Chapter 6

1733 Words
Hindi ko mapigilang matanga sa narinig ko. Manliligaw? Bakit? “Ha! Nagpapatawa ka ba?” gulong-gulong tanong ko rito. “Hindi,” “Kung tungkol ito sa pagligtas ko sayo, ginawa ko lang naman ang dapat,” “Kasama na iyon pero hindi man iyon ang rason kung bakit liligawan kita,” “Eh ano? Isang oras lang naman tayo nagkasama sa loob ng elevator,” Ngumiti iyong lalaki dahil sa nagsisinghapan ang mga nakapalibot samin. Pansin ko na kahit sa kusina ay nagdami na ang mga tao. Buhay probinsiya nga naman. “Pwede bang kitang dalawa na lamang ang mag-usap? Pansin ko ay conservative ang pamilya mo,” nahihiyang sabi ni William. “Single mom ako at tinanggap nila iyon. Kung anong sasabihin mo, sabihin mo na,” “Ok. Sige. Ano, gusto ko sanang panagutan mo ang paghigop mo sa mga labi ko, first kiss ko yon eh.” Nanlaki ang mga mata ko at halos mabitawan ang dala kong mga pagkain. “Excuse me? Ni-cpr kita.” “Pero mali ang CPR mo, hinigop mo ang mga labi ko, nadala pati ang puso ko,” Ang mga tiyuhin ko sa gilid na under ng mga tiyahin ko nagpalakpakan na. “Manahimik ka! Walang higupang nangyari—” “Magpakasal na kayo,” sabat ni Lola. “Hindi kita pinalaki ng ganito Annita. Alam na alam mo ang pakiramdam nang iniiwan, pwes hindi ako papayag na tatakbuhan mo responsibilidad mo sa gwapong binata na ito.” “Lola? Hindi ko naman...ah ano bang nangyayari? Hindi naman ho siya mabubuntis don? Niligtas ko lang talaga siya.” “Walang magpapakasal,” biglang sabat ni Charlie na kinagulat naming lahat dahil hinawakan ako nito sa kamay at nilayo kay William habang kalong-kalong si Leo. “Tita, Lola, hindi naman ho sa nanghihimasok pero ho hindi natin kilala itong lalaki na ito. Hindi natin alam ang totoong motibo nito sa paglapit kay Annie,” dagdag ni Charlie na matalim ang tingin kay William. “Kung magpapakilala ba ako, pagbibigyan mo ba ako?” tahasang tanong ni William na hindi nagpatinag sa tingin ni Charlie. “Sige. Magpakilala ka. Pasensiya na pre pero kailangan kong protektahan si Annie bilang kapatid. Kung mapapatunayan mong hindi mo siya iisahan lamang, sige,” “Salamat,” wika ni William at nakipagkamay kay Charlie. “William nga pala.” “Charlie.” Pagkabitaw sa kamay nito ay hinigit na ako ni Charlie paakyat ng kwarto ko. Pagdating sa silid ay mabilis kong pinagpag ang kama saka binuksan ang aircon. Ibinaba ni Charlie si Leo at hinigit na naman ako palabas ng balkunahe ng kwarto ko. “Annie, gusto ko maging maingat ka sa lalaking ito. May habol siya sayo,” nakapamaywang na sabi ni Charlie habang nakatanaw sa malawak na palayan. “Pero...pano lang kung talagang nagustuhan niya ako?” “Ayan! Kaya ka naloloko. Ang dali-dali mong maniwala. Hindi ka na natuto. Tsk! Alam mong—” “Ano? Na hindi naman ako gustuhin?” “Hindi sa ganon, Annie.” Aligagang sabi nito. “Ang akin ay hindi sapat ang isang oras para makita ang totoo mong kagandahan, ang mga magagandang katangian mo na kamahal-mahal, tinatiyaga ka Annie. Ikaw iyong pinaglalaanan ng panahon. Ayaw kong iiyak ka na naman, na sasayangin ka na naman. Nagpalumagay ako don sa Fred at hindi ko na uulitin iyon.” Totoo ba lahat ng mga naririnig ko? Nakatitig lamang ako kay Charlie habang sinasabi niya ang lahat ng mga ito. Parang sasabog ang dibdib ko at gusto ko na lamang siyang yakapin. “P-Pano kung hindi na dumating ang tamang lalaki? Paano kung si William na?” “Oh eh ano? Andito naman ako. Hinding-hindi ko kayo iiwan ni Leo?” Ang pahirap mo Charlie! Pahirap ka sa isip at sa puso. “Pero mag-aasawa ka, magpapamilya. Isipin mo nga yon,” hirap na hirap kong sagot dahil sa panunuyo ng lalamunan ko. May gusto akong sabihin pero hindi ko masabi-sabi. Dahil ganito lang naman siya sakin bilang kapatid. “Eh di hindi ako mag-aasawa.” Hinigit ako nito at niyakap. “Ang hirap makitang nasasaktan ka. Gustong-gusto kitang lapitan kahapon para basagin ang mukha nong Fred pero alam ko na dapat kayanin mo ang ganong mga sitwasyon.” “Naroon ka?” naiiyak kong tanong. “Oo,” sagot nito habang hinahaplos ang buhok at likod ko. Hindi ko na napigilang maiyak. “Ang tanga ko.” “Buti alam mo,” basag nito. Lalo na akong naiyak dahil hanggang dito lang talaga kami. “Mas mabuti pang tabihan mo na si Leo, ako na munang bahala sa ibaba. Alam kong pagod ka,” sabi ni Charlie at inalalayan ako papasok ng kwarto. Bandang alas-seis na rin ng gabi nang nagising ako. Grabe ang pagkalam ng sikmura ko at wala na sa tabi ko si Leo kaya madali akong bumangon saka naglakad palabas. “Leo? Anak?” tawag ko rito. Wala sina Mama sa loob ng bahay, kahit sa kusina, walang katao-tao kaya naman lumabas ako at nakitang nakahilera ang mga ito sa likurang bahay habang nanonood kina Charlie at William na magtagisan sa pag-igib ng tubig. “Anong ginagawa niyo?!” sigaw ko. Hindi naman ako pinansin ng mga ito kaya sumugod ako kay William at hinablot ang mga bitbit nitong mga timba. Hinigit ko ito palayo mula sa pamilya ko at kinaladkad papunta sa bahay kubo namin sa di kalayuan. “Anong ginagawa mo? Ha?” singhal ko rito. Pero imbes naman sumagot ay nakangiti lamang ito habang giliw na giliw na nakatitig sa labi ko. “Bastos!” galit na sabi ko rito saka sinampal ang balikat nito. “Pasensiya na pero nakakahalina talaga ang iyong mga labi,” “Hoy! Oo may anak na ako pero hindi mo ko pwedeng bastos-bastusin ng kaganiyan,” “Hindi kita binabastos, pinapaalam ko lang kung gaano ako namamanghang pagmasdan ang ganda ng mukha mo. Hinahangaan kita, iyon lamang,” “AH! Tsk! Hindi yan ang pinunta natin dito. Ang akin, bakit ka nagbubuhat? Pano kung mahimatay ka na naman? Ha? Hindi kita hihigu—ah isi-CPR! Sinasabi ko sayo, wala kaming panggastos sa pampaospital o kung mamalasin—” “Ssh! Kalma lang. Wag nating pangunahan ang mga sandali. Hindi na mauulit na mahihimatay ako. Nagkataon lamang siguro na itinadhanang mahigop mo ako, este, i-CPR mo ako noong mga sandaling iyon para may mapagtanto ako sa buhay,” “Itigil mo na yang biro mo. Minalas na nga parang biyaya pa,” “Oo biyaya talaga,” “At pano mo naman nasabi?” “Napagtanto ko na hindi mahalaga ang pera sa mga sandaling malapit nang mamatay, mas mahalaga pala iyong may taong nasa tabi ko na handa akong agawin kay kamatayan. Pagbigyan mo na sana ako, dahil sa isang oras na kasama kitang makulong sa elevator, nabago ang lahat ng pananaw ko sa buhay,” “Ganon kabilis nabago ang pananaw mo? Hindi mo ako maloloko. Ang yabang-yabang mo pa sa elevator. O nasaan na iyon? Ilabas mo.” “Annie, please?” “Saka ang dami diyang single na babae, dalaga, walang sabit,” “Single ka rin naman ah, anong pinag-iba? Itigil mo na ang pagrarason dahil wala kang magagawa para baguhin ang pagtingin ko sayo. Nagpunta ako dito sa isang rason lamang at iyon ay pakasalan ka. Saka itigil mo ang pagmamamaliit mo sa sarili mo. Hindi mo ba alam na kalakasan ang pagiging single mom? Dahil tinataguyod mo ang anak mo kahit mag-isa ka lang. Single mom din ang Mama ko at mataas ang respeto ko sa mga kagaya niyo,” “Ah, bahala ka sa buhay mo,” iyamot kong sabi at nagmamartsang naglakad palayo. Kinagabihan, ginawa ko ang lahat para umiwas kay William at inabala ang sarili ko sa pagtulong sa pagluluto. Iba kasi dito pag may bisita, daig pa ang pyesta. “Juice?” alok ni William sakin habang naggagayat ng mga sahog sa lulutuing menudo. “Hindi siya umiinom ng juice,” sabat ni Charlie at nagbaba ng malamig na tubig sa kabilang gilid ko. “Pawis mo.” At laking gulat ko nang sapinan bigla ni Charlie ang likod ko. “Hoy, anong ginagawa mo?” “Baka magkasakit ka,” maiksing sagot ni Charlie. Pagtapos akong sapinan, naglakad na ito palayo pero nag-iwan pa ng masamang tingin kay William. “Malapit talaga kayo no?” malungkot na tanong ni William sakin. “Oo. Bunsong kapatid ang turing niya sakin,” malungkot ko ring sagot habang nakatingin kay Charlie na nakikipaglaro sa anak ko. “Will, halika, kuha tayong panggatong,” tawag ni Tatay kay William bigla. “Tay? Will talaga? Close na kayo?” “Aba, magiging anak ko na rin naman siya,” sagot pa ni Tatay. Ay wow! Hindi manlang nagpakipot. Iniwan ko ang ginagayat ko at naglakad palapit kay Tatay. “Tay, ano yon? Kala ko ba si Charlie?” “Anak...sinusuportahan lamang kita dahil mahal mo iyong tao pero ngayong may nagmamahal sayo, doon na kami. Hindi na namin kayang makitang unti-unti kang nauupos dahil sa nakukuntento ka na lamang sa binibigay ni Charlie sayo. Hindi sa ayaw ko kay Charlie ha, tanggap ko na lang talaga na hindi ka niya mamahalin ng higit pa sa pagiging kapatid.” “Aray naman,” “Anak...baka nga naman may dahilan kung bakit nagtagpo kayo nitong si Will. Pagbigyan mo rin ang pagkakataon. Kung wala, eh di atleast, sumubok ka. Atleast, naranasan mong mahalin.” Tinapik ni Tatay ang balikat ko at naglakad na papunta kay William. Pagbalik sa mesa kung saan ako naggagayat ay wala sa sarili kong ininom ang juice. “Masarap pala.” Bulong ko. “Sabi sayo eh,” kindat ng lola ko. “Subukan mo lang apo.” Eighty na si Lola pero grabe ha. Pagtapos na magluto ay masaya kaming naghain sa mahabang mesa sa hapag namin at masaya kaming nagsalo-salo. Puno ng kwentuhan at syempre bida ang Tatay ko na kulang na lang ay ilathala na ang biography ng buhay ko. “Tay, puring-puri,” awat ko dito habang nanlalaki ang mga mata. “Sige lang po, Tay, tuloy niyo,” banat nitong William. “Wow, Tatay na. Si Charlie nga, hanggang tito lang,” “Baka kasi hanggang doon lang talaga ang gusto niya. Ako kasi, gusto ko maging tatay ang tatay mo,” banat ni William.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD