KAHIT na nais ni Penelope na ilaan ang lahat ng panahon niya kay Joaquin, hindi niya magawa. Naging abala siya sa negosyo. Tila naiintindihan naman siya ng binata. Nawili ito sa bukid. Ang sabi ng kanyang ama ay marami nang naipong larawan si Joaquin. Nabanggit din ng binata sa kanya na plano nitong gumawa ng pangatlong photo book. Plano nitong itampok ang mga bukid at mga magsasaka. Masaya siya dahil sinasabi ni Joaquin sa kanya ang plano nito. Masaya siya na kahit na paano ay nakakapagkuwentuhan na sila at hindi na siya nito sinusungitan. Kompleto na ang araw niya tuwing nginingitian siya ng binata. Kung hindi sana harvest season, magkakaroon sana siya ng maraming oras para asikasuhin si Joaquin. Halos isang linggo na ito sa bahay nila. Ang hiling ni Penelope ay sana hindi pa ito magmad

