ko nilapag ang mangkok sa tabi. "Nawalan na po ako ng ganang kumain. Mauuna na po ako matulog," wika ko. Tumayo ako at pumasok sa karwahe. Humiga ako roon at binaluktot ang aking katawan upang ako'y magkasya.
Hindi agad ako nakatulog sa gabing iyon ganoon din sa mga sumunod na mga gabi. Nagpatuloy ang gabing walang tulog hanggang sa dumating na kami sa lugar na kanilang sasakupin.
At ngayon ako ay nakatayo sa mataas na lugar at kitang kita ko kung paano nila sirain ang isa na namang tahimik na bayan. Mula rito, tanaw ko ang mga nasusunog na kabahayan at dinig ang mga hiyaw ng mga biktima kahit sila ay napakalayo sa 'kin.
Siguro ang hiyaw na aking naririnig ay hiyaw na naalala ko noong kami ay sinakop. Bumabalik sa aking isipan ang nangyari sa amin gano'n din ang sakit na ginawa nila sa aking puso.
Nasaksihan ko rin ang mga nakakatakot na ngiti na ginagawa nila sa oras na sila ay pumapaslang. Mga taong mas masahol pa sa demonyo na uhaw na uhaw sa dugo, pumapatay para lamang matugunan ang kanilang pagkauhaw.
Ilang mga bayan na rin ang kanilang nasakop. Nakita ko rin kung paano nila tratuhin ang mga taong nakaligtas lalo na ang mga inosenteng babae. Pinaglaruan, binaboy, at pinatay ang kanilang kinabukasan. Ang iba naman ay binenta upang pagkakitaan at ang lahat na iyon ay may pahintulot ng hari. Ang haring masayang umiinom ng mga alak at kumakain na kanilang ninakaw. Nagtatawanan sa kanilang tagumpay na nakamit.
Sa oras na akin itong nasisilayan ay lalo ako nandidiri sa kanila. Lalong lumalaki ang kagustuhan kong paslangin ang mga katulad nila at sa oras na iniisip ko iyon ay nararamdaman ko ang init sa aking katawan. Gustong gusto na ng aking mga kamay na patayin s'ya upang sa gano'n ay matigil na ang kan'yang kasamaan, gano'n din na ipaghiganti ko ang aking pamilya't kababayan.
Sa gabing ito, nagmamadali naman ako umalis sa kanilang piging. Pumunta ako sa kagubatan at napasandal sa isang malaking puno, akin naman sinuka ang kakaunti kong kinain. Bigla kasi sumama ang aking sikmura nang kinain ang kanilang ninakaw na pagkain mula sa mga namatay. Hindi ko kaya ito sikmurain.
Nilabas ko ito hanggang sa dugo na lamang ang naisuka ko. Siguro, marahil, sa wala na maisusukang pagkain ay dugo na lang ang nailabas ko. Isa na rin siguro sa dahilan kung bakit dugo na lamang ang aking naisuka ay noong nagdaang mga araw, nawalan ako ng ganang kumain. Kakaunti lamang ang aking nakakain at minsan naman ay hindi na ako kumakain.
Ngumisi ako at natawa. Pinunasan ang aking bibig at muli ako umubo ng dugo.
"Malapit na yata ako mamatay," isip ko.
Tumingin ako sa aking paanan at nakita na nadungisan ng mga dugo ko ang mga magagandang bulaklak sa tabi ng puno na aking sinasandalan. Naawa ako dahil nabahiran pa sila ng aking dugo.
Tumayo ako at inayos ang aking tindig upang sa oras na ako ay bumalik, hindi nila matukoy na ako'y nanghihina.
Ilang mga hakbang pa lamang ang aking nagagawa palayo sa lugar na iyon ay may narinig akong bulong. Agad ko itong nilingunan, ngunit tanging mga puno't halaman lamang mula sa kagubatan na iyon ang aking natatanaw. Wala akong nakitang tao o hayop na maaaring sanhi ng bulong na 'yon.
Muli ko narinig ang mga bulong, subalit dahil sa sobrang hina ay hindi ko maintindihan ang sinasabi nito. Akin naman ito hinanap sa paligid ko na kasabay niyon ang unti-unting paglakas nito.
Tumingin ako sa pinakaloob ng gubat at naglakad, para makita kung sino ang nagsasalita. Dahil gabi at madilim, nahirapan din ako makita kung sino ang nais mangusap sa 'kin.
"Niyatap… Nga… Mga… Yatamup… As… Aylimap… Om…" Mga bulong na aking naririnig at ito ay paulit-ulit na binibigkas. Hindi ko maintindihan kung ano ang nais nitong iparating, 'di ko rin tukoy kung anong wikang binabanggit nito.
Ngunit isa lang ang alam ko sa mga oras na iyon ay ang biglaang pagbigat ng aking damdamin at hindi paggalaw ng aking katawan. Naramdaman ko rin ang pagbigat ng aking mga mata at paglalim ng aking mga hinga. Hindi ko maunawaan kung anong nangyayari sa aking katawan.
Konektado ba ito sa aking naririnig na mga bulong? Kung oo, ano ito at sino ang gustong kumausap sa akin?