To Have And To Hold - Chapter 1

2442 Words
“Sa wakas!” bulalas ng isang guro. Napangiti si Maurin. Lahat sila ay iisa ang dahilan ng pagiging masaya. Tapos na ang school year. Nabawasan na ang pressure sa kanilang mga trabaho at marami na naman silang oras para mag-relax. “Pupunta kami sa Boracay ng asawa ko,” balita ni Mrs. Silvano na sa tono ay halatang nang-iinggit. Nagkatinginan si Maurin at ang isang co-teacher. Pareho sila ng iniisip. Malaki ang paniniwala ni Mrs. Silvano na ito ang pinakamayaman sa buong faculty at kung magsalita ay parang ito lang ang may karapatang makaranas ng ganoong luho sa buhay. “Galing na ako roon noong August. Remember, two days akong nag-leave? Lean month noon at halos solohin namin ang dagat,” sabad ng isa pang co-teacher. Ito ang pangalawa na hindi magpapatalo kung payabangan din lang ang usapan. Pero numero uno pa rin si Mrs. Silvano. “Mas mainam pumunta roon `pag summer. `Di baleng maraming tao. At least, talagang summer ang ambience!” “Good-bye everybody!” malakas na sabi ni Maurin. Sanay na siya sa kanyang co-teachers na hanggang mag-uwian na lang ay hindi pa matatapos ang payabangang iyon. At sigurado siyang hanggang sa mga susunod na araw ay kung ano-ano pang bulungan ang kanyang maririnig. Napailing si Maurin. Kahit saang propesyon talaga ay hindi nawawala ang makakati ang dila. At ang inaabangan ng mga ito ay ang kagaya ni Mrs. Silvano at ng kausap na parang gustong-gusto namang maging talk of the town. “Remember, may report pa rin kayo once a week,” paalala ng principal. Tumango si Maurin. Alam na niya iyon mula nang magsimula silang magturo. Kahit summer vacation, hindi ibig sabihin na buong summer silang magsasaya. May mga araw na dapat pumupunta sila sa eskuwelahan. Walang problema kay Maurin. Hindi naman siya kagaya ni Mrs. Silvano na mahilig magpunta kung saan-saan. Pinakamalayo na siguro niyang mararating ang Makati. Iyon ay kapag dumalaw kay Kristel. Umuwi na si Maurin sa apartment na inuupahan. Ulila na siya sa mga magulang. Namatay ang kanyang tatay noong high school siya. Ang nanay naman niya ay namatay na rin noong bago naman siya nagtapos ng college. Nag-iisa siyang anak kaya walang choice kundi ang mamuhay nang mag-isa. May mga kamag-anak si Maurin pero kamag-anak lang sa pangalan. Mga tipo ng kamag-anak na palibhasa mapepera kaya palaging iniisip na kailangan niya ng tulong kaya lumalapit pa lang ay puro paiwas na ang kilos ng mga ito. Sensitive si Maurin sa mga ganoong tao. Kaya hindi na niya pinilit na ilapit ang sarili. Iisa lang naman ang kanyang motibo—ang maramdaman sa mga kamag-anak ang pagiging kadugo. Satisfied na siya sa atensiyon mula kina Annalor at Kristel. kaya nitong huli ay ang mga kaibigan na lang ang itinuring niyang kadugo. Initsa ni Maurin ang mga gamit sa luma nang sofa. Pamana pa iyon sa kanya ni Kristel nang ipa-interior decorate nito ang unit. Mahalaga iyon sa kanya. Kasing-importante ng iba pang bagay roon na palaging ibinibigay sa kanya ng dalawang kaibigan. Wala siyang pakialam kung puro bigay ng mga kaibigan ang kanyang gamit sa studio-type na apartment. Pasalamat nga siya at binibigyan siya ng mga ito. At hindi naman basta-basta ang mga gamit na kanyang minamana dahil puro iyon de-klase. Minsan nga lang, parang hindi na nagma-match sa isa’t isa ang mga iyon dahil magkaibang bahay ang pinanggalingan. Kagaya na lang ng Chinese fan. Kahit sino ang pumasok sa kanyang bahay, alam na hindi iyon bagay sa painting na nakasabit sa dingding. Pero hindi naman puwedeng isantabi ang isa. Magkasabay na ibinigay ng dalawang kaibigan ang mga iyon, bago pa at hindi basta lang ipinamana sa kanya. Regalo ng mga ito noong nakaraang birthday niya. Kay Kristel galing ang Chinese fan. Mahilig ito sa feng shui at iyon daw ang dapat na iregalo sa kagaya niyang nag-iisa. Ang katwiran naman ni Annalor kaya niregaluhan siya ng painting ay para magkaroon naman daw ng artistic ambience ang bahay niya. Maurin was thankful. Wala siyang pakialam kung hindi man bagay ang mga iyon sa kanyang bahay. Ang importante, bigay iyon ng dalawang taong importante sa kanya. Tumuloy siya sa kusina. May natira pang sopas na inilagay niya sa personal refrigerator. Sa lahat yata ng mga gamit doon, ang ref lang at ang kalan ang sarili niyang pundar. Lahat ng mga gamit nila noong buhay pa ang kanyang nanay ay kasama nang naibenta. Iyong iba ay pinag-interesan ng mga kamag-anak noong panahon ng lamay. Hindi maintindihan ni Maurin. Mapepera naman ang kanyang mga kamag-anak pero mahilig pa rin sa sa libre o pakinabang. Hindi na nakapagtataka kung bakit ilag ang mga ito sa kanya. Natatakot siguro na gawin niya sa mga ito ang ginawa sa kanya. Puwes, mabibigo ang mga kamag-anak niya. Dahil masaya naman siya sa pag-iisa. She was earning more than what she needed at mayroon pa siyang ibang resources na hindi naman alam ng mga ito. Kinuha ni Maurin ang isang mangkok ng sopas at inilagay sa microwave. Bigay rin iyon ni Kristel dahil bumili ito ng mas malaking microwave. Saglit lang at tumunog na ang microwave. Natawa na lang si Maurin nang makita ang hitsura ng sopas. Malata na ang macaroni. Hindi na makilala. At parang gusto niyang maawa. Hindi naman nakapagtatakang magkaganoon ang sopas. Tatlong araw na niyang iniinit iyon. Tatlong araw nang puro sopas at loaf bread ang kanyang pagkain. Umusal si Maurin ng maikling pasasalamat para sa grasyang inihain sa sarili at saka hinawi ang mahabang bangs. Nagsimula na siyang kumain. Kahit naman tinakasan na ng appeal ang hitsura ng sopas ay masarap pa rin. Na-develop na sa panlasa ni Maurin na habang iniinit nang iniinit ang pagkain ay mas sumasarap. Nasanay siya sa ganoon. Hindi siya magluluto ng ibang pagkain hanggang mayroon pang natitira sa nauna niyang niluto. At palagi na ay pang-ilang araw ang dami ng kanyang inihahandang pagkain. Tamad siyang magluto. Sapat na sa kanya ang mga iniinit na pagkain kaya sulit na sulit ang namana niyang microwave oven. Busog na si Maurin nang magulat sa narinig na katok sa pinto. Napakasimple ng kanyang apartment kaya kahit ang pag-i-install ng doorbell ay hindi niya naisip. Ang maliit na kuwarto ay malapit sa sala. Kahit nasa labahan sa likod ay maririnig niya kung may kumakatok. Lalo na ang paraan ng pagkatok ng kung sinumang dumating. Parang intensiyong basagin ang luma nang pinto. Maagap na tumayo si Maurin sa pag-aalalang ganoon nga ang mangyari. Maging kargo pa niya iyon sa may-ari ng apartment. Medyo masungit pa naman ito ayon sa kanyang mga katabing pinto. At kaya lang mainam ang treatment sa kanya ay palagi siyang on-time magbayad. Minsan nga advance pa.   “YES?” IYON lang ang nasabi ni Maurin at malabo na niyang madugtungan. Parang nakulong na ang lahat ng boses sa kanyang lalamunan. Paglunok niya para guminhawa ang pakiramdam ay nalasahan pa niya ang kinain. Nakalimutan niyang uminom. Lalaki ang nabungaran ni Maurin. Lalaking-lalaki na hindi puwedeng pagdudahan ang gender. He was towering over her at medyo nangawit pa siya sa pagkakatingala. But it was worth it. Parang tumambad kay Maurin ang younger version ni Pierce Brosnan minus his mustache in Love Affair. Baliw na baliw siya sa mga James Bond movies at ang nabanggit na aktor ang pinakagusto niya sa lahat. He had the unmistakable authority. At habang nakatulala si Maurin sa lalaking nakatitig din sa kanya ay tikom naman ang mga labi nito. Hindi siya aware doon dahil aliw na aliw siyang pagmasdan ang kabuuan nito. Eskuwelahan-bahay lang ang routine ni Maurin. Sa eskuwelahan ay puro pupils at co-teachers na mga babae rin ang kanyang nakikita. Pag-uwi naman sa bahay, bihira siyang manood ng TV. Ganoon ka-monotonous ang buhay niya. Routine na ring maituturing ang once a month na pagkikita nila ng kanyang mga kaibigan. Wala siyang social life. Wala ring love life. Bihira siyang maligawan dahil ang paniwala niya, hindi naman malakas ang kanyang s*x appeal. Sabi pa nga ni Kristel, manang na manang pa ang dating niya, lalo at pagiging teacher pa ang pinili niyang propesyon. Pero mas alam ni Maurin ang dahilan kung bakit hindi pila-pila ang kanyang suitors. Suplada kasi siya. Natatakpan ng pagiging suplada ang kanyang ganda. Ang ganda pa naman niya ay hindi sa mukha lang natatapos. She had a silky, light tan skin. She stood five feet and five inches. She had a good posture at may taste din sa pananamit. Pero hindi siya likas na magiliw at palangiti. Iilan lang ang taong may pribilehiyong magawan niya ng ganoon. Ang mga nagtatangkang manligaw kay Maurin ay basted agad sa unang akyat pa lang. Wala pa siyang nakita isa man sa mga manliligaw na deserving para harapin niyang muli. Kasi naman, kapintasan agad ang hinahanap niya sa mga manliligaw. Basta may nakita kaunti mang pangit ay nate-turn off na siya. Sabi ni Annalor, hindi maganda ang ganoon. Pero ano ang magagawa niya? Ganoon ang nakasanayan niyang gawin kapag may bisita siyang lalaki. They found out na hindi naman kasi likas na interesado si Maurin sa opposite s*x kaya lagi niyang hinahanapan ng mali ang kalalakihan. Nobody is perfect. Kaya sa tuwina, hindi naman siya nabibigo basta kapintasan ang hahanapin sa mga lalaki. Then she realized na bukod sa hindi interesado sa mga lalaki, wala naman sa mataas na puwesto ng order of priority ni Maurin ang tungkol sa pag-aasawa. She was living by herself for over five years at nasanay na siya nang ganoon. Walang dinedependehan at wala ring dumedepende sa kanya. Parang hindi ma-imagine ni Maurin na sa isang iglap, kapag nag-asawa siya ay may sinasandalan na siya. At magkakaroon na rin ng dedepende sa kanya. That was one truth na nakikita niya sa buhay-pag-aasawa. Hindi por que babae ay palaging ito ang nakasandal sa asawang lalaki. Men depended more on women. At nagiging parasite pa nga ang mga lalaki kapag nag-asawa na. Ultimo paglalagay ng toothpaste sa sariling toothbrush ay iniaasa pa sa asawa. She couldn’t take that. “Karinyo iyon, Maurin. Bahagi ng pagsisilbi sa asawa,” naalala niyang paliwanag ng isang kakilala. Ngiti lang ang isinagot niya. At the back of her mind, karinyo-brutal ang ibibigay niya sa lalaki kapag ganoon kaliit na bagay ay iaasa pa sa kanya. Maybe she was just being too idealistic. Dahil hindi pa naranasan ni Maurin na magka-boyfriend. At hindi rin naman niya nasaksihan ang pag-aasikaso ng kanyang ina sa kanyang ama. Her father was an overseas engineer. Minsan sa loob ng tatlong taon lang kung umuwi. At pinakamatagal na ang dalawang linggo na makasama nila ang kanyang ama. Palaging parang naghahabol sa panahon ang ama ni Maurin. Ang balak yata ay minahin ang lahat ng langis sa disyerto ni Saddam. Ang resulta, namatay ito nang maaga. He was overworked. Isang ugat ang pumutok sa batok. Nagmana si Maurin sa kanyang nanay. Wala ring interes sa lalaki ang kanyang ina kahit dinagsa ng mga manliligaw mula nang mabiyuda. Hanggang sa namatay ito ay wala namang pinagbuhusan ng oras kundi ang palaguin ang perang naiwan sa kanila ng kanyang ama. Naiwan din lahat iyon kay Maurin nang ang kanyang ina naman ang mamatay pagkatapos ng dalawang sunod na atake ng alta-presyon. Sumobra yata ang galit sa isang pinautang ng five-six. Nang hindi makasingil ay nauwi sa high blood ang emosyon. Bulong-bulungan ay karma raw iyon. Kaya sa  harap ng kabaong ng ina ay isinumpa ni Maurin na hindi niya mamanahin ang negosyo nito. Siningil lang niya ang mga natitira pang pautang ng ina. Hindi na baleng walang tubo basta maibalik lang ang kapital. At lahat ng iyon ay idineposito niya sa bangko. Hindi na baleng maliit ang interes sa time deposit kaysa naman isugal niya sa stocks gaya ng suggestion ni Kristel. Sigurista si Maurin at hindi naman siya naghahangad ng maraming pera. Sobra pa nga sa kanya ang perang iyon, lalo at pati pinagbentahan ng bahay at lupa nila ay nakadeposito sa bangko. Ginusto ni Maurin na mangupahan na lang dahil hindi naman niya gustong mag-isa sa isang malaking bahay. Ganoon kasimpleng buhay ang kanyang pinili. Sina Annalor at Kristel lang ang nakakaalam na may nakatabi siyang pera. At dahil nasanay na si Maurin sa ganoon ka-boring na buhay, pati paghahanap ng lalaki ay wala na sa kanyang isip. Pero iba ang kanyang naramdaman ngayong kaharap ang estrangherong lalaking kumatok sa kanyang pinto. Parang biglang naging interesting sa kanya ang mga lalaki. Kaya nga daig pa niya ang natuklaw ng ahas nang mismong nasa harap niya ang isang magandang clone ni Adan. Kumunot naman ang noo ng lalaking nasa harap ni Maurin. Medyo amused pa ito habang nakatingin siya. Flattered siguro, dahil obvious sa reaksiyon niya ang admiration para sa lalaki.  Pero nang bumilang na ang mga segundo, daig pa niya ang nakakita ng aparisyon. Idagdag pa ang bahagyang pag-awang ng kanyang mga labi. He cleared his throat. “May I come in?” Minsan pang napalunok si Maurin. Even his voice was wonderful. Among numerous adjectives, “wonderful” ang unang pumasok sa kanyang isip. At naniniwala siyang akma naman iyon sa lalaki. Pero hindi na masyadong wonderful ang ekspresyon nito. Parang sumungit. Idagdag pa na parang nairita. Then she remembered him asking. “And who are you?” ganting-tanong ni Maurin. “Ano ang kailangan mo?” dugtong pa niya. Sa huling narinig, parang naging grim pa ang anyo ng lalaki. “Let me in. Ipaliliwanag  ko.” He moved a step forward. “Sandali.” Protective na iniharang ni Maurin ang sarili sa pintuan. Hindi naman siya natatakot sa lalaki pero natural lang na protektahan niya ang sariling pamamahay. Hindi niya kilala ang lalaki. Kahit ito pa ang pinakamagandang lalaki sa mundo, kahit na mukhang clone ni Pierce Brosnan, hindi pa rin siya ganap na magtitiwala rito. “Sino ka muna.” Isang mapaklang ngiti ang gumuhit sa mga labi ng lalaki. May dinukot ito sa bulsa ng polo—passport. At nahagip ng kanyang tingin na puro tatak ang mga pahina niyon. He looked like well-traveled. “Vicente Rafael Hidalgo,” pakilala ng lalaki at binuklat ang passport. Iyon nga ang pangalang nakalagay sa passport. Kamukha nito ang nasa litrato. She thought it was taken two years ago. Two years ago pa nagsimula ang bisa ng passport. At bago pa nabasa ni Maurin ang lahat ng detalye roon ay ibinalik na nito sa bulsa ng polo ang passport. “Papasukin mo ako. Ipaliliwanag ko ang pakay ko.” Sa pagkakataong iyon, naging maawtoridad ang boses ng lalaki. Umatras si Maurin at binuksan nang mas maluwang ang pinto. When he stepped inside, nakita niyang nakaparada sa harap ng pinto ang isang itim at makintab na makintab na BMW.      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD