“Huy, anteh! Nandiyan ka lang pala! Kanina pa kita hinahanap. Saan ka ba nagsususuot?” nag-aalalang tanong ni Camille sa may ’di kalayuan nang umahon ako sa tubig.
Hindi ako kumibo. Nagmamadaling tinungo ko ang batong pinagpatungan ko ng mga damit na hinubad ko kanina. Natampal ko ang noo nang maalala kong naiwan sa loob ng kuweba ang damit pang ligo na hinubad ko.
“Wow! Ang sexy naman! Talagang nag-panty at bra ka dito, ha? Mabuti na lang at hindi ka naabutan dito ng bagong may-ari. Nakalimutan naming sabihin na hindi na sina Lolo ang nagmamay-ari nito,” saad niya habang nakasunod sa akin.
“Kailangan na nating makaalis agad dito,” natatarantang sambit ko habang nakatalikod pa rin sa kaniya. Ngayon ako nakaramdam ng panghihina ng tuhod dahil sa nangyari sa loob ng kuweba.
Pinilit kong makapagbihis kaagad sa kabila ng panghihina ng tuhod at panginginig ng kamay. Baka mamaya ay bigla na namang sumulpot ang lalaking ’yun. Una kong isinuot ang jogger pants, sunod naman ang jacket pati na din ang tsinelas. Humarap ako sa kaniya matapos kong isuot ang mga hinubad kanina.
“Bakit parang natataranta ka? At saka namumula ang pisngi mo, oh?” Inilapit niya ang mukha sa akin. Mataman niya akong tinitigan na para bang pinag-aaralan ang mukha ko.
Napayuko ako at umiwas ng tingin. Nagpatiuna na akong naglakad sa kaniya. Binilisan ko ang bawat hakbang upang makalayo agad at makaiwas sa tanong niya.
“Huy! Ano ang mayroon, ha? Bakit ka nagba-blush?” usisa pa niya. Nang maabutan niya ako ay pilit niyang sinisilip ang mukha ko.
“Bilisan na nga lang natin, nagugutom na ako.”
“Sabihin mo muna kung bakit ka namumula?”
“Ewan ko sa ’yo!”
Tumakbo ako para tumigil na siya sa pangungulit sa akin. Naghabulan kami hanggang sa makarating sa bahay nila Lola Amparo. Habol namin ang hininga nang makarating kami.
“Ano ang nangyayari sa inyo? Bakit kayo tumatakbo?” tanong ni Tita Sandra nang makarating kami sa bahay.
Pinupunasan niya ang mga dahon ng saging na nakalatag sa lamesa na nasa terrace. Maraming punong namununga ang nakapalibot sa bahay nila Lola Amparo kaya kahit tanghaling tapat ay presko pa rin.
“W-Wala po, Tita. Nag-uunahan lang kami ni Cam,” habol ang hiningang sagot ko sa kaniya.
“Naligo ka sa talon, ineng?” tanong naman ni Lola Amparo nang lumabas siya mula sa kusina. May mga dala siyang plato na magkakapatong.
“Opo, ’La. Hindi ko pala siya nasabihan na hindi na natin pag-aari ang lupang kinaroroonan ng talon,” sagot ni Camille sa tanong sa akin ni Lola Amparo.
“Buti at hindi ka nakita ng mga tauhan ni Lesandro Alcaraz. Naibenta na kasi namin ang bahaging iyon ng aming lupain. At ang sabi-sabi ay mahigpit daw ’yun.” Inilapag niya ang mga plato sa lamesa.
“W-Wala naman pong nakakita sa akin.” Pagsisinungaling ko.
“Mabuti naman kung ganoon. Magbanlaw ka na, kakain na tayo.” Utos ni Tita Sandra sa akin.
“Sige po.”
Napapatulala ako habang naliligo. Hindi ko akalaing hinayaan ko ang isang estranghero na hawakan at halikan ako.
“Bakit naman kasi ganoon ang epekto sa akin ng mga haplos at halik niya?” Pagkausap ko sa aking sarili habang mahinang inuuntog ang ulo sa pader ng banyo.
“Aray!” Daing ko nang hindi sinasadyang mapalakas ang pag-untog ko sa ulo.
Dumiretso ako sa terrace matapos kong magbihis. Kumalam ang sikmura ko nang makita ang mga nakahaing pagkain. Pinakbet, pritong tilapia at inihaw na manok. May hinog na mangga din at hinog na saging.
“Kain na tayo, Ash.” Aya ni Camille pagkakita sa akin.
Nakaupo na silang tatlo nila Lolo Nito at Lola Amparo. Ilang saglit ay lumabas si Tita Sandra mula sa kusina bitbit ang isang malaking pitsel na may lamang buko juice.
Naghila ako ng upuan at naupo. Nasa kalagitnaan na kami ng pagkain nang may marinig kaming yabag ng papalapit na kabayo.
Tinambol ng kaba ang dibdib ko nang mapagsino ang lalaking nakasakay sa puting kabayo habang nililipad ng hangin ang buhok. Nakasuot siya ng puting long sleeves polo na nakatupi hanggang siko, maong na pantalon at boots na kulay itim. Nakabukas ang tatlong butones nito kaya naman litaw ang mumunting balahibo niya sa dibdib.
“Si Mister Alcaraz,” sambit ni Lola Amparo.
Agad silang napatayo at sinalubong ng malapad na ngiti ang bisita. Kaming tatlo naman nila Tita Sandra at Camille ay nakamasid lang sa kanila.
“Magandang araw po, Lolo Nonito at Lola Amparo,” magalang na bati niya. Lumitaw ang mapuputi at pantay-pantay niyang ngipin nang ngumiti siya kila Lolo.
“Magangdang araw din sa inyo, Mister Alcaraz. May sadya ho ba kayo sa amin?” tanong ni Lolo Nito.
“Wala naman po, napadaan lang ako. Nag-iikot ikot po kasi ako sa farm.”
Napaiwas ako ng tingin nang dumako ang tingin niya sa akin. Itinuloy ko ang pagkain pero hindi ako mapakali. Ramdam ko ang mga titig niya sa akin kahit nakayuko ako.
“Ganoon ho ba? Tamang-tama at kumakain kami ng tanghalian, sumabay na kayo sa amin.” Paanyaya ni Lola Amparo.
“Sige po, hindi ko ho ’yan tatanggihan, bawal daw pong tumanggi sa grasya ika nga nila.” Malapad ang ngiting sumunod si Mister Alcaraz kila Lola Amparo.
“Dito ka na tumabi kay Ashanti, Mister Alcaraz. Masarap ang hangin dito sa labas kaya dito na kami kumain.”
Umangat ako ng tingin sa kaniya.
Tumaas ang sulok ng labi niya nang magtama ang paningin naming dalawa. Pinagpawisan ako ng malamig nang muli kong maalala ang nangyari sa amin kanina sa talon.
“May mga bisita po yata kayo, Lola Amparo,” sambit niya pero nasa akin pa din ang tingin.
“Anak namin, si Cassandra. Ito naman si Camille, anak niya.”
Tumayo si Tita Sandra at Camille nang ipakilala sila kay Mister Alcaraz at nakipagkamay dito.
“Ito naman si Ashanti, matalik na kaibigan ng apo ko. Parang apo na din ang turing namin sa kaniya.” Dagdag pa ni Lola Amparo.
Napilitan akong tumayo at makipagkamay sa kaniya. Marahan niyang pinisil ang palad ko. Muli na naman nanulay ang kuryente sa bawat himaymay ng kalamnan ko sa pagkakadaop ng mga palad namin. Hindi ako makatingin ng diretso sa kaniya.
“’Y-Yung kamay ko po.” Pilit kong binabawi ang kamay kong hawak-hawak pa rin niya makalipas ang ilang segundo.
Ngumiti siya ng nakakaloko nang bitawan ang kamay ko. Napatingin ako kay Camille nang tumikhim siya ng malakas at makahulugang tumingin sa akin.
“Saglit lang ho Mister Alcaraz at ikukuha ko kayo ng plato at kutsara ninyo.” Paalis na si Lola Amparo nang pigilan siya nito.
“Huwag na po, makiki-share na lang ako ng dahon kay Ashanti. Samahan n’yo na lang po ako sa kusina para makapaghugas ng kamay.”
“Hoy, ano ’yan, ha? Bakit parang kakaiba ang tingin sa iyo n’on? Tapos gusto pang maki-share sa ’yo ng dahon. Ikaw ha? May tinatago ka ba sa akin?” nang-aasar at magkakasunod na tanong ni Camille nang pumunta sa kusina sina Lola at Lesandro.
Napatingin ako sa gawi ng kusina sa takot na baka marinig ni Lesandro ang mga pinagsasabi ni Camille. Pinandilatan ko siya ng mga mata.
Dahon ng saging ang pinagplatuhan namin. May kahabaan ang dahon na ginagamit ko. Share sa mahabang dahon si Camille at Tita Sandra. Katapat ko ang inuupuan nila samantalang nasa magkabilang dulo naman sina Lolo Nito at Lola Amparo
“’Yang bibig mo, ha? Tatahiin ko ’yan. Issue ka na naman, eh!” Saway ko sa kaniya.
Hindi na ako nakakain nang maayos dahil sa presensiya niya. Magana siyang kumakain habang ako naman ay halos hindi ko na maubos ang pagkaing sinandok ko kanina bago siya dumating.
Nagkulong ako sa kwarto pagkatapos naming kumain. Ilang beses akong kinulit ni Camille kung nagkakilala na daw ba kami dahil panay daw ang sulyap sa akin ni Lesandro habang kumakain kami. Nagmatigas ako at hindi ko inamin sa kaniya ang kahiya-hiyang karanasan ko dahil sa lalaking ’yun.