ALAS KUWATRO palang ng Lunes ng umaga ay nakatayo na si Donabella sa harap ng malaking bahay ng mga Evans. Sukbit niya ang maliit na backpack na dala niya noong umalis siya ng sabado ng gabi.
Ilang saglit pa ay bumukas ang gate ng bahay. Lumabas si Redford Evans na nakahoodie at may towel sa batok, halatang magjojogging.
Nahagip ng paningin nito ang dalaga at agad itong sumulyap sa suot na relong pambisig saka siya nilapitan. “What are you doing here? It's too early.”
Ngumiti siya sa lalaki. “I'm an early bird, sir.”
Tiningnan lang siya ng masama ng bugnutin saka ito tumalikod at naglakad palayo.
Mahina namang tumawa si Donabella saka pumasok sa loob ng bahay. Dumiretso siya sa kusina upang magluto ng almusal. Siguradong sesermonan siya ng bugnuting Evans kapag bumalik ito nang hindi pa siya nakakapagluto ng almusal.
Hay! Ang sungit talaga ng bugnutin na 'yon. Pasalamat nga ito at iniligtas niya ito noong nakaraang gabi, kung nagkataong hindi siya nangakyat bahay, edi pinaglalamayan na sana ang masungit na 'yon ngayon.
“Bella?”
Napalingon si Donabella sa tumawag sa kaniya. Si Gio 'yon na agad ngumiti. “Good morning. Ang aga mo namang bumalik.”
Nagkibit balikat lamang ang dalaga. Wala naman kasi siyang gagawin sa apartment nila ni Tatiana, isa pa ay gusto niyang bantayan ang bawat kilos ni Redford Evans dahil batid niyang babalik pa ang nagtangka dito no'ng nakaraang gabi katulad niya na binalak bumalik kagabi para magnakaw ng impormasyon pero ipinagpaliban nalang muna niya dahil siguradong alerto ang bugnuting Evans matapos ang nangyari.
“Yes, ninong, kaso ayaw magpaimbestiga ni kuya dahil gusto niya raw ay siya ang humuli sa attcker, isa pa ay may nagligtas daw sa kaniya na gusto niyang malaman kung sino.”
Napalingin si Donabella at Gio sa lalaking kapapasok lamang sa kusina. Dumiretso ito sa refrigerator matapos kindatan at ngisihan ang dalaga habang may kausap ito sa telepono.
Napailing nalang si Donabella at itinuloy ang ginagawa.
Sumandal sa refrigerator si Jayford Evans habang may hawak na isang bote ng malamig na tubig na inilapit nito sa dalaga. “Open the bottle for me, please.” nakangiti nitong sabi sa dalaga.
Hawak kasi nito sa kabilang kamay ang cellphone nito.
Sinunod ni Donabella ang binata at kumindat nanaman ito matapos niyang gawin ang utos nito. Napailing ang dalaga. Hindi kaya ito kinikilabutan sa ginagawa nitong paglalandi sa kaniya?
“That's right, ninong. Convince him na magpaimbestiga. Aba, delikado kapag ganito, kaya nga nagsuggest ako sa kaniya na palagyan ng CCTVs ang buong bahay.”
Nasamid si Donabella dahil sa sinabi ni Jayford Evans dahilan para mapalingon ito at si Gio sa kaniya. Awkward lang siyang ngumiti saka itinago ang mukha at mariing pinagdikit ang mga labi.
Anak ng tinapa. Paano ako mag iimbestiga kung may CCTV ang palibot ng bahay?—nanlulumong reklamo ng dalaga sa isipan niya.
“Are you okay, babe?” tila concerned na tanong ng malanding Evans sa dalaga.
Tumango lang siya dito at ngumiti. Anak ng...
“Wala, ninong, hindi ikaw ang tinawag kong babe, kadiri ka naman.” biglang humalakhak ang lalaki kapagkuwan ay muling sumeryoso. “Kaso ayaw rin niya, ninong. Ewan ko ba do'n. These past few days parang may nagbabago kay kuya. Hindi na siya masyadong mahigpit kaso lumala ang pagkabugnutin.”
Kumamot sa leeg si Donabella at napangisi. Tama iyan. Hindi dapat pumayag si Redford na lagyan ng CCTV ang buong kabahayan—kung CCTV man ang tinutukoy ni Jayford na ayaw ng binata. Hindi dapat!
Umalis sa gilid ni Donabella ang malanding Evans at naupo sa stool. Mukhang nangalay sa katatayo.
Tamang-tama namang tapos na magsangag ng kanin si Donabella kaya inihain na niya ito sa dining table.
“Okay, ninong, I'll tell kuya.”
Matapos makipag-usap ni Jayford sa telepono nito ay lumipat ito sa dining area at inamoy si Donabella na ikinagulat ng dalaga. “Hmm bango ng almusal.”
Sa inis ay tinuktukan niya ng sandok ang hinayupak na lalaki. Nagulat naman ito maging si Gio na nasa stool pero kalaunan ay humalakhak si Jayford Evans.
“Babe, naman, lalo akong matatakaw sa'yo niyan.”
Akmang tutuktukan niya ulit ang babaerong talipandas nang may malapad na dibdib na humarang sa kaniya. Dahan-dahan niyang tiningala ang lalaking nakatayo sa pagitan nila ni Jayford at nabungaran niya ang isang pares ng asul na mga mata na titig na titig sa kaniya.
Napalunok si Donabella. Pawisan si Redford Evans at nakasuot nalang ng puting sando.
Naglikot ang mga mata ng dalaga. Nasaan na ang hoodie nitong suot kanina?
“To my room, now.” kunot-noo nitong utos sa dalaga saka ito tumalikod at naglakad palabas ng kusina.
Nagkatinginan sina Donabella, Jayford at Gio, kapuwa nagtataka sa sinabi ng bugnuting Evans.
“Babe, anong ginawa mo kay kuya?” tanong ni Jayford sa dalaga.
Umismid si Donabella. “Wala akong ginagawa sa kaniya, 'no!”
“Baka may kasalanan ka, Bella.” sabad ni Gio.
Napaisip si Donabella. Wala naman siyang kasalanan bukod sa paghalik niya rito ng ilang beses pero nakabayad na siya. Diba nga hinalikan siya nito bago siya nagday off, bayad daw 'yon.
“Donabella!”
Napaigtad ang dalaga nang bumalik ang bugnuting Evans at pasinghal na tinawag ang pangalan niya. Pambihira!
Napakamot siya ng batok saka nagkibit balikat kina Gio at Jayford saka niya sinundan si Redford Evans.
Naku, ang sarap talagang patayin ng bugnuting Evans na ito. Gustong-gusto niya itong singgahin pero hindi niya 'yon gagawin sa harap ng iba dahil dadami ang naghihinala sa kaniya.
Nakasunod lamang ang dalaga sa bugnuting binata hanggang sa makarating sila sa silid nito. Inilock nito ang pinto saka siya hinila at dinala sa balkonahe. Umawang ang labi ng dalaga nang isandal siya nito sa sliding door at mariing tinitigan.
“Anong ginagawa mo?” alertong tanong niya sa binata.
Nakita niya ang pag-igting ng panga nito bago nagsalita, “Sino ka sa kanila?”
Napatanga siya sa binata. Ano daw? “Anong sinasabi mo?”
“That night, Donabella. Naamoy kita.” mariin nitong bulong sa kaniya.
Gulat na napatitig siya sa binata. Naamoy? Anak ng... Ano ba ito? Aso? Ang tindi naman ng pang amoy nito e hindi naman siya nagpabango no'ng gabing 'yon, isa pa ay hindi niya naman ito nilapitan. Aba, matindi!
Umiling siya. “Hindi ko po alam ang sinasabi niyo. Sir.”
Sarkastikong tumawa ang binata, pagkatapos ay biglang tumalim ang tingin sa kaniya. “Sinasabi mo bang hallucination ko 'yon? Don't me laugh, woman.”
Napatitig si Donabella sa binata. Hallucination?Nakaisip ng palusot ang dalaga na batid niyang ikapapanalo niya kaya naman ngumisi siya.
“Malay ko ba, sir, kung nagkaroon ng malaking epekto sa'yo ang halik na ipinabaon mo sa'kin bago ako magday off.”
Natigilan ang binata at unti-unting napaatras mula sa kaniya. Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa saka ito umiling-iling habang umiigting ang panga sa galit.
“Get out!” mapanganib na singhal nito sa kaniya.
Kinagat ni Donabella ang labi niya saka humakbang palapit kay Redford Evans na mabilis na umatras muli palayo. Pigil ng dalaga ang paghalakhak na nilampasan niya ang binata. Pambihira! Uto uto pala ang bugnuting Evans na 'yon.
Ngiting tagumpay na lumabas siya sa silid nito at bumalik sa kusina. Naabutan niya ang magpinsang Evans na kumakain.
“Oh, babe, anong pinag-usapan ninyo ni kuya?” tanong ni Jayford sa kaniya.
Ngumiti at umiling lamang siya saka kinuha ang backpack niya sa kitchen counter. Tinanguan niya si Erika at manang Edita na nakatayo sa gilid saka nilapitan si Kysler Evans. “Sir, magpapalit lang po muna ako.”
Agad na tumango ang binata matapos punasan ang bibig. “Take your time.”
Nang makapasok sa kwarto si Donabella ay natawa siya at napailing-iling. Hindi niya makalimutan ang mukha ng bugnuting Evans nang sabihin niyang maaring naapektuhan ito ng halik nito sa kaniya, umatras ito na para bang diring-diri sa sinabi niya at galit na galit sa ideyang baka 'yon nga ang dahilan kung bakit naamoy siya nito noong gabing 'yon.
Napailing muli ang dalaga. Kung bakit ba kasi napakatalas ng pang-amoy ng bugnutin na 'yon?
Matapos niyang magbihis ay muli siyang lumabas ng kwarto. Naabutan niya sa sala si Kysler na may kausap sa telepono habang nakapamaywang. Ilang saglit pa ay bumaba ng hagdanan si Redford Evans na bihis na tulad ni Kysler.
“Jayford, stay in the house.” mariing utos ni Redford sa kapatid.
Tumayo si Jayford na kanina lamang ay prenteng nakaupo sa sofa. “Kuya may laban ako ng billiards mamayang hapon.”
“Wala akong pakialam. Dito ka lang, bantayan mo ang bahay.”
“Kuya!”
“Sundin mo ang sinabi ko dahil kung hindi, hindi mo na makikita ang race car mo.”
Bahagyang tumagilid ang ulo ni Donabella. Car racer si Jayford Evans?
Pagkatapos makipag-usap ni Kysler sa telepono ay hinarap siya nito. “Donabella, kailangan naming mag overtime ni Red mamaya, pakibantayan si Jayford, siguraduhin mong hindi lalabas ng bahay at kung lumabas, tawagan mo ako.” inabutan siya nito ng isang maliit na card kung saan nakalagay ang numero nito.
Ngumiti siya sa binata. “Yes, sir.”
Natawa ito saka hinarap si Redford na kunot-noong nakatingin sa dalaga.
Kinagat ni Donabella ang pang-ibabang labi saka ngumiti sa bugnuting Evans. Umikot ang mata nito saka tumalikod at walang imik na lumabas ng bahay.
Nang makaalis ang magpinsan ay nilingon ni Donabella si Jayford Evans na panay ang buntong-hininga habang umiiling-iling. Bakas sa mukha nito ang inis dahil sa pagbabanta ng nakatatandang kapatid.
“Bella.”
Napalingon si Donabella kay manang Edita nang tawagin siya nito. May bitbit itong bayong at pitaka. Kasunod nito si Erika na nakabihis din.
“Mamamalengke muna kami, Bella. Ikaw na munang bahala dito. Tapos naman na ang gawain sa kusina, pakiwalisan mo nalang ang sahig.”
Tinanguan niya ang matanda. “Sige po, ingat kayo.”
Nang makaalis ang dalawa ay kumuha ng vacuum ang dalaga at nagsimulang linisin ang sahig sa sala. Tahimik naman ang malanding Evans habang may nakasaksak na earpods sa tainga at nakahiga sa sofa.
“~Susungkitin mga bituin
para lamang makahiling na sana'y maging akin
puso mo at damdamin
kung puwede lang, kung kaya lang
kung akin ang mundo
ang lahat ng ito'y inaalay ko sayo~”
Napatigil si Donabella at nilingon ang binata. Mahusay ito kumanta. Maganda ang boses, buo at malinaw.
“Inlove ka na ba, babe?” biglang tanong ni Jayford sa dalaga.
Humalakhak si Donabella. “Magaling ka lang kumanta, sir pero hindi nakakainlove.”
Ngumuso ang binata saka bumangon. “Hindi ka talaga naaakit sa'kin, babe?”
“Bakit ako maaakit sa'yo?” nakataas ang kilay na tanong niya sa binata.
“Gwapo ako, babe, talented rin ako at matalino, mayaman pa. Full package, babe, saan ka pa?”
Nginisihan niya ang binata. “Sa boyfriend ko.”
Sumimangot ito ng todo kaya naman tumawa ang dalaga saka umalis sa harapan nito. Lumipat siya sa kusina at doon naman naglinis. Naramdaman niya ang pagsunod sa kaniya ni Jayford pero hinayaan nalang niya ito.
Naupo ito sa stool sa stool at pinanuod ang kaniyang ginagawa. “Ibreak mo na 'yung boyfriend mo, babe tapos makipaglandian ka sa'kin.”
Hindi makapaniwalang tiningnan niya ang binata. Seryoso ba ito?
“Alam mo, babe, kapag ako ang naging boyfriend mo sagana ka na sa pagkain, sagana ka pa sa ano...” ibinitin nito ang sinasabi saka nginisihan siya habang itinataas-baba ang kilay.
Pinandilatan niya ito ng mata. “Sagana sa ano?”
“Sa ano...”
“Ano?”
“Sa pagmamahal. Ikaw, babe, ha, ang dumi ng isip mo.” sagot nito saka humalakhak ng napakalakas.
Inismiran niya ang binata. Talipandas talaga ang damuho. Napailing nalang siya at hinayaan na ang binata na magsalita ng magsalita.
“Taga saan ka, babe?”
Natigilan siya at tiningnan ang binata. “Kasama sa resume ko ang address ko, sir.”
Tumawa ito. “Marunong ka magbilliards?”
Nagkibit balikat siya sa binata. “Kaonti lang.”
Tila nagningning ang mga mata nito. “Talaga? May billiards sa basement, laro tayo mamayang gabi.”
Bahagya niyang itinagilid ang kaniyang ulo. “Wala ka bang ibang pinaplano, sir?”
Ngumisi ito. “Maglalaro lang tayo.”
“Wala bang halong malisya ang laro mo?”
Humalakhak na naman ang binata. “Grabe ka talaga sa'kin, babe. Maglalaro lang tayo 'no. Marunong din si Gio, kung gusto mo isali natin siya para hindi mo na 'ko paghinalaan.”
Tiningnan niya ng maayos ang binata. Ayaw sana niyang makipaglaro dito dahil baka pati ito ay maghinala sa pagkatao niya pero miss na miss na talaga niya ang paglalaro ng billiards. Pati ang ibang pinagkakaabalahan niyang gawin noon ay namimiss na niya.
Ngumiti siya sa binata. “Game ako, sir.”
Pumalakpak ito habang nakangiti ng malaki. “Great! Humanda ka, babe, bibilib ka sa galing ko.”
Mahina siyang natawa sa tinuran ng binata. Tingnan natin.
TO BE CONTINUED...