Natuloy pa rin ang kasal nina Glory at sir Paul Menario. Ito ay nangyari makalipas lang ang dalawang linggo. Dahil mayaman ay naayos agad ni Sir Paul Menario ang kanyang kasalanan. Galit na galit si Glory sa kanyang mapapangasawa pero wala naman siyang nagawa.
Wala na ang tatay niya para tulungan siya. Ayaw na rin makigulo ng pamilya ni Linea dahil sa unang insidente na nangyari sa kanila noong nakaraan. Ni hindi na nga sila nagpakita roon sa kasal ni Glory dahil sa sobrang takot nila kay Sir Paul Menario.
Pagkatapos ng kasal ay dumeretso agad sa mansion si Glory. Sa totoo lang ay gusto na niyang basagin ang lahat ng gamit doon sa kwarto pero hindi niya lang magawa. Iyak siya nang iyak. hindi niya kayang ikalma ang sarili niya.
Dahil sa iyo talaga ito, Linea. Kung hindi ka umalis dito sa probinsya eh hindi mangyayari sa akin ito o sa pamilya ko. Ano bang ginawa ko para saktan mo ako ng ganito? Naging mabuting kaibigan naman ako sa iyo, hindi ba? Nagsisisi na ako ngayon na sinuportahan kita sa mga bagay na gusto mo. Kung alam ko lang na masisira ang buhay ko dahil sa iyo, hindi na kita ginawang kaibigan.
Habang naiyak si Glory ay bigla namang pumasok si Sir Paul. Sobra ang ngiti nito noong pumasok siya. Siguro ay sobrang saya niya kasi nakuha niya ang lahat ng gusto niya. Lumapit siya kay Glory at kinausap niya ang dalaga.
‘’Oh, bakit nandito ka pa sa kwarto? Hindi ba dapat ay nandoon ka sa labas? ang daming bisita roon na kailangan nating pasalamatan,’’ sabi pa ni Sir Paul habang nakangiti.
Galit na galit namang tumingin si Glory kay Sir Paul. Ilang minuto pagkatapos noon ay nagsalita siya.
‘’Ha? Paano naman ako magpapasalamat sa mga bisita kung namatay ang tatay ko dahil dito? May dapat ba akong ipagpasalamat doon? Wala di ba?!’’ sigaw ni Glory.
‘’Hindi mo naman kasi kasalanan kung ano man ang kasalanan ng tatay mo. Siya ang may kasalanan kung bakit nangyari iyon sa kanya. Huwag mo na sisihin ang sarili mo sa isang bagay na hindi mo naman kasalanan,’’ sagot ni Sir Paul.
‘’Oo, hindi ko naman talaga ito kasalanan kasi ikaw ang may gawa nitong lahat! Alam mo, kung hindi mo ginusto na ikasal kay Linea ay hindi naman mangyayari itong lahat! Wala kang puso!’’ sigaw ni Glory.
Dahil sa nasigaw si Glory ay muntik na siyang masaktan ni Sir Paul Menario. Dahil sobrang galit siya ay sinigawan niya lalo ito.
‘’Sige, saktan mo ako para makita ng mga bisita mo kung gaano ka kasama bilang tao!’’ sigaw ni Glory.
Napatigil si Sir Paul noon at unti-unti niyang kinalma ang kanyang sarili.
Pagkatapos ng ilang minuto ay wala ring nagawa si Glory kung hindi ang lumabas ng kwarto at harapin ang mga bisita. May takot pa rin naman siyang nararamdaman dahil alam niyang nakaya nga ni Sir Paul Menario ang tatay niya. Siya pa kaya?
Pinangako na lang niya sa kanyang sarili na gagawin niya ang lahat para makaalis doon. Hindi man niya alam kung kailan pero alam niyang makakatakas din siya sa malupit na lalaking iyon.
Pagkaraan ng ilang araw ay may biglang tumawag kay Evette, iyong landlady kung saan nakatira si Linea at Luis.
‘’May gusto pong kumausap kay Linea? Nandyan po ba siya?’’ tanong ng isang lalaki.
‘’Ah oo, dito nga siya nakatira. Bakit?’’ pagtataka naman ni Evette doon sa tumawag.
‘’Ah, kailangan po siyang makausap ng boss namin. Pakibigay na lang po sa kanya ang telepono,’’ sagot noong lalaki.
Kahit nagtataka ay hinanap agad ni Evette si Linea. May takot siyang naramdaman doon sa lalaking kausap niya kaya niya rin agad ginawa iyon.
‘’Linea, may naghahanap sa iyo. Lalaki. Eh kailangan ka raw makausap ng boss nila. Hindi ko nga alam kung paano nila nakauha ang number ko pero ito na,’’ sabi ni Ecette sabay bigay sa kanyang cellphone kay Linea.
‘’Ha? Sino naman daw naghahanap? Wala naman na akong pinapasukang trabaho ngayon kasi ayaw nga ni Luis na mag-trabaho ako,’’ pagtataka ni Linea, hindi pa rin niya kinukuha ang cellphone ni Evette.
‘’Sige na, parang nakakatakot eh. Ewan ko. Pakinggan mo na lang kung anong sasabihin sa iyo noong boss nila,’’ sabi ni Evette.
Kinuha na ni Linea ang cellphone at pinakinggan kung sino man ang nagsasalita roon.
‘’Linea, tanda mo pa ba ako?’’
‘’Glory? Ikaw ýan, di ba? Anong meron? Bakit boss daw ang makakausap ko ngayon?’’ naguguluhang tanong ni Linea sa kanyang kaibigan.
‘’Kamusta ka na? Kamusta ang buhay kasama si Luis? Masaya ba?’’ tila ba nakakatakot ang boses ni Glory sa kabilang linya.
‘’A-Ayos naman. Nakakaraos naman kami kasi may trabaho na si Luis. Sa construction siya nagta-trabaho ngayon. Paano mo nga pala natawagan si Ate Evette?’’ naguguluhan na talaga si Linea ngayon.
‘’Paano? Dahil kaya ko nang hanapin ka. Ako na ang asawa ni Sir Paul Menario. Dahil sa pagkawala mo ay ako na ang pinalit niya sa iyo,’ sabi ni Glory, may galit sa kanyang boses kaya natakot si Linea sa kanya.
‘’Ha? Paano? Ang sama talaga ni Sir Paul Menario! Bakit ikaw ang pinahirapan niya? Diyos ko, Glory! Pasensya ka na kung nangyari ito sa iyo. Hindi ko alam kung ano man ang nangyari pero gagawin ko ang lahat para walang mangyaring masama sa iyo-‘’ natigil ang pagsasalita ni Linea dahil sumagot sa kanya si Glory.
‘’Linea, huwag na. Tapos na. Kasal na kami. Patay na rin ang Itay Ferdie ko dahil sa iyo. Alam mo ba iyon? Linea, namatay ang tatay ko dahil sa iyo! Hindi ko alam kung paano ako mabubuhay ngayon kasama ang demonyo na ito! Wala na ang tatay ko! Wala na. Sobrang sakit, Linea. Ikaw ang may kasalanan nito!’’ sigaw ni Glory pagkatapos ay pinatay na ang tawag.
Hindi naman makapagsalita si Linea pagkababa niya ng cellphone. Sobrang nagulat siya sa kanyang nalaman. Galit na galit siya sa kanyang sarili ngayon dahil kung hindi siya umalis sa kanila ay hindi mangyayari ang lahat ng ito.
Glory, patawarin mo ako. Hindi ko sinasadya. Ayos lang. Ayos lang na magalit ka sa akin ngayon. Naiintindihan ko pero gagawin ko ang lahat para makatakas ka dyan kay Sir Paul Menario. Hindi man ngayon pero malapit na. Alam kong walang kapatawaran ang nangyari sa Itay Ferdie mo pero humihingi talaga ako ng tawad sa iyo.
Umupo si Linea sa sofa at doon ay umiyak. Naisip niya ang mga magulang niya. Kung nasaktan nga ni Sir Paul Menario ang pamilya ng kaibigan niya ay siguradong sinaktan din nito ang pamilya niya.
Pinangako niya sa kanyang sarili na gagawin niya ang lahat para makausap muli ang kanyang Nanay Beth. Iyon lang ang kakausapin niya dahil kapag nalaman ng Tatay Isidro niya na kumonekta muli siya sa kanyang pamilya ay siguradong ipapahanap siya sa Maynila nito.