5

2635 Words
HINDI maintindihan ni Penelope kung bakit siya kabadong-kabado pagkagising niya. Madilim pa nga ay gising na siya. Naglinis siya ng bahay. Tulog na tulog pa ang mga kasama niya sa bahay dahil Linggo. Takang-taka ang kanyang mga magulang nang magisnan siyang naglilinis. “May darating akong kaibigan, `Ma, `Pa,” kinakabahang sabi niya. Hindi na bago sa kanyang mga magulang ang pagpanhik ng mga manliligaw sa bahay nila, ngunit hindi pa naman niya maituturing na manliligaw si Joaquin. “Ipagpapaalam po niya ako sa inyo. Lalabas po sana kami.” May bahagi sa kanya na humihiling na sana ay hindi siya payagan ng mga magulang ngunit may bahagi rin na gustong pumayag ang ama’t ina. Parehong kumunot ang noo ng kanyang mga magulang. “Lalaki?” tanong ng kanyang ama. “O-opo.” “Bakit ngayon ka lang nagsabi?” sabi naman ng kanyang ina. “Ang sabi mo ay mas gusto mong dito na lang sa bahay nang tanungin ka namin kahapon.” “Kagabi lang po niya ako niyaya, eh.” “Pumayag ka agad?” tanong ng kanyang ama. “Matagal na po niya akong niyayayang lumabas. Kagabi lang po ako pumayag. Kapatid po siya ni Phylbert.” Gumuhit ang relief sa mga mata ng kanyang mga magulang nang mabanggit niya ang pangalan ni Phylbert. Minsan na niyang naisama sa bahay nila ang matalik na kaibigan. Kaagad itong nagustuhan ng kanyang mga magulang, lalong-lalo na ng nanay niya. Sinimot kasi ni Phylbert ang mga inihandang pagkain ng kanyang ina sa paraang tila ang mga iyon na ang pinakamasasarap na pagkain sa buong mundo. Tumingin sa mga mata niya ang kanyang ama. “Magsabi ka sa amin ng totoo, anak. Boyfriend mo na ba `yong darating? Ang sabi naman namin, pumapayag na kaming makipagnobyo ka pero may usapan din tayo na kikilatisin muna namin ang lalaking manliligaw sa `yo. Ang sabi mo, may say kami sa magiging desisyon mo.” Napangiti si Penelope. “Hindi ko pa po siya boyfriend,” pagre-reassure niya sa mga magulang. Masuwerte siya na hindi na gaanong mahigpit ang ama’t ina sa kanya. Gusto raw ng kanyang mga magulang na maranasan nilang magkapatid ang mga dapat maranasan ng mga teenager. Naniniwala ang kanyang mga magulang na nasa tamang edad na siya upang mag-entertain at sumagot ng manliligaw. Labis din siyang nagpapasalamat sa tiwala ng mga magulang. “Pero hindi mo rin masasabing kaibigan?” tanong ng kanyang ina. “Parang gano’n na rin po.” “Kapag hindi ko nagustuhan ang lalaking darating, hindi ka sasama sa kanya sa kahit na saan. Kahit na kuya pa siya ni Phylbert,” anang kanyang ama sa mariing tinig. Tumango siya. “Okay po.” Alas-siyete y medya nang dumating si Joaquin sa bahay nila. Alam ni Penelope na hindi magpapatanghali ang lalaki ngunit hindi rin niya inasahan na ganoon ito kaaga. Gulat na gulat ang kanyang papa nang pagbuksan nito ng gate si Joaquin. Isang malaking pumpon ng mga bulaklak ang ibinigay ni Joaquin sa kanyang mama. Pati ang ate niya na kagigising lang ay may bulaklak din. Ilang na ilang siya habang tinatanggap ang bulaklak na para sa kanya. Ilang kilo naman ng magandang klase ng coffee beans ang natanggap ng kanyang papa mula kay Joaquin. Malamang na kay Phylbert nalaman ni Joaquin na mahilig sa kape ang kanyang ama. Ang bunso naman nila ay isang supot ng tsokolate ang pasalubong. Magalang na binati ni Joaquin ang kanyang pamilya. Tigagal na pinagmasdan na lang niya ang lalaki. Hindi na niya ipinakilala si Joaquin sa kanyang pamilya dahil nagkusa na ang lalaki na ipakilala ang sarili. Siniko siya ng ate niya. “Boyfriend mo?” pabulong nitong tanong. Umiling siya nang hindi inaalis ang mga mata kay Joaquin. “Ang guwapo,” kinikilig na sabi pa ng ate niya. “Kung hindi mo sasagutin, ibigay mo na lang sa `kin. s**t, `yong mga manliligaw ko, isang tangkay lang ng rose ang palaging ibinibigay sa `kin. Ikaw, pati si Mama ay may bouquet.” Hindi na gaanong narinig ni Penelope ang sinabi ng ate niya. Nakatitig lang siya kay Joaquin na abala sa pakikipag-usap sa kanyang mga magulang. Hindi kababakasan ang lalaki ng pagkailang o nerbiyos. Hindi rin naman niya nakitaan ito ng pagiging overconfident at arogante. Hindi nawala ang ngiti sa mga labi ni Joaquin habang sinasagot ang mga tanong ng kanyang mga magulang. Napakagalang din nito. Niyaya si Joaquin ng kanyang ina na sumalo sa kanila sa almusal. Nagpaunlak naman kaagad ito. Dahil nasabi na niya ang pagdating ni Joaquin, nadamihan na ng kanyang ina ang inilutong almusal. “Pasensiya na po kung napaaga ako ng punta,” ani Joaquin sa kanyang mga magulang pagdulog nila sa hapag-kainan. “Oo nga, ang aga mong manligaw,” ani Phillip habang sumasandok ng sinangag. “Pero salamat sa chocolates. Sa susunod uli, ha?” Pinandilatan ni Penelope ang bunsong kapatid. Hindi naman siya pinansin ni Phillip. Lumuwang naman ang pagkakangiti ni Joaquin sa sinabi ng kanyang kapatid. Ibinalik nito ang atensiyon sa kanyang mga magulang. “Gusto ko lang po sanang makilala n’yo ako nang kaunti bago kami umalis ni Penelope—kung ipagkakatiwala n’yo po siya sa `kin. Maiintindihan ko po na hindi ko makukuha ang buong tiwala n’yo sa araw na ito. Gusto ko lang na makilala n’yo ako kahit na sa sandaling oras lang.” “Balak mo bang ligawan ang anak ko?” deretsong tanong ng kanyang ama. “Papa,” pabulong na saway ni Penelope. Ayaw niyang isipin ni Joaquin na masyado siyang nagpe-presume. Wala pa nga itong sinasabi sa kanya. Sinalubong ni Joaquin ang mga mata ng kanyang ama. “Opo. Kung papayagan n’yo po ako.” “Paano kung hindi ako pumayag?” Hindi nabura ang ngiti sa mga labi ni Joaquin. “Liligawan ko po kayo.” Natawa ang Ate Phoebe niya. Nasamid naman ang kanyang ina na humihigop ng kape. Si Phillip ay walang pakialam na kumakain. “Liligawan ko po kayo hanggang sa pumayag kayong ligawan ko ang anak n’yo,” seryosong wika ni Joaquin habang hindi inaalis ang tingin sa kanyang ama. Makikita ang determinasyon sa mukha nito kahit nakangiti. “Kapag po sinagot n’yo na `ko, si Penny naman ang pipilitin kong mapasagot.” Napangiti na ang kanyang ama. Hindi na rin niya napigilang mapangiti. Nagustuhan niya ang tapang na ipinakita ni Joaquin sa kanyang pamilya.   “GALIT ka ba?” Nilingon ni Penelope si Joaquin na nagmamaneho. Katatapos lang nilang magsimba kasama ang kanyang mga magulang. Patungo sila sa isang mall. Hindi niya alam kung saan planong mag-date ng kanyang mga magulang at hinayaan na niya ang mga ito. Niyaya ni Joaquin sina Phoebe at Phillip na sumabay na sa kanila tutal manonood din ng sine ang mga ito sa mall, ngunit tumanggi ang dalawa. “Joaquin, gusto mo kaming bumuntot sa inyo pagkatapos ng mahirap na pinagdaanan mo sa mga magulang namin para lang mapapayag silang sumama sa `yo si Penny? Ano ka ba? Solohin mo kaya ang kapatid ko. Hayaan mo na kami ni Phillip sa pupuntahan namin. Kami na ang bahala sa mga sarili namin,” anang Ate Phoebe niya. “Ayokong kasama `yang si Ate Penny,” ani Phillip. “Masyadong matipid.” Mula nang umalis sila ng bahay ay hindi na mapakali si Penelope. Kinakabahan siya at mahirap mang aminin sa sarili, excited na rin. May maliit na bahagi sa kanya ang naligayahan sa hindi pagsama ng mga kapatid niya sa kanila ni Joaquin. Maliit na maliit na bahagi lang naman. Siguro ay curious siya kay Joaquin. Nais niyang mas makilala pa ito. “Galit saan?” nagtatakang tanong niya. Wala naman siyang dapat ikagalit. “Masyado ba akong naging mabilis sa mga magulang mo? Dapat ba kinausap muna kita bago ako nagsabi sa mga magulang mo tungkol sa panliligaw?” “M-manliligaw ka ba talaga sa `kin?” Tumango si Joaquin. “Sana ay hayaan mo `ko. Sana rin ay payagan ako ng mga magulang mo.” “Bakit?” Sigurado si Penelope na maraming nakakasalamuhang babae si Joaquin—mga babaeng higit na maganda kaysa sa kanya, mga babaeng kapantay nito ang estado sa buhay. Isa lang siyang simpleng babae upang magkaroon ito ng espesyal na interes sa kanya. Nakangiting nilingon siya ni Joaquin. “Bakit ako manliligaw sa `yo? Gusto kita. Gustong-gusto.” Nabasa niya ang sinseridad sa mga mata ng lalaki bago nito ibinalik ang tingin sa daan. Naalala ni Penelope ang ilang kuwento ni Phylbert tungkol kay Joaquin. Ang sabi ng kaibigan niya ay maraming babae ang nagkakandarapa sa kuya nito. Hindi na raw kailangang manligaw ni Joaquin dahil kusa nang lumalapit ang mga babae at ginagawa ang lahat ng gusto nito. Bakit mag-aaksaya ng panahon si Joaquin na ligawan siya? Ipinarada ni Joaquin ang sasakyan nito sa basement ng isang mall. “Ano ang gusto mong gawin?” tanong nito pagpasok nila sa mall. Hindi rin alam ni Penelope kung ano ang nais gawin sa mall. Sa totoo lang, hindi siya mahilig tumambay sa mall. Bihira siyang manood ng sine. Dahil Linggo, maraming tao ang nagtungo roon. Sa palagay niya ay hindi sila makakapag-usap nang maayos. “Would you like to go shopping? My treat. You can buy anything you like.” Pinagtaasan niya si Joaquin ng isang kilay. Kaswal na kaswal ang pagkakasabi nito na tila niyaya lang siyang kumain sa Jollibee. Mabuti sana kung sa isang ordinaryong mall siya nito dinala. Hindi naman nagtunog-mayabang si Joaquin. Tila bahagya pa ngang naiilang at hindi malaman ang gagawin sa susunod. “I’m sorry, Penny,” kaagad nitong sabi nang makita ang reaksiyon niya. “Wala akong masamang intensiyon sa sinabi ko. Hindi ko ipinapamukha na... you know. It’s just that... hindi ko alam ang gagawin ko. Masyado akong natuwa na pumayag kang sumama sa `kin ngayong araw at hindi na ako gaanong nakapagplano. Hindi ko usually dinadala ang date ko sa mall pero naisip ko na hindi ka katulad ng ibang babae na nakakasama ko. Hindi ko pa alam kung ano ang mga gusto mo. Baka rin mas maging kumportable ka sa mataong mall. Alam ko na hindi mo pa ako gaanong pinagkakatiwalaan kahit na kapatid ko si Phylbert.” “Hindi mo `ko kailangang ipag-shopping.” “Okay.” Naglakad-lakad sila. Hindi rin tumitingin si Penelope sa mga nadaanan nilang boutique. Wala siyang planong mamili ng kahit na ano. Tahimik lang silang dalawa. Nang mapadaan sila sa cinema ay tinanong siya ni Joaquin kung gusto niyang manood. Pumayag na lang siya. Ito na ang pinapili niya ng pelikula dahil hindi rin siya mahilig manood ng pelikula. “Ako na ang bibili ng popcorn,” aniya habang nakapila si Joaquin sa tickets. “No, ako na.” Nginitian niya ito. “Okay lang. Hindi naman por que ikaw ang nagyaya, ikaw na ang gagastos sa lahat.” “Penny—” Naglakad na siya paatras. “Mag-uumpisa na ang movie. Pumila ka na lang diyan at ako na ang bahala sa popcorn at soda.” Wala nang nagawa pa si Joaquin. Nang makabili ng ticket ay tinulungan siya nito sa pagbibitbit ng popcorn. Tahimik na naman sila habang nanonood. Sinikap ni Penelope na huwag mailang sa lalaki at pinagtuunan na lang ng pansin ang pelikula. May mga pagkakataon na pakiramdam niya ay nakatitig si Joaquin sa kanya ngunit paglingon niya ay nasa malaking screen naman ang mga mata nito. Paglabas nila ng cinema ay nagulat si Penelope nang bigla na lang tumawa si Joaquin. Nagtatakang napatingin siya sa katabi. Hindi naman kasi comedy ang pelikulang pinanood nila. “Ano ang nakakatawa?” hindi niya napigilang itanong. Umiling-iling si Joaquin habang patuloy na tumatawa. “I just can’t believe I’m doing this.” “Ako rin.” Kumunot ang noo nito. “What do you mean?” “Hindi ko rin mapaniwalaan na nag-aaksaya ka ng panahon sa isang katulad ko.” “Iyon ba ang pagkakaintindi mo sa sinabi ko?” Humugot si Joaquin ng malalim na hininga, saka inabot ang kanyang kamay. “Mula nang makilala kita ay hindi ka na nawala sa isip ko, Penny.” Sinubukan niyang bawiin ang kamay mula sa pagkakahawak ni Joaquin ngunit humigpit lamang iyon. May mumunting kuryente na nanunulay sa kamay at braso niya. “I’m usually good at dealing with girls and women,” kaswal nitong pagpapatuloy. “Hindi ko alam kung ano ang mayroon sa `yo at may kakaiba kang epekto sa `kin. Parang nabura na ang lahat ng babaeng dumaan sa buhay ko. It’s like you’re the only girl in the world for me. Hindi ko maalala na nagkaroon ako ng ganito kasidhing interes sa isang babae. No one has ever made my heart beat this fast. Walang ibang babae na nagpablangko ng isip ko. Ikaw lang ang babaeng ginulo nang husto ang isip at puso ko. Hindi ako nag-aaksaya ng panahon sa `yo. Hindi ko lang mapaniwalaan na natotorpe ako ngayon.” “Natotorpe ka pa sa lagay na `yan? Ilang babae na ang napagsabihan mo ng ganyan?” Ayaw maniwala ni Penelope sa mga sinasabi ni Joaquin kahit na sinsero ang tinig at mga mata nito, ngunit tila gustong bumigay ng kanyang puso. Gusto niyang kiligin. Marami nang lalaking nambola sa kanya ngunit si Joaquin lang ang unang lalaking nagkaroon ng kakaibang epekto sa kanya. “Ikaw lang. Hindi ko kailangang magsabi ng kung ano-ano sa ibang babae. Kung alam kong darating ka sa buhay ko, sana ay nagpakabait na lang ako nang husto. Sana hinintay ko na lang nang tahimik ang pagdating mo.” Napalunok si Penelope. Hindi na niya alam ang sasabihin. Ayaw pa ring pakawalan ni Joaquin ang kanyang kamay. May kung ano siyang nararamdaman sa kanyang dibdib. Nagyuko na lang siya ng ulo. “Seryoso ako sa panliligaw sa `yo. Naiintindihan ko na hindi mo pa ako gaanong kilala. Ipakikilala ko sa `yo ang sarili ko at sana ay magustuhan mo rin ako.” “I’m sure mabuti kang tao, Joaquin. Gusto ka na kaagad ng pamilya ko. Na-appreciate nila na ipinakilala mo ang sarili mo sa kanila. Gusto nila na kaagad mong sinabi ang intensiyon mong panliligaw. Kaya lang... kaya lang...” Hindi maituloy-tuloy ni Penelope ang sasabihin. Paano ba niya sasabihin na may ibang lalaki na siyang gusto? Paano niya sasabihin kay Joaquin na nararamdaman niya ang sinseridad nito at nais niyang maniwala sa mga sinasabi nito, ngunit pakiramdam niya ay hindi siya ang babaeng nararapat dito? Ngayon pa lang ay nahihirapan na siyang tanggihan si Joaquin. May bahagi ng puso niya na ayaw itong biguin, ayaw saktan. Ano ba ang dapat niyang gawin? “Give me a chance,” ani Joaquin, may bahid ng pakiusap ang tinig. “Just give me a chance to prove myself. Malay mo, mahalin mo rin ako paglaon.” “O-okay,” nag-aalangang pagpayag ni Penelope. Alam niya na hindi niya dapat na pinapaasa si Joaquin ngunit hindi rin niya ito magawang tanggihan kaagad. Tila hindi niya maatim na hindi ito bigyan ng pagkakataon. Wala naman siyang ipinapangako, hindi ba? Hindi naman niya pipilitin ang sarili na gustuhin ito. Bibigyan lang niya ito ng pagkakataon. Hindi niya ipagkakait kay Joaquin ang munting hiling nito. Ngumiti ito nang matamis, saka banayad na pinisil ang kanyang kamay. “Thank you, Penny. Hindi ka magsisisi. Ngayon, maghanap tayo ng makakainan kung saan tayo makakapag-usap nang maayos. Ang sabi ng ate mo ay mahilig ka sa burger.” Napahugot si Penelope ng malalim na hininga. Sana ay hindi siya nagkamali ng desisyon. Sana habang maaga ay masabi niya kay Joaquin na hanggang pagkakaibigan lang ang kaya niyang ibigay rito.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD