NAKAHIGA na sa kama si Penelope at nananaginip nang gising at kinikilig nang biglang tumunog ang kanyang cell phone. Inabot niya ang aparato at inilagay sa ilalim ng unan imbes na sagutin ang tawag. Ayaw niyang maistorbo sa kasalukuyan. Alam naman na niya kung sino ang tumatawag at sigurado siya na hindi iyon gaanong importante.
Binabalikan niya ang mga nangyari sa kanya kanina kasama si Angelo. Iyon na yata ang pinakamasayang Sabado sa buhay niya. Nakita niya ang lalaki na nakaupo sa isang bench sa likod ng graduate school building. Hindi niya alam kung saan niya nahugot ang lakas ng loob upang makalapit kay Angelo kanina. Masaya siya sa naging desisyon dahil matagal silang nagkakuwentuhan. Wala ang isang propesor nito ngunit nag-iwan ng readings. Ayon kay Angelo, hindi raw ito makakapagbasa nang maayos sa bahay ng mga ito kaya doon na lang sa university magpapalipas ng oras. Nahihiya man, pinilit ni Penelope ang sarili na sagutin ang tanong ni Angelo at magtanong na rin ng mga bagay na gustong-gusto niyang malaman mula nang unang beses itong masilayan ng kanyang mga mata. Halos hindi niya namalayan ang paglipas ng mga oras.
Tumigil sa pagri-ring ang cell phone ni Penelope. Pero bago pa man siya makahinga nang maluwag ay muli iyong tumunog. Sinikap niyang huwag iyong pansinin. Ngunit tila ayaw siyang sukuan ng caller. Wala yatang planong tumigil hangga’t hindi siya sumasagot.
Napapabuntong-hininga na hinugot niya mula sa ilalim ng unan ang cell phone. “Joaquin,” pagbati niya kahit na hindi niya tiningnan ang screen.
“Hi!” masayang bati nito. “How are you?”
“Okay naman, ikaw?”
Nagsimula si Joaquin na magkuwento tungkol sa nangyari sa buong araw nito. Napangiti na si Penelope kalaunan habang nakikinig sa mga kuwento ng lalaki. Minsan, mahirap maniwala na hindi totoong magkapatid sina Joaquin at Phylbert. Parehong-pareho kasi ng ugali ang dalawa. Pareho ring mahilig magsalita at magkuwento. Palagi ring masigla at masaya ang dalawa kapag nakakausap niya. Tila palaging maganda ang disposisyon ng magkapatid.
May mga pagkakataon na nakukulitan na siya kay Joaquin, ngunit kaagad din namang nag-e-evaporate iyon. Ang dalas-dalas nitong tumawag sa kanya. Madalas na ito ang gumigising sa kanya sa umaga. Ang tinig ni Joaquin ang unang naririnig ng kanyang mga tainga.
“A very good morning to you, my lovely Penny. Sana ay maging maganda at masaya ang buong araw mo,” ang madalas ibungad ni Joaquin sa kanya. He would text her throughout the day. Minsan ay napipilitan siyang magpa-load kahit na nagtitipid siya dahil nakakahiya kung hindi siya sasagot sa mga mensahe nito.
Hindi naman tumatawag si Joaquin kapag alam nitong may klase siya. Tatawagan siya nito sa tanghali upang alamin kung kumain na siya. Kapag alam na vacant niya ay tatawag ito at makikipagkuwentuhan. Bago siya matulog sa gabi ay tumatawag din ito upang kumustahin ang araw niya.
Sa hilig nitong magkuwento ay marami na siyang alam tungkol kay Joaquin. Madalas nitong ikuwento sa kanya ang tungkol sa mga larawang kinukunan nito. Palaging mahihimigan sa tinig ng lalaki ang pagmamahal nito sa photography. He just loved taking pictures. Hindi pa siya nakakakita ng larawang kinunan ni Joaquin ngunit madalas sabihin sa kanya ni Phylbert na mahusay ang kuya nito.
“May gagawin ka ba bukas?”
Hindi nakasagot si Penelope. Ilang beses na ba siyang natanong ng ganoon ni Joaquin? Sa tuwina ay may dahilan siyang nasasabi. Kung hindi niya kailangang mag-aral ay kailangan niyang tulungan ang nanay niya sa maliit nilang negosyo. Hindi naman siya nagsisinungaling. Natitiyempuhan talaga ni Joaquin na may kailangan siyang gawin. Hindi siya makasagot agad ngayon dahil wala siyang kailangang gawin bukas. Maaari niyang gawin ang kahit na anong gusto niya. Hindi magbubukas ng karinderya ang kanyang mama dahil lalabas ito kasama ang kanyang papa. Isasama naman ng ate niya ang bunso nila na manood ng sine. Niyaya siya ng dalawa ngunit tumanggi siya.
“Can I ask you out?”
Lalong walang maitugon si Penelope. Niyayaya ba siya ni Joaquin na mag-date? Ilang lalaki na rin ang nagyaya sa kanya ng date at wala siyang pinaunlakan kahit na isa. She was allowed to date. Noong eighteenth birthday niya ay kinausap siya ng kanyang mga magulang at sinabing maaari na siyang makipag-date o makipag-boyfriend. Natuwa ang kanyang mga magulang na hindi siya lumabag sa rules ng mga ito sa loob ng ilang taon. May tiwala na ang mga magulang niya sa kanya. Basta ipakikilala raw muna niya sa ama’t ina ang lalaking nagugustuhan niya.
“Yayayain sana kitang lumabas. Kakain lang... manonood ng sine. Hang out and have fun.”
Tumikhim si Penelope. “Uhm...”
Mahinang tumawa si Joaquin nang hindi nakarinig ng tugon mula sa kanya. “You can say no, Penny. Hindi naman ako magtatampo. Maiintindihan ko na hindi ka pa kumportable na makasama ako.”
Ngunit maraming beses na niyang tinanggihan si Joaquin. Hindi naman siya nag-aalala na baka may gawin itong hindi maganda sa kanya. Nakatatandang kapatid ang lalaki ng matalik niyang kaibigan. Alam niya at ramdam niya na mapagkakatiwalaan si Joaquin. Alam niya na mabuti itong lalaki. Medyo nahihiya na rin siya pati kay Phylbert sa pagtanggi niya sa kuya nito.
Alam din ni Penelope na hindi pakikipagkaibigan ang gusto ni Joaquin sa kanya. Hindi gawain ng lalaking tipikal na nakikipagkaibigan ang mga ginagawa ni Joaquin. Hindi siya mayabang upang mag-isip kaagad niyon, nakakaramdam lang siya. Kinakabahan siya dahil hindi niya alam kung paano pakikitunguhan si Joaquin. Hindi ito katulad ng mga lalaking binabasted at tinatanggihan niya.
“K-kapag... kapag ba pumayag akong lumabas kasama ka, puwede kang magpunta dito sa bahay nang maaga para maayos akong ipagpaalam sa mga magulang ko?”
Hindi sigurado si Penelope kung anong puwersa ang nagtulak sa kanya upang sabihin iyon. Nahihiya nga lang ba siyang tumanggi o may maliit na bahagi ng kanyang puso ang nais na makasama ang lalaki?
“Really? I mean, of course. I’ll see you tomorrow. I’ll be early. Goodnight.”
Napatitig na lang si Penelope sa kanyang cell phone pagkatapos mawala sa kabilang linya si Joaquin. “Ang sabi ko, ‘kapag,’ Joaquin. Kapag pumayag ako, hindi ko pa sinasabi na pumapayag na `ko,” pagkausap niya sa cell phone na tila sasagot iyon sa kanya.
Napapabuntong-hininga na bumaba siya ng kama. Wala na siyang magagawa, napasubo na siya. Binuksan niya ang maliit na cabinet. Ano kaya ang maaari niyang isuot? Teka, bakit ba siya nag-aabala?
Binitiwan ni Penelope ang isang bestidang bigay ng ate niya. Hindi pa niya iyon naisusuot. Naupo siya sa harap ng maliit niyang desk. Binuksan niya ang desk lamp at naghalungkat sa drawer. Naghanap siya ng maaaring gawin upang ma-distract ang sarili. Napansin niya ang isang supot ng kilalang bookstore sa isang drawer. Noon lang niya naalala na bumili nga pala siya ng notebook. Mahilig siya sa mga notebook. Kahit na hindi na niya nasusulatan minsan, mahilig pa rin siyang mangolekta lalo na kung maganda ang disenyo at kalidad ng papel.
Inilabas niya ang notebook mula sa supot at sinipat. Pinag-iisipan niya kung susulatan iyon o hindi. Simpleng itim na hardbound ang notebook at walang gaanong disenyo ngunit maganda ang kalidad ng papel. Sale kaya nabili niya nang mas mura.
Inabot ni Penelope ang ballpoint pen bago niya binuklat ang notebook at nagsimulang magsulat.
Dear Joaquin,
You intrigue me. Dapat ay nakukulitan ako sa `yo pero kapag naririnig ko na ang boses mo o nababasa ko na ang mga mensahe mo, hindi ko maramdaman na nakukulitan ako sa `yo. Gusto kitang tanungin kung bakit nag-aaksaya ka ng panahon sa isang ordinaryong babaeng katulad ko. Unang tingin pa lang sa `yo, masasabi na ng kahit na sino na hindi ka ordinaryo. Nababasa ko ang interes at paghanga sa mga mata mo, pero bakit? I’m just an ordinary girl.