PAGBALIK nina Glanys at Adler sa villa ay nadatnan nilang gising na si Adam. Nasa kusina na ito at nag-aalmusal.
“Good morning,” bati ni Glanys dito. Suot pa rin nito ang sando at basketball shorts na suot nito nang nagdaang gabi. Magulong-magulo ang buhok nito na tila kagagaling lang nito sa higaan. He still managed to look so stylish.
“`Morning,” ganting-bati nito habang nginunguya ang pagkain nito. Inabot nito ang isang baso ng tubig at uminom. “Ang sarap ng sinangag at tapa,” anito habang nilalagyan pa ng sinangag ang plato nito. Sunod-sunod ang naging subo nito.
“Kain nang kain, apo,” ani Lola Ancia na natutuwa sa nakikita nitong gana ni Adam sa pagkain. “Did you sleep well?”
Nilunok muna nito ang kinakain bago nito sinagot ang lola niya. “Okay naman po. Nakatulog na po ako nang mahimbing pagkatapos kong tumugtog sa music room.”
“That’s good to hear. Pagkatapos mong mag-almusal ay ipapasyal kayo ni Glanys.”
Binalingan siya ni Adam at nginitian nang matamis. “Great.”
Tipid na ngiti ang itinugon niya. Hindi na naman niya maipaliwanag kung bakit kakaiba ang nadarama niya habang nakatingin kay Adam. She was even happy to see him smiling this morning. Tila nagkaroon siya ng kakaibang sigla ngayong nasilayan na ito ng kanyang mga mata.
“Be sure to take a long bath,” ani Adler sa kapatid nito sa nanunudyong tinig. “You stink, bro.”
“Mas mabango ako sa `yo,” ani Adam.
Nagpaalam siya na magtutungo muna sa tree house niya sandali. Aayusin lang niya ang ilang mga gamit niya roon habang naghahanda ang magkapatid sa pamamasyal nila. Nagbilin siya sa kawaksi ng mga pagkaing dapat nitong ihanda para maging baon nila.
She hoped the guys were up for a long walk.
Hindi kalayuan sa villa ang tree house niya. Ang sabi ni Lola Ancia ay tree house iyon dati ng kanyang ina noong dalaga pa ito. Ipinagawa iyon ni Lolo Andoy para dito upang magkaroon ito ng privacy. Pulos mga lalaki kasi ang mga kapatid nito at alam daw nitong hindi masyadong makasabay ang kanyang ina sa mga ito. Doon ito nagpipinta. Namana niya rito ang hilig niya sa pagguhit at pagpipinta. Hindi naman siya masasabing mahusay sa larangang iyon, ngunit napapasaya siya niyon. Ang sabi ng lola niya, iyon naman daw ang mahalaga. Hindi kailangang maging mahusay na mahusay ang isang tao. Ang mahalaga ay masaya ito at mahal nito ang ginagawa nito. Sa ganoong paraan ay makakaramdam ito ng hindi mapapantayang fulfillment.
Ipina-renovate ng lola niya ang tree house para sa kanya. Mas matibay na ang mga haligi niyon. Doon siya madalas nagpapalipas ng oras niya.
Intensiyon niyang itabi muna ang mga gamit niya sa pagpipinta dahil alam niyang hindi niya iyon mapagtutuunan ng pansin habang may mga bisita siyang kailangang asikasuhin. Ngunit imbes na damputin ang mga brush at pintura niya, umupo siya sa isang stool na nakaharap sa isang canvas.
She squeezed out some paint. Ipinangako niyang sandali lang siya. She combined some colors until she got the perfect shade of brown. Tila may sariling pag-iisip ang kanyang kamay na nag-umpisang magpinta. Nang matapos siya ay bahagya siyang namangha sa kinalabasan niyon. Hindi niya akalain na makukuha niya nang tama ang mga detalye. The color was perfect. The lashes were long and curly. The brow was perfectly shaped. She was a little proud of herself. It was Adam’s beautiful brown eye.
It looked lively and happy. Iyon yata ang unang gawa niya na hindi boring at hindi malungkot.
“LET’S play a game.”
Nilingon ni Glanys si Adam. Beinte minutos na marahil silang naglalakad sa kagubatan. Hindi niya masabi kung nag-e-enjoy ito sa hiking nila. Adler was obviously having a good time. Abala ito sa pagkuha ng mga larawan sa paligid. Noon lang daw ito nakakita ng mga ganoong katayog na mga punong-kahoy. Ipinaliwanag niya na pinaprotektahan ng pamilya niya ang mga puno roon. Walang illegal loggers sa lugar nila.
“What kind of game?” tanong niya. Nababagot na marahil ito kaya nais nitong maglaro. Hindi pa man sila gaanong nakakalayo ay pawis na pawis na ito. Hindi marahil ito sanay na mga puno ang nakapaligid dito. Marahil ay hindi rin ito sanay sa mahabang lakaran. But if he could play and sing a whole concert, then he could walk the whole morning. It would be good for his body and stamina.
“The game is called ‘Getting To Know Each Other,’” sabi nito bago nito tinungga ang isang bote ng malamig na tubig. “Let’s throw questions at each other. Since ako ang nakaisip, ako ang mauuna. May I smoke?”
Nagugulumihanang napatingin siya rito. “That’s not a getting-to-know-each-other question,” aniya. Hindi niya alam kung maiinis siya o matatawa. Ayaw niya sa mga lalaking naninigarilyo. Alexander never smoked.
Nginitian siya nito. “Ngayon, alam mo na smoker ako.” Inilabas nito ang isang kaha ng sigarilyo mula sa bulsa nito. “May I?”
“No.” Si Adler ang sumagot rito. “I told you to quit already. And please respect the trees around you.”
“I respect them. I love them. Dahil mahal ko sila, maninigarilyo ako. Polluted air is food for plants, right?”
“Bulok na ang baga mo sa kakasigarilyo.”
“Shut up, Adler. You used to be a smoker, too.” Wala siyang mabakas na inis sa tinig nito ngunit nakikita niyang nais na talaga nitong manigarilyo. Sinusubukan marahil nitong pigilan ang sarili ngunit nahihirapan ito.
“Go ahead,” sabi niya. Wala naman siyang karapatang pigilin ito. Hindi naman siguro makakaapekto nang husto sa kalikasan ang isang stick ng sigarilyo. Naisip din niya na hindi nito kailangang magpaalam. Maaari itong magsindi ng sigarilyo na hindi nagsasabi sa kanya. Ngunit hinintay nito na pumayag siya.
“Okay, let’s start our game for real,” anito pagkatapos nitong humitit-buga. Pinigilan niya ang kanyang sarili na mapangiwi. “You start, Adler.”
Pinagbigyan ni Alder ang kapatid nito. “What’s your favorite color?”
“Green,” sagot niya. Hindi masama ang naisip ni Adam. Sa ganoong paraan ay mas marami silang malalaman tungkol sa isa’t isa.
“Pink,” ani Adam.
Hindi niya maiwasang matawa nang marahan. “Seriously?”
“What’s wrong with pink?”
“He’s gay,” natatawang sabi ni Adler. “Mine’s blue.”
“That’s Maryse’s favorite color,” sabad ni Adam. Kaagad niyang napansin na natigilan si Adler sa nabanggit na pangalan.
“Adam,” saway nito sa kapatid nito. “Let’s not talk about her now.”
Kibit-balikat ang naging tugon ni Adam. Nginitian siya ni Adler. Nakikita niyang pilit na pilit lang ang ngiti nitong iyon. “Your turn.”
Natutukso siyang itanong kung sino si Maryse, ngunit may respeto siya kay Adler. She could see that he was not comfortable with the topic and she didn’t want to press the issue. Ang lahat ng bagay ay may tamang panahon at tamang tiyempo. Ayaw niyang sirain ang lahat para kay Adler.
“What’s your favorite food?” tanong niya.
“Chicken and pork adobo,” sagot ni Adam.
“Pinakbet at inihaw na isda,” ani Adler.
“Spaghetti,” sabi niya.
“What’s your favorite song?” tanong ni Adam.
Nagpatuloy sila sa kanilang laro. Hindi niya akalain na matutuwa siya sa pagsagot sa mga simpleng tanong kagaya ng kung ano ang paborito niyang klase ng musika, pelikula, lugar, tao, at kung ano-ano pang mga bagay. Pagkatapos nila sa mga paborito ay mga pinakaayaw naman nila ang inalam nila sa isa’t isa. Naaaliw siya sa mga natuklasan niya tungkol sa magkapatid. Sa kaunting oras, nalaman niya ang ilang mga interes ng mga ito. Naisip niya na magluto ng pinakbet at inihaw na isda para sa tanghalian nila sa susunod na araw. Upang hindi magtampo si Adam, magluluto rin siya ng chicken and pork adobo nito.
Pagdating nila sa isang tulay na yari sa matitibay na tabla at troso ay hiniling ni Adler na tumigil muna sila roon. Hindi gaanong mahaba ang tulay at sa ilalim niyon ay rumaragasang ilog. Umupo sa lapag si Adam at isinandal nito ang ulo sa troso. Hindi na ito mukhang nababagot. Kinailangan lang marahil nitong makapanigarilyo. He inhaled deeply and smiled.
Adler was taking pictures. Kahit na tumanggi si Adam ay pilit nitong kinukunan ng larawan ang kapatid nito. Pati siya ay kinunan nito. Pinagbigyan niya ito sa dalawang shot at pagkatapos niyon ay tumanggi na siya.
“Whose turn is it now?” tanong ni Adler habang nakatingin sa rumaragasang ilog.
“Mine,” sagot ni Adam. “Let me think.” Nagpalipas muna ito nang ilang sandali bago ito nagtanong. “What’s your first love’s first name?”
Nanigas siya. Hindi niya inasahan na iyon ang itatanong nito. Handa na ba siyang sabihin sa iba ang tungkol kay Alexander? Handa na ba siyang muling banggitin ang pangalan nito?
“Maryse,” kaswal na sagot ni Adler habang hindi tumitingin sa kanila. He started taking pictures again. Naroon na naman ang lungkot sa anyo nito.
Hindi niya magawang sumagot kaagad. Naramdaman niyang nakatingin si Adam sa kanya kahit na hindi siya tumingin dito. He was waiting for her answer before he gave them his.
She took a deep breath. Wala namang masama kung malalaman ng mga ito ang pangalan ng unang pag-ibig niya. Pangalan lang naman. Hindi niya kailangang ikuwento sa mga ito kung paano sila nagkakilala, nagkaigihan, at nagkahiwalay ng first love niya.
“A-Alexander,” sagot niya habang hindi tumitingin sa magkapatid. Bahagyang nanikip ang dibdib niya at nahirapan siyang huminga. Sana ay hindi mapansin ng magkapatid ang pagbabago sa kanya.
“Robin,” ani Adam.
Bahagya siyang napapitlag at biglang napatingin dito. Ang akala niya kasi ay tinatawag siya nito. Ngunit kaagad din niyang napagtanto na iyon ang sagot nito sa sarili nitong tanong. Nagsalubong ang mga kilay niya. “Robin” ang pangalan ng unang pag-ibig nito?
“Liar,” sabi ni Adler. Napatingin siya rito. He was looking intently at his brother. His face was kind of tight. Hindi niya gaanong maintindihan ang ekspresyon nito.
Marahas na napabuga ng hangin si Adam. “Maryse,” anito sa sumusukong tinig.
Sa palagay niya ay hindi niya naitago ang pagkamangha sa mukha niya. Adam and Adler fell in love with the same girl? Sino si Maryse? Nasaan na ito ngayon? Nais niyang isatinig ang mga tanong na iyon, ngunit hindi niya magawa. Tila may nagsasabi sa kanya na masyado pang maaga upang magtanong. Natatakot din siya na ibalik sa kanya ang tanong.
A smile broke on Adler’s face. “Hindi mo kailangang magsinungaling para sa `kin,” sabi nito sa kapatid nito. “She’s part of who you are and you’re part of who she was.”
Adam smiled back. Nagkabahid ng lungkot ang mga mata nito.
“Sino si Robin?” hindi niya napigilang itanong. Lalaki ba ito o babae na mayroon lang masculine na pangalan? Buong buhay niya, wala pa siyang nakikilala na babaeng kapangalan niya.
“Robin Hood,” natatawang sagot ni Adler sa kanya. “His band was called Merry Men because coincidentally, maliban kay Adam, kapangalan ng mga kamiyembro niya ang outlaw band ni Robin Hood. John, Tuck, and Will. The band was supposed to be Adam and the Merry Men pero tumanggi si Adam. Naisip din nila na masyadong mahaba kaya Merry Men na lang.”
“It was supposed to be Adler and The Merry Men,” anito.
“Adam—”
“Robin was someone I met at one of my shows before I became... this,” anito, sabay turo sa sarili nito bago pa man matapos ang kapatid nito sa sinasabi nito. “Siya yata ang nagbigay ng suwerte sa buhay ko.” He was smiling gently. His face looked kind of dreamy. Tila may naalala itong espesyal na eksena.
She frowned. May alaala na pilit na sumisingit na naman sa isip niya. Pinilit niya ang kanyang sarili na huwag mag-isip. She had had enough of Alexander. Remembering that incident would be remembering Alexander again.
“Let’s go,” yaya niya sa mga ito. Mas maigi na magpatuloy sila sa pamamasyal.
Tumigil na sila sa laro nila. Nagtatanong pa rin sa kanya ang magkapatid ngunit tungkol na iyon sa mga hayop at halaman na nadaraanan nila.