3RD PERSON POV
HINDI maipaliwanag ni Red ang sakit na nararamdaman ngayong sa pangalawang pagkakataon ay nahuli na naman siya ng dating.
Pakiramdam niya ay pinupunit at dinudurog ang kanyang puso, nag uunahan rin ang paglandas ng kanyang mga luha mula sa mata niya hanggang sa kanyang pisngi. Ang sakit na nadarama ay nagdala sa kanya upang makaramdam siya ng hirap sa paghinga.
'Ipinangako ko nang mawala si Ama na poprotektahan kita, pero--- hanggang sa huli ay nabigo ako.'
"LILAAA!!!!"
"H-Hindi maaari ito! Lila!!!" wala sa sarili niyang sigaw at nagbabalak na pumasok sa kagubatan. Naalarma naman ang dalawa niyang kaibigan at mabilis siyang pinigilan.
"RED! Nababaliw ka na ba?! Gusto mo rin bang mamatay?" sigaw ni Theo sa kanya, habang pigil-pigil siya nito.
"Pero, h-hindi ko pwedeng pabayaan ang kapatid ko!"
"Wala na siya, Red," napapailing na saad pa ni Aries, habang nakamasid sa paligid. Ramdam kasi nito ang mga matang nakasilay sa kanila kanina pa. Sa katotohanan ay malayo pa sila, pero may nakasamid na sa kanilang mga galaw.
"Hindi! H-Hindi yan totoo! Buhay pa si Lila!" giit naman ni Red na hindi matanggap ang mga nangyayari. Mabuti na lamang at malakas si Theo kaya hindi nito magawang makawala.
Pero nang magtangka muli itong tumamakbo ay malakas at mabilis itong hinawakan ni Theo nang mas mahigpit upang di makagawa ng bagay na pagsisisihan nito. Kung binabalak man nilang sagupain ang delikadong lugar na ito, mas mabuti kung handa sila.
Sa kalagayan ni Red ngayon, siguradong kamatayan lamang ang naghihintay sa kanila kung magpapadalos-dalos sila.
"B-Bitawan mo ako, Theo! Hinihintay ako ni L-Lila!"
Kahit nalulungkot at na-aawa sina Theo at Aries sa pinagdadaanan ng kaibigan ay hindi nila ito pwedeng payagan na gusto nitong gawin.
Ramdam ni Aries ang mga kaluskos sa paligid, ganun din ang pagbabago ng hangin at pakiramdam na bumabalot sa tarangkahan ng gubat. Hindi na sila pwedeng magtagal dito kaya naman habang nagpupumiglas si Red ay hinampas ito ni Aries sa batok upang mawalan ito ng malay.
"A-Aries, anong ginaw---"
"Halika na, kailangan na nating umalis dito," seryoso nitong saad sabay tingin sa paligid. Nakuha naman agad ni Theo ang ibigsabihin nito kaya mabilis nilang nilisan ang lugar na iyon.
▼△▼△▼△▼△
"Ate? A-Ate, nasaan ka na po? Natatakot na ako dito."
Napabalikwas sa kinahihigaan si Red dulot ng boses na tumatawag sa kanya. Tagaktak ang kanyang pawis at hindi magkaintindihan sa pagbaling ang ulo sa magkabilang dereksyon.
"L-Lila?---- nandito ako! Lila!" sigaw niya habang naghahanap sa kadiliman. Wala siyang maaninag kaya naman pilit niyang kinakapa ang paligid.
"Ate--- tulungan mo ako!"
Ang boses na kanyang naririnig ay palayo nang palayo kaya naman pinilit niyang hinahabol ito. At sa dulo ng daan na kanyang tinatahak ay napansin niya ang isang batang nakaupo sa sahig.
"Lila?" marahan niyang ani, habang dahan-dahan itong nilalapitan. Mula sa hubog ng katawan nito at ang mahaba at magandang buhok ay masasabi niyang natagpuan na niya ang hinahanap.
Masaya niya itong hinawakan sa balikat upang ipaalam na narito na siya, pero ang ngiti sa kanyang labi ay napalitan ng matinding kilabot nang makita ang itsura nito.
Napahakbang siya paatras dahil sa takot at pagkabigla. Isang malakas na sigaw na lamang ang lumabas sa kanyang labi.
"LILA!!!"
Habang humahangos at habol ang hininga ay mabilis siyang napa-upo mula sa kamang kinahihigaan. Basang pisngi dulot ng luha at tagaktak na pawis ang nagpapaalaala sa kanya na panaginip lamang ang lahat.
Pero kahit ganun ay hindi pa rin mawala sa kanyang isipan ang sira at sugatang imahe ng kanyang kapatid.
Napayuko na lamang siya at napahiling na sana ay panaginip lamang din ang pagkawala ng kapatid, pero ang katunayan na hindi niya nakikilala ang silid na kinalalagyan ang isang bagay na nagpapatunay na totoo ang lahat ng nangyari kahapon.
Ang pagdukot kay Lila at pagpunta nila sa Nuctious forest.
Habang pilit inuunawa ang lahat ng mga pangyayari ay nakarinig siya ng mga yabag na nagmamadali patungo sa kanyang kinalalagyan.
Doon nga ay mabilis na bumukas ang pinto ng kanyang silid. Iniluwa nito ang humahangos na si Theo, ganun din ay kasunod nito si Aries.
"RED! Ayos ka lang ba?" nag aalalang ani Theo.
"O-Oo," sagot naman niya habang nagpupunas pa ng luha. Marami siyang gustong itanong ngunit naunahan siya ni Aries sa pagsasalita.
"Mabuti gising ka na, halika kumain na tayo."
Napatango na lang siya at sumunod sa dalawang kaibigan palabas ng kwarto. Nang makarating sa hapagkainan ay mabilis na dumulog si Theo at kumain.
Si Red naman ay tulala pa rin at hindi magawang galawin man lang ang pagkain sa kanyang harapan. Ang kanyang isipan ay magulo pa rin at hanggang ngayon ay hindi niya alam ang dapat gawin. Tatanggapin na lamang ba niyang wala na ang kapatid o pilit hahanapin pa rin ito?
Napangiti na lamang siya ng mapait nang maisip na hindi naman iyon magiging pagpipilian pa kung may sagot na naman siya sa tanong na iyon. Syemre hindi siya papayag na pabayaan ang kapatid nang basta-basta. Lalo na at wala naman silang natagpuang bangkay. 'Hangga't hindi ako nakakasigurado na wala na si Lila, hindi ako titigil,' determinadong aniya sa sarili.
Ngunit dahil sa malalim na pag iisip kaya hindi niya agad na rinig ang pahayag ng mga kaibigan.
"----ed."
"Uii Red!"
"Ha? Ano yun?" gulat na sagot pa niya. Habang napapalinga sa paligid.
"Nasaan nga pala tayo?" mahinahon pa niyang tanong, mas kalmado na siya ngayon kaysa kahapon. Siguro kung mailalarawan ang kanyang pakiramdam ngayon, isang salita lamang ay sapat na. Manhid, iyon nga.
"Narito tayo sa isang bahay tuluyan, sa labas ng Lunen."
"Ganun ba," pabulong na tugon niya.
"Oo, hindi kasi tayo pwedeng magtagal pa sa lugar na iyon," saad naman ni Theo habang sunod-sunod ang pagsubo ng pagkain nito.
Ngayong maliwanag na ang utak niya, doon niya napagtanto ang tunay nilang kalagayan nang magtungo sila sa delikadong lugar na iyon. Muli ay napayuko siya sa hiya sapagkat muntik na rin niyang mailagay sa kapahamakan ang buhay ng kanyang mga kaibigan.
"Aries, Theo pasensya na talaga kayo," seryoso niyang turan sa dalawa. Pansin pa niyang napatigil sa pagkain ang mga ito at hindi agad nagsalita kaya mas nakaramdam siya ng kaba.
"Hays." Malakas na buntong hininga pa ni Theo.
"Pasensya na---" nagmamadali niyang paghingi ng tawad ngunit nasingitan siya ni Aries sa pagsasalita.
"Hindi mo nga ata narinig ang sinabi ko kanina," napapailing na saad nito.
"H-Ha? Ano ba ang sinabi mo kanina, Aries?" nagtataka niyang tanong.
"Sabi ko, kumain ka na kasi kailangan mo yan. Matindi ata ang kahaharapin natin," nakangisi pang turan ni Aries kaya mas naguluhan siya.
"Ha? T-Teka--- ibigsabihin nyo--"
"Oo, alam naman naming hindi ka titigil sa paghahanap kay Lila kaya sasamahan ka namin," sagot ni Theo.
Halos mapaluha siya dahil sa saya at galak na nararamdaman. Hindi man siya nabiyayaan ng maayos na pamilya habang lumalaki, hindi naman niya maipagkakaila ang pasasalamat sapagkat may mga kaibigan siya na handang tumulong lagi.
"Salamat talaga! Aries, Theo!"
"Wala yun, ikaw pa. Kaya kumain ka na."
Masaya naman niyang sinunod ang utos nito at mabilis na kumain. Nabuhayan muli siya ng pag asa at nagkaroon ng lakas ng loob. 'Lila! Hintayin mo si Ate!'
MATAPOS maghapunan ay nagsimula muna silang mag usap-usap kung ano ang dapat gawin. Hindi sila pwedeng magpadalos-dalos at kaya kailangan nila ng maayos na plano.
Napagpasyahan nila na bumalik sa kanilang mga bahay upang kunin ang mga kailangan. Habang nasa daan sila pabalik sa Lunen ay walang sawang kinulit ni Theo si Aries tungkol sa kakayanan nitong gumamit ng mahika.
Interesado rin siya ngunit laging napapadpad pa rin sa kawalan ang kanyang isipan at napapatulala na lamang. Pansin naman iyon ng dalawa niyang kaibigan kaya pilit ng mga itong isinasali siya sa usapan.
Halos tanghali na nang makabalik sila sa Nayon ng Lunen. Parang hindi na ito ang lugar na kinalakihan nila. Makikita ang mga bakanteng bahay, tindahan sa sentro pa lamang ng Nayon. Naglaho na ang masaya at magiliw na pakiramdam dito.
"Parang ghost town na ang Nayon natin," bulong pa ni Theo na rinig naman nilang lahat.
Napatango na lamang si Red sapagkat totoo ang sinabi nito. Halos wala nang mga taga-nayon na makikita sa paligid. Parang inabanduna ang buong lugar.
Una nilang pinuntahan ang lugar ni Theo, nasa sentro kasi ito ng nayon malapit sa palengke. Ang bahay nina Theo ay nasa taas lamang ng panaderya ng mga ito. Wala nang tao sa bahay nila at may isang sulat na lamang ang natagpuang nilang nakapatong sa mesa.
Habang binabasa ni Theo ito ay hindi niya maiwasang di na lang mapangiti at mapahinga ng maluwag. Alam niyang nakalikas na ang kanyang pamilya sa ligtas na lugar. Sa sulat pa lamang ay ramdam na niya ang pag aalala ng kanyang Inay, pero hindi pa siya maaaring makasama ng mga ito. Nangako siyang tutulungan ang kaibigan na si Red upang mahanap ang kapatid nito.
Buo ang kanyang loob, may takot man at pangamba ngunit kahit kailangan ay hindi siya tumatalikod sa mga bagay na kanyang naipangako na. Nag tungo siya sa kanyang kwarto upang kunin ang isang bagay na ipinamana ng kanyang ama.
Sa katunayan niyan ay dating isang swordsman ang kanyang Ama at kilalang Swordsmith sa Nayon ang kanyang lolo kaya naman marunong siyang gumamit ng espada mula kabataan.
Nang makuha lahat ng kanilang kailangan ay nagtungo naman sila sa lugar ni Aries, ang public library ng Nayon / bahay din nito.
"Dito na lang ako sa labas, hindi ko talaga gusto ang alikabok sa librarya mo," napapangiwing ani Theo.
Sinamaan naman ito ng tingin ni Aries at saka sila pumasok ni Red upang kumuha ng mahahalagang bagay na magagamit nila sa paglalakbay. Nang mawala ang Lolo ni Aries, ito na ang naging nagapagbantay ng libraryang ito.
Alam ni Red na dahil sa mga natatanging lihim at kaalaman sa mga librong narito kaya naman lumaking matalino at maaasahan si Aries pagdating sa mag analisa ng mga bagay-bagay. Hindi na rin siya ganung nagulat nang makita na marunong at kaya nitong gumamit ng mahika sapagkat noon pa man ay naniniwala na siyang mayroong lugar kung saan may mga taong nabubuhay kasama ng mahika.
'Pero, ang makita iyon ng personal ay tunay na nakakamangha pa rin,' napapabuntong hiningang ani Red habang nakasunod kay Aries.