“Nandito na yata ang pambayad niya,” sabi ng isa nilang kasamahan nang mapalingon sa akin.
Lumingon sila sa direksiyon ko. Binitawan ng lalaking may tattoo si Papa Bernard at nakangising humakbang palapit sa aking kinaroroonan.
“P-Papa B-Bernard, a-no po ang ibig sabihin nito?”
“P-Patawad, Ashanti. Nabaon kasi ako sa utang.”
“Pinambayad ka na sa amin nitong g*gong ’to na ad*k sa sugal. Kaya sumama ka na sa amin para hindi na tayo magkasakitan pa dito,” ani ng lalaking may tattoo. Naglakad siya palapit sa akin at sumunod naman ang mga kasamahan niya.
Bago pa sila makalapit ay kumaripas na ako ng takbo. Sobrang bilis ng t***k ng puso ko. Hindi ako makapaniwalang nagawa akong ibenta ni Papa Bernard.
“’Ma! Takbo!” sigaw ko kay mama habang papalapit ako sa kaniya.
“Teka, bakit ka ba tumatakbo?”
“Hayun! Habulin n’yo! Bilis!”
Napalingon ako. Hinila ko si mama sa kamay at muling tumakbo. Nabitawan ni mama ang biniling mantika sa pagkataranta nang makita ang mga lalaking humahabol sa akin.
“Anak, ano ba ang nangyayari? Bakit hinahabol ka nila?”
“Mamaya ko na po ipapaliwanag. Kailangang makaalis muna tayo dito.”
Kung saan-saang eskinita kami sumuot ni mama para lang mailigaw ang mga lalaking humahabol sa amin. Mas kabisado namin ang lugar kaya madali namin silang nailigaw. Habol ang hiningang napasandal kami sa pader.
“S-Sino ba ang mga ’yun? Bakit ka nila hinahabol, anak?” Pinahid ni mama ang pawis sa kaniyang mukha.
Maging ako ay pawisan din. Nangangatog ang mga tuhod ko dahil sa takot. Sa nanginginig na kamay ay sinapo ko ang aking mukha nang mag-unahan sa pagpatak ang mga luha ko.
“Nanginginig ang katawan mo. Ano ba kasi ang nangyayari, anak?” nag-aalalang tanong ni mama. Mahigpit niya akong niyakap at hinagod ang likod.
“M-Ma . . .” Patuloy ako sa paghikbi.
“Sige, iiyak mo muna ’yan.”
Ikinuwento ko kay mama ang nadatnan ko sa bahay matapos kong mahimasmasan sa pag-iyak.
“Diyos ko! Paano ’to nagawa ni Bernard sa ’tin? Nang dahil sa pagsusugal nabaon siya sa utang at ikaw ang ipinambayad. Napakawalang hiya niya!” Tumulo ang luha sa pisngi ni mama. Muli niya akong niyakap at sabay kaming umiyak.
“Hindi na tayo babalik pa doon, anak. Kailangan nating magtago lalo na at may mga baril sila. Baka sindikato ang mga ’yun.”
“P-Pero, saan po tayo magtatago?”
“Sa probinsiya. Doon muna tayo.”
Tumango ako at muling yumakap kay mama. Hindi na ako gaanong nanginginig. Magkahawak ang mga kamay na lumabas kami ni mama sa eskinitang pinagtataguan.
“Tapos na ba ang drama n’yong mag-ina?”
Nanlaki ang mga mata ko nang paglabas namin ni mama ay nakaabang ang dalawang kasamahan ng mga lalaking humahabol sa amin kanina. Muli akong nakaramdam ng takot at pangamba. Humigpit ang hawak ni mama sa mga kamay ko.
“Anak, tumakbo ka na. Kailangan mong makahingi ng tulong . . .” pabulong na sambit ni mama.
“Hindi puwede. Hindi kita iiwan dito, ’Ma.”
“Huwag nang matigas ang ulo, Ashanti! Pareho tayong mapapahamak kapag hindi ka pa umalis!”
“’Bakit, lalabanan mo ba kami at inuutusan mo nang umalis ang anak mo? Kahit ako lang ang makalaban mo hindi ka uubra sa akin kaya ibigay mo na sa amin ’yang anak mo para hindi kayo masaktan. Maya-maya lang ay darating na ang mga kasamahan namin.”
“Dami mong satsat! Takbo na, Ashanti!” Sinugod ni mama ang isang lalaki.
Wala akong nagawa kung hindi ang tumakbo. Lumingon ako kay mama habang tumatakbo. Nanikip ang dibdib ko at umiyak habang tumatakbo palayo. Mag-isang nilabanan ni mama ang dalawang lalaki.
May kaalaman si mama sa martial arts. Bata pa lang daw ay tinuturuan na siya ni Lolo. Tinuruan ako ni mama noong bata pa lang ako pero madalas ko siyang takasan dahil nananakit ang katawan ko sa training. Kung alam ko lang na mangyayari ’to, ’di sana ay pinag-igihan ko noon ang pagti-training ko.
Nanlalabo na ang paningin ko dahil sa mga luhang pumapatak sa mga mata ko pero patuloy pa din ako sa pagtakbo. Sa muling paglingon ko ay natutop ko ang bibig nang makita kong naroroon na ang lalaking may tattoo sa braso at malaki ang pangangatawan.
Malakas niyang sinampal si mama at sinikmuraan dahilan upang mawalan si mama ng malay. Pinangko ng isang lalaki si mama at ipinasok sa sasakyan. May ilang naglalakad na nakakita sa pangyayari ngunit nagmadali lang silang naglakad palayo sa takot na madamay.
“Paano ba ’yan, hawak na namin ang mama mo.”
Napaigtad ako nang may magsalita sa likuran ko. Napasinghap ako nang pagharap ko ay naroroon ang dalawang kasamahan ng mga humahabol sa amin.
“Puwede ba, bakit hindi na lang si Papa Bernard ang kunin n’yo? Siya naman ’tong nangutang sa inyo, eh!”
“Wala kaming mapapala doon kahit patayin pa namin ’yun! Pero ikaw, malaki ang magiging pakinabang mo kay bossing!”
Tatakbo na sana ako palayo nang sunggaban ako ng isang lalaki. Napasigaw ako sa sakit ng hilain niya ang buhok ko.
“Tulong! Tulungan n‘yo ko!” Humarap ako sa lalaking nakahawak sa buhok ko at Pinagkakalmot siya sa mukha.
“Aray! P*tang ina!” Itinaas niya ang isang kamay at sinampal ako ng malakas.
Sandaling namanhid ang pisngi kong sinampal niya dahil sa sakit. Nalasahan ko ang dugo sa gilid ng labi ko. Akma pa niya akong sasampalin ulit nang may dalawang lalaking dumaan at umawat sa kaniya.
“Hoy! Bitawan mo siya! Bakit ka nananakit ng babae, ha?” saad ng isang lalaki. Humakbang sila palapit sa amin.
“Huwag ka nang makialam dito.” Ikinasa ng isang lalaki ang baril niya.
“Tara na, pre. Baka madamay pa tayo sa gulo. Hinihintay pa ako ng mag-iina ko.”
Napaatras na lang ang dalawang lalaki dahil sa takot. Walang tigil ang pagpatak ng mga luha ko habang binabawi sa kamay ng lalaki ang buhok kong hila-hila niya. Nananakit na ang anit ko sa sobrang higpit ng kaniyang pagkakahawak.
“Parating na sila bossing, hintayin na lang natin dito.”
“Ang duduwag n’yo naman. Babae lang ang kaya n’yo,” sambit ng isang lalaking lumabas mula sa back seat ng isang sasakyan na nakaparada sa bandang gilid ng kalsada.
Nagkaroon ako ng kaonting pag-asa na baka mailigtas niya kami ni mama.
“Ano pa ang hinihintay n’yo diyan? Sakay na!” Sigaw ng driver ng sasakyan na humahabol sa amin.
“May gusto pa kasing magpakabayani dito, eh!” sagot ng lalaking may hawak sa akin.
“Magkano ang kailangan n’yo? Kapalit ng kalayaan ng babaeng ’to.”
“Nagpapatawa ka ba? Siya mismo ang kailangan naming iharap sa boss namin!”
“Limang milyon. Okay na ba ’yan sa ’yo?”
Hindi umimik ang lalaki. Sa halip ay may kinausap siya sa cellphone. Ilang sandali ay nakangisi siyang humarap sa amin.
“Sige, deal.”
“T-Teka, ‘yung mama ko. Ilabas n’yo ang mama ko!”
“Ikaw lang ang binayaran niya, miss. Kaya ikaw lang ang ibabalik namin! Kailangang may maiharap kami kay bossing!” Bulyaw sa akin ng lalaking tila lider ng grupo.
“Heto ang pera, akin na ang babae.”
Hinagis ng lalaking tumulong sa akin ang isang bag. Lumapit ang kasamahan ng lalaking may hawak sa akin. Binuksan nito ang bag at tiningnan ang laman.
“Siguraduhin mo lang na kumpleto ang laman niyan. Hahanapin ka namin at maniningil kami ng doble.” Pagbabanta ng lalaking may tattoo.
Pabalya akong binitawan ng lalaking may hawak sa akin. Lumapit ako at lumuhod sa harap ng lalaking tumulong sa akin upang makiusap.
“S-Sir ’yung mama ko po. Please, iligtas n’yo din ang mama ko!” Hilam sa luhang pagmamakaawa ko dito.
Yumuko siya at walang emosyong pinagmasdan ako. Dali-dali akong napatayo nang marinig kong umandar ang sasakyan.
“Mama! Mama! Ibalik n’yo ang mama ko!” Akma akong tatakbo upang habulin ang sasakyan ngunit mahigpit niya akong hinawakan sa braso.
“Pumasok ka na sa loob, miss. Binayaran ka na ng amo ko,” mariing sambit niya.
“Hindi! Ayaw ko! Hahanapin ko si Mama! Babawiin ko ang Mama ko sa mga h*yop na ’yun!” Bulyaw ko sa kaniya.
“Puwede bang sumunod ka na lang! Huwag mong hintaying gumamit pa ako ng dahas!” Nanlilisik ang mga matang sigaw niya sa akin.
Wala akong nagawa nang hilain niya ako papasok sa sasakyan. Tahimik akong umiyak habang nagdadasal na sana ay ayos lang si mama.