KINABUKASAN, hindi mapakali si Glanys. Pilit niyang kinakalma ang kanyang sarili ngunit nahihirapan siya. Kinakabahan siya nang matindi. Hindi niya alam kung ano ang aasahan niya. Hindi niya alam kung paano aakto nang kaswal.
Sa kabila niyon, hindi niya maikaila na excited siyang muling makita si Adam. Nais masilayan ng mga mata niya ang guwapong mukha at ang magandang ngiti nito.
Pagkatapos ng matamis na halik na pinagsaluhan nila ay sinabihan siya nitong magpahinga na. Wala sa loob na sumunod siya. She had been wide awake last night, replaying the kiss over and over again in her mind.
Ngayon ay hindi siya makalabas ng silid niya. Apat na beses siyang nagpalit ng damit. Natutukso na siyang magsuot ng bestida ngunit masyado yata siyang obvious. Ayaw niyang magtaka sa kanya ang mga kasama nila sa bahay. Teenager pa siya noong huling umakto siya nang ganoon.
Pinakatitigan niya ang kanyang sarili sa salamin. She was glowing. Alam niya na may nagbago na sa kanya. Hindi na siya ang dating Glanys. O bumabalik lang ang dating Glanys? Alam niya na patuloy siyang magbabago dahil kay Adam.
Masaya siya ngunit naging masaya rin siya noon. At sa pamantayan ng lahat ng tao, mali siya. Mali ang kaligayahang nadarama niya. Hindi kailanman magiging tama.
Pilit niyang iwinaksi ang mga negatibong bagay na naisip niya. Kagaya nga ng sinabi niya sa kanyang sarili nang nagdaang gabi, she owed this happiness to herself. Patuloy siyang magiging masaya.
Lumabas na siya ng silid niya at baka kailanganin siya ng lola niya. Nadatnan niyang gising na ito. Kasama nitong nagkakape sa kusina ang Kuya Eduardo niya. Sinikap niyang umakto nang kaswal. Nagsalubong ang mga kilay ng lola niya habang nakatingin sa kanya ngunit wala itong anumang sinabi.
Nakaalis na ang lola niya at nakapag-almusal na ang ibang mga kasama nila, ngunit hindi pa rin lumalabas sa silid nito si Adam. Bahagya siyang nadismaya ngunit alam din naman niya na hindi talaga ito maagang nagigising.
Nagtungo muna siya sa tree house niya upang ma-distract niya ang kanyang sarili. Inspirado siyang magpinta. Doon muna siya hanggang sa magising si Adam.
“Wow, I’m flattered.”
Muntik na siyang mahulog mula sa kinauupuan niya nang marinig niya ang pamilyar na tinig ni Adam. Hindi niya narinig ang pag-akyat nito sa tree house niya. Masyado yata siyang engrossed sa ginagawa niya.
Nakangiting lumapit ito sa kanya. Bagong paligo ito at namamasa-masa pa ang buhok nito. He was wearing a blue V-neck shirt and faded jeans. Hindi ito nag-ahit ngunit tila lalong nakadagdag iyon sa karakter nito. He was absolutely the most gorgeous rockstar in the whole world. At sa palagay niya ay tuluyan nang nabago ang preference niya.
Niyakap siya nito mula sa likuran at hinagkan ang tainga niya. Kinilig siya.
“Nice,” anito habang nakatingin sa ipinipinta niya.
Nag-init ang buong mukha niya. Pakiramdam niya ay namula pati ang mga talampakan niya. Again, it was nice to know she was still capable of feeling these things. She felt like she let herself freeze up for a long time. Ito lang pala ang kailangan niya upang unti-unting matunaw ang yelo na nakapalibot sa buong pagkatao niya.
“Can I have this when you finish?” tanong nito habang yakap pa rin siya.
It was clear that she had painted him. Him and his guitar. Hindi pa siya tapos ngunit halata na ito ang subject niya. “Sure, if you really want it.” Ipinamimigay naman talaga niya ang mga gawa niya.
“You’re great,” anito habang nakatingin pa rin sa ipininta niya. “Bakit hindi mo sinasabi na may amazingly great talent ka? Look, I’m so beautiful!”
Natawa siya dahil tila hindi nito alam na magandang lalaki ito. Natawa siya dahil nahihirapan siyang paniwalaan ang sinabi nitong “great” ang painting skills niya. She had never thought of herself as a great painter. She was not bad, but she was not great either. He was just indulging her.
“Nag-almusal ka na ba?” pag-iiba niya ng paksa.
Iniharap siya nito rito. Tila nagsasayaw na naman ang mga mata nito. Tila may naiisip na naman itong kapilyuhan. Hinawakan siya nito sa batok niya at marahang minasahe iyon. Nag-iba agad ang pakiramdam niya. Nag-iba rin ang ritmo ng kanyang puso.
“Gusto ko na ngang mag-almusal,” anito, saka sinakop ng mga labi nito ang mga labi niya.
She closed her eyes and kissed him back. She felt like her world was finally rotate on its axis. Kissing him felt so right. Hindi lang basta kaligayahan ang naipapadama nito sa kanya. Iyon yata ang uri ng kaligayahan na tama. Alam niya na pagkatapos ng halik, walang mangyayaring masama. Wala siyang nadaramang takot. Walang alalahanin na gumugulo sa kanya. She had never felt like this before with other men. Never with Alexander.
NAPANSIN ni Glanys na nagsalubong ang mga kilay ni Adam nang bigla niyang alisin ang kanyang kamay mula sa pagkakahawak nito. Itinuon na lang niya ang kanyang paningin kay Lola Ancia na palapit sa kanila. Nang makita sila ng lola niya ay kaagad itong napangiti.
Nasa hardin sila. Pinag-iisipan niya kung saan niya ipapasyal si Adam sa araw na iyon. Dala nito ang gitara nito ngunit hindi ito tumutugtog. His hands played lazily with hers until she saw her grandmother coming.
Hindi sana niya nais na maglihim sa lola niya ngunit naisip niya na hindi pa ngayon ang tamang panahon para magsabi ng anuman tungkol sa kanila ni Adam. Things were just starting with them. Things were still premature. Ni hindi nga niya masabi kung ano ang eksaktong mayroon sila. May relasyon na ba sila? Malamang na mayroon na. Hindi naman siya magpapahalik na lang nang basta-basta. Ngunit wala pa rin silang pormal na usapan tungkol doon. Hindi pa niya masasabing nobyo na niya ito.
Alam niya na hindi tututol si Lola Ancia kung sakali mang sabihin niya na may sumisibol na sa pagitan nila ni Adam. She adored Adam so much. Alam na rin nito na wala siyang nararamdamang atraksiyon kay Adler. They would not make it. They were better off as friends. Nitong mga nakaraang araw ay bihira silang makapag-usap. He seemed busy doing his thing and being with Kiyora.
Ayaw muna niyang magsabi sa lola niya dahil ayaw niyang umasa ito nang husto. Ayaw rin marahil niyang umasa ng kahit na ano. Ni ayaw niyang pilitin o madaliin ang kanyang sarili. Magpapatangay muna siya sa agos sa ngayon. Hindi muna siya mag-iisip masyado.
Kahit na may nararamdaman na siyang espesyal para kay Adam, alam din niya na marami pa silang dapat na malaman tungkol sa isa’t isa. He was the first man she had become interested in after Alexander, and she wanted to do everything right.
“Hi, Lola,” bati niya rito. Sinalubong na niya ito at inalalayan hanggang sa makaupo ito sa bench, sa tabi ni Adam.
Her grandmother was smiling so sweetly. Tila maganda ang mood nito. Napatingin ito sa gitara ni Adam na nasa paanan nito.
“Can you play something for this old lady, Adam?” nakangiting hiling nito sa binata.
Nginitian din ito ni Adam. “Sure, Lola.” Kinalong nito ang gitara at nagsimulang tumugtog.
Her grandmother made several song requests. They were old songs but surprisingly, Adam knew them all. Pinagmasdan niya ito habang tumutugtog at kumakanta. Pakiramdam niya, lumolobo ang kanyang puso at tila nais nang sumabog. She felt like she couldn’t contain what she was feeling for him. There were no words to describe how amazing he was. Hindi niya maalis ang kanyang paningin dito. Paminsan-minsan ay napapatingin din ito sa kanya. Kikindatan siya nito at nginitian.
Napapailing at napapangiti na lang siya.
Kinagabihan, nangulit si Kiyora na magkaroon sila ng show sa villa. She wanted to play with Adam and Adler. Nais daw nitong maging rockstar kahit na isang gabi lang.
“It’s lame,” ani Zac na lukot na lukot ang mukha.
Hindi ito pinansin ni Kiyora at nakuha pa rin nito ang gusto nito. She played drums. Adler was on guitar and Adam sang. They were amazing. Adam was amazing. She loved the way he played his guitar, the way he sang.
Kahit na hindi niya nakikita ang kanyang sarili, alam niyang kumikinang ang kanyang mga mata habang nakatingin dito. Tila siya tipikal na fan na nais na magtitili. Siyempre, hindi niya magagawa iyon dahil katabi niya ang lola niya na tuwang-tuwa rin sa munting show. She had always been the prim and proper granddaughter.
What she was feeling for Adam was growing so fast. May kaunting takot na siyang nadarama ngunit pilit niyang pinapalis.