MASAKIT ang ulo ni Camilla nang magising ng umagang iyon. Medyo naparami pala ang inom niya kagabi, buti na lang at malinaw pa ang isip niya noon dahil nagawa pa niyang maitulak palabas si Damon matapos siyang maihatid nito sa kwarto. Mahirap na, lalaki pa rin ito at baka samantalahin nito ang pagkakataon kung kelan siya mahina. Assuming na kung assuming, mas mabuti na iyong nag-iingat.
Bumangon siya sa kama at hinilot ang kumikirot na ulo, parang tinatamad siyang pumasok ng araw na iyon. Wala siyang gana dahil na rin sa madalas nilang pagtatalo ni Mico. Madalas itong magselos at palaging mainit ang ulo. Naiintindihan niya naman ang lalaki dahil sino ba ang matutuwa kapag ang taong mahal mo ay maikasal sa iba? Kahit sabihing palabas lang ang lahat ay tila hirap iyong maintindihan ng nobyo.
Pilit niyang nilabanan ang katamaran at pumunta sa closet para ihanda ang damit na isusuot. Bahagya siyang natigilan ng makita ang mga sexy dresses na naka hanger. Bakit niya pa ba ito isusuot, eh, tapos naman na ang palabas at naikasal na siya kay Damon. Ang pagpapanggap lang naman ang dahilan kaya napilitan siyang baguhin ang itsura. Binuksan niya ang isang drawer kung saan naroon ang mga dati niyang damit na nagawa niya pang itago. Isang maluwag na t-shirt na may disenyo pang angry birds sa harap at isang pants ang inilabas niya. Matapos ay pumasok na siya sa banyo para maligo. Naisip niyang baka sa ganoong anyo ay hindi na magselos ang nobyo. Masyado kasi siyang maganda kaya tila natutuliro ang utak ng nobyo niya. Pangiti-ngiti siya ng makalabas ng banyo suot na ang nasabing damit. Nagulat pa siya nang makita si Damon na nasa pintuan. Nakasandal ito habang nakahalukupkip.
" Ay, butiking kalbo!" bulalas niya.
" Nakakagulat ka naman, anong ginagawa mo rito sa kwarto ko?" tanong niya na nakapameywang pa.
" In case you forgot, kuwarto ko rin 'to Mrs. Villaruiz!" sarkastikong sagot nito. " Ang tagal mong gumising malilate na ko sa work," maktol ng lalaki.
" Oh, bakit? Na sa'kin ba ang mga paa mo? Eh, 'di pumasok ka na sa trabaho mo!"
" Eh, kasi po baka nakakalimutan mo rin kung anong ginawa mo sa'kin kagabi? Pinaghahampas mo'ko ng sapatos mo habang pinapalabas at dahil doon naiwan ko ang susi dito kaya di ako makapasok!" mahabang litanya ng lalaki.
Ngumuso siya at kunwa ay walang naaalala sa ginawa kagabi. Napapailing na lang ang lalaki at dumiretso sa closet para kumuha ng damit. Kung bakit naman kasi hindi na lang sila maghiwalay ng kwarto? Pag ginawa naman nila iyon ay tiyak na magtataka naman ang Mommy ng lalaki.
" Eh, 'di dapat ginising mo'ko! Libre namang kumatok 'no!" Mataray niyang sagot.
" Hayy! Ginawa ko nga, kaso para kang mantika kung matulog!" asik nito sa kaniya. " Akala mo naman kasi gagawan ka ng masama! Eh,mas lalaki ka pa nga kesa sa'kin!"
Hahampasin niya sana ito ngunit agad na itong nakatakbo sa banyo.
" Ikaw para kang bakla, napakadaldal mo!" Hiyaw niya dito.
Inayos niya na ang buhok at pinulupot paitaas gaya ng nakagawian niya dati. From now on goodbye na siya sa sexy dresses at lugay hair. Pumunta na siya sa kusina para mag-almusal kaya nasalubong niya ang mommy ng lalaki na nasa kusina rin.
" Good morning po," bati niya sa matanda.
" Oh, hi, iha, 'lika na maupo ka na. Teka hindi ka ba papasok?"
Pumwesto siya sa upuan na nasa tapat nito.
" Papasok po."
Napansin niya ang nanunuring tingin nito mula ulo hanggang paa kaya nailang siya.
" Pero bakit ganiyan ang suot mo para ka lang mamalengke,ah?"
Muntik pa siyang masamid sa iniinom na kape sa tinuran ng matanda.
" Naku, bata ka. Halika nga!"
Hinila siya nito sa kamay at inaya sa kuwarto nito at pinaupo sa kama. Nalilito man ay hinayaan niya na lang ang matanda.
" Alam mo, hindi porket may asawa ka na ay hindi ka na mag-aayos. Kailangan pretty ka pa rin," anito habang tinanggal mula sa pagkakapusod ang buhok niya.
Hindi siya nakaimik sa tinuran ng matanda ngunit kinakabahan siya sa balak nitong gawin sa kaniya.
" Maraming ka-kompetensya kaya dapat you must be vigilant! ' Wag kang papayag na maagaw ng iba sa'yo ang asawa mo, unlike me naging kampante ako kaya ayun, pinagpalit sa mas bata at mas maganda!" anito na biglang sumilay ang lungkot sa mga mata.
" By the way, akong bahala sa'yo!"
Napangiwi siya sa sinabi nito. Akala pa naman niya ligtas na siya dahil wala nang mangingialam ng OOTD niya, ngunit nagkamali siya. Pinalipat siya nito sa vanity table at sinimulang ayusin ang mahaba niyang buhok. Matapos ay nilagyan pa siya nito ng headband sa ulo na bumagay sa maamo niyang mukha. Hindi pa ito nasiyahan, nilagyan rin siya nito ng make-up. Nang matapos ay pumunta ito sa closet at may kinuha. Napapakamot naman siya ng ulo habang sinusundan ito ng tingin. May kinuha itong dress, isang french style vintage dress na elegant ang design.
" Naku po! Mukhang magiging sinaunang tao pa yata ako nito,ah!" aniya sa sarili.
" I'm sure babagay sa'yo 'to, Iha!" natutuwang sambit nito.
Hindi na sya kumontra nang ipasuot ito ng matanda sa kaniya. Natutop pa nito ang bibig nang makita ang itsura niya.
" Bagay na bagay sa'yo, ang ganda mo!" natutuwang bulalas nito.
Humarap siya sa salamin at pinagmasdan ang sarili. Simple but elegant ang naging dating niya. Nang matapos ay pumunta na sila sa kusina upang ituloy ang pagkain
Naabutan nila si Damon na kumakain na sa lamesa, natigilan pa ito ng makita siya. Napahinto sa pagkain at napatitig sa kaniya.
" What can you say,Iho? She's pretty 'di ba? I remember when i was at her age," anito na tila nangangarap na nakatingin sa kawalan.
" Hmm. Ayos lang," sagot ng lalaki na agad na binawi ang tingin.
" Ikaw talaga! Pwede ba mamaya, mag shopping nga kayo ng asawa mo, buy her some dress, 'yung sexy!" Matapos ay tumalikod ito sa kanila at pumunta sa refrigerator.
Muling napasulyap sa kaniya ang lalaki na tila pinipigil ang sarili na matawa habang nakatingin sa headband niya. Napaaringking ito ng sipain niya mula sa ilalim ng lamesa.
" I'm telling you, alagaan mo ang asawa mo! At saka kailan ba ako magkakaapo sa inyo, ha?!"
Bigla ay nasamid at napaubo si Damon sa tanong ng Ina. Maging siya ay muntik na ring mabilaukan.
" Gusto ko nang magkaapo, alam mo namang ikaw na lang ang inaasahan ko, eh!"
Napaisip siya. Ang alam niya ay may kapatid si Damon na babae. Sa isang linggong pamamalagi niya ay hindi niya pa ito nakikita.
" Siguro hindi kayo makapag concentrate kaya hindi kayo makabuo, tama?"
" Mom, kumain ka na nga, gutom lang iyan,eh!" ani ni Damon na pinamumulahan ng mukha.
Tinampal ito ng Mommy niya sa braso.
" Seryoso ako, gusto ko ng apo!"
Gusto niya tuloy makonsensya dahil malabong mangyari ang hinihiling nito.
" Okay. I think, you two must live at your own. Naalala mo 'yung bahay natin sa makati? Doon na muna kayong dalawa."
Kapwa sila gulat na napatingin sa matanda.
" Mom, ayokong umalis dito hindi ko kayo pwedeng iwan lalo na si Eliza saka mag iinom lang kayo lagi,eh!" bulalas ni Damon.
" Huwag ka ngang OA,anak. Malapit lang ang Makati dito, saka hindi na ko umiinom 'no!"
" Basta! Hindi ko kayo iiwan dito!"
" Paano ako magkakaapo niyan kung maraming tao sa paligid niyo? I know how it feels lalo na sa'yo, Camilla. Siguro hindi kayo komportable kaya hindi kayo makabuo. Final na ang desisyon ko bukas rin ay lilipat na kayo!"
Hindi agad nakaimik ang dalawa lalo na siya na tila gusto niyang maiyak. Parang gusto niya nang magback out sa kasunduan nila ng kaibigan. Napatingin siya kay Damon na napatitig na lang din sa kaniya. Hanggang sa kotse ay wala silang imikan, pareho silang tahimik na nakatingin lang sa kawalan. Lalo lang silang magkakagulo ni Mico pag nalaman nitong titira sila ng sila lang sa iisang bahay.
" Pasensya ka na kay Mommy,ah."
Dinig pa niyang wika ni Damon ngunit hindi na siya umimik. Wala rin naman siyang magagawa kahit magreklamo siya sa lalaki dahil hindi rin naman nito ginusto ang nangyari. Bagsak ang balikat niya nang bumaba sa kotse. Natanawan pa nya si Mico mula sa malayo. Madilim na naman ang mukha nito habang nakatanaw sa kaniya. Hindi niya na ito pinansin at aawayin lang naman siya nito ngunit lumapit ito sa kaniya at sumabay sa paglalakad.
" Ano ba iyang nasa ulo mo? Hubarin mo nga iyan!" inis nitong wika.
Napatitig siya rito. Napabuntong hininga at hinubad na lang ang headband at ibinigay niya sa lalaki na tinanggap naman ng huli.
" Bakit parang masyado kang nag-e-effort na magpaganda? Sino ba nagbigay ng headband na 'to? Si Damon ba? Pati iyang labi mo sobrang pula!"
" Aawayin mo na naman ba ako, Mico?!"
" Hindi kita inaaway! Sinasabi ko lang ang mga hindi ko gusto!" madiing sabi nito na tila pinipigil ang galit. " Oh, don't tell me parte pa rin iyan ng pagpapanggap niyo?! s**t!" gigil nitong wika.
" Nagkakaganyan ka dahil sa headband?"
" Hindi ka naman mahilig dito, ah?! Nagtataka lang ako that all of a sudden naligaw 'to sa ulo mo?!"
Natawa siya ng pagak at pilit na kinalma ang sarili. Ayaw niya nang patulan pa ang nobyo na natuliro na naman. Agad niyang binura ang lipstick at pinusod ang buhok.
" Ano, okay na?!" sarkastiko niyang sambit at tumalikod na.
Hindi niya na alam ang dapat na gawin ng panahong iyon. Nang dahil sa headband ay nagkaganun na ang nobyo anu pa kaya pag nalaman nitong magsosolo na sila ng bahay ng lalaki?
Kinabukasan nga ay tinotoo ng bienan ang sinabi at sinamahan pa sila sa bagong tirahan. Sabado noon kaya wala siyang pasok. Kaya wala na siyang nagawa dahil iyon ang kagustuhan ng matanda. Maganda ang bahay na sakto lang ang laki. Up and down ito na may tatlong kwarto. Kasama niya ang magulang na tinawagan pa niya para malaman nito ang bago niyang tirahan.
" Ano sa tingin mo balae? Tama ako 'di ba? They must to live at their own para maka pokus sila sa pagawa ng magiging apo natin!"
Napangiti ng hilaw ang Mama niya at sumang-ayon na lang dito. Ayaw pa niya sana payagan ang Ina na umalis ngunit tumanggi ito dahil may naiwan pang trabaho sa mansion. Napasulyap siya kay Damon na noon ay seryoso ang mukha. Kapwa pa sila napatanga habang hatid ng tanaw ang papalayong mga magulang.