NASA gate pa lang ng mansion ay dinig na ni Camilla ang tila pagtatalo ng dalawang tao kaya dali-dali siyang pumasok sa loob nito. Naabutan niya ang mag-ina na nagtatalo na naman,muli pa lang umuwi ito galing sa hongkong. Muli niyang nakita sa itsura ni Mrs.Romualdez ang tila pinipigil na galit na anumang oras ay sasabog na habang si Athena naman ay namumula na rin ang mukha.
Napapailing na lang siya sa eksenang iyon. Ayaw niya ng makialam o makisangkot pa sa gusot ng dalawa kaya tumalikod na siya.
" Akala mo ba hindi ko malalaman na matagal ka na pa lang hindi pumapasok at gabi gabi kang nasa bar para maglasing?!"
Natigilan siya sa narinig niyang iyon. At kailan pa natutunan ni Athena ang uminom ng alak? Palabas lang pala ang pag alis nito tuwing umaga kung ganoon saan ito nagpupunta? Sa sobrang busy niya hindi niya na namalayan ang pagbabago nito. Napansin man niya ang trato nito sa kaniya na tila mailap na ang kaibigan ngunit hindi niya na inintindi dahil sa naging busy na siya masyado, hindi niya akalaing may mas malala pa pa lang nangyayari rito.
" Wala naman ng dahilan para mag aral pa ako 'di ba? Kontrolado niyo na ang buhay ko isa pa, isa lang naman ang pupuntahan ko,eh, sa company rin natin!" pabalang na sagot ng kaibigan.
Namimilog ang mata niya sa paraan ng pagsagot ng kaibigan sa Mommy nito. Napansin niya na lalong bumakas ang galit sa mukha ng matanda na tila hindi ito makapaniwala sa narinig.
" Bakit ka ba nagkakaganyang bata ka? Sinisira mo ba ang buhay mo,ha?!"
" No, Mom! I'm just enjoying my life hanggat puwede pa. Because i know one day maski sarili ko hindi ko na pag-aari dahil kayo na ang may hawak!"
" How could you say that? We're doing this for your own sake!"nanggagalaiting sagot ng matanda na halos mapatid na ang ugat sa leeg.
" This is for your own sake, Mom for your business not for me! Kahit nga sa kursong gusto kong kunin iyong gusto niyo pa rin ang nasunod, kahit kailan hindi niyo man lang ako tinanong kung anong mga gusto ko!"naiiyak nitong sagot.
Nasapo naman Mrs. Romualdez ang dibdib na tila anumang oras ay aatakihin. Ngayon niya lang nalaman ang mga saloobin ng kaibigan. May sarili itong gusto sa buhay na hindi nagagawa. Sa kabila pala ng mga ngiti nito ay may tinatagong kalungkutan ang matalik na kaibigan. At mukhang sumabog na nga ito nang pati ang lalaking mamahalin niya ay kontrolado na rin ng mga magulang.
" And now,ang kaisa-isang masasabi kong pag-aari ko, ang puso ko gusto niyo na ring kontolin!"
" Oh, so lumabas din ang totoo, this is all about Damon!" Huminga ito ng malalim. " Tama nga ang naging desisyon ko na tanggalin bilang board of directors ang lalaking iyon!"
Napamaang si Athena sa narinig, napalitan ng pag-aala ang galit sa mukha.
" Bakit niyo ginawa iyon?! Leave him alone!" mangiyak-ngiyak na sigaw nito. " Hindi na kayo naawa! Iyon na lang ang tanging inaasahan nila,iniwan na sila ng Daddy niya at may kapatid siyang kailangan ng medical assistance!"
Napapailing siya, kung bakit naman kasi pagdating kay Damon nagiging emotional ang kaibigan. Lalo tuloy nakumbinsi ang Ina na may relasyon nga ito sa lalaki.
" This is your fault, remember?! Kung nakinig ka lang hindi mangyayari 'to! If you prove me that you and Damon are not in a relation then fine! Ora mismo ibabalik ko siya sa company!"
Matapos ay tumalikod na ang matanda. Umiiyak namang napaupo ang kaibigan, agad niya itong nilapitan upang alalayang tumayo ngunit umiwas itong mahawakan niya.
" I'm okay don't worry!" Ngumiti ito ng mapait sa kaniya. " Sanay naman ako na iniiwan ng mga taong akala ko makakaramay ko, pero hindi, iniwan lang ako sa ere!" madiing sabi nito saka siya tinalikuran.
Natigagal siya sa sinabing iyon ng kaibigan. Pakiramdam niya ay nabingi siya sa patama nito sa kaniya. Hindi niya namalayang nanlalabo na pala ang mata niya dahil sa luha habang nakatanaw pa rin sa kaibigan na nawala na sa kaniyang paningin.
Hindi niya na rin alam kung paano siya nakarating sa kaniyang kwarto ng mga oras na iyon. Galit sa kaniya ang kaibigan, natitiyak niya iyon. Nagawa na nitong magrebelde dahil sa bigat na pinagdadaanan nito ngunit hindi man lang niya iyon napansin. Ang akala niya ay okay na ang lahat. Noong mga panahong siya ang nangangailangan ay palagi itong nariyan ngunit noong ito ang mangailangan ay tila ba binalewala niya lang at nagawa niya pang pagsalitaan ng hindi maganda. Siya ang totoong selfish at hindi ang kaibigan. Muli siyang napaluha ng mga oras na iyon. Pakiramdam niya ay wala siyang kwentang kaibigan.
Mabilis na lumipas ang mga araw, malapit na rin ang exam nila ngunit nawawala siya sa pokus dahil sa nangyayari sa kaibigan. Ito ang unang pagkakataong nagkatampuhan sila ng matindi. Sinusubukan niya itong kausapin ngunit umiiwas ang kaibigan.
" Bes,ano ba? Mag-usap nga tayo iniiwasan mo ba ako?"aniya ng harangin niya ito sa labas ng mansion. Papunta na sila ng school ng umagang iyon
" Mali-late na tayo, i know your busy!" patuloy lang ito sa paglalakad na hindi siya tinitignan.
" Alam kong hindi ka pumapasok sa school, saan ka ba nagpupunta?"
" 'Wag mo na ako intindihin, Bes. Pokus ka na lang sa study mo, okay?"malamig pa ring tugon nito.
Pareho na silang pumasok ng kotse ngunit patuloy siya sa pangungulit dito.
" Galit ka ba sa'kin?" tanong niya nang makapasok na sa kotse.
" Galit? Of course not!"
Nakangiti ito ngunit hindi niya mabasa ang iniisip ng kaibigan.
" Kahit naman magalit ako, nothing will change. I accept the fact na talagang mag-isa na lang ako at wala akong ibang maaasahan."
Muli siyang natigilan sa tinuran ng kaibigan. Talagang masama ang loob nito sa pagtanggi niya sa gusto nito mangyari.
" Manong sige na, paandarin mo na!" utos nito sa driver.
" Hindi naman kasi ganoon kadali ang hinihiling mo,eh," mahina niyang sambit.
" But we made a promise!" matigas ang boses na tugon nito.
Napalingon siya sa kaibigan. " Oo, nangako nga tayo sa isa't-isa! Pero ibang usapan na kasi 'to, eh! Kinabukasan ko na ang nakataya."
Nangingilid na ang luha niya sa kakapaliwanag sa kaibigan.
" Bakit ako? Buhay ko ang nakataya nung tulungan kita, but i did not hesitate!" sumbat pa rin nito sa kaniya.
Nang mga oras na iyon ay pareho na silang napaiyak,wala na siyang ibang maisip na salita na pwede pang ipangtapat sa sinabi ng kaibigan, dahil wala ng hihigit sa sakripisyo ang ginawa nito para sa kaniya. Ngunit ano nga ba ang batayan para masabing tunay kang kaibigan? Depende ba sa laki ng pabor na ginawa ng isang tao para lang matawag kang tunay na kaibigan? Hindi ganoon ang pagkakakilala niya dito,malamang ay umabot na ito sa puntong wala na itong ibang mapagpipilian.
Maya-maya lang ay naisipan na nitong bumaba kahit hindi pa nakakarating sa school. Hindi niya na ito inusisa pa kung saan ito pupunta ngunit alam niyang hindi na naman ito makakapasok ng school. Malungkot niya na lang sinundan ng tingin ang papalayong dalaga.
Magulo ang isip niya ng araw na iyon kaya hindi siya makapag pokus ng maayos. Hindi niya kayang balewalain na lang ang kaibigan na ngayon ay unti-unti nang sinisira ang buhay. Paano nga kaya kung pumayag na lang siya sa gusto nito? Ang maikasal kay Damon? Napapikit siya ng mariin at sunod-sunod na napailing.
Maisip niya lang na ikakasal siya sa lalaki ay parang masisira na ang ulo niya. Ngunit ano nga ba ang kaya niyang isakripisyo para mailigtas ang kaibigan na ngayon ay nasa madilim na sitwasyon?
" Napapansin ko kanina ka pa hindi mapakali, any problem?"
Kasalukuyan silang nasa hallway ng school kasama ang nobyo at nakaupo sa bakanteng upuan.
" Ah, medyo stress lang, malapit na rin kasi ang OJT,medyo kinakabahan ako," pagsisinungaling niya.
" Don't be nervous, isipin mo this is your first step to your dreams. A good opportunity for your job pag dating natin sa Amerika," nangigiting turan nito.
Napangiti siya sa sinabing iyon ng nobyo. Nakaramdam siya ng excitement pag naiisip na pupunta siya sa Amerika. Ngunit kaya nga ba niyang iwan ang kaibigan sa ganoong sitwasyon?
" Kumusta na kayo ni Rochelle?" sa halip ay tanong niya na ipinagtaka naman ng lalaki.
Naisip niya kasing pag nagpakasal na siya kay Damon ay lalayuan na siya ng binata at si Rochelle ang maaaring ipalit nito sa kaniya.
" Si Rochelle? Bakit naman siya nasali sa usapan natin?" curious na tanong ng binata.
" s**t! Ano ba 'tong iniisip ko, para akong lutang!"
" I think you need a break. Mamaya lumabas tayo para naman ma relax ka and i prepared some surprise for you!"
Pinagmasdan niya ito, bakas sa mukha ng nobyo ang pananabik. Ano nga kaya ang maaring maramdaman nito kapag nakipaghiwalay siya at magpakasal kay Damon? Ginagap nito ang kamay niya.
" Mukhang stress ka nga at nakalimutan mong monthsary natin ngayon," bulong pa nito sa kaniya.
Nakalimutan niya, six months na pala sila ngayon ng nobyo ngunit hindi siya nagpahalatang nakalimutan niya. Ayaw niyang isipin pa nito na hindi niya pinahahalagahan ang kanilang relasyon.
" S-sino may sabi na nakalimutan ko, hindi ah!"aniya pa sa masiglang boses. " Happy monthsary!" aniya.
" Hmm, nasaan 'yung kiss ko?" Nilapit ang mukha kaya bahagya niya itong pinalis.
" Sira 'wag dito 'no!" Nakairap niyang tugon.
" Mamaya na lang?" pangungulit pa rin nito na ginantihan niya ng pasimpleng pagpisil nito sa pisngi.
" Sige na, kailangan ko nang bumalik sa room, marami pa akong gagawin," paalam niya dito at tumayo.
" So, mamaya hihintayin kita dun,ah?"
Napaisip siya, parang wala siya sa mood magsaya habang naghihirap ang kaibigan. Mabilis siya nitong dinampian ng halik sa mga labi.
" Later na lang,ah?" Pilyo ang mga ngiting umalis ang lalaki.
Napapailing na lang siya sa ginawa nito at gumuhit ang mga ngiti sa kaniyang mga labi. Panandalian niyang nakalimutan ang iniindang problema, may sorpresa ang nobyo at sabik na siyang malaman iyon. Paano na lang kung hindi ito dumating sa buhay niya? Paano niya haharapin ang mabigat na problemang kinakaharap?