Habang todo isip pa si Linea kung anong gagawin niya para maayos ang problema niya kay Glory ay bigla naman siyang tinawag ni Ate Evette. May gusto raw kumausap sa kanya. Nagtaka naman siya dahil wala naman siyang inaasahan na bisita ngayong araw.
‘’Linea, lumabas ka dyan. May naghahanap sa iyo eh. Lalaki, hindi ko kilala,’’ sabi ni Ate Evette kay Linea.
‘’Ha? Sino daw? May sinabi bang pangalan? Wala naman akong pinapapunta rito eh,’’ pagtataka ni Linea pero may takot siyang nararamdaman.
‘’Wala, pero parang mayaman kasi naka-kotse eh. Lumabas ka na. Kailangan ka yata roon eh. O sige, alis na ako at may aayusin pa ako eh,’’ sabi ni Ate Evette pagkatapos ay umalis na.
Noong nalaman ni Linea na may kotse at mayaman eh lalo siyang natakot. Ang nasa isip kasi niya ay pwedeng si Glory iyon pero wala naman siyang magawa dahil pwede rin namang hindi si Glory iyon.
Paglabas niya ay nakita niya ang isang lalaki. Hindi niya agad iyon nakilala pero noong lumalapit na siya roon sa lalaki ay napansin niyang pamilyar iyon sa kanya.
‘’Sir Edward? Hala. Bakit po kayo nandito? Naku, pasensya na po kung hindi ako bumalik sa mansyon ninyo kasi hindi na po ako pinayagan ng nobyo ko na bumalik doon. Paano ninyo pala nalaman kung saan po ang apartment ko?’’ sabi ni Linea, nahihiya siya kay Sir Edward.
‘’Ah. Marami kasi akong kakilala rito sa Maynila kaya natulungan nila akong Oo nga eh, kaya nandito na ako dahil gusto kitang tanungin kung tuloy ka pa ba sa trabaho mo sa mansyon. Hinihintay ka na rin kasi ni Mommy. Akala niya, okay ka na,’’ sagot ni Sir Edward sa kanya.
Pinapasok ni Linea sa apartment si Sir Edward. Hiyang-hiya pa siya dahil parang ang dumi ng buong apartment. Wala naman na siyang magawa dahil nandoon na si Sir Edward. Pag-upo nila ay tinanong agad siya ni Sir Edward kung tuloy pa ba siya roon sa trabaho na gusto niyang pasukan dati.
‘’Linea, nasabi mo kasi sa akin noon na kailangan mo ng trabaho. Anong sinasabi mo ngayon na ayaw mo na?’’ naguguluhang tanong ni Sir Edward sa kanya.
‘’Eh pinagbawalan na po kasi ako ng nobyo ko. Gustuhin ko man na sawayin siya pero hindi ko po kaya. Pasensya na po,’’ sabi ni Linea, lalo siyang nahiya kay Sir Edward.
‘’Aba, dapat ay hindi siya ganoon. Hinahayaan ka niya dapat na kumita kahit paano. Sa panahon ngayon ay hindi lang ang lalaki ang dapat na nagta-trabaho. Dapat ay kayong dalawa na lalo na kung bumubuo kayo ng pamilya,’’ paloiwanag ni Sir Edward kay Linea.
‘’Oo nga po eh, sinabi ko na rin po iyan sa kanya pero hindi pa rin po niya ako pinayagan. Hindi ko na po pinilit at baka magalit lang po siya sa akin. Ilang beses na rin po kasi kaming nag-away tungkol dyan,’’ sabi ni Linea, may takot sa kanyang boses nang sabihin niya iyon.
‘’Hija, sa panahon ngayon ay hindi ka na dapat matakot. Kung gusto ninyo talagang dumiskarte sa buhay ay gagawin ninyo iyon nang magkasama,’’ payo ni Sir Edward sa kanya pagkatapos ay napangiti na lang si Linea dahil doon.
‘’Ah, oo nga po. Hayaan ninyo Sir Edward, kakausapin ko po ulit si Luis kapag umuwi na po siya galing sa trabaho. Maraming salamat po sa pagsadya ninyo sa akin dito, Pasensya na rin po kung ang gulo ng apartment namin. Hindi ko po naayos dahil hindi ko naman alam na pupunta pala kayo,’’ sabi ni Linea, ngumiti siya pero may hiya ang kanyang mga labi.
‘’Ah, kung gusto kamo niya ay puntahan niya ako sa address na ito. Pwede rin kasing gawin ko siyang personal driver ko habang ikaw ay kasambahay. Para magkasama na kayo. nakikita niyo pa rin ang isa’t isa kahit paano,’’ sabi ni Sir Edward at may ini-abot na papel kay Linea, tinanggap naman iyon agad ni Linea.
‘’Ah, sige po. Baka po dahil magkasama na kami ay payagan na po niya ako. Makakaasa po kayo na sasavihin ko ito lahat sa kanya. Thank you po talaga sa pagpunta niyo rito sa amin,’’ sagot ni Linea.
‘’Sige, aasahan ko iyan. O siya, mauuna na ako ha? Ingat ka rito,’’ paalam ni Sir Edward sa kanya.
‘’Ingat din po kayo Sir Edward. Salamat po ulit,’’ ngumiti si Linea pagkatapos ay hinatid na niya sa sasakyan si Sir Edward.
Pag-alis ni Sir Edward ay lumakas ang loob ni Linea na sabihin kay Luis na gusto niyang mag-trabaho. Naniniwala siyang malakas na ang tiyansa na payagan siya ng nobyo dahil magiging magkasama na sila sa trabaho ngayon.
Pagdating ni Luis sa kanilang apartment ay nilutuan agad siya ng ulam ni Linea. Hindi alam ni Luis kung anong meron pero dahil sa ginawa ng kanyang nobya ay napangiti na lamang siya.
‘’Oh, anong meron? Parang ganado kang magluto ngayon ah? May maganda bang nangyari kanina noong wala ako?’’ nakangiti pa rin si Luis ngayon.
‘’Ah, oo. Pumunta ýong nagbigay sa akin ng trabaho noong nakaraan. Hinihintay pala nila akong pumasok doon eh hindi na ako bumalik,’’ kwento ni Linea, umaasa na hindi agad magagalit si Luis sa kanya.
‘’Oh, huwag mong sabihin na pumayag ka na dahil lang sa pinuntahan ka? Hindi ba at sinabi ko na sa iyo na hindi pwede? Bakit pipilitin mo pa rin ngayon?’’ medyo nataas na ang boses ni Luis sa kanyang nobya.
‘’Hindi. Sinabi ko sa kanya na ayaw mo. Huwag kang mag-alala mahal ko. Kaya lang, ang ganda kasi noong sinabi niya sa akin kanina. Sabi niya, pwede raw na ikaw ang driver niya pagkatapos ako naman ay kasambahay. Mas maganda iyon kasi sa iisa na lang tayo magta-trabaho, di ba?’’ sabi ni Linea, umaasa na magbabago pa ang desisyon ni Luis tungkol dito.
‘’Naku, hindi na. May trabaho pa naman ako ah? Hindi ko kailangan niyan. Hindi ka rin magiging kasambahay dyan. Naiintindihan mo ba ako? Dito ka na lang sa apartment,’’ sabi ni Luis.
Nalungkot na namang muli si Linea dahil hindi na naman siya pinayagan ni Luis sa gusto niyang mangyari. Ang pakiramdam tuloy niya ngayon ay parang wala na naman siyang silbi. Wala naman siyang magawa dahil ayaw niyang makipag-away kay Luis. Tumahimik na lang siya sa isang tabi.