"Napapansin ko ilang araw ka nang walang kibo at parang malayo ang iniisip, nag away ba kayong mag-asawa?" usisa ni Manang Ester isang araw. Nahuli na naman kasi siya nito na nakatulala habang inuugoy ang duyan ni Summer. Nasa may terrace sila ng umagang iyon at katatapos lang niyang magpadede kaya pinapatulog na niya ang anak.
Napapitlag siya nang maulinigan ang boses ng matanda. "Po? May sinasabi po ba kayo? Ano po 'yon?" magalang niyang tanong.
"Ang sabi ko ilang araw ka ng tulala. May problema ba 'kako? Nag-away ba kayo ni Moses?" ulit ng matanda.
Napangiti siya. "Hindi po, Manang Ester, wala naman po kaming pag-aawayan ni Moses."
"Kung gayon, napano ka? May problema ka ba? Baka makatulong ako?" alalang turan ng matanda.
Napabuntong-hininga si Isla. Hindi niya alam kung paano niya sasabihin sa matanda na nagkakaganoon lamang siya dahil sa isang panaginip. Baka pagtawanan lang siya nito. Gayunpaman, sinabi niya pa rin ang totoo sa matanda sa pagbabakasakaling mapayuhan siya nito ng dapat niyang gawin.
"Ganito po kasi 'yun, nagkaroon po ako ng masamang panaginip noong nakaraan. May isa raw babae na dumating sa buhay naming mag-asawa at inaagaw niya sa akin si Moses. Sa galit ko raw ay nasaktan ko 'yung babae." Paliwanag niya.
Napaantanda ang matanda. "Nakilala mo ba ang babae sa panaginip mo?"
Umiling-iling siya. "Hindi po, wala siyang mukha. Burado 'yung buong mukha niya pero parang kilala ko siya base sa kung paano kaming mag-usap," aniya.
Tumitig sa kanya ang matanda na parang iniisip nito kung bakit siya apektado samantalang panaginip lang naman iyon. "Bakit ka apektado sa panaginip mong iyon kung hindi naman totoo talaga?" tanong nito.
"Hindi ko po alam, hindi lang talaga mawala sa isip ko. Siguro natatakot ako na baka hindi ko kayanin kung sakali mang mangyari nga sa totoong buhay. Hindi ko kayang masira ang pamilyang binuo namin ni Moses ng magkasama." Aniya. Sinulyapan niya ang natutulog na si Summer. Ni sa imahinasyon ay ayaw niya itong bigyan ng sirang pamilya. Ngayon pa lang ay parang nadudurog na ang puso niya.
"Mahal ka naman ni Moses, alam kong hindi niya magagawa ang anumang napanaginipan mo. Saka huwag mo nang isipin iyon at ang sabi ng lola ko noong araw, ang panaginip raw ay kabaliktaran ng reyalidad. Kaya malamang hindi mangyari kung anuman ang scenario sa panaginip na iyon kaya ang mabuti pa ay kalimutan mo na 'yon." Payo ng matanda.
Napabuntong-hininga siya. Pagkatapos ay ngumiti sa matanda. "Siguro nga po ay nago-overthink lang ako."
"Mismo! Binibigyan mo ng alalahanin ang sarili mo kahit wala naman talagang dapat ipag-alala. Hangga't mahal ka ni Moses, hindi iyon matutukso sa iba kahit may bumuyangyang pa sa harapan niya." Anang matanda.
Bahagyang gumaan ang loob niya dahil sa sinabi nito. Baka nga nagpapaka-stress lang siya sa mga bagay na malabo namang mangyari. "Sabagay, tama po kayo. Ini-stress ko lang ang sarili ko sa walang katuturan. Nakakainis! Ilang araw din akong pinag-alala ng panaginip na iyon!" natatawa niyang sabi.
"Basta kung sakali man na managinip ka ulit ng ganoon, isipin mo na lang na malabong mangyari ang bagay na iyon dahil hindi ganyang lalaki si Moses. At kung sakaling mangyari nga 'yan, hayaan mo at ako mismo ang magngungudngod sa sino mang poncio pilato na maninira ng pamilya mo." Anang matanda.
Napahagikhik siya. Para kasing si Manang Ester naman ang higblood ngayon. "Salamat po..." aniya.
"Wala 'yon! Siyangapala, dito na ba talaga titira 'yung kaibigan mong retokada?" anang matanda.
Mabilis niyang sinenyasan ang matanda na hinaan ang boses. Nasa bahay pa naman si Harper. Baka marinig sila nito. Ayaw niyang sumama ang loob ng kaibigan sa kanila. Baka isipin nitong ginagawa nilang pulutan ang mga desisyon nito sa buhay.
"Sssshh! Baka po marinig kayo ni Harper!" aniya.
"Ano naman kung marinig niya, totoo namang retokada siya. Halatado kaya, 'yung butas ng ilong niya hindi pantay ang butas! Tapos bahagya pang tabingi! Tapos 'yung dibdib niya kulang na lang lumipad siya dahil para itong lobo na sa anumang oras ay iaangat siya sa lupa at dadalhin siya sa himpapawid!" eksaheradang anas ng matanda.
"Huwag po tayong manghusga, Manang... Baka may dahilan siya kung bakit niya nagawang magpa-enhance ng katawan. Wala namang masama roon lalo na kung para naman sa ikakasiya niya iyon." Saway niya sa matanda. "At para sagutin po ang tanong ninyo, opo, dito muna siya pansamantalang titira kasi wala naman siyang pamilya dito. Keysa maghotel, dito na lang sa atin kasi marami naman tayong bakanteng kwarto. Isa pa, hindi rin sila close ng iba niyang relatives."
"Gano'n ba?" anang matanda. "Baka pwede namang pagsabihan mo ang kaibigan mong iyon, aba'y halos lumuwa na ang dibdib sa gapiranggot na suot eh! Okay lang sana kung tayo-tayo lang ang nandito. Kaso me mga lalaki tayong kasama. Hindi naman sa pagsaway, pero napakapangit tingnan. Tinalo niya pa 'yung may-ari ng bahay. Dapat sana kapag ganyan na nakikitira ka ay umakto sana ng pormal. Oo at palaging wala si Moses dito, pero paano kung nandito? Lalaki si Moses at alam kong hindi siya papatol sa ganyang klase ng babae pero mas maiigi na ang nag-iingat!" mahabang litanya ng matanda.
Oo ngapala, nasabi na rin sa kanya ng asawa na pagsabihan si Harper ngunit palagi niyang nakakalimutan. Isa pa, nahihiya rin kasi siya na magsalita lalo na at laking 'tate ang dalaga. Baka nag-iisip lang sila ng hindi naman dapat at para rito ay wala siyang ginagawang masama.
"Hayaan po ninyo at pagsasabihan ko siya," sagot niya.
"Sige, mauna na ako sa kusina at hindi pa pala ako tapos sa gawain ko roon. Huwag ka nang masyadong mag-isip ha!" bilin pa ng matanda. "Kalimutan mo na ang panaginip na iyon!"
"Opo, salamat po sa payo!" sagot niya.
Nang mapag-isa ay muli siyang nahulog sa malalim na pag-iisip. Paano niya kaya iaapproach ang kaibigan nang hindi ito nao-offend? Ayaw naman niya kasing magkatampuhan sila nito lalo na at siya naman ang nagyakag dito na manatili sa bahay niya.
Nasa ganoon siyang pag-iisip nang makarinig siya ng malakas na tampisaw ng tubig. Tumayo siya mula sa pagkakaupo at hinawi ang ilang halaman na tumatabing sa may bandang pool. Namataan niya roon si Harper na naglulunoy sa tubig. Nakasuot lang ito ng two-piece swimsuit na kulay itim. Pinanuod niya ang kaibigan na nagpabalik-balik sa paglangoy. Pagkatapos ay napaawang ang labi niya nang umahon ito mula sa tubig at walang babalang nagtanggal ng suot na pang-itaas bago dumapa sa tuwalya na inilatag nito sa may damuhan. May balak yatang mag sunbathing ang kaibigan.
'Oh my God! Mabuti na lang at wala rito si Moses!' alalang bigkas niya.
Mukhang kailangan niya na nga yatang kausapin si Harper para maging aware ito sa paligid nito. Hindi porke't ganoon ito kumilos sa America ay ganoon din dapat sa pamamahay niya. Kailangan rin nitong isipin na may mga kasama ito sa bahay na hindi sanay na makakita ng mga ganoong klaseng eksena. Lalo na ang mga kalalakihan na nasa poder niya.