Halos mapatid na ang mga ugat sa aking leeg na binalingan siya ng tingin. Kung nakakasunog ang panlilisik ng aking mga mata, kanina pa siya doon natupok dahil sa tindi ng liyab nito habang nakatitig sa kanya. Hindi pa rin ako makapaniwala sa sunod niyang ginawa na sa halip na ihinto ang sasakyan upang mag-usap kami nito nang maayos at magkaintindihan na kagaya ng aking kahilingan ay hindi niya pa ako pinansin. Bingi-bingihan niyang mas binilisan pa ang takbo nito na parang wala siyang naririnig. At lalo ko iyong ikinangitngit at ikinainis sa kanya. Bukod sa hindi na siya marunong makinig sa akin ay parang binabalewala niya rin ang aking presensya at pakiusap. Pakiramdam ko tuloy ngayon ay wala akong power doon. Hindi ako mahalaga sa kanya, dahil hindi siya marunong makinig sa pakiusap ko.

