17

2506 Words
“YOU LOVE this kid so much.” Hinagkan ni Glanys ang noo ni Hunter bago niya hinarap at nginitian si Adam. Hinawakan niya ang kamay nito at hinila niya ito palabas ng silid na karaniwan nang ginagamit ni Hunter sa villa.  Sinundo nila kanina ang bata sa eskuwelahan nito. Kinailangang lumuwas ni Kuya Damian kasama si Cameron at sa kanya ibinilin ang bata. “I want to tell you something,” seryosong sabi niya. Alipin na ng takot ang buong pagkatao niya hindi pa man talaga siya nakakapagsimula. Kailangan niyang sabihin ang lahat ng tungkol sa nakaraan niya. Hindi na niya nais na itago pa iyon. She wanted him to know. Kung tatanggapin pa rin siya nito pagkatapos ng lahat ng sasabihin niya, magpapasalamat siya nang lubos. Alam niya na magiging masaya siya sa piling nito. Kung hindi naman, hindi niya alam ang kanyang gagawin. Hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa kanya bukas. Kahit na natatakot siya sa mga mangyayari, kahit na  hindi niya alam kung ano ang bukas na naghihintay sa kanya, kailangan pa rin niyang sabihin kay Adam ang tungkol kay Alexander. Nais na niyang maging malaya. Hindi na niya mababago ang kanyang nakaraan. Parte iyon ng pagkatao niya kahit na ano ang gawin niyang paglimot.  Inakbayan siya nito at hinagkan ang ibabaw ng kanyang ulo. “Where would you like us to talk?” “In my room.” “Pipikutin mo na ako?” tudyo nito habang naglalakad sila patungo sa silid niya. “I’m very willing.” Natawa siya ngunit alam niyang napansin nitong pilit na pilit iyon. Pagpasok nila sa kuwarto niya ay umupo ito sa kama niya. Prenteng sumandal ito sa headboard. Wala itong sinabi na anuman. He was waiting for her to talk. Huminga siya nang malalim. Kumunot ang noo nito habang nakatingin sa kanya. Nagtataka marahil ito sa matinding takot na nasa mga mata niya. Nagtungo siya sa walk-in closet niya. Pagbalik niya rito ay may bitbit na siyang kahon. Umupo muna siya sa kama bago niya binuksan ang kahon. Inilatag niya sa kama ang mga laman niyon. Nahihirapan siyang pigilin ang mga luha niya ngunit pinilit niya ang kanyang sarili na magpakatatag. Wala siyang masasabi kung iiyak siya. Lalo itong nagtaka. “Are these baby things?” Tumango siya. Dinala niya sa mga labi niya ang mga baby booties. Hindi kailanman nagamit ang mga iyon. Lahat ng baby things sa kahon ay hindi nagamit. “Minsan, kapag nagpupunta ako sa mall, hindi ko maiwasang tumingin sa mga gamit ng babies. Kapag may nagugustuhan akong magandang gamit, hindi ko maiwasang bilhin. I usually buy small stuff para madaling maitago. Madalas kong sinasabihan ang sarili ko na tumigil na. Alam ko namang wala akong mapapala sa ginagawa ko. Wala namang gumagamit ng mga ito. Nasasaktan lang din ako. Pero hindi ko maiwasan minsan.” “W-why?” May kaba na sa tinig nito. More or less ay nahuhulaan na nito ang nais niyang sabihin. Humugot siya ng malalim na hininga. “I was once pregnant. I was pregnant at seventeen.” He harshly sucked in his breath. Kahit na marahil inasahan na nito iyon ay nagulat pa rin ito. His eyes were wide with shock. His hands grasped the sheets. Tinalikuran niya ito. Mas madali ang pagsasabi niya rito ng mga bagay-bagay kung hindi niya nakikita ang mukha nito. “Nakilala ko si Alexander nang gabing nakilala kita. Pagkatapos mo akong hagkan, nagtatakbo ako palayo. I was too shocked. It was my first kiss and I was too upset because a random rockstar had stolen it. Nagkabanggaan kami. I was instantly attracted to him. He was so handsome. He looked so neat. He had a very charming smile. I knew I had fallen in love. He made sure I was okay. Niyaya niya ako sa isang coffee shop. Nagkuwentuhan kami. Nagtiwala ako sa isang estranghero. “Sa sobrang pagkalibang ko sa pakikipagkuwentuhan sa kanya, nakalimutan kong kunin ang numero niya. Pagkatapos nang gabing iyon, hindi ko alam kung paano siya muling makikita. I was anxious for days. Hanggang sa isang araw ay nakabangga ko na naman siya sa school na pinapasukan ko. He was wearing a teacher’s uniform. He was our new History teacher. Dismayadong-dismayado ako noon. He was a teacher and I was his student. Kahit saan yata ay bawal na magkaroon ng relasyon ang guro at estudyante. Inakala ko na magmamaliw rin ang nararamdaman ko sa kanya. He was twenty-five and I was just sixteen. Sa kabila ng agwat ng edad namin, naging malapit pa rin kami sa isa’t isa. Naging magkaibigan. Hindi nagmaliw ang nararamdaman ko sa kanya, lalo iyong yumabong. It became a full-blown love. Alam ko na hindi na iyon basta puppy love o intense infatuation lang. I was really in love with my teacher.” Muli siyang humugot ng malalim na hininga. Iyon ang unang pagkakataon na may sinabihan siyang ibang tao tungkol sa kanila ni Alexander bukod sa mommy at Lola Ancia niya. “The feeling was mutual,” pagpapatuloy niya. “I couldn’t believe it. He loved me, too. Pakiramdam ko noon, iyon na ang katuparan ng mga pangarap ko. Siyempre, hindi ko maaaring sabihin sa iba ang relasyon namin. Nagtago kami. Sinikap naming maging kaswal sa eskuwelahan. Palihim kaming nagkikita sa labas pagkatapos ng oras ng klase. Tumatakas ako sa mga magulang ko para katagpuin siya. Iyon ang una kong pakikipagrelasyon, ang una kong pag-ibig, ngunit kailangan kong itago sa iba. I loved him so much but I had to contain it whenever we were with other people. No one knew about us. Kahit na ang pinakamalapit kong kaibigan. Kahit na si Mommy o si Kuya Phillip. I never told anyone. It was so hard, you know, keeping everything in here.” She pointed at her heart. “Kaya kapag nagkakasama kami sa silid na inuupahan niya, hindi ko na pinipigilan ang sarili ko. I let myself be happy. When you love a person so much, you just wanna give him your everything. Wala akong itinira sa sarili ko.” Napangiti siya nang mapait kasabay ng pagdaloy ng mga luha. Marahas niyang pinahid ang mga iyon. “They say, too much love can kill you.” “D-damn h-him.” Nilingon niya si Adam. His eyes were no longer shocked. They were furious. Nanginginig ang buong katawan nito sa galit. “He loved me, Adam. He really did.” Mariin ang naging pag-iling nito. “Kung minahal ka niyang talaga, naghintay siya hanggang sa matapos ka sa high school o hanggang sa umabot ka ng eighteen. Wala siyang karapatang gawin sa `yo ang bagay na iyon. He was your teacher. He should’ve waited!” Hindi na bago sa kanya ang ganoong reaksiyon. Ganoon din ang sinabi ng kuya niya noong malaman nito ang lahat. Naiintindihan naman niya ang opinyon ngayon ni Adam. Iba-iba lang marahil ang paraan ng pag-ibig ng bawat tao sa mundo. Ang mali marahil sa pananaw ng iba ay tama para sa iba.  “Malapit na akong matapos ng high school nang malaman kong nagdadalang-tao ako. I was so scared back then. Hindi ko alam kung paano sasabihin sa mga magulang ko. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin ang tungkol sa bawal na relasyon namin ni Alexander. Nangako siya sa `kin na hindi niya ako pababayaan. Pananagutan daw niya ako. Bahagya akong nakalma dahil doon. Bahagyang nabawasan ang mga alalahanin ko. At least, alam ko na hindi niya ako iiwan at pababayaan. “Isang araw, may isang babae na nag-abang sa kanya sa labas ng school. Nagulat ako nang bigla na lang siyang humalik kay Alexander. She introduced herself as Alexander’s wife.” Malakas na napasinghap si Adam. Hindi niya ito pinansin at nagpatuloy siya. “‘Shocked’ is an understatement. I almost went crazy, Adam. Hindi niya sinabi sa `kin na may asawa siya na nakatira sa probinsiya. Hindi niya sinabi sa `kin na may anak sila. Gulong-gulo ako noon. My whole world fell apart. Hindi ako makatulog sa gabi. Wasak ang buong puso ko, pagkatapos ay alipin pa ako ng takot at walang kasiguruhan na bukas. “Pagkatapos ng graduation, kinausap niya ako tungkol sa asawa niya. Nagpaliwanag siya. Napilitan lang siyang pakasalan ang asawa niya dahil nabuntis ito. Nilasing daw siya at inakit. Wala raw siyang nararamdamang pag-ibig sa asawa niya. Ako ang mahal niya.” “Bullshit!” Nagpatuloy pa rin siya na tila wala siyang narinig. “Mas pinili kong maniwala sa kanya, Adam. Maybe I was young and foolish then. Maybe I was just plain stupid. I believed him. I believed in our love. Nang yayain niya akong magtanan at lumayo, pumayag ako. Iyon lang ang nakikita kong paraan para magkasama kami. Mahaba ang proseso ng annulment. Siguradong hindi papayag ang pamilya ko sa relasyon namin. Iniwan ko ang lahat para lang sumama sa kanya. Tinalikuran ko ang pamilya ko. Binalak naming magtungo sa malayong kamag-anak niya sa malayong probinsiya. Liblib daw ang lugar at makakapamuhay kami nang tahimik.” Napalunok siya. Pinigilan niya ang mapahagulhol. “We never made it there. Nagkaroon ng problema ang bus na sinasakyan namin. Nawalan ng kontrol ang driver. Nahulog ang bus sa isang bangin. Hindi pinalad si Alexander. Kasama ako sa iilang mga survivor. I was severely injured. I lost my baby. Nang dumating ang mga magulang at kapatid ko sa ospital, hindi ko alam kung paano ko sila haharapin. Wala na akong ibang choice kundi ang sabihin sa kanila ang tungkol kay Alexander at sa batang ipinagbuntis ko. “My brother was furious as hell. My father was disappointed and furious with me. Tila bulaklak na bigla na lang nalanta ang mommy ko. She cried in anguish. Lalong nakadagdag iyon sa bigat ng dinadala ko. Lalong nadurog ang puso ko. Mula pagkabata, itinanim ni Mommy sa isip namin ang lahat ng tamang dapat na gawin. She had programmed us to obey all the rules. Palagi niyang sinasabi na kailangan, palaging nasa tama kami. Huwag kaming gagawa ng mali o anumang bagay na makakasakit sa ibang tao. Sa pamilya Castañeda, siya lang ang hindi kadugo. Palaging naiiba kami ni Kuya Phillip sa ibang pinsan namin dahil walang dugong Castañeda ang nananalaytay sa ugat namin. Ang ina ni Mommy ay kabit ng unang asawa ni Lola Ancia. Nang sabay na mamatay sa aksidente ang mga magulang niya, inampon siya ni Lola Ancia at itinuring na anak.  “One time, I heard Mommy crying to Lola Ancia. She said she was sorry because she had failed as a mother. She was talking about me. Mommy had programmed herself to become the ideal daughter. Hindi naman naging lihim sa kanya ang pagkatao niya. Ang pagiging perpektong anak marahil ang paraan niya upang makabawi sa lahat ng kasalanan ng mga magulang niya. Lola Ancia and Lolo Andoy loved her so much, pero may mga pagkakataon na pakiramdam niya ay dahil sa imoralidad kaya siya nabuo sa mundo. Nais niyang maging tama ang existence niya. Sinira ko ang lahat para kay Mommy. Hindi ko naisip noon kung gaano ko siya masasaktan dahil pumatol ako sa isang may-asawa. I was like my grandmother.” Pinahid niya ang kanyang mga luha. “From that day on, my life was never the same again. Hindi na ako makabangon sa sobrang depression. I had lost Alexander. I had lost our baby. I had somehow lost my family. Hindi pa doon natatapos ang lahat. Nanggulo ang asawa ni Alexander. Bago pala ako sumama kay Alexander ay kinausap na niya ang asawa niya upang sabihin na makikipaghiwalay na siya. Inamin niya na may mahal na siyang iba. Eskandalosa ang asawa niya. Nagpa-interview siya sa media nang malaman niya na galing ako sa dalawang pinakamayaman na angkan sa bansa. She wanted money at the same time. “Naging malaking kahihiyan ako sa pamilya Castañeda at Tiamson. Galit na galit sa `kin si Lolo Aurelio dahil apelyido niya ang ginagamit ko. Nakaladkad ang pangalan niya. Hindi ako kinakausap ni Daddy. Si Mommy ay patuloy na nasasaktan para sa `kin. Gusto ko nang mamatay noon. Hindi ko na kaya ang lahat. Thank God for Lola Ancia. Lumuwas siya para alagaan ako. Iniwan niya ang Villa Cattleya para sa `kin. Ilang araw niyang hindi binisita ang Lolo Andoy. Kasama ko siya sa pagtulog sa gabi. Niyayakap niya ako at sinasabihan na magiging maayos ang lahat. She told me that she loved me no matter what. Kahit na ano ang nagawa ko, kahit na may magawa akong mas malala sa hinaharap, mamahalin pa rin niya ako dahil apo niya ko. Sinamahan niya akong ipagluksa ang pagkawala ng baby ko. Siya lang ang nagkaroon ng pakialam sa sanggol na hindi ko naisilang. Hindi niya itinuring na bunga ng pagkakamali ang anak ko. Hindi siya nagsasawa sa pagsasabi na anghel na siya ngayon at binabantayan niya ako. She was the only one who comforted me, Adam. Kung wala siya, nabaliw na marahil ako noon pa. “Pag-uwi niya sa Mahiwaga ay sumama ako. Hindi na ako umalis dito mula noon. Dito ako nagkolehiyo. I devoted my whole life to this place. Ipinangako ko na aalagaan ko ang lola hanggang sa kailanganin na siya ni Lolo sa kabilang buhay. Sa matagal na panahon, siya ang kinapitan ko, Adam. Matagal na panahon na hindi ko hinayaan ang sarili kong maging masaya. I firmly believed that I didn’t deserve it. Pagkatapos ng mga nagawa ko, wala na akong karapatang maging masaya. Ikinulong ko ang sarili ko sa lugar na ito.  “I can’t be proud of our love. That’s what hurts the most. Love is supposed to be beautiful and pure. It used to be beautiful and pure. Nagmahal ako nang buong-puso, Adam. Kagaya ng ibang tao, tumibok din ang puso ko. Pero sa mga mata ng ibang tao, mali ang uri ng pag-ibig na iyon. Imoral ang tingin nila sa `kin. Iyon lang ang tanging nakikita nila. Isang malaking pagkakamali. Nagmahal ako, Adam. Mali, pero nagmahal ako. “Mula noon hindi na ako naniwala sa pag-ibig. Ayoko na uling umibig. Love is always painful. I promised myself that I would never risk my heart again. Until you came. Dumating ka sa buhay ko at ginawa mong tama ang lahat. You made me happy. You made me get over Alexander. You made me believe in love again. You made me risk everything kahit na wala akong kasiguruhan sa bukas. Binigyan mo ng pag-asa ang buong pagkatao ko. I want you to know how damaged I am. If you still want me, I’ll try to make you happy, too. Ibabaon ko na ang lahat sa limot. Kalilimutan ko na nang tuluyan ang nakaraan.” Nais niyang umiyak habang nakatingin siya rito. He was silent. Tila napakalalim ng iniisip nito. Naghintay siya ng sasabihin nito ngunit walang nanulas sa bibig nito. He silently stood there, then left without a word. Hindi na niya napigilan ang mapahagulhol. Halos hindi siya makahinga dahil sa tindi ng pag-iyak niya. Hindi ganoon ang inasahan niya na magiging reaksiyon nito. Hindi nito matanggap ang naging nakaraan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD