Chapter 10

2001 Words
“Annie!” Malalim na singhap ang kumawala sa akin kasabay ng biglang pagmulat ng aking mga mata dahil sa pamilyar na boses na nagsalita. Matagal-tagal na rin simula noong una kong narinig ang boses na iyon. Pinilit ko kumilos at magbangon sa aking kinahihigaan at doon napansin na wala na nga ako sa kwartong una kong pinagkagisingan. Halos matumba pa ako sa panghihina ng aking katawan. Sinikap kong ilibot ang paningin ko at napakagandang kwarto ang kinaroroonan ko. Natigil ang mata ko sa isang litrato pero hindi ko na natingnan ng maayos nang mabaling ang atensiyon sa tunog ng tawa ng anak ko. “Leo?” hirap kong usal at napakapit sa aking ulo nang makaramdam ng kaunting sakit. Pinilit kong lumakad palabas ng kwarto at ramdam ko ang kakaibang bigat ng katawan ko. “Leo, anak?” Hindi ko alam kung nag-iilusyon lamang ako pero gustong-gusto ko na makita ang anak ko. Kung kamusta ba siya o hindi. Malamang sa malamang ay takot na takot na ito dahil isang araw na akong hindi umuuwi. “Good morning,” bati ng isang babae na may edad na. Mahipid ang suot nitong damit na itim na terno ng blouse at pantalon. May tungkod ito at may salamin sa mga mata. Matagal bago ako nakasagot dahil sa iniisip ko kung ito ba iyong babae sa unang lugar na kinagisingan ko. Naglakad ito palapit at kinuha ang braso ko. “Model 43.” “Nasaan ho ako? S-Sino ho kayo?” Ngumisi ang matanda at tinitigan ako ng matagal. “Halika, kumain tayo.” “M-May kasama ho ako na lalaki, may alam ho ba kayo?” Sa isip ko ay naiiyak na ako pero bakit parang hindi ko magawa. “Ligtas siya, wag ka mag-alala,” monotono nitong sagot sa akin at tinalikuran na ako saka naglakad palayo. Sumunod ako at laking gulat ko nang pagbaba namin ay may iba’-t-ibang mga pagkain ang nakahain sa mahabang mesa. Mukhang bagong luto ang mga ito dahil umuusok pa. “Ngayon lamang kita, ipaghahain. Sa mga susunod ay ikaw na. Alam kong mahina pa ang katawan mo,” sabi ng matanda at naupo sa upuan sa kabilang parte ng mesa. Sumenyas ito na maupo na rin ako. Mabilis akong sumunod. “M-May bata ho ba dito?” tanong ko pagkaupo. “Kumain ka na pag sinabi kong kumain na. Lahat ng mga tanong mo, masasagot naman sa tamang oras,” Pagkasabi niyon ay sumubo na ang matanda. Wala akong nagawa kundi ang kumain na rin. Tahimik lamang kami hanggang sa matapos. “Ligpitin mo ang mga pinagkainan at sumunod ka sa akin pagtapos. Sa labas kita hihintayin,” “Sige ho,” tugon ko. Minadali ko ang paglilinis, hindi ko alam pero parang may nagbago sa aking pagkilos. Pakiramdam ko ay may nagbao sa aking katawan. Pagkatapos na maisalansan ang mga plato sa dish rack, naglakad ako palabas ng bahay. Nasa hardin ang matanda at abala sa pagdidilig ng mga halaman. “Tapos ka na?” “Opo, tapos na po,” “Hindi na ako magpapaligoy-ligoy, alam kong alam mong may nagbago sayo,” “Opo,” “Sa loob ng mahigit dalawang buwan na pagkakahimlay, nakakahanga na magigising ka na tila ba walang nangyari sayong pagbabago,” “A-Ano hong ibig niyong sabihin? T-tatlong buwan?” “Tatlong buwan kang tulog pagkatapos ng operasyon,” “Operasyon?” Itinigil ng matanda ang pagdidilig at naglakad ulit. Sumenyas itong sumunod ako at ginawa ko naman. Habang naglalakad ay napansin ko ang hilera ng mga kabahayan ilang metro ang layo mula sa bahay na pinagmulan namin. Doon ko rin lamang napansin na nasa bundok kami. May dalang sipol ang matanda at hinipan ito. Noong una ay hindi ko alam ang nangyayari pero isa-isang nagsilabasan ang mga kababaihan sa loob ng mga bahay na aming nadaraanan. Pumila ang mga ito kasunod ko at naglakad ng sabay-sabay. Daig mo pang mga robot ang mga ito dahil sa pagkakasabay sa paglalakad. Parang pupunit ang aking dibdib dahil sa hindi ko nakita si Sydney. May parte sa akin na umaasang baka sa parehang lugar lamang kami ni Sydney napunta. Na sana, nakaligtas siya. Nang malagpasan namin ang mga bahay ng mga kababaihan, may intersection kaming tinatahak palapit. Pagtapat namin sa may likuan ay kita kong may matandang lalaking naglalakad at may mga lalaking nagmamartsa rin sa likuran nito. Parang tumigil saglit ang aking paghinga nang makita si William. Masaya ako na ayos lamang siya. Si Charlie na lamang ang kailangan kong makita. Nagtapat ang pila namin sa pila ng mga ito at sabik na kumaway kay William pero hindi rin ako nito pinansin. Tiningnan lamang pero parang hindi ako nito kilala, ni namumukhaan. Ngunit ang labis kong kinabahala ay kahit nararamdaman kong sabik ako, alam kong hindi ako ngumingiti. “Andito na tayo,” sabi ng matanda at itinuktok ng malakas ang tungkod. Bumalik ako sa katinuan at napagtanto na nasa harapan kami ng napakalaking dome. Hugis kalahating bilog ito at kulay grey na may halong puti. Parang isang ospital kung tutuusin. Humarap ang matanda sa amin at nagsalita, “Lahat kayong mga bagong naririto ngayon, ito ang Treidon, ang lugar kung saan kayong mga nakapasa sa unang pagsubok ay hahasain hanggang sa handa na kayong lumabas sa mundo.” May pinindot ito sa tungkod nito at ang matinding sakit na dulot ng kuryente na minsan kong naramdaman bago nawalan ng malay doon sa kwartong gawa sa bubog ay muli kong naramdaman. Napaluhod ako sa sakit at pinilit na wag mawalan ng malay. “Ito na ang bago ninyong tahanan. Sikapin niyong lumaban para hindi kayo maitapon dahil naging palpak kayo. Ayaw ng Treidon ng mga depektado. Sa Treidon, walang salitang pamilya, kaya minabuti na namin silang alisin, hindi naman sila mahalaga sainyo, hindi ba?” Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi nito at habang nakayuko ay sa isip ko umiiyak ako pero walang tumutulong luha. Anong ibig niyang sabihin sa inalis na nila ang pamilya namin? H-Hindi pwedeng mawala si Leo sa akin. Gulong-gulo ako at gusto kong magwala pero ayaw sumunod ng katawan ko sa gusto ng aking isipan. “Babaguhin natin ang mundo, at kayo ang magiging simula!” Bumukas ang malaking pinto sa likuran ng matanda at naglakad ito palapit sa akin. Iniabot nito ang kamay nito at minabuting umakto sa tanging naiisip ko na paraan para makasurvive. Tumayo ako at nagsalita. “Para sa bagong mundo!” Walang kahit anong bahid ng emosyon ang maririnig sa boses ko. Napahalakhak itong matandang babae at kita sa mukha nito ang pagkamangha, na tila ba malaking tagumpay ang natamo. “Hindi ako nagkamali na ikaw ang napili kong pinakatagumpay sa mga likha ko,” sabi nito at naglakad na papasok sa tinatawag nitong Treidon. Sumunod kami sa pangunguna ko at masasabi kong napakaliwanag sa loob. Napakalaki ng lugar at maraming mga medical at fighting equipment na makikita sa paligid. Napakakumplikado ng detalye ng kalooban nitong Treidon. Sa tagal ko sa construction industry, hindi ko inakalang posible na may maitayong ganitong struktura. Para talaga kaming nasa ibang mundo. Humilera ang lahat ng tig-iilang hanay habang nakaharap sa kung saan nakatayo ang matandang babae. “Sila na ba ang lahat?” tanong naman ng isa pang babae na kung hindi ako nagkakamali ay iyong tinawag na Mama ni William. “Oo,” tugon ng matanda at tumingin na naman sa akin. “Ikinagagalak ko kayong makitang lahat dito sa aking harapan, lalo ka na Model 43,” sabi nito. “Ako si Model 2.” May pinindot itong parang remote na hawak-hawak at may mga larawang nagsilabasan sa harapan namin. Mabilis ang paglipat kada larawan at nang dumaan ang larawan ni Leo, pinigil ko ng sobra ang aking sarili na magreact. May grupo ng mga lalaking nagsilapitan sa hanay naming mga babae at mga grupo naman ng mga kababaihan ang nagsilapitan sa hanay ng mga lalaki. Labis ang panipat sa akin ng nakatayo sa harapan ko. Naguguluhan man sa nangyayari, nakarinig na lamang ako ng pagtumba ng isang babae sa likuran dahil nagsalita ito tungkol sa dumaang litrato na maaaring kamag-anak nito. “Itapon,” sabi ng ina ni William. Kita ko sa monitor sa harapan kung paanong walang puso nilang binuhat ang babae na parang isang bagay lamang ito. “Sila ang mga binura namin sa mga isipan ninyo na malaking balakid sa pagtayo ng bagong mundo. Sa loob ng mga utak niyo ay ang bagong teknolohiya na magpapabago sa lahat. Hindi pa pulido, pero kayo, kayo ang mga nakalusot. Sampo sa inyo ang hihiranging mga ganap na tagumpay na mga prototype na ilalabas sa market bago sa buong mundo.” Nangilabot ako sa naririnig ko. Ano itong mga sinasabi nila? Babaguhin nila ang mga tao? Bakit? “At bilang parte ng pagbibigay pugay sa inyong pagdating, simulan na natin ang unang pagsubok na magbibigay ng munting ideya sa kung ano ba ang talagang gagawin ninyo bilang mga prototype,” sabi ng ina ni William at dumilim bahagya ang parte kung saan kami nakatayo. Kita ko ang kulay pulang bilog na tumigil sa paanan ko at ang isang kulay asul na bilog sa hindi ko kilalang lalaki. “Ang pinakaunang kakayahan na dulot ng chip na nasa utak ninyo ay ang high level self-defense. Sa panahon ngayon, maraming panahon ang uubusin sa pag-eensayo sa mga pipitsuging mga self-defense school, ang chip na nasa utak niyo, iaactivate lamang ang parte kung saan kahit hindi marunong makipaglaban ay itong chip na ang bahala. Mapabata o matanda, walang maiiwan. Wala ng buhay ang masasayang dahil sa hindi lamang marunong ipagtanggol ang sarili,” paliwanag ng ina ni William saka pinindot ulit ang hawak na remote. May tila pwersang pumalibot sa paligid namin niyong lalaki. “Simulan ang laban!” palahaw ng matanda na katabi ng ina ni William. Hindi pa man nagpoproseso ang utak ko ay gumalawa na ang katawan ko. Gulat na gulat ako sa galing ko makipaglaban. Tila ba may sariling isip ang aking katawan. Hanggang sa matamaan ako sa tiyan at natumba ako. Hindi ko ininda ang sakit dahil wala naman akong maramdaman. Kumuha ito ng kutsilyo at doon ko napagtanto na hindi ito ordinaryong laban. Simula na ito ng pagpili ng kung sino ang mga matitira. Mabilis akong bumangon at sumugod rito. Ilang minuto rin kaming nagbabakbakan hanggang sa marami na akong patama. Tumakbo ako sa kung saan nakapwesto ang ilang mga armas na pwedeng gamitin na panglaban. Hindi ko alam kung paano pero nang isipin ko na sana nakakatalon at nakakatumbling sana ay nagawa ko. Mabilis akong nakaakyat kung saan nakalagay ang mga sibat at nang mahawakan ay mabilis ko itong pinakawalan mula sa aking kamay nang saktong tumalon itong kalaban ko para saksakin ako. Bumulagta itong lalaki sa harapan ko at ni kaunting hangos ay wala ako. Pinagmasdan ko ito kung paano malagutan ito ng hininga. Tumingin ako sa mga taong nasa labas ng pinaglabanan namin at halatang hindi masaya ang ina ni William. Samantalang ang matandang babae na kasama ko sa bahay, kakaiba ang ngiti. Tumama ang tingin ko kay William at alam ko, maaaring kagaya ko rin siya na nasa maayos pang pag-iisip. “Tagumpay, Model 43!” Pilit pa ang boses ng ina ni William. Pagkasabi niyon ay nawalan na naman ako ng malay. Nagising na lamang ako na nasa isang malaking paliguan, nakalubog sa napakalamig na tubig. Madali akong umahon at ganon na lamang ang paghabol ko ng hininga habang sinisipat ang lugar. “Nasaan na naman ako?” bulong ko. Maya-maya pa ay naramdaman ko ang paggalaw ng tubig sa aking likuran. Tumayo ako para humanda sa sakaling pakikipaglaban pero laking gulat ko nang umulwa ang hubo’t-hubad na si William mula sa tubig. Napatingin ako sa sarili ko at hubo’t-hubad rin ako. “William,” bulalas ko, nagbabakasakaling nakakaalala ito. Pero mali ako, galit itong sumugod sa akin. Sinakmal nito ang aking leeg at labas ang litid sa leeg na nagsaslita, “Ikaw ang may kasalanan ng lahat.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD