Sa chamber ng alpha leader. Naroon ang tatlong panauhin habang nakaukit sa kanilang mga mukha ang hindi maipaliwanag na kaseryosohan. Maging ang kanilang paligid ay nag-uumapaw rin sa kaseryosohan. Waring lahat ng mga bagay na nasa bulwagang iyon ay nakikisimpatya rin sa damdamin ng mga naroroon.
Ang tatlo ay nagpapakiramdaman lamang sa isa’t isa. Walang gustong mauna na magsalita, lahat sila ay nakatikom lamang ang mga bibig na salitang tinitingnan ang bawat isa.
Tanging pagkatok ng hintuturo sa hawakan ng upuan lamang ng alpha leader ang maririnig sa buong silid. Kung kasama ka siguro roon ay siguradong mahihilo ka na sa nakabibinging katahimikan na halos pati sarili mong paghinga ay maririnig mo na, at tiyak na mahihimatay dahil sa tunog na iyon.
Maya-maya pa ay bumuntong hininga ang alpha leader matapos nitong lumingon sa nakatayo niyang anak na nasa harap ng kanyang trono.
“Raze, alam mo ba ang tungkol sa diwa ng balanse?”
Napukaw nun ang atensyon ni Raze, kaagad siyang nagtaas ng tingin sa kanyang ama at umukit bigla ang pagtatanong sa kanyang mukha. Ngayon niya pa lamang narinig ang salitang iyon at base sa pagkakabigkas nito ng kanyang ama ay sigurado siyang isa itong napaka importanteng usapin.
Salitan siyang lumingon mula sa kanyang ama na alpha leader patungo kay Izy.
“Diwa ng balanse?”
Tumango ang alpha leader kasabay ng pagtingala nito at natulala sa kawalan.
“Diwa ng balanse o essence of balance. Maraming taon na ang nakalilipas, isang ‘di inaasahang bisita ang dumating sa lupon natin dala-dala niya ang isang kumikinang na bolang enerhiya. May dalawang ipinapakita itong kulay. Itim sa kanan at puti naman sa kaliwa, noong una ay hindi ko pa gaanong naiintindihan ang ibig ipahiwatig ng bisitang iyon sa pagpapakita niya ng dala niyang bolang enerhiyang iyon.
“Nang unang beses ko itong nasilayan ay kaagad akong natulala sa angkin nitong kinang ang ganda, na para bang inaakit ako nitong hawakan ito. Hindi nagtagal ay binahagi rin sa amin ng bisitang iyon ang patungkol sa dala niyang bolang enerhiya. Napag-alaman naming isa iyong buhay na diwa. Isang diwang nagdadala ng balanse ng mundo at nagtataglay ng parehong porsyento ng kadiliman at kadalisayan. Nahahati ito sa dalawa at nais niyang ang lupon natin ang mangalaga sa isa kapalit ng pagtulong niya sa muling pagbangong ng lupon, at sa kanyang paglisan ay bibitbitin niya ang kahati nitong isa pa. Kabilin-bilinan niya pang sa oras na tuluyang mahati ito ay hindi na ito kailanman pwedeng magkaisa dahil kapag nangyari iyon ay isang hindi mapapantayang gulo ang mangyayari.
“Noong una ay hindi ko pa siya lubos na nauunawaan kong kaya’t sumang-ayon kaagad ako sa pakiusap niyang iyon hanggang sa nalaman ko na lamang na ang kanyang planong iwanan ay ang diwa ng kadiliman, isa sa dalawang diwa ng balanse. Nang malaman ko ang katotohanan ay kaagad kong ibinalik sa kanya ang diwa ng kadiliman, ngunit nagmatigas siya dahil ayon sa kanyang ideolohiya — Ang bagay na naibigay na ay hindi na pwedeng ibalik o agawing muli. Sa puntong iyon ay napagpasyahan ko ring makipagmatigasan sa kanya, bilang pinuno ng lupon ay kailangan kong manindigan sa aking awtoridad.
“Sa isang iglap lang ay naging agresebo siya’t bigla na lamang nagpataw ng sumpa sa ating lupon. (Sa pagsilang ng susunod na bunga ay siyang paglalaho ng diwang itim na siyang sasapi sa isisilang na bunga. Ito’y hindi mapuputol nino man at mangyayari kahit sa ano mang paraan.)”
Taimtim lamang na nakikinig si Raze sa mahabang pagsasalaysay ng kanyang ama. Wala siyang ni isang tanong na ibinato nang sa ganon ay hindi niya madisturbo ang seryosong pagsasalaysay nito.
“May iba akong bagay na iniutos kay Izykrias ng mga panahong ‘yon sa labas ng teritoryo kung kaya’t huli na nang siya ay makabalik. Sa pagkakataong nakabalik sa aking tabi ay matagal nang naglaho na parang bola ang bisitang iyon nang hindi ko man lang nalalaman ni pangalan nito. Hanggang sa sinabi na lamang ni Izykrias ang lahing pinanggalingan ng sumpang umiikot-ikot sa naiwang diwa ng kadiliman . . .”
Nagtitigan ang alpha leader at si Izy gamit ang makahulogan nitang mga tingin. Doon na napagpasyahan ni Raze na magtaas ng kanyang katanongan. Itinanong niya sa dalawa kung ano ang kasunod ng isinalaysay ng kanyang ama. Ilang segundo pa ang lumipas na katahimikan bago siya tuluyang tugonin ni Izy.
“Ang sumpang iyon ay nanggaling sa lahing hindi nabibilang sa ating dimensyon. Isang lahing may mas makapangyarihang kakayanan kumpara sa atin. Ang lahing tinutukoy ko ay ang mismong lahing kinabibilangan ng iyong mate na si Brone. Ang lahing feline.”
Kaagad na napamulagat si Raze sa gulat dahil sa sinabing iyon ni Izy. Hindi siya makapaniwala sa kanyang narinig, marahil ay ibang bagay lamang ang kanyang narinig at nabibingi lamang siya. Pinaulit niya itong sabihin kay Izy, gamit ang nauutal niyang pagsasalita ay inutosan niya ang mahikero na siya naman nitong sinunod kaagad.
Sa ikalawang pagkakataong iyo ay aminado na siyang tama talaga ang kanyang unang narinig kanina. Nanlambot ang kanyang parehong binti na halos hindi na siya makatayo ng maayos at mawala-wala na siya sa kanyang balanse.
“Alam kong mahirap paniwalaan sa parte mo pero iyon ang totoo at kaya ka namin pinatawag dito para —”
Tumingala muli siya at muling kenwestyon ang mahikero.
“Tama na, hindi ko na gustong marinig ang susunod niyo pang mga kasinungalingan. Walang saysay ang mga pinagsasabi niyong iyon. Hindi, hindi ako naniniwala.”
“Raze, anak, nagsasabi kami ng totoo at wala kaming nakikitang dahilan para magsinungaling sa iyo.”
Patuloy na nagbingi-bingihan ang binatang lobo habang tuloy sa pagtapon sa kanyang ng mga salita ang dalawang taong kaharap niya ngayon.
“Isang mahalagang bagay pa ang kailangan mong malaman.” Madiing wika ni Izy na siyang muling nagpukaw sa atensyon ni Raze.
Bumuntong hininga ang mahikero saka kaagad na sinabi ang kanyang gustong sabihin sa huli.
“Nananalaytay sa dugo ni Brone ng direkta ang bisitang sumumpa sa lupon niyong ito noon at sa katawan ni Brone ay nakatago ang diwa ng kadalisayan.”
Wala na nga yatang katapusan ang mga nakakagulat na bagong kaalamang sumambulat mula sa pag-uusap na ito kay Raze. Sunod-sunod ang mga mahirap paniwalaan at nakakagulat na bagay na kanyang nalaman tungkol sa kanyang iniibig.
Sa puntong ito ay nag-aagaw na ang kanyang damdamin sa kung sino ang kanyang paniniwalaan. Tuloy lamang siya pagkatulala habang bahagyang nakaawang ang kanyang mga labi.
Nang mahimasmasan siya ay isang katanongan ang kanyang nabuo at mabilis niya itong itinapon sa kanyang mga kaharap.
“Sabihin na nating totoo lahat ng mga sinasabi niyo. Ngayon ay gusto kong malaman ang tungkol sa sumpang iniwan ng bisitang basta niyo na lamang tinanggap kapalit ng isang kakarampot ng tulong. . . Nasaan ang sumpang iyon?” diretso ang kanyang matang ipinupukol sa dalawa.
Samantala ang mga ito naman ay hindi na makaimik at hindi na alam kung ano ang tama at dapat na sabihin sa sitwasyong iyon. Nainip si Raze at dahil sa kanyang pagkadesperadong makakuha kaagad ng kasagutan ay bigla na lamang niyang sinigawan ang dalawa na nagpakislot sa mga ito.
Maya-maya pa ay si Izy na ang nagkusang tumugon.
“Ang sumpang iyon ay nasa iyong katawan at sa iyon mismo ito nakadikit bilang ikaw ang bungang tinutukoy sa matalinghagang sumpa ng bisita.”
Tuloyan nang napaluhod sa sahig si Raze kasabay ng paghapdi ng kanyang mga mata. Kapansin-pansin na rin ang pagiging mapula ng mga ito tanda ng malapit na paglabas ng nag-uumapaw na luha.
Sa kalmadong boses ay muling nagtanong si Raze, “Ang sumpa din bang iyon ang dahilan kung bakit namatay si ina?”
Dahan-dahan tumango si Izy tanda ng pagsang-ayon. At doon na nga sumabog ang mabigat na damdaming dinadala ni Raze. Isang malakas niyang sigaw ang umalingawngaw sa buong bulwagan kasunod nun ay siyang pagbuhos ng masagana niyang luha kasabay ng kanyang mga paghingos at paghagulhol.
Gusto man siyang lapitan ng kanyang ama upang damaya ngunit pinigilan ito ni Izy saka sinabing bigyan na lamang ng panahong mapag-isa ang kanyang anak upang maayos nitong makuha lahat ng mabibigat na kaalamang bumulaga rito. Wala namang nagawa ang alpha leader kundi sundin na lamang ang sinasabi ng kanyang kanang kamay na mahikero.
Nagtagal ang pagdadalamhating iyon ni Raze dulot ng pagbabalik tanaw sa alaala ng namayapa niyang ina ng mahigit isang oras hanggang sa muling nagsalita ang alpha leader sa kanya. Sa pagkakataong ito ay lubhang mas matindi na ang kaseryosohan ng kanilang pag-uusapan.
“Narinig mo na lahat ng tungkol sa inyo ni Brone, nagpapatunay lamang iyon na hindi kayo nababagay sa isa’t-isa. Hindi kayo pwedeng maging opesyal na magkabiyak at gagawin ko ang lahat ‘wag lamang mangyari iyon, maghahanap ako ng paraan para mapigilan ang pagiging isa mong rouge wolf sa sandaling magkahiwalay na kayo,” tumigil siya kasabay ng pagtayo niya sa kanyang trono. “Ngayon ay may mahalaga akong ipapagawa sa ‘yo. Sa mahabang panahon ng pag-aaral namin sa diwa ng balanse ay nakahanap kami ng solusyon upang matanggal ito sa iyo at maisalin sa iba.
“Tandaan mo, lubhang mahalaga ang misyong ito at hindi pwede ang pagkabigo dahil kapalit nun ay ang buhay ng ating lahi pati na rin ng mga susunod pang henerasyon.”
Nakayuko at nakaharap lamang si Raze sa sahig, waring hindi siya nakikinig sa mga sinasabi ng kanyang ama ngunit bukas na bukas ang kanyang pandinig sa mga pinagsasabi nito.
“Kailangan mong nakawin ang diwa ng kadalisayan sa loob ng katawan ni Brone, kung kinakailangan ay kailangan mo siyang patayin.”
*****