“SI CAROL. Tulad ko, dati rin siyang artista at naging magkapareha kami noon sa isang pelikula.” Binanggit ni Daddy Delfin kay Maddie ang pamagat ng tinutukoy na naging proyekto, at sinubukan naman niyang alalahanin kung sino ang leading lady nito roon. Ngunit kahit anong pagpiga ang gawin sa utak ay hindi na niya malinaw na matandaan ang hitsura ng babae, dahil napakabata pa niya noong napanood ang pelikula at hindi pa niya masyadong natutukan dulot ng paghihigpit ng mommy niya pagdating sa mga maseselang eksena niyon. Nag-iwas siya ng tingin. “Nagkaroon po ba kayo ng relasyon sa kaniya?” “Oo.” Pinalagitik nito ang dila. “At aaminin ko sa ‘yo, minahal ko noon nang sobra si Carol. Umabot ako sa puntong halos sa kaniya ko na pinaikot ang mundo ko at siya na ang pinangarap kong makasama h

