CHAPTER 5
Shien’s POV
Matapos ang shift ko, nagpaalam muna ako sa mga kasamahan ko. Pagod na pagod na ako, pero kailangan kong dumaan sa corridor pabalik sa locker room para kunin ang gamit ko. Habang naglalakad, napansin kong may isang pamilyar na pigura ang nakatayo malapit sa bintana.
Si Dr. Callum Wilkins.
Nakatalikod siya, nakapamulsa, at halatang malalim ang iniisip. Hindi ito ang usual na postura niya. Karaniwan, kapag nakikita ko siya, either galit o asar sa akin ang ekspresyon niya. Pero ngayon? Tahimik siya. Mas tahimik pa sa normal. At hindi ko alam kung bakit pero parang ang bigat ng hangin sa paligid niya.
Napabuntong-hininga ako. Hindi ko alam kung lalapitan ko ba siya o dadaan na lang nang hindi siya pinapansin. Pero dahil sa hindi ko matiis ang pagiging nosy ko, tumigil ako sa tapat niya at sinadyang medyo kalampagin ang sapatos ko sa sahig para mapansin niya ako.
“Ano, Doc? Nagmumuni-muni ka diyan? May problema ba?” tanong ko, nakapamewang.
Hindi siya agad sumagot. Umiling lang siya bago dumaan ang malamig niyang tingin sa akin. “Cuecas, kung wala kang mahalagang sasabihin, umalis ka na.”
“Wow, talagang malamig ka pa rin kahit tapos na ang shift natin, ah.” Napangisi ako. “Seryoso, Doc. Mukha kang may iniisip.”
Napairap siya at tumingin ulit sa labas ng bintana. “Masyado kang mapangialam, Nurse Cuecas.”
“Natural. Part ‘yan ng pagiging nurse ko,” sagot ko, sabay upo sa bench malapit sa kanya. “So, anong meron? Tungkol ba ‘to sa kaso sa Brgy. San Lorenzo?”
Pinisil niya ang tulay ng ilong niya, halatang naiinis pero hindi niya ako pinalayas. Ibig sabihin, gusto niyang kausapin ako kahit papaano. “Hindi ko maintindihan. Alam nating may lason sa tubig, pero hindi pa rin natin alam kung sino ang may kagagawan. Hindi ‘to aksidente.”
Tumango ako. “Oo nga, ang labo. Kung sino man ‘yun, planado ang ginawa nila. Hindi pwedeng basta nalagyan lang ng lead at cyanide ang supply nang hindi nila alam ang epekto.”
Hindi siya sumagot. Pero kita ko sa gilid ng mata ko na pinapanood niya ako. Alam kong iniisip na naman niya kung bakit ako ganito kumilos. Hindi niya matanggap na mas natural pa akong umasta bilang lalaki kaysa sa ibang mga kasama naming nurse.
“Cuecas,” tawag niya, mas malamig pa sa aircon ng ospital. “Hindi ka ba napapagod sa kakababad sa trabaho? Pakiramdam ko, mas lalaki ka pa sa akin minsan.”
Napangisi ako at sinadyang sumandal sa bench na parang isang tambay sa kanto. “Hindi ba? Buti naman napansin mo. Alam mo, Doc, kung hindi lang kita boss, matagal na kitang sinuntok sa mukha.”
Tumaas ang kilay niya. “Subukan mo.”
“Bakit? Gusto mo? Gusto mo ng sapak?” Napangisi ako, sinadyang i-flex ang braso ko kahit alam kong wala naman talaga akong muscles na kayang lumaban sa kanya.
Pero hindi siya tumawa. Hindi rin siya nagalit. Tinitigan niya lang ako ng matagal, tapos biglang bumuntong-hininga. “Tsk. Ang hirap mo talagang intindihin.”
“Same goes to you, Doc.” Umayos ako ng upo. “Pero seryoso, hindi ka ba natatakot? I mean, kung may taong may intensyong lasunin ang tubig, ibig sabihin, mas malaki ang kalaban natin kaysa sa iniisip natin.”
Nagtagal pa ang katahimikan bago siya sumagot. “Hindi ako natatakot, Cuecas.”
“Talaga lang, ha?”
“Hmp. Hindi ako natatakot. Naiinis lang ako. Naiinis ako kasi wala pa tayong konkretong sagot. Naiinis ako kasi alam kong mas maraming bata ang maaaring madamay. At higit sa lahat—” Tumingin siya sa akin ng matalim. “Naiinis ako kasi hindi kita maintindihan.”
Nagpantig ang tenga ko. “Anong hindi mo maintindihan, ha, Doc?”
Itinuro niya ako gamit ang daliri niya, pero hindi niya idinidikit. “Ikaw. Bakit mo ginagawa ‘to? Bakit parang wala kang takot? Bakit parang wala kang pakealam kung anong mangyari sa’yo?”
Nagtaas ako ng kilay. “Ano bang tingin mo sa akin, Doc? Superhero?”
Hindi siya sumagot. Tinitigan niya lang ako ng matagal, tapos bigla niyang iniwas ang tingin. “Wala.”
“Wala?” Napangisi ako. “Mukhang may gusto kang sabihin, Doc.”
“Shut up, Cuecas.”
“Aba, aba! Nagpaparinig ka tapos ayaw mong sabihin?”
“Cuecas,” malamig niyang ulit. “Tama na.”
Pero imbes na tumigil ako, lalo ko pa siyang tinukso. “Sabihin mo na kasi, Doc. ‘Di mo naman ako maiinis sa mga ganyang linya mo. Mas gusto ko ‘yung galit na galit ka na gusto mo akong sakalin.”
Pumikit siya ng mariin, para bang nagpipigil ng pasensya. “Tangina mo talaga.”
“Salamat, Doc. Alam kong mahal mo ako.”
Halos mag-walk out siya, pero hindi niya ginawa. Imbes, dumiretso siya papunta sa pinto ng locker room. “Umalis ka na, Cuecas. Hindi kita gustong makita.”
“Gusto mo lang ‘di ako makita kasi natatalo kita sa asaran.” Tumayo ako at tinapik siya sa balikat bago ako tumalikod. “Pero Doc, seryoso. Hindi ko lang ito ginagawa dahil trip ko. Ginagawa ko ‘to kasi may responsibilidad tayo. Hindi ko kayang magpaka-relax habang may mga batang pwedeng mamatay.”
Hindi siya sumagot.
Naglakad ako palayo, pero bago ako lumabas ng corridor, narinig ko ang mahina niyang bulong.
“Alam ko.”
Hindi ko alam kung gusto niya ‘yung marinig ko ‘yun o hindi. Pero kahit malamig siya, kahit halos magpatayan kami sa asaran, alam kong may isang bagay kaming pareho—pareho kaming hindi susuko.
At sa laban na ‘to, hindi kami pwedeng matalo.
Paglabas ko ng ospital ay agad akong lumanghap ng sariwang hangin. Sa wakas, tapos na ang shift ko. Ang bigat sa pakiramdam ng buong araw na stress, lalo na sa bangayan namin ni Dr. Callum. Para bang isang araw na naman akong nakipaglaban sa isang giyera ng pride at inis.
Dahan-dahan akong naglakad papunta sa waiting shed kung saan madalas dumadaan ang mga jeep papunta sa amin. Nag-uunahan ang mga sasakyan sa daan, ang ingay ng busina at tambutso ay parang natural na bahagi na ng gabi sa lungsod. Kinuha ko ang phone ko at tinignan ang oras—alas diyes na ng gabi. Wala pang masyadong jeep, kaya nagpasya akong maghintay nang kaunti.
Napansin kong may maliit na bata sa kabilang bahagi ng kalsada, naglalaro ng hawak niyang pulang lobo. Nakangiti siyang tumatakbo habang pinapanood itong sumasayaw sa hangin. Siguro nasa apat o limang taong gulang pa lang siya, suot ang isang kulay rosas na dress na may malalaking ribbon sa balikat.
Napangiti ako. Ang simple ng kaligayahan ng mga bata. Kung sana ganoon lang kadali maging masaya—kasinggaan ng isang lobo na lumulutang sa hangin.
Ngunit sa isang iglap, napakawala ng bata ang tali ng lobo niya. Tumaas ito sa ere, at sa gulat niya, agad niya itong sinundan—walang kamalay-malay sa paparating na sasakyan!
Nanlaki ang mata ko. Sa bilis ng pangyayari, hindi ko na inisip pa. Tumakbo ako, hindi alintana ang mga sasakyang paparating. Naririnig ko ang sigaw ng ilang tao sa paligid pero hindi ko naintindihan ang sinasabi nila. Ang tanging nasa isip ko lang ay ang bata—kailangan kong iligtas siya!
Pagdating ko sa gitna ng kalsada, hinatak ko ang bata palayo sa paparating na kotse. Napalakas ang hatak ko kaya pareho kaming napagulong sa kabilang sidewalk. Napapikit ako sa sakit nang tumama ang likod ko sa sementado ngunit hindi ko iyon ininda. Ang importante, ligtas ang bata.
Naririnig ko ang tunog ng preno at ang takot na sigaw ng driver. Ang usok mula sa gulong ng kotse ay pumailanlang sa hangin. Ilang pulgada na lang, kung hindi ako umabot sa tamang oras—ayoko nang isipin pa.
Narinig kong may sumigaw ng pangalan ng bata. Pagmulat ko ng mata, isang matandang babae ang nagmamadaling lumapit sa amin. Napaka-elegante niya—nakasuot ng mamahaling damit, may perlas na hikaw at may hawak pang designer bag. Halatang mayaman.
Pagkarating niya sa amin, yumuko siya at agad niyakap ang bata.
"Apo ko! Dios mio, salamat at ligtas ka!" nanginginig ang kanyang boses habang hinahaplos ang ulo ng bata na umiiyak na ngayon.
Pinilit kong bumangon, nilingon ang bata at tiningnan kung may sugat siya. Buti na lang, maliban sa kaunting dumi sa damit niya, mukha naman siyang ligtas.
Tumayo ang matanda at tumingin sa akin, puno ng pasasalamat ang kanyang mga mata.
"Mr., maraming salamat sa inyo! Kung hindi dahil sa inyo, baka napano na ang apo ko!"
Bigla akong napatigil. Mr.? Napataas ang kilay ko. Gusto kong matawa pero nagpipigil lang ako. Minsan lang ako tawaging 'Mr.' at kahit kailan, hindi ko inisip na maririnig ko iyon mula sa isang mayamang matrona.
Tumingin ako sa bata at lumuhod upang makipag-eye level sa kanya. "Huwag ka nang tatakbo sa daan, okay? Delikado. Kung gusto mo ng bagong lobo, sabihin mo sa lola mo, bibili kayo. Mas mahalaga ang buhay mo kaysa sa isang lobo, naiintindihan mo ba?" tanong ko, malamig pa rin ang tono ng boses ko pero malambot ang titig ko sa bata.
Tumango siya habang pinapahid ang luha sa kanyang pisngi. "Sorry po, Ate..."
Ngumiti ako ng bahagya. "Okay lang, basta next time, magingat ka, ha?"
Tuwang-tuwa ang matandang babae at inalok akong ihatid pero agad akong tumanggi. Hindi naman ako sanay sa ganoong atensyon at gusto ko na lang umuwi. Matapos ang ilang minutong pangungulit niya, sa wakas ay pumayag siyang pakawalan ako.
Habang naglalakad papunta sa jeep, napangiti ako. Ang daming nangyari ngayong araw—mula sa walang katapusang asaran namin ni Callum, hanggang sa muntikan nang disgrasya ng batang iyon. Hindi ko alam kung bakit, pero kahit pagod ako, may kung anong init sa dibdib ko. Pakiramdam ko, kahit papaano, may nagawa akong mabuti ngayong araw.
Nang makarating ako sa sakayan, sumakay agad ako sa unang jeep na dumaan. Naupo ako sa dulo, nag-inat ng konti, at saka pumikit ng sandali.
Hindi ko akalain na magigising ako sa isang tawag—galing kay Dr. Callum.
Napairap ako bago sinagot ang phone. "Ano na naman, Doc? Wala na tayo sa duty, huwag mo na akong istorbohin."
Narinig ko ang malamig niyang boses sa kabilang linya. "Nasa ospital ka pa ba?"
"Hindi na, pauwi na ako. Bakit?"
"Ano ba ‘yang boses mo? Parang pagod na pagod ka? May nangyari ba?" tanong niya, may bahagyang pag-aalala sa tono pero sinubukan niyang itago ito.
Napakunot ang noo ko. Since when naging concern sa akin ang lalaking ‘to?
"Wala kang pake. Matulog ka na, para hindi ka suplado bukas," sagot ko sabay baba ng tawag.
Napailing ako. Hindi ko alam kung anong nangyayari pero isang bagay lang ang sigurado ako—hindi pa tapos ang asaran namin ni Dr. Callum.
At hindi ko alam kung bakit, pero parang unti-unti akong natutuwa sa ganitong klase ng giyera.