3RD PERSON POV
KAHIT natatakluban ng balabal ang mukha ng lalaki ay hindi maikukubli noon ang masama at nakakatakot na ngisi sa mga labi nito. Bago ito makapasok sa loob ng isang eskinita ay mapapansin ang pagningning ng pula nitong mga mata.
Tahimik at madilim ang eskinitang tinahak nito hanggang sa maabot ang dulo kung saan nakaupo sa tambak ng mga lumang kahon at mga sako ng mais ang isang malaking pigura.
"Pinuno, nagawa ko na ang utos nyo," saad pa nito sa lalaking tinawag nitong pinuno habang nakayuko nang bahagya upang ipakita ang pag galang dito.
Sumilay naman ang matalas at nagtitilusang mga pangil sa bibig ng pinuno nang ngumiti ito bago magsalita. "Mabuti. Ngayon, kailangan na nating umalis rito bago pa tayo masundan ng alagad ng Alpha," tugon pa nito habang nakakubli sa malaking balabal na suot nito.
▼△▼△▼△▼△
NANGINGINIG ang buong katawan at tagaktak ang pawis ni Red nang makababa siya mula sa kabayong sinasakyan, ngayon ay nasa harap na sila ng bahay at nagmamadali siyang tumakbo papasok doon.
"Lila!"
"LILA!!!" malakas at walang pahinga niyang sigaw sa buong paligid habang inililinga ang ulo sa magkabilang dereksyon upang hanapin ang kapatid.
Dahil sa kabang nararamdaman sa mga oras na ito ay halos hindi makapag isip ng maayos si Red at hindi alam kung saan dapat magsimula sa paghahanap.
Sa huli ay napag desisyonan nilang maghiwa-hiwalay upang mas mapabilis ang kanilang paghahanap dito.
Mahigpit na napahawak si Red sa kanyang dibdib habang nakasilay sa magulo at sira-sirang mga kagamitan sa kusina nang mapasok niya ito.
Ang mga bakas ng paa ay makikita pa sa buong paligid. Ang matinding pagpupumiglas ay mababakas sa buong lugar. Saan man niya ipaling ang kanilang ulo ay masasakit na pangitain lamang ang kanyang naiisip kung anong sinapit ng kanyang kapatid sa kamay ng mga duwag at traydor nilang ka-nayon.
Iniisip pa lamang niya ang nangyari dito ay parang sinasaksak na ng sibat ang kanyang puso dulot ng sakit at takot na nararamdaman.
"Lila," mahinang bulong pa niya na tila ba ay nauubusan ng hininga, hindi na nga nagtagal at wala na siyang nagawa pa upang pigilaan ang pag agos ng kanyang mga luha.
Habang nakatulala sa kawalan ay dumating naman ang kanyang mga kaibigan.
"Red, pasensya na, pero hindi na namin siya makita kahit saan," malungkot at humahangos na saad ni Theo nang makagaling ito at si Aries sa paghahanap sa buong bahay.
Habang naghihinagpis ay marahan siyang napasilay sa mga kaibigan at lalong bumigat ang kanyang kalooban nang mapagmasdan ang sabay na pag iling ng mga ito hudyat na huli na sila.
Nanghina ang kanyang mga tuhod hanggang sa tuluyan na itong bumigay, mabuti na lang at nasambot siya ng dalawang kaibigan.
"Red! Magpahinga ka muna," ani Theo habang naka alalay sa kanya.
Mabilis siyang umiling at binalanse ang sarili, hindi siya pwedeng magpatalo sa kanyang damdamin kaya naman marahas niyang pinahid ang mga luha sa kanyang pisngi at seryosong hinarap ang dalawa.
"H-Hindi pwede, kailangan ko silang mapigilan."
Nagkatinginan naman sina Theo at Aries bago tumango sa isa't isa. Sa halip na pigilan si Red ay mas pinalakas ng dalawa ang loob para supurtahan ang kaibigan. Hindi nga naman ito ang oras para sumuko, baka maabutan pa nila ang karawahe na kinalalagyan ni Lila. Ilang oras pa bago ang pagkagat ng dilim.
Hindi magawang maisip nina Theo at Aries na kayang gawin ito ng sarili nilang mga ka-Nayon. Ang dumakip ng isang bata para maging sakripisyo at mailigtas lamang ang mga sarili nila.
'Napaka-makasarili nila,' nang gagalaiting bulong ni Aries sa sarili nito. Habang nakasunod sa kanyang kaibigan na si Red. Hindi man ito umiiyak at walang mababakas na ekspresyon sa mukha nito ngayon, alam pa rin niya kung gaano kasakit nang pinagdaraanan nito ngayon.
Kaya naman bago pa lamunin ng dilim ang buong paligid ay minabuti na nilang bilisan sapagkat hindi basta-bastang lugar ang kanilang pupuntahan. Nagmamadali silang lumabas ng bahay at sumakay muli sa mga kabayo. Matulin nilang binagtas ang daan patungo sa delikadong kagubatan ng Nuctious.
Mahaba at naging masalimuot ang kanilang naging paglalakbay patungo roon, halos maipit pa sila sa bugso ng mga taong nag uunahan para makaalis sa Lunen.
Palubog na ang araw nang makalabas sila sa nayon. Ramdam na nila ang kakaibang lamig at kilabot sa kanilang mga katawan habang natatanaw nila ang bunganga ng kagubatan. Kung titingnan ito sa malayo ay para lamang itong isang normal na gubat, madilim at mayabong. Pero ang hindi maipaliwanag na pakiramdam habang papalapit dito at ang mga samotsaring mga kwento ang nagbigay ng kakaibang reputasyon sa nasabing gubat.
Kung noon ay kwentong barbero lamang ang tungkol sa mga halimaw na nakatira sa Nuctious, ngayon ay walang dudang totoo pala ang mga ito.
Ang malaki at madilim na bungad nito ay tumatakip sa kaunting liwanag na hatid ng lumulubog na araw. Walang makikita o maririnig sa paligid. Parang isang malawag na kadiliman lamang ang kanilang dinadaanan.
Pigil ang kanilang mga paghinga habang papalapit, nang halos mapatalon si Theo sa gulat nang bigla na lamang nilang marinig ang malakas na huni ng mga uwak galing sa loob ng gubat. Nagkakagulo ang mga ito na para bang may isang bagay na gumambala sa pananahimik ng maiitim at nakakatakot na nilalang na ito.
Doon rin nila napansin na tuluyan na palang lumulubog ang araw at nilamon na ng dilim ang buong paligid. Gamit ang lighter na hawak ni Theo ay nagdala iyon ng mumunting liwanag sa kanila. Hindi man ganun kasapat, ngunit maayos na kaysa sa wala.
"Tsk, ang hina naman niyan," reklamo pa ni Aries kaya masamang tiningnan ito ni Theo bago magsalita.
"Mabuti na ito kaysa mangapa tayo sa dilim no!" asik naman ng isa habang nagpapatuloy sila.
Si Red naman ay blanko ang isipan at parang walang lakas para pigilan ang nag aasaran na naman niyang mga kaibigan.
Ang tanging nasa isip lamang niya ngayon ay maabutan at mahanap ang mga taong kumuha kay Lila. Gusto man niyang bilisan ang pagpapatakbo sa kabayo, pero hindi niya iyon magawa sapagkat napakadilim ng lugar na ito.
Tila wala na silang maaninag sa paligid kung hindi lamang sa maliit na apoy na nagmumula kay Theo.
"Psh," tipid na saad ni Aries nang mainis na ito sa kaibigan. Itinaas nito ang isang braso at naglabas ng isang bilog na bagay na bumalot sa kamay nito.
Ang madilaw nitong liwanag ay mabilis na nakakuha sa pansin nina Red at Theo. Mangha at hindi makapaniwalang napasilay si Theo sa bagay na nasa harapan nito.
"M-Magic Circle---- pero, d-di ba nasa mga libro lamang iyan?"
Sasagot na sana si Aries nang mapatigil ito dahil sa nakita. Ang singkit nitong mga mata ay namilog at napuno ng di maipaliwanag na takot.
Dahil sa napansing reaksyon ng kaibigan kaya ang nakatalikod na si Theo ay napaharap sa unahan nito. At doon nga ay naabot na pala nila ang tarangkahan na naghihiwalay sa kanilang lugar at ang mahiwagang kagubatan ng Nuctious.
Ngunit hindi ang katunayan na naabot na nila ito ang tunay na nakakuha sa kanilang atensyon kung hindi ang masangsang na amoy at nagkalat na bakas ng dugo sa buong paligid.
Marahang bumaba si Red sa kabayong sinasakyan at naglakad palapit sa mga taong nakahandusay sa lupa. Halatang hindi pa nagtatagal nang maganap ang nahindikhindik na sinapit ng mga ito sa kamay ng halimaw na nakatira sa kagubatan.
Makikita sa mga puno ang bakas ng malalaking kalmot mula sa matatalas na kuko, ganun din ang mga taong narito ay wala nang buhay dahil sa natamo nitong malalaking sugat sa katawan. Hindi sila nagkamali, ang mga taong ito ang nagtangkang magdala ng alay.
Nakasunod lamang kay Red sina Aries at Theo, nagbabakasakaling sa paglapit nila sa karawaheng nakataob ay matatagpuan nila si Lila. Buhay at ligtas.
Habang naglalakad palampas sa mga bangkay ay hindi mapigilan ni Theo na hindi mapahawak sa bibig nito at pigilan ang pagbaligtad ng sikmura.
Pilit nilang ginapang ang pasukan ng karawahe upang makita ang loob nito. Kahit madilim ang buong lugar at halos manuot na sa kanilang mga buto ang takot na nararamdaman mula sa paligid ay hindi nakalampas sa paningin nina Theo at Aries ang pangangatal ni Red nang matagpuan ang pulang balabal sa loob ng sasakyan.
Ayon sa propesiya, ang mga berhen na alay ay kailangang magsuot ng pulang balabal upang maging palatandaan na ito ang napili bilang sakripisyo. Napaluhod na lamang si Red habang yakap ang sira-sirang balabal na puno ng bakas ng dugo.
"H-Hindi... h-hindi! W-Wag naman si Lila!"