HINDI makatulog nang gabing iyon si Glanys. Nakatitig siya sa kisame ng kuwarto niya habang pinapakinggan ang mga kanta ng Merry Men. Adam’s voice still had a strong calming effect on her. Hindi niya masabi kung nabago na nang tuluyan ang musical preference niya o sadyang Merry Men lang ang rock music na pakikinggan ng mga tainga niya.
Habang nakatitig sa kisame, bigla niyang naalala na noong bata pa siya ay dinikitan ng kuya niya ng glow-in-the-dark stars ang kisame ng kuwarto niya. Regalo nito iyon sa kaarawan niya. She loved it. She loved her brother. Hindi kagaya ng ibang mga kuya, her brother totally adored her. Kaya nang may masamang mangyari sa kanya ay muntik na itong makapatay.
Ipinilig niya ang kanyang ulo. Ayaw niyang alalahanin ang nakaraan.
Bumangon siya sa kama at tinungo ang closet niya. Biglang may naisip siya nang maalala niya ang mga glow-in-the-dark stars niya. Humugot siya ng sweater at isinuot iyon. Sneakers ang isinuot niya sa kanyang mga paa. Ibinulsa niya ang kanyang iPod at lumabas ng kanyang silid.
Dahan-dahan niyang binuksan ang front door. Malalim na ang gabi at malamang na tulog na ang lahat kaya ayaw niyang may magising sa ingay niya.
“Saan ka pupunta?”
Muntik na siyang mapatili nang marinig niya ang tinig ni Adam hindi pa man siya nakakalabas ng villa. Nasapo niya ang kanyang dibdib dahil pakiramdam niya ay tumalon palabas ang kanyang puso sa sobrang pagkagulat.
Nilingon niya ang pinanggalingan ng tinig nito. Inaninag niya ito sa dilim. May nakita siyang ilaw na gumalaw. Tila ilaw iyon galing sa isang cell phone. Itinapat nito ang cell phone sa baba nito upang mailawan ang mukha nito. He made a face.
Hindi niya napigilan ang mapahagikgik nang mahina. He looked silly and funny. Kahit na ano marahil ang gawin nito ay hindi magmumukhang multo ang ganoon kaguwapong mukha. He looked decent tonight. He was wearing a black sando and boxer shorts.
“Are you going out?” tanong nito sa mahinang tinig.
Tumango siya. “Hindi ka ba makatulog?”
“Yes, I’ll go with you, kung saan ka man pupunta. Salamat.”
Muli siyang napahagikgik. Hindi sana niya nais na isama ito sa pupuntahan niya ngunit wala na yata siyang magagawa pa. The guy had invited himself. Aminin man niya o hindi, nais din niya itong makasama.
“Go back to your room,” utos niya.
Sinimangutan siya nito.
Nginitian niya ito. “Magpalit ka ng damit,” aniya bago pa ito madismaya. “Sweater, pantalon, at sapatos.”
Nilapitan siya nito at hinawakan sa kamay. Hinila siya nito patungo sa silid nito. “Sumama ka sa `kin para sigurado na hindi mo ako tatakasan.”
She rolled her eyes. “We’re not kids, Adam. Hindi kita iiwan.”
He pouted. “Basta.”
She ended up in his room, watching him put his pants and a hoodie on. Maingat silang lumabas ng villa.
“Are we going stargazing?” tanong nito habang naglalakad sila.
“Better,” sabi niya. May maliit siyang flashlight na dala upang ilawan ang daraanan nila.
“Where are we going exactly?” tanong nito.
“Sa paborito kong puno.”
Ilang minuto silang naglakad hanggang sa marating nila ang lugar. Napatingin si Adam sa malaki at matandang puno.
“Makakaakyat ka ba?” tanong niya kay Adam habang inuumpisahan na niya ang pag-akyat sa puno.
“Kung kaya mo, kaya ko rin,” tugon nito habang tinatantiya ang taas ng puno. “Careful.”
Nilingon niya ito at nginitian. “Kung hindi ka makakaakyat, you’ll miss all the fun.”
Bahagya itong nahirapan ngunit sa bandang huli ay nagawa pa rin nitong makaakyat sa puno. Umupo sila sa isang malaking sanga. Naramdaman niya na kinakabahan ito nang panay ang tingin nito sa ibaba. Hinawakan niya ang kamay nito upang mabawasan ang kaba at takot nito na baka mahulog ito. Pinatay niya ang ilaw ng flashlight at naghintay.
Hindi nagtagal ay nawala na ang kaba nito. Nasilayan na ng mga mata nito ang dahilan kung bakit nais niyang magtungo roon.
“Wow,” anito habang nakatingin sa mga alitaptap na nagliliparan sa puno. Parami na nang parami ang mga iyon. Halos mailawan na ng mga ito ang buong puno. “This is my first time to see real fireflies. Umiilaw pala talaga sila.” Marahan nito pinisil ang kamay niya. “Thanks.”
“Walang anuman,” tanging naitugon niya. Tahimik sila habang pinanonood ang mga alitaptap na tila Christmas lights. He entwined his fingers with hers. Hinayaan lang niya ito. Gusto niya ang pakiramdam ng magkahawak nilang mga kamay.
May mga nais siyang sabihin ngunit mas pinili niyang manahimik na lang. She didn’t want to ruin the moment. She was contented with the silence. Tila kontento rin si Adam sa katahimikang namamagitan sa kanila.
Nahiling niya na sana ay hindi na matapos ang sandaling iyon, ngunit alam niyang hindi maaari. Kailangan nilang bumaba sa puno at umuwi sa villa.
“Maraming salamat,” mahinang sabi nito habang papasok sila sa villa.
Nagbibirong iningusan niya ito. “Hindi naman talaga kita dapat isasama. Nahuli mo lang ako at nangulit kang sumama.”
He grinned. “Kahit na, maraming salamat pa rin.”
Sinamahan siya nito hanggang sa pintuan ng silid niya habang hawak pa rin nito ang kamay niya. Ayaw pa sana niyang maghiwalay sila ngunit kailangan na nilang magpahinga.
Tumikhim siya at bumitiw sa kamay nito. “Goodnight,” aniya sa mahinang tinig.
Hindi ito sumagot. Hindi rin ito gumalaw. He just looked at her. Hindi niya gaanong mabasa ang mga damdaming nasa mga mata nito. Napalunok siya nang masuyo nitong haplusin ang pisngi niya. It felt so good that she almost closed her eyes. Hindi niya pinigilan ang pagbaba ng mukha nito sa kanya.
She closed her eyes when his lips met hers. He kissed her gently and softly. Ibayong kaligayahan ang lumukob sa buong pagkatao niya. Tinugon niya ang halik nito. Nais din niyang maiparamdam dito ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.
Hindi niya hinayaan ang kanyang sarili na mag-isip ng kahit na anong bagay maliban kay Adam. Ayaw na niyang magising kung panaginip lang ang nagaganap. Matagal niyang hindi naramdaman ang ganoong damdamin at halos nakalimutan na niya kung gaano kasarap sa pakiramdam. Hindi niya naisip na nagtataksil siya o may mali sa ginagawa niya. She owed this happiness to herself.