“OKAY lang ba talaga na sumama ako, Phylbie?” tanong ni Penelope habang patungo sila sa isang restaurant. Niyaya siya ng kaibigan na kumain sa labas kasama ang nakatatandang kapatid nito.
Naikuwento na sa kanya ni Phylbert ang totoong pagkatao nito. Hindi kaila sa lahat na inampon ang kaibigan niyang ito ng mga Cipriano nang pumanaw ang mga magulang nito. Ayon kay Phylbert, kahit na hindi raw nito kadugo ang Kuya Joaquin nito, nagtuturingan na tunay na magkapatid ang dalawa. Close na close raw ito kay Joaquin.
“Oo nga. Mabait `yon, saka kalog. I want you guys to meet. Gusto kong makilala mo naman ang pamilya ko, saka gusto ko ring makilala ni Kuya ang pinakamalapit kong kaibigan ngayon.”
Napangiti si Penelope. Ang totoo, hindi sana niya gustong sumama ngunit nahihiya naman siyang tumanggi. Kaninang umaga lang ay nang-away at nanampal si Phylbert ng tatlong babae na nang-aaway na naman sa kanya. Hindi naman tipikal na nananakit si Phylbert. Nainis lang ito nang patirin siya ng isa sa mga alagad ni Ciara. Mapapaaway sana sila nang matindi kung hindi siya naging maagap. Hinila niya ang kaibigan palayo. Sumosobra na ngang talaga sina Ciara sa pambu-bully sa kanya ngunit ayaw rin naman niyang mapahamak ang kaibigan. Kahit na anong tapang ni Phylbert, mas marami pa rin ang kampon ni Ciara kaysa sa kanila.
Natigilan si Penelope pagkababa ng taxi. Sa harap kasi ng isang Japanese restaurant tumigil ang sasakyan. “Phylbert, ano—”
Hinawakan nito ang kanyang kamay at hinila siya papasok sa restaurant. “Nandito na tayo, `wag ka nang tumanggi.”
Alanganing ngiti ang ibinigay ni Penelope sa kaibigan. “Hindi ako marunong gumamit ng chopsticks,” nahihiyang bulong niya.
Tumawa nang malakas si Phylbert. Bahagyang nag-init ang kanyang mukha sa kahihiyan. Banayad na tinapik ng kaibigan ang kanyang braso. “We’ll ask for a spoon and fork. Mahilig kasi sa Japanese food si Kuya. Gustong-gusto niya ang presentation ng food.”
Wala nang nagawa pa si Penelope dahil nasa loob na sila ng restaurant. Hinanap ni Phylbert ang kuya nito. Isang lalaki ang kumaway sa kanila, na tila natigilan nang makita siya. Hinila niya ang kamay ni Phylbert na nakahawak pa rin sa kanya at itinuro ang lalaki.
Nakangiting hinila siya ni Phylbert patungo sa lalaki na tila wala pa rin sa sarili. Titig na titig ang lalaki sa kanya at tila hindi nakikita ang kapatid nito—maging ang ibang tao sa paligid nila.
“Hi, Kuya!” masiglang bati ni Phylbert bago humalik sa pisngi ng lalaki.
“H-hi,” halos wala sa loob na sabi ng lalaki habang hindi pa rin siya nilulubayan ng tingin.
Amused na napangiti si Phylbert nang mapansin ang tinging ibinibigay sa kanya ng kapatid nito. “Kuya, si Penelope. Siya `yong sinasabi ko sa `yo na friend ko sa university. Pen, ang Kuya Joaquin ko.”
Nginitian niya ang lalaki sa kabila ng pagkailang na nararamdaman. “Hello.”
Hindi tumugon si Joaquin at tinitigan lang siya. Lalong tumindi ang paghanga na mababakas sa mga mata nitong titig na titig sa kanya. Tumindi rin ang nararamdamang pagkailang ni Penelope. Ilang lalaki na ang tumingin sa kanya nang ganoon kaya hindi na iyon bago para sa kanya. Ngunit kakaiba ang titig ni Joaquin. Tila tumatagos iyon hanggang sa kaibuturan niya. The admiration in those beautiful eyes was so intense, so raw, and so genuine.
Humila ng upuan si Phylbert at pinaupo siya. “Kuya, you look funny,” panunudyo ni Phylbert. “Parang anumang sandali ay tutulo na ang laway mo. Snap out of it. Mahiya ka nga nang kaunti.”
Tila nahimasmasan naman si Joaquin sa sinabi ng kapatid. “I’m s-sorry. You’re just so beautiful. I can’t take my eyes off you.”
Bumungisngis si Phylbert, tila aliw na aliw sa nakikitang inaasal ng nakatatandang kapatid. “Oh, please. That’s the best line you’ve got? Kuya naman.”
Nag-init ang buong mukha ni Penelope. Hindi na rin bago sa pandinig niya ang mga sinabi ni Joaquin. Ilang lalaki at manliligaw na ang nagsabi na maganda siya, ngunit si Joaquin ang pinakasinsero. Hindi lang tinig ng lalaki ang kumumbinsi sa kanya na maganda talaga siya sa paningin nito, pati ang mga mata nito.
Nahihiya man, pinagmasdan din niya ang hitsura ni Joaquin. Guwapo ito. May-kahabaan ang magulong buhok. Tila ilang araw nang hindi inaahit ang stubble. Matangos ang ilong. May kakapalan nang kaunti ang mga kilay ni Joaquin ngunit maamo ang mga mata kaya hindi ito nagmumukhang mabagsik. Nang ngumiti ito ay lalong tumingkad ang taglay na kaguwapuhan at kakisigan.
Hindi si Joaquin ang tipo ni Penelope. Mas gusto niya ng mga lalaking katulad ni Angelo—preppy, clean and neat. Ang lalaking kaharap niya ngayon ay mas maihahalintulad sa isang rock star. Gusto niya sa lalaki na medyo masungit at may aura ng mystery. Iyong tipo na medyo arogante sa unang tingin ngunit napakabait naman pala. Si Joaquin yata ang tipo ng lalaking hindi gaanong sumisimangot. Ang tipo na laging masaya at walang gaanong problema sa buhay. Si Joaquin din yata ang tipo na hindi sanay magtago ng nararamdaman. What you see is what you get, wika nga. Ang tipo na nagiging lovable sa mata ng kahit na sino kapag ngumiti na.
Hindi man niya tipo, hindi maikakailang naguguwapuhan pa rin siya kay Joaquin. Hindi siya bulag upang hindi makita ang taglay nitong panghalina. Hindi man kasinlakas ng atraksiyon na naramdaman niya para kay Angelo, ngunit naroon pa rin ang kakaibang atraksiyon.
Inilahad ni Joaquin ang kamay nito sa kanya. Nag-aalangan na tinanggap ni Penelope ang pakikipagkamay nito. “I’m pleased to meet you.” Banayad nitong pinisil ang kanyang kamay.
Kiming ngiti lang ang naitugon ni Penelope. Tinangka niyang bawiin ang kamay ngunit hinigpitan lang ni Joaquin ang pagkakahawak doon. Napasinghap siya at nanlaki ang mga mata nang dalhin ni Joaquin sa mga labi nito ang kanyang kamay. Muntik na siyang mapatalon nang maramdaman ng kanyang balat ang mainit at malambot nitong mga labi. Nginitian siya nito nang matamis bago tuluyang pinakawalan ang kanyang kamay.
“Okay, that’s enough!” ani Phylbert. “Let’s order,” anito habang hawak na ang menu. Hindi nabubura ang amused na ngiti sa mga labi ng kaibigan niya.
Napakaraming in-order ng magkapatid. Tempura lang ang sinabi ni Penelope na gusto niya dahil iyon lang ang alam niya sa Japanese food. Maganda nga ang presentation ng mga sushi, sashimi at norimaki sa table nila. Pero maganda man sa paningin niya, hindi siya sigurado kung makakakain siya ng hilaw na isda. Hindi na siya nahiyang humingi ng tinidor sa waiter. Mas magiging kahiya-hiya siya kung magpapanggap siyang marunong gumamit ng chopsticks.
Hindi siya pinabayaan si Joaquin. He ordered wagyu beef for her. Ito rin ang naghalo ng kung ano-anong sauce na nasa harap niya. Ayon kay Phylbert, mahilig sa salmon at eel si Joaquin ngunit hindi naman gaanong nakakain ang lalaki. Hindi rin siya gaanong nakakain dahil tila nakabantay si Joaquin sa kanya. Bukod sa tempura at wagyu beef, nagustuhan din niya ang California maki. Lalo siyang nailang nang simulan siyang subuan ni Joaquin. Nahihiya naman siyang tumanggi. Tila aliw na aliw naman ang lalaki sa ginagawa.
Mas aliw na aliw sa kanila ni Joaquin si Phylbert. Ito lang yata ang nabusog nang husto sa kanilang tatlo. Hindi mapakali ang puso ni Penelope buong dinner. Nang matapos silang kumain at magyaya nang umuwi si Phylbert ay nakahinga siya nang maluwag. Hindi na sana siya magpapahatid sa magkapatid ngunit nagpumilit si Joaquin.
Mabilis na sumakay si Phylbert sa backseat ng kotse ng nakatatandang kapatid. Kapag nagkaroon siya ng pagkakataon ay kukurutin niya ang kaibigan. Magmumukha kasing tsuper si Joaquin kapag sinamahan niya si Phylbert sa backseat. Pakiramdam niya ay magiging bastos siya kapag nangahas siyang sumakay sa backseat.
Nakangiting binuksan ni Joaquin ang pinto sa passenger seat. Naiilang na sumakay na si Penelope. Nang umikot si Joaquin upang sumakay na rin ay pinandilatan niya si Phylbert na nasa backseat.
Humagikgik ang bruha. “Diyan ka na para madali mong maituturo kay Kuya ang daan papunta sa inyo.”
Nahigit ni Penelope ang hininga nang dumukwang si Joaquin sa kanya. Akala niya ay kung ano na ang gagawin nito sa kanya, ikakabit lang pala ang seat belt niya. Siniguro muna ni Joaquin na maayos at kumportable siya bago pinaandar ang sasakyan.
Habang nagbibiyahe ay ramdam na ramdam ang tensiyon sa pagitan nila ni Joaquin. Hindi na naibsan ang pagkailang na nararamdaman ni Penelope. Nahiling niya na sana ay bilisan ng lalaki ang pagmamaneho upang makauwi na siya kaagad. Para kasing hindi na kakayanin ng kanyang puso ang tensiyon. Tila kabaliktaran naman ang tumatakbo sa isip ni Joaquin dahil mabagal ang takbo nila, walang pagmamadali. Maaari nga yatang mag-overtake ang pedicab. Exag, Pen.
“May I have your number?” mayamaya ay kaswal na tanong ni Joaquin.
Bahagyang nagsalubong ang mga kilay ni Penelope. Iniisip niya kung ibibigay niya ang hinihingi ni Joaquin. Hindi niya ugaling magbigay ng number sa kung kani-kanino. Ngunit sa isang banda, kahit na hindi niya ibigay kay Joaquin ang kanyang numero ay siguradong malalaman pa rin nito. Baka nga si Phylbert pa mismo ang maglagay ng numero niya sa cell phone ng kuya nito.
“S-sige,” tugon niya. Hindi naman siguro si Joaquin ang tipo na nangungulit sa telepono.
Iniabot ni Joaquin sa kanya ang cell phone nito. Nag-aatubiling tinanggap niya iyon. “Dial your number.”
Hindi napigilan ni Penelope ang pagtikwas ng isang kilay. Naniniguro ang loko. Isinave na niya ang number niya sa phone nito pagkatapos niyang mapa-ring ang kanyang cell phone na nasa bag. Isinave naman niya ang number ni Joaquin sa kanyang phone bago niya ibinalik ang cell phone nito.
Ngiting-ngiti si Joaquin, tila nakuha na ang gusto. “Thanks. I’ll call you.”
Tumango na lang si Penelope. Sana ay hindi nito dalasan. Pagdating nila sa bahay niya ay inunahan na niya si Joaquin sa pag-aalis ng seat belt niya. “Thank you,” sabi niya habang binubuksan ang pinto. Nilingon niya si Phylbert sa backseat. Nakangiti pa rin ito na tila kinikiliti ng mga anghel. Pinandilatan niya ang kaibigan. “Kita na lang tayo bukas sa university.” Bago pa man makatugon si Phylbert ay mabilis na siyang nakababa.
Kinawayan ni Penelope ang magkapatid bago nagmamadaling pumasok sa gate. Pagpasok niya sa bahay nila ay nasapo niya ang dibdib. Ang bilis-bilis ng t***k ng kanyang puso.