NANANATILI mang nakapikit ang mga mata ay tila awtomatiko pa ring kumilos ang mga braso ni Adrian upang mag-inat sa sandaling nagising siya. Ayaw pa man niyang umalis sa higaan ngunit alam niyang kailangan na, dahil oras na para simulan ang panibagong araw. Pupungas-pungas pa siya nang pinilit bumangon mula sa sofa kung saan siya nag-stay sa nagdaang magdamag. Kinailangan pa niyang kusutin ang mga mata para magawang dumilat habang nakaupo siya. Kumurap-kurap siya upang luminaw ang paningin, at saka lang niya nagawang alamin ang oras mula sa suot na wristwatch. Six o’clock na ng umaga: late na ng tatlumpung minuto kumpara sa normal na oras ng paggising niya sa araw-araw. Gayunpaman, puyat na puyat pa rin ang pakiramdam niya. Kulang na kulang pa rin siya sa tulog dahil lampas alas kuwatro

