“Bakit ka naglalasing?” Napalingon si Alex sa pinanggalingan ng boses. Solo niya ang farmhouse. Hindi niya inaasahang may darating at sa ganoong oras pa ng gabi. “Gabi na, Lucy. Ano pa ang ginagawa mo rito?” Uminom uli siya. Lumapit ito sa kanya. “Tama na `yan.” Tinangkang agawin ni Lucy ang bote pero naiiwas niya iyon. Pinilit pa rin nitong abutin ang bote. Nang muntik nang ma-out of balance ang babae, kumapit ito sa nakataas niyang tuhod. Ang isang kamay ay pilit pa ring inaabot ang bote. “Tumigil ka,” sabi ni Alex. Sa isang pag-iwas ng bote, tumama iyon sa bakal na barandilya ng bintana. Nabasag. Nahiwa ang kanyang palad ng isang matalim na bahagi ng basag na bote. Napasinghap si Lucy. “Nasugatan ka.” Binitiwan na ni Alex ang basag na bote sa lupa.

