2

1598 Words
PATUNGO na sana si Joaquin sa kanyang sasakyan nang may tumawag sa kanya. Napangiwi siya nang malingunan si Ramil. Nginitian siya nito nang nakakaloko. Nagkunwari siyang hindi nakita si Ramil. Nagtuloy-tuloy siya sa kanyang sasakyan. “Death anniversary ni Erica ngayon.” Natigil si Joaquin sa pagbubukas ng pinto ng kotse. Hinarap niya si Ramil. “Patahimikin mo na siya,” aniya sa malamig na tinig. Bumadha ang matinding galit sa mga mata ni Ramil. “Kasalanan mo kung bakit wala na siya ngayon.” Umiling si Joaquin. “Siya ang namili ng kapalaran niya. Wala akong kasalanan. She killed herself.” “She killed herself because of you!” Muling umiling si Joaquin. Noong una ay sinisi rin niya ang sarili. Dalawang taon na mula nang magpakamatay si Erica. Nag-overdose ito ng sleeping pills. Ang mga magulang niya ang nagpaintindi sa kanya na wala siyang kasalanan. Hindi niya hawak ang pag-iisip ni Erica. Hindi niya mapipigilan ang nangyari. Hindi raw dapat niya sisihin ang sarili dahil si Erica ang pumili ng sariling kapalaran. Nakilala niya si Erica sa isang party. Nagpakita ito ng interes sa kanya at aminado siyang maloko rin siya sa babae kaya agad siyang pumatol. He had been horny that night and they ended up in a hotel. Hindi naman niya alam na may nobyo na pala noon si Erica, si Ramil nga. Nang malaman niya iyon ay agad niyang iniwasan si Erica. Ayaw niyang makaalitan na naman si Ramil. Mula pagkabata ay hindi na sila nagkasundo ni Ramil. Palagi na lang itong nakikipagkompetensiya sa kanya sa kahit na anong bagay maliban na lang sa photography. Hindi siya sigurado kung saan nag-ugat ang pakikipagkompetensiya. Hindi niya pinapansin si Ramil noong una ngunit meintras na hindi ito pinapansin, lalong nang-iinis. Hindi rin niya alam noon na may tendency si Erica na maging obsessed. Nakipaghiwalay ang babae kay Ramil dahil siya raw ang mahal nito. Sinundan-sundan siya ni Erica kahit na saan siya magpunta. Hindi siya tinigilan kahit na kinausap na niya ito nang masinsinan. Sinabi niya na ayaw na niya ng gulo. Maayos din niyang sinabi na hindi niya ito mahal. Hindi lang si Erica ang nanggugulo sa kanya, pati na rin si Ramil. Buo sa isip ng lalaki na inagawan niya ito. Masasabi niyang totoong iniibig ni Ramil si Erica. Noong una ay naawa siya kay Ramil. Pilit niyang itinataboy palayo si Erica ngunit daig pa nito ang tuko kung makakapit. Ipinagkakalat pa nito na may romantiko silang relasyon. Hanggang sa mainis na siya nang tuluyan. “Tigilan mo na ako. Hindi kita mahal. Hindi kita mamahalin. Hindi!” Nakahinga siya nang maluwag nang sa wakas ay tigilan siya ni Erica. Akala niya ay natauhan na ito. Nagulat na lang siya nang malamang wala na si Erica. Na-depress daw nang husto dahil sa kanya. Wala raw itong bukambibig kundi ang pangalan niya. Nagpakamatay raw si Erica dahil hindi matanggap na hindi niya ito kayang mahalin. “Hinding-hindi ako titigil hangga’t hindi ko naipaparanas sa `yo ang ipinaranas mo sa `kin, Joaquin. Someday, you will fall in love. Kapag nangyari iyon, nasa malapit lang ako para sirain ang lahat. Magiging miserable ka katulad ko,” sumpa ni Ramil nang dumalo siya sa libing ni Erica. He had been so devastated. Sinisi niya ang sarili sa unang taon. Nakokonsiyensiya siya. Palagi niyang iniisip kung may magbabago kung pinagbigyan niya si Erica. Ngunit paglaon ay napagtanto rin niya na walang mangyayari kung patuloy niyang sisisihin ang sarili. Nalulungkot siya sa pagkawala ni Erica ngunit kailangang magpatuloy ang kanyang buhay. Nakatulong nang malaki sa kanya ang pag-absuwelto sa kanya ng mga magulang ni Erica. Alam daw ng mag-asawa na si Erica ang naghabol sa kanya. Hindi naman daw niya maaaring turuan ang kanyang puso na mahalin ang anak ng mga ito. Hindi raw niya kasalanan na naging mahina si Erica. But Ramil wouldn’t see reason. Hanggang ngayon ay siya pa rin ang sinisisi nito. Buo sa isip ni Ramil na siya ang pumatay sa babaeng pinakamamahal nito. Sinikap na lang niyang intindihin ang pinanggagalingan nito. Ngunit may mga pagkakataon na nais niyang ibulyaw kay Ramil na mag-move on na. Kahit na paano siya nito gantihan, hindi na maibabalik ang buhay ni Erica. Sinubukan ni Ramil na pormahan ang kanyang kapatid upang mainis lang siya. Halos wala itong pinapalampas na pagkakataon upang galitin siya. Ilang trabaho na niya ang sinabotahe nito, siniraan siya sa ibang tao. Ang simpatyang nararamdaman niya kay Ramil ay unti-unting nauwi sa inis. Sa palagay niya ay hindi ito titigil hangga’t hindi naisasakatuparan ang isinumpa na gagawin. Itinuloy ni Joaquin ang pagsakay sa sasakyan. “I don’t have time for this.” Bago pa man makatugon si Ramil ay mabilis na niyang pinaandar ang sasakyan palayo. Totoong wala siyang panahon sa komplikasyon. Tatlong taon lang ang ibinigay sa kanya ng kanyang ama upang mapatunayan niya ang sarili sa pagiging photographer. He had been blessed with the best parents in the whole world. Mahal na mahal siya ng kanyang mga magulang at kung maaari ay ibibigay ng mga ito ang lahat ng ikaliligaya niya. They were so supportive. Nang magkaroon siya ng fascination sa photography, kaagad siyang ibinili ng kanyang ama ng de-kalidad na camera at photo equipment. Pinaturuan pa siya sa isang professional photographer na kakilala nito kung paano gamitin ang mga equipment. Hinayaan siya ng kanyang mga magulang sa hilig niya. Hindi lihim kay Joaquin na gusto ng grandparents niya na mas mag-focus siya sa negosyo ng kanilang pamilya. Alam naman niya na balang-araw ay sa balikat niya iaatang ang lahat ng responsibilidad ng pagpapatakbo ng mga kompanya. Nag-iisang anak ang daddy niya at siya ang nag-iisang anak nitong lalaki. May kapatid siya, si Phylbert Anne. Alam niya na nakahanda naman ang kapatid na tumulong sa kanya. Gusto ni Phylbert na maipagpatuloy pa rin niya ang pagiging photographer kahit na dumating na ang araw na ipapasa na ng kanilang ama sa kanya ang lahat ng responsibilidad sa negosyo ng pamilya. Suportado ng kanyang mga magulang ang hilig niya at hindi siya pipilitin ng mga ito kung ayaw niya, ngunit alam rin ni Joaquin na may mga kailangan siyang gawin para sa kanilang pamilya. Hindi maaari na basta na lang niyang pabayaan ang mga negosyong pinaghirapang itatag ng lolo niya. Hindi niya maaaring bale-walain ang lahat ng pagsusumikap ng kanyang ama na mapanatiling matatag ang mga negosyong iyon para sa kanila ni Phylbert. Alam niya na may mga bagay na mas importante kaysa sa photography. Sa katunayan, nang magtapos siya sa kolehiyo ay sinabi niya sa kanyang ama na maaari na siya nitong i-train. Akala niya ay matutuwa ito ngunit kabaliktaran niyon ang nakita niya. He had been disappointed. “I want you to do what you love, son. I want you to do what will make you happy.” “Dad, I want to help you. Alam ko ang mga responsibilidad ko sa pamilya natin. Hindi ko naman igi-give up ang photography. Magagawa ko pa rin ang bagay na makakapagpasaya sa `kin bilang hobby.” Kaunting oras na lang marahil ang mailalaan niya para sa photography. Mas kailangan niyang mag-focus sa trabaho ngunit ayos lang sa kanya. Ang importante ay makakatulong siya sa kanyang pamilya at magagawa pa rin niyang kumuha ng larawan. Masaya na siya roon. Hindi naman kailangan na maging isa siyang sikat na photographer. Hindi kailangang manalo siya ng kung ano-anong awards. Masaya na siyang makahawak ng camera. He believed that the world was better viewed through the lens of a camera. Nag-isip ang kanyang ama. “Okay. I’ll train you. After three years.” “Po?” “I’ll give you three years to work as a full-time photographer. Gawin mo na ang lahat ng gusto mong gawin. Patunayan mo muna ang sarili mo sa larangang mahal mo bago mo `ko palitan. Ayoko na may mga regret ka pagtanda mo. Gusto ko na masabi mo na nagawa mo ang lahat. You are a good photographer, Joaquin. Hindi ko `yan sinabi dahil anak kita. Espesyal ang bawat larawang nakukunan mo. Go and make a name for yourself.” Napagtanto niya na tama ang kanyang ama. Wala pa siyang napapatunayan sa sarili upang kaagad na sumuko. Tinanggap niya ang regalo ng kanyang ama. Ipinangako niya sa sarili na hindi niya bibiguin ang ama. Ibubuhos niya ang lahat ng enerhiya at buong puso sa pagkuha ng mga espesyal na larawan sa loob ng tatlong taon. Sa ngayon ay isa siyang freelance photographer. Tinatanggap niya ang anumang trabaho na dumarating sa kanya. Hindi siya maselan kahit na simpleng kasalan lang iyon. Binubuksan niya ang isipan sa bawat posibilidad at oportunidad. Hindi naman kasi niya alam ang maaaring mangyari. Hindi niya alam kung ano ang maaaring makunan ng kanyang camera. Maliban sa panggugulo ni Ramil, masaya siya sa takbo ng kanyang buhay. Kontento siya sa mga trabahong ginagawa. Plano niyang lubusin ang tatlong taon na ibinigay sa kanya. Wala siyang gaanong panahon sa mga babae. Naging maingat na rin siya pagkatapos ng nangyari kay Erica. Sa kabila ng pagiging maloko sa babae, sa kaibuturan ng kanyang puso ay umaasa si Joaquin na sana ay mahanap niya ang tamang babae para sa kanya. Lumaki silang magkapatid na saksi sa magandang samahan ng kanilang mga magulang. First love ng dalawa ang isa’t isa. Hanggang ngayon ay hindi pa nagmamaliw ang pag-ibig. He wanted a marriage like that. Nais niyang matagpuan ang tamang babae para sa kanya balang-araw. Katulad ng kanyang ama, alam niya na ibibigay niya ang buong puso sa babaeng totoong mamahalin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD