Naligo kami sa batis kinabukasan. Sinulit na namin dahil pagdating ng Friday ay hindi na kami papayagan ni Lola Amparo na gumala. Tuwing sasapit ang Biyernes Santo ay nagdadasal sila.
Kausap ko lagi si Mama bago matulog sa gabi. Nagi-guilty ako sa isiping mag-isa lang siya sa bahay habang ako naman ay nag-e enjoy dito. Ngunit ang sabi naman niya ay hindi daw umalis ng bahay si Papa Bernard kaya huwag na daw akong malungkot.
Sabado ng umaga ay may dumating na isang tauhan si Mister Alcaraz. Ayon dito ay pinapayagan na daw nitong maligo sa talon sina Lola Amparo.
Bago mananghalian ay naligo kami ni Camille sa talon. Sumunod sila Tita Sandra na may mga dalang pagkain. Maghapon kaming naligo dahil uuwi na kami kinabukasan.
Maraming pinadalang prutas at gulay sina Lolo Nito sa amin pag-uwi namin kinabukasan. Four thirty pa lang ay bumiyahe na kami pauwi.
“’Ma, nandito na po ako!” Tawag ko kay Mama.
Bitbit ko ang mga gulay at prutas na pinadala nina Lola Amparo sa amin.
Ilang sandali ay bumukas ang pinto at iniluwa niyon si Mama.
“Nandiyan ka na pala,” nakangiting sambit ni Mama at niyakap ako nang mahigpit.
“May mga dala po akong prutas at gulay, bigay nina Lola Amparo.” Iniabot ko kay Mama ang isang ’di kalakihang plastic bag na naglalaman ng mga prutas.
“Sina Lola talaga, oh. Nag-abala pa. Nakakahiya naman.” Malapad ang ngiting sinilip ni mama ang laman ng plastic bag.
“Luh, nakakahiya daw pero ang lapad ng ngiti.” Napanguso ako.
Sumunod ako sa kaniya nang tinungo niya ang kusina. Itinabi ko ang plastic bag na naglalaman ng mga gulay kung saan ni Mama inilapag ang mga prutas.
“Mamaya ko na aayusin ’yan, diyan muna natin. Alam mo naman ’yun sina Lola, hindi puwedeng walang pasalubong ’yun sa akin.”
Naghihikab na lumapit ako sa lamesa. Hinila ko ang upuan at naupo. Alas tres pa lang ng umaga ay gising na kami. Hindi ako sanay matulog sa biyahe lalo na kung malapit lang naman kaya antok na antok pa ako.
“Kain ka muna, tapos matulog ka ulit pagkakain.” Pritong itlog, sinangag at longganisa ang almusal.
“Sabay na po tayo, ’Ma.”
“Mamaya na lang, sabay na kami ng Papa Bernard mo.”
“Hindi po ba talaga siya umalis mula noong miyerkules?”
“Hindi, eh. Hindi rin siya nanghingi ng pera. Sana bumalik na siya sa dati, sana tumino na siya ulit.”
Ipinagkibit-balikat ko na lang ang pagtataka. Siguro nga ay magbabago na siya. Uminom ako ng tubig. Tumayo ako at akma nang dadalhin sa lababo ang pinagkainan pero pinigilan ako ni mama.
“Ako na ang maghuhugas niyan, anak. Magpahinga ka na. Magpapasama nga pala ako sa ’yo mamayang hapon. Magpapagupit ako ng buhok.”
Kinuha ni mama ang plato. Nasundan ko na lang siya ng tingin nang dinala na niya sa lababo at hinugasan ang pinagkainan ko. Humakbang ako palapit sa kaniya. Niyakap ko siya mula sa likod at hinalikan sa pisngi.
“Thank you po sa walang sawang pagmamahal at pag-aalaga, ’Ma. I love you.” Isinandal ko ang pisngi sa balikat niya.
“I love you too, anak. Magpahinga ka na doon.”
Naglinis muna ako ng katawan at nagpalit ng damit. Nahinto ako sa pagsusuklay nang tumunog ang notification ng cellphone ko. Dinampot ko iyon at napakunot-noo.
“Magkaka-baby na kami ni Jace. Huwag mo na sana siyang landiin. Hayaan mo na sana kaming maging masaya dahil magkakaanak na kami.” Chat ni Bettina sa akin.
Sa ibaba ng message niya ay ang picture ng ultrasound. Muling nanumbalik ang sakit na nararamdaman ko dahil sa ginawa nila. Pansamantala kong nakalimutan ang kataksilan nila sa akin pero heto at pinaalala na naman niya. Matagal na siguro nila akong niloloko.
Pinunasan ko ang mga luhang naglandas sa pisngi ko. Hindi ako nag-reply. Binlock ko siya sa lahat ng social media account ko. Maging ang cellphone number niya ay binlock ko din.
Dahil sa chat ng babaeng ’yun ay hindi na ako nakatulog. Napabuntong hininga ako. Nilabahan ko na lang ang mga maruruming damit na dala ko.
“Akala ko matutulog ka, anak?” nagtatakang tanong ni mama. Nag-aalmusal siya kaharap si Papa Bernard sa mesa.
“Hindi po ako makatulog,” sagot ko. Dumiretso ako sa likod ng bahay.
Halos nagkulong lang ako sa bahay buong maghapon. Bukas magsisimula na ulit akong maghanap ng mga magpapalaba para may ipon ako pambili ng gamit sa pasukan. Dagdag tulong ko na kay mama.
“’Ma, ano’ng oras ka po pala magpapagupit?” tanong ko kay mama nang lumabas ako sa silid.
“Tiklupin ko muna itong mga damit, tapos alis na tayo. Heto nga pala ’yung mga damit mo.”
“Thank you, ’Ma. Nandiyan po ba si Papa Bernard?”
“Oo. Ewan ko ba diyan, parang ilang araw nang balisa. Kapag tinatanong ko kung ano ang problema, sasabihin wala.” Napapakamot sa ulo na sagot ni Mama.
“Hayaan n’yo na lang po siguro, ang importante hindi na umaalis ng bahay para magsugal. Kahit papaano hindi nababawasan ang budget natin.”
“Sige na po ’Ma. Pasok na ko.”
Mabilis kong natapos ang mga tiklupin. Naupo muna ako sa sala habang hinihintay si mama. Napalingon ako nang bumukas ang pinto ng kwarto nila. Iniluwa niyon si Papa Bernard. Halos mag isang linya na ang kilay niya sa pagkakakunot.
“Tarantado ka, bakit mo sinabi ang address ko?” Pabulong na singhal niya sa kausap sa cellphone. Dire-diretso siyang lumabas ng bahay.
“Tara na, anak? Asan ang Papa Bernard mo?”
“Lumabas po, may kausap sa cellphone.”
Dinampot ko ang kulay pink na double zip pouch wristlet ko na naglalaman ng pera at cellphone. Sumunod ako kay mama.
“Bern, aalis na kami, ha? Magpapagupit ako.”
Nagkulay papel ang mukha niya nang marinig ang boses ni Mama. Agad niyang pinatay ang tawag.
“K-Kanina pa kayo diyan?” namimilog ang mga matang tanong ni Papa Bernard sa amin.
“Para ka namang nakakita ng multo. Kalalabas lang namin. Sige na at baka mamaya gabihin kami. Alas singko na.”
“Ano po ba ang nangyari dun kay Papa Bernard? Akala mong takot parati,” usisa ko kay mama habang naglalakad kami papunta sa salon ni Tita Intang.
“Aba, kung minamalas ka nga naman, oh,” pabulong na sambit ni mama nang lumiko kami sa sumunod na kalye.
Sinundan ko ng tingin ang tinitingnan niya. Nalukot ang mukha ko pagkakita sa tinutukoy ni Mama. Si Bettina at ang mama niyang si Tita Cristina. Taas noong naglalakad si Tita Cristina bitbit ang mga plastic bag na naglalaman ng prutas. Todo hawak naman sa tiyan si Bettina na nakasuot na agad ng maternity dress kahit wala pang umbok ang tiyan.
“Hi Mars Athena! Namili kami nitong inaanak mo ng mga prutas. Binigyan kami ng pera ng magiging manugang ko. Alagang-alaga niya ang mag-ina niya,” tila nagmamayabang na sambit ni Tita Tina.
Itinaas nito ang mga prutas na pinamili sa harap ng mukha namin ni mama. Nakataas naman ang kilay ni Bettina na nakatingin sa akin. Paulit-ulit niyang hinihimas ang kaniyang tiyan.
“Pasensiya na, Mare. Nagmamadali kasi kami ni Ashanti. At saka parang iba ang amoy dito.” Suminghot-singhot pa si mama bago namin sila nilampasan.
“Baka naman po amoy bitter, Tita?”
Napahinto kami ni mama sa paglalakad. Lumingon kami sa gawi nila. Nakahalukipkip si Bettina at nang-uuyam ang mga matang nakatingin sa amin.
“Hindi, eh. Amoy bulok na pag-uugali.” Kunwari pang maduwal-duwal si mama.
“Aba’t! Hoy Athena, umayos-ayos kayong mag-ina! Tanggapin mo na lang na mas maganda ’tong anak ko kaysa diyan sa anak mo kaya siya pinagpalit!” Namumula sa galit na bulyaw ni Tita Tina.
Pinigilan ko sa braso si Mama nang akmang aabante siya palapit sa mag-ina.
“Hayaan na lang po natin sila, ’Ma. Huwag na nating pag-aksayahan ng oras.” Hinila ko si mama para makaalis na kami.
“Mga bitter!” Pahabol na sigaw ni Bettina. Hindi na namin siya pinansin at nagpatuloy kami sa paglalakad.
“Ang kapal din talaga ng mukha ng mag-inang ’yun!”
“Hayaan na po natin, ’Ma. Hindi kawalan ang mga taong kagaya nila.”
Hanggang makarating kami sa salon ay nanggigigil pa din si mama.
“Hi Mars Athena and inaanak kong maganda!” Bati ni Tita Intang.
“Hello Tita!” Naupo kami ni mama sa mahabang sofa katabi ng dalawa pang customer na nauna sa amin.
“Magpapagupit ako, Mars,”
“Sige, tapusin ko lang ang mga nauna. Wala si Bernie, eh.” Tukoy niya sa katuwang niya dito sa salon.
Inabot kami ng isa at kalahating oras sa salon. Nagpakulay na din si mama ng buhok para parehas daw kami.
“Mauna ka na pala sa bahay, anak. Bibili lang ako ng mantika. Magsaing ka na doon at baka hindi pa ’yun nagsaing si Bernard. Nakaluto na ako ng ulam natin, iinitin na lang.”
“Sige po.”
Malapit na ako sa bahay namin nang matanaw kong may nakaparadang mamahaling kulay itim na sasakyan sa tapat ng bahay namin. Nagtatakang pinasadahan ko ito ng tingin bago pumasok sa gate.
Napaigtad ako nang may kumalabog sa loob ng bahay. Mabibilis ang mga hakbang na tinungo ko ang pinto. Nanlaki ang mga mata ko sa nadatnan.
“Puny*ta naman, Bernard! Ako ang mananagot kay boss kapag wala akong nadalang pera ngayon! Nasaan na ba ’yung sinasabi mong dalaga na ipapambayad mo kapag wala kang nakuhang pera? Siya na lang ang dadalhin namin!” Galit na bulyaw kay Papa Bernard ng isang lalaking may malaking pangangatawan.
May tattoo ito ng dragon sa kanang braso. Halos umangat na ang katawan ni Papa Bernard dahil sa pagkakakuwelyo nito. Napapalibutan siya ng apat na kalalakihang nakasuot ng kulay itim na damit at may mga hawak na baril.
Binundol ng kaba ang dibdib ko. Napaatras ako sa takot.
“Nandito na yata ang pambayad niya,” sabi ng isa nilang kasamahan nang mapalingon sa akin.