NAPATALON si Penelope nang makarinig ng busina ng sasakyan. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang kotse sa harap niya. Dahil parang wala sa sarili, hindi niya napansin na naglalakad na pala siya sa gitna ng daan. Abala siya sa pagde-daydream. Nasasabik na siyang makita ang kanyang crush.
Bumaba ng kotse ang driver. Nahigit ni Penelope ang hininga. Lalo pa yatang namilog ang kanyang mga mata. Sanay siya na natatanaw ang lalaki mula sa malayo. Nagtungo siya sa unibersidad upang makita ang lalaki ngunit hindi niya inasahan na makakaharap niya ito ngayon. Mas makisig at mas guwapo pala ito sa malapitan. Kaagad na kumabog ang kanyang dibdib.
“Are you okay, Miss?”
Hindi makapagsalita si Penelope kaya tumango na lang siya. Lumapit pa ang lalaki sa kanya. Nakangiti ito na lalong nagpatingkad sa taglay na kakisigan. Parang sasabog ang kanyang dibdib sa sobrang bilis ng pagtibok ng kanyang puso.
“Ahm, are you sure?”
Sa wakas ay nahanap din ni Penelope ang tinig. “O-oo.”
Inilahad ng lalaki ang kamay. “I’m Jace Angelo.”
Nag-aatubiling tinanggap niya ang pakikipagkamay nito. “P-Penelope.” Jace Angelo. “Angelo” ang itatawag niya rito. Bagay na bagay sa lalaki ang pangalan nito. Parang kailan lang ay naiisip niya na para itong anghel.
Banayad nitong pinisil ang kanyang kamay. “I’m pleased to meet you.”
“A-ako r-rin.” Sa wakas ay nalaman din niya ang pangalan ng lalaki. Ilang Sabado na siyang nagtutungo sa unibersidad kahit na wala siyang klase upang masilayan lang ito. Hindi niya akalain na susuwertihin siya sa araw na iyon.
Bahagya siyang nailang nang mapansin na nakatitig si Angelo sa kanya. Tila hindi malubayan ng mga mata nito ang kanyang mukha. Siya man ay hindi rin maalis ang mga mata sa lalaki. Nais niya itong pakatitigan, namnamin ang pagkakalapit nila. Baka kasi hindi na siya magkaroon uli ng pagkakataon. Magkadaop pa rin ang kanilang mga kamay. Nang bahagyang makaramdam ng pagkailang ay tumikhim siya.
Atubiling pinakawalan ni Angelo ang kanyang kamay. “I have to... ah... park my car properly.”
Tumango si Penelope. Nagbalik sa isip niya ang mga kailangang gawin. “Kailangan k-kong p-pumasok sa k-klase,” pagsisinungaling niya. Siyempre, hindi niya maaaring sabihin kay Angelo na wala naman talaga siyang klase tuwing Sabado. Na nagtutungo lang talaga siya sa unibersidad upang masilayan ito.
Higit pa sa pagtanaw ang nangyari dahil nakausap na niya ang inaabangang lalaki! Nalaman na niya ang pangalan nito. Hindi masukat ang kaligayahan niya dahil doon.
Nag-aatubili na naglakad si Angelo paatras. Nginitian siya nito nang matamis. “I’ll see you around, Penelope.”
Gumanti siya ng ngiti bago tumalikod at naglakad palayo. Sana nga ay hindi iyon ang una at huling pagkikita nila ni Angelo. Sana ay magkaroon uli sila ng pagkakataong makapag-usap.
Gustong-gusto niyang lingunin si Angelo ngunit pinigilan niya ang sarili. Ayaw niyang mahalata ng lalaki ang nararamdaman niya para dito. Nagmamadaling tinungo na niya ang library. Hindi naman pulos pagtanghod lang kay Angelo ang ginagawa niya kapag nasa unibersidad siya. Sinasamantala rin niya ang pagkakataon upang makagawa ng mga assignment at project sa library.
Magaan ang pakiramdam na naupo si Penelope sa isang cubicle. Inilabas niya ang isang libro, notebook at ballpoint pen mula sa dalang bag. Hindi muna niya binuklat ang libro at sa halip ay nakangiting nangalumbaba. Binalik-balikan niya sa isip ang nangyari kanina. Masyado siyang masaya upang makapag-focus sa kanyang mga aralin. Hindi talaga niya mapaniwalaan na nakausap at nakaharap na niya si Angelo nang malapitan!
Apat na linggo na ang nakalipas mula nang una niyang makita ang lalaki. Nagtungo siya sa unibersidad isang Sabado upang mag-research sa library para sa isang assignment. Nang matapos gawin ang assignment ay tinatamad pa siyang umuwi kaya naglibot-libot muna siya. Nagawi siya sa graduate school building. Napatanga siya nang makita si Angelo sa unang pagkakataon. Kumabog ang kanyang dibdib. Sinundan niya ang bawat galaw nito. Napakaguwapo nito, napakalinis tingnan, mukhang mabangong-mabango. Hindi man nakangiti, hindi nagmaliw ang nararamdaman niyang atraksiyon sa lalaki. Si Angelo ang unang lalaking talagang nakakuha sa kanyang atensiyon. Nagkaroon siya ng dahilan upang maging masaya sa pagiging estudyante sa unibersidad na iyon.
Hindi maalala ni Penelope kung ano ang sumagi sa isip niya noon at naisipan niyang mag-apply ng scholarship sa pribadong unibersidad na pinapasukan ngayon. Kilala ang eskuwelahan hindi lang sa mataas na kalidad ng edukasyon kundi sa mayayaman ding estudyante. Akala kasi niya ay kaya niya. Akala niya ay kailangang sikat ang unibersidad na panggagalingan upang magkaroon siya ng mas maraming oportunidad kapag nakapagtapos.
Masuwerte naman siyang nakakuha ng full scholarship. Kailangan niyang i-maintain ang matataas na grado upang patuloy siyang walang bayaran.
Hindi sila mayaman ngunit hindi rin masasabing naghihirap. Tatlo silang magkakapatid, siya ang gitna. Graduating na ang Ate Phoebe niya sa kursong Nursing. Fourth year high school naman si Phillip, ang bunso at nag-iisang lalaki. Empleyado sa isang malaking kompanya ang kanyang ama. Ang kanyang ina naman ay may maliit na karinderya. Maganda naman ang kita ng kanyang mga magulang at parehong masinop sa pera kaya napag-aaral silang magkakapatid. Ngunit nais pa rin niyang makatulong sa kahit na munting paraan na alam niya. Makakatulong na walang tuition na binabayaran ang mga magulang at nasa magandang eskuwelahan pa siya.
Unang semestre pa lang niya sa unang taon sa kolehiyo ay sising-sisi na siya. Gusto na sana niyang lumipat ngunit nanghinayang din siya sa scholarship na pinaghirapang makuha. Hindi siya makasabay sa mga kaklase niya. Hindi niya gusto ang ugali ng ilan sa mga ito. Wala naman siyang ginagawang masama, nananahimik lang siya sa isang sulok, ngunit palagi na lang siyang napagdidiskitahan ng mga bully. Tila ba kasalanan ang pagiging mahirap sa unibersidad na iyon. Napakababa ng tingin ng mga kaklase niya sa kanya.
Hindi naman lahat ay masama ang ugali. May ilan naman na mabait sa kanya ngunit ramdam pa rin niya ang pagkakaiba nila. Nararamdaman niya na hindi gaanong inilalapit ng mga kaklase ang sarili sa kanya dahil hindi siya kauri ng mga ito. Hindi siya parte ng mundo ng mga kaklase.
Sinukuan na ni Penelope ang pagkakaroon ng totoong kaibigan sa unibersidad nang makilala niya si Phylbert Cipriano. Kaagad siyang napangiti nang maalala ang matalik na kaibigan. Galing din sa mayaman at prominenteng pamilya ngunit naiiba si Phylbert sa lahat. Hindi nito ibinabando ang yaman ng sariling pamilya. Phylbert genuinely cared for her. Ito ang tagapagtanggol niya sa mga nambu-bully sa kanya. Iginaganti siya sa lahat ng nang-aapi sa kanya.
Masayang kasama si Phylbert dahil sa pagiging kalog at masayahin. Masarap itong kakuwentuhan. Hindi nito ipinaparamdam sa kanya na malaki ang agwat ng estado nila sa buhay. Madalas na ito pa ang napapaaway kapag may mga nambu-bully sa kanya. Madalas nitong nakakaaway si Ciara at mga alipores ng babaeng iyon. Tinuturuan siya ni Phylbert na lumaban at maraming pagkakataon na gustong-gusto na niyang gumanti, ngunit hindi talaga niya kaya. Hindi siya pumapatol. Patuloy siyang nananahimik at umaasa na sana ay tigilan na siya ng mga kaklase. Sana ay magsawa na ang mga ito sa pang-iinis sa kanya. Na sana ay mag-mature na ang mga babaeng kaklase at makahanap ng ibang magagawa.
Nakakalimutan niya ang lahat ng hindi magagandang nangyayari sa kanya sa unibersidad na iyon dahil kina Phylbert at Angelo. Kahit na sa malayo lang niya nakikita ang huli dati, masaya pa rin siya. Crush na crush niya si Angelo. Hindi niya maalala kung kanino siya huling nakaramdam ng ganoon.
Sa edad na disiotso ay hindi pa siya nagkakanobyo. Marami nang nanligaw sa kanya ngunit lahat ay tinanggihan niya. Bukod sa pinagbawalan siya ng mga magulang, hindi rin siya interesado sa mga lalaking nagkainteres sa kanya. May mga naging crush din naman siya, karamihan nga lang ay mga artista at miyembro ng banda. Hindi kasinlalim ang naramdaman niya para sa mga lalaking iyon sa nararamdaman niya ngayon para kay Angelo. Unti-unti na nga niyang nakukumbinsi ang sarili na umiibig na siya kay Angelo.
Napakasaya talaga niya ngayong magkakilala na sila. Sana ay muling magkrus ang kanilang mga landas. Sana ay mas lumawig pa ang pagkakakilala nila.
Upang mai-release kahit na paano ang nararamdaman, inilabas ni Penelope ang kanyang diary at nagsimulang magsulat.
Dear Diary,
Hindi ko malaman kung bakit tatanga-tanga ako minsan. Hindi ko alam kung bakit hindi ko nakita ang sasakyan niya kanina. Nakakahiya, muntik na niya akong masagasaan. Pero nagpapasalamat na rin ako dahil sa wakas ay nakilala ko na siya. Hindi na ako magtitiis na tumanaw mula sa malayo. Hindi na lihim sa kanya ang existence ko. Sa itinagal-tagal kong nagpupunta sa university tuwing Sabado para lang mapagmasdan siya nang palihim, sa wakas ay nagkaharap na rin kami.
Jace Angelo ang pangalan niya...