Sa pagsulpot ng halimaw, aking tinatagan ang sarili. Maya-maya pa ay nabasa ko ang susunod niyang atake. Napansin ko ang mabilis na paggalaw ng kaniyang ulo, mukhang ako'y kaniyang sasakmalin kung kaya dali-dali akong tumakbo palayo rito. "Tulong! Tulungan niyo ako!" paulit-ulit kong sigaw habang ako ay tumatakbo patakas sa halimaw, nagdadasal din na sana may makarinig. Makalipas ng ilang segundo, naramdaman ko na lang siya sa aking likuran. Kahit hindi siya tinitingnan, naramdaman ko na ako'y kaniyang susugurin at patalon ko siyang iniwasan. Ako ngayon ay nakaluhod at mabilis siyang nilingunan, nakita ko ang pagtataka niya habang nakatingin sa malaki niyang kamaong nakabaon sa lupa. Kung hindi ko pala ito naiwasan, sigurado akong katapusan ko na — nayupi na ako sa malaki niyang kamao.

