NAG-ALSAHAN ang mga litid ni Marga sa leeg, at ang sulok ng mga mata'y nag-iinit dahil sa inis. Hindi luha ang nais kumawala sa dalawang bolang itim niyon dahil tila natuyong lahat ang likido ng tuwa at saya sa kanyang katawan. Kung may kakayanan lamang siya; kung apoy sana ang katumbas ng matiim niyang pagkakatitig sa ginang, marahil ay natupok na ito sa kinatatayuan. Gigil na gigil siya at ang pagpipigil sa sarili ay lubhang napakahirap. Kung sila lamang ang naroon sa harapan ng ataul; kung wala sanang makakakita, pinilipit na niya ang leeg ng babaeng kung umasta'y animo artistang kaway nang kaway sa mga istambay. Ang malisyoso nitong tingin sa mga kalalakihan at ang maharot na pagtawa ay nakaririnding pakinggan. Naibalumbon niya ang panyong tangan. Kung magagawa lang, isasalaksak niya

