"All of your books are the same."
Bahagya akong natigilan sa pagtimpla ng kape nang magsalita siya pero agad rin namang nagpatuloy.
Hindi pa rin humihina ang ulan kaya hindi ko mapipilit na umalis ang Boss kong prenteng nakaupo habang ang mga mata ay nasa hawak niyang libro.
"Sinabi ko bang basahin mo, Sir?" may halong pagtataray kong sabi at pinatong ang tasa ng kape sa lamesa.
"Love stories are just a waste of time," aniya at nagpatuloy pa rin sa pagbabasa. Hindi man lang niya tinapunan ng tingin ang kape na nilapag ko.
"Ayos lang. Hindi naman oras mo 'yong nasasayang," sagot ko habang nakatingin sa labas ng bintana kung saan nakikita ko ang malakas na pagbuhos ng ulan. Para akong baliw na kinakausap ang ulan sa utak ko na sana tumigil na sila kasi hindi ko na gustong magtagal dito ang lalaking 'to.
"You know what, Heaven. I will really appreciate it if you'll stop talking down to me."
Palihim kong inikot ang mga mata ko bago humarap sa kanya na may pekeng ngiti. "Pasensya na ho."
Hindi siya sumagot at binalik na lang ang mga tingin sa hawak niyang libro. Tss. Hindi ba siya tinuruan ng mga magulang niya na huwag pakialaman ang gusto ng ibang tao? Ano naman kung mas gusto kong mag basa ng love stories? At bakit siya nagrereklamo, e hindi niya rin naman tinitigilan ang pagbabasa?
Napailing na lang ako sa lalaking nasa harap ko. Hindi ko alam kung abnormal ba siya o sabog lang.
"Lalamig na ho ang kape, Sir," paalala ko sa kanya nang mapansin na hindi pa rin niya nahahawakan ang tasa na nilagay ko sa lamesa.
"I don't drink instant coffee," sagot niya at sandaling tumingin sa relong pambisig. Napatingin din tuloy ako sa orasan. Alas dos na pala ng hapon, hindi pa rin humihina ang buhos ng ulan kaya nakikita ko na ang baha sa ilalim.
"Arte," bulong ko. Hahayaan ko na lang. Masyado siyang mayaman para sa instant coffee ko, e. Gusto niya ata 'yong mamahalin ang ititimpla ko sa kanya. Ano siya gold?
"I can hear you," sabat niya at tumingin ng masama sa akin.
Tumikhim ako para tanggalin ang bara sa lalamunan ko bago nagsalita. "Mabuti maayos pa rin ang pandinig mo. Alam n'yo ho ba ang ibig sabihin no'n?"
Biglang kumunot ang noo niya nang marinig ang sinabi ko at mukhang na-curios. "Ano?"
"Hindi ho kayo bingi."
Gusto kong matawa nang umiba ang ekspresyon ng mukha niya. Mag kaunting pag-irap pa siyang ginawa.
"Huwag ka nang maarte, Sir. Wala namang lason ang instant coffee."
"Hindi ako maarte," agad niyang tanggol sa sarili niya.
"Opo. Hindi halata," sarkastiko kong sagot.
Binalik na naman niya ang tingin niya sa akin kaya bigla akong napaiwas at sa labas ng bintana na lang tumingin.
"Please don't forget that I am your Boss, Heaven."
Wala naman akong sinabi na ako 'yong Boss, siya naman talaga. Kasalanan ko bang ganito ako sumagot at gano'n siya umarte?
Akala ko hindi na talaga niya iinomin ang kape na binigay ko pero tumaas ang kilay ko nang kunin niya ang tasa sa lamesa at humigop ng kaunti.
Bahagya siyang natigilan matapos ang unang higop habang ako ay tahimik na naghihintay sa susunod niyang gagawin. Kung ilalapag niya ba pabalik sa lamesa ang tasa o patuloy siyang iinom?
Bigla siyang tumikhim at humigop na naman. "I'll finish this because I'm cold."
"Kamusta ang lasa?" tanong ko.
Hindi siya tumingin sa akin pero agad siyang sumagot. "Hindi na masama."
Umikot ang mga mata ko. Halata naman na masarap 'yon para sa kanya. Ikakamatay niya siguro kapag umamin siyang nagustusan niya ang timpla ko.
Lumipas ang ilang minuto at hindi pa rin tumigil ang ulan pero hindi na ito kasing lakas ng kanina. 'Yon nga lang ay medyo bumaha pero hindi naman abot hanggang tuhod.
"Ngapala, hindi ba pumunta ka rito kasi may sasabihin ka?"
Tumango siya. "Yeah. But later," sagot niya habang may pinipindot sa cellphone niya.
Hindi na lang ako sumagot kasi mukhang importante ang ginagawa niya kasi medyo nakakunot ang kanyang noo. Ngayon ko lang napansin na naka-slacks siya at naka asul na long sleeve na tinupi hanggang siko. Mukhang kagagaling lang niya sa isang meeting.
"What's your Wi-fi?" bigla niyang tanong.
Sandali akong napaisip pero naalala kong wala naman kaming wifi dito. "Wala ho kami no'n, Sir."
Tumingin siya sa akin na parang hindi makapaniwala kasi 'yong mukha niya ay parang may nakalagay na 'seriously?'.
"Bakit wala kayong wifi? We're in Manila how come you don't have one."
Nagkibit balikat ako. "Itanong mo kay Manang Tanya, siya naman may-ari ng apartment hindi ako."
"Tss."
Nagpasalamat ako nang humina na ang ulan hanggang sa hindi nagtagal ay nawala na rin ito. Para akong nakarinig nang kanta ng mga anghel dahil sa wakas mawawala na sa paningin ko si Lanzeus. Ilang oras rin akong nagtiis sa ugali niya dito mismo sa loob ng kwarto ko.
Nakarinig kami nang katok sa pintuan na mabilis ko namang pinagbuksan. Bumungad sa akin ang mukha ni Manang Tanya na nakangisi sa hindi ko malamang dahilan.
"Kamusta kayo rito?" tanong niya at sinilip si Lanzeus sa loob kaya nilakihan ko ang buka ng pinto para makita niyang buo at buhay pa ang alaga niya.
"Ayos lang naman ho, Manang," sagot ko.
Nagulat ako nang bigla siyang humagikhik sa gilid ko. "Nako, may nangyari ba?"
Kumunot ang noo ko. "Anong ibig ninyong sabihin?"
Hinampas niya ako sa braso kaya napalayo ako sa kanya ng kaunti. Mataba si Manang at mabigat ang hampas niya. Sa payat kong 'to baka matanggal ang braso ko dahil sa hampas niya.
"Siguro nagkakamabutihan na kayo ano? Mabuti na lang pinaakyat ko rito si Lanz," aniya.
Tumaas ang kilay ko. Nakuha ko bigla kung anong iniisip ni Manang pero hindi na lang ako nagsalita. Baka kapag marami akong sabihin, sasabihin naman niyang defensive ako kaya hahayaan ko na lang siya. Alam ko naman sa sarili kong nagbangayan at nagbatuhan lang kami ng salita ni Lanzeus mula noong dumating siya hanggang matapos ang ulan.
"Lanzeus, hijo, ito na pala ang pinapakuha mong paper bag." Pinakita ni Manang kay Lanzeus ang hawak niyang tatlong paper bag na katamtaman ang laki. Binasa ko ang nakalagay na mga letra doon. Chanel.
Tumayo si Lanzeus sa silyang inuupuan at lumapit kay Manang para kunin ang hawak nitong paper bags. Nagulat ako nang sa akin niya iyon binigay.
"Gagawin ko rito?" tanong ko.
"Eat it if you can," masungit niyang sagot na may kasama na namang simpleng pag-irap. Napapansin ko napapadalas ang pag-irap niya sa'kin.
"I'll wait for you downstairs. Thirty minutes lang, Heaven," aniya at bumaba na sa hagdan. Ginamit niya pa ang payong na dala ni Manang kahit hindi namana umuulan. Takot ata matuluan ng tubig galing sa bubong.
Nang makaalis siya ay napatingin ako sa binigay niyang paper bags. "Anong laman nito?"
"Nako, matutuwa ka sa laman niyan, hija. Halika buksan natin," ani Manang Tanya at hinila ako matapos isara ang pinto ng kwarto.
Binuksan niya ang pinakamalaking paper bag at kumunot ang noo ko nang makakita ng kulay puting dress. Si Manang naman ay parang nanginginig na ewan habang nakatingin sa dress at nakaawang ang bibig. Doon ko lang na-realize kung anong mayroon sa Chanel.
Oo nga pala! Isa ito sa mga sikat at mamahaling brand ng mga kagamitang pambabae sa mundo!
"M-manang, anong gagawin ko sa dress na 'yan? Hindi ko alam kung magkano pero pakiramdam ko ikakamatay ko kapag may napunit akong maliit na bahagi riyan," nag-aalala kong sabi at medyo lumayo.
"Ako rin, hija. Ako rin," wala sa sarili niyang sagot. "Pero kailangan nating sundin ang sabi ni Lanzeus kaya magbihis ka na riyan dahil ayaw na ayaw ng batang iyon ang maghintay."
Hindi ko alam kung hahawakan ko ba ang dress pero inabot na 'yon ni Manang sa kamay kong nanlalamig. Kung bakit ba naman kasi bumili ng ganito si Lanzeus?! Alam kong mayaman siya pero bakit kailangan pati ako madamay sa pagiging sosyalin niya?
Wala akong nagawa kun'di magpalit dahil nag text ang magaling kong boss kay Manang na bilisan ko raw ang kilos ko. Nakakainis. Ano ba kasing meron?
Maingat ang bawat galaw ko habang sinusuot ang dress sa katawan ko. Baka kasi pag nasira ay sisingilin ako ni Lanzeus ng malaki at alam naman ng lahat na wala akong pagkukuhanan ng pera kaya nga ako nagtatrabaho sa kanya.
Mabuti na lang sakto iyon sa katawan ko. Hapit na hapit sa payat kong katawan ang dress at kitang-kita ang leeg kong mahaba dahil sa bow square neck na design nito.
Humarap ako kay Manang matapos kong tignan ang sarili ko sa salamin. Mukha ko pa rin naman ang nandoon. Nanibago lang ako sa paraan ng pag damit ko kasi hindi ko pa naman ito nararanasan noon.
"Hija...." nabasag ang boses ni Manang Tanya na ipinagtaka ko.
"M-manang, bakit? May napunit ba?" nag-aalala kong tanong.
Nakahinga ako nang maluwag nang umiling siya. "Wala, wala. Naiiyak lang ako kasi ang ganda mong bata. Bagay na bagay sa'yo ang suot mo."
Napangiti ako. "Salamat po. Pero hindi ako komportable sa suot ko, e."
"Nako! Kahit nakatayo ka lang at walang ginagawa sigurado akong magagandahan sa'yo si Lanzeus. Kahit naman hindi ka nakasuot ng ganyan kamahal na damit, maganda ka pa rin," aniya at binuksan na naman ang isang paper bag.
"Manang, hindi naman ho ako nagpapaganda para sa kanya. Wala ho akong pakialam kung anong tingin niya sa akin, mas mahalaga ang perang binabayad niya," sagot ko.
"Oo na, oo na. Suotin mo na ito." Nagulat ako nang ipakita niya sa akin ang puting heels na sigurado akong mahal din.
May balak ata si Lanzeus Empreso na patayin ako gamit ang utang. Baka naghihiganti siya kasi sinasagot-sagot ko siya kaya pinapasuot niya sa'kin ang mahal na mga gamit na ito para lubogin ako sa utang porke alam niyang wala akong ibabayad. Humanda talaga siya pag gano'n ang plano niya.
Kinuha ko iyon sa kamay ni Manang Tanya at sinuot habang nakaupo sa kama. Hindi na ako nagulat nang sumakto iyon sa paa ko katulad ng pagsakto ng dress sa katawan ko.
"Alam na alam ni Lanzeus ang size ng katawan at paa mo, hija. Nako, alam na," pang aasar ni Manang at pumalakpak pa.
"Baka hula lang," sagot ko at tumayo. Lalo akong tumangkad. Sinubukan kong maglakad para subukan kung kaya ko bang dalhin ang sarili ko suot ang heels. Mabuti na lang at hindi gano'n kahirap kahit hindi ako komportable sa mga suot ko. Nadagdagan pa iyon nang inabot sa akin ni Manang ang chanel flap bag.
Para akong naglalakad na may kayamanan sa katawan. Kung kukuwentahin, aabot o sosobra ng isang milyong piso ang halaga ng mga suot ko ngayon.
"Naiiyak na naman ako sa ganda mo, Jazel. Para kang anghel!" puri ni Manang Tanya sa akin habang nasa bibig ang mga palad.
"Magiging anghel talaga ako kapag nasira ko ang isa sa mga ito, Manang. Pakiramdam ko may balak ang alaga mo na patayin ako sa utang."
Sana naging mabait na lang ako kanina. Hindi ko na lang sana siya sinagot-sagot. Ang pangit maghiganti ni Lanzeus Empreso. Malala.
Tumawa si Manang sa sinabi ko. "Nako, hija, mapagbiro ka talaga."
Tumaas ang kilay ko. Anong mapagbiro? Sinabi ko bang nagbibiro ako? Seryoso ako roon.
"Oo nga pala, mayroon akong pangkulot ng buhok dito. Buti na lang dinala ko," aniya at hinila ako at pinaupo sa kama. May kinuha siyang hair curler sa malaki niyang bulsa. Kaya naman pala nagkasya.
"Bakit ko ba kailangan mag ayos? May pupuntahan ba kami?" tanong ko.
Sinuklayan niya ang straight kong buhok at sinimulang kulutin. "Hindi ko rin alam, hija. Walang sinabi si Lanz kanina."
Ilang minuto ang hinintay ko bago natapos si Manang sa pagkulot ng dulo ng buhok ko. Muntikan ko nang hindi makilala ang sarili ko nang humarap ako sa salamin. Partida wala pa akong make up. Maganda lang talaga ako.
"Bakit hindi ka na lang kaya sumali sa mga pageant? Matangkad ka, maganda ang katawan at maganda rin ang mukha. Nako, sayang kung hindi gagamitin," ani Manang habang nakahawak sa bewang ko. Pareho kaming nakaharap sa salamin at doon namin tinitignan ang katawan ko. Parang bigla ko siyang naging nanay.
"Hindi lang naman tangkad at kagandahan ang kailangan sa pageant, Manang. Utak rin. Utak na hindi ako pinagpala," sagot ko.
"Eh? Matalino ka naman, ah."
Hindi na lang ako nagsalita. Nakita ko kasi sa orasan na mahigit fifty minutes na pala kami rito.
Napabuntong hininga ako. Magbabatuhan na naman kami ng salita ni Lanzeus mamaya kasi hindi na naman ako dumating sa oras na gusto niya.
"Oh siya. Bababa na ako. Ikaw na ang bahala sa ayos ng mukha mo kasi maniningil pa ako ng bayad sa mga nilabhan ko. Kahit naman hindi ka mag make up maganda ka na."
Natawa na lang ako at nagpasalamat sa kanya. Tinignan ko muli ang sarili ko sa salamin at napansing mayroong kulang kaya lumapit ako sa lamesa na nasa gilid ng kama ko kung saan merong maliit na drawer. Kinuha ko roon ang maliit na kahon at dahan-dahang binuksan.
Napangiti ako nang makita ang kwentas na binigay sa'kin ni nanay noong buhay pa siya. Sinusuot ko lang ito kapag may okasyon tulad ng pasko, bagong taon o hindi kaya'y birthday ko para maramdaman kong kasama ko pa rin siya.
Pagkatapos kong suotin ang kwentas ay naglagay ako ng maliit na kalorete sa mukha. Inayos ko lang ng kaunti ang pilik mata ko at naglagay ng korean lipstick na regalo ni Pia noong huling kaarawan ko.
Nang makontento ako ay saka ako lumabas ng kwarto. Ang lakas pa ng kabog ng dibdib ko kasi bigla akong kinabahan habang pababa ng hagdan.
Hindi ko nakita si Lanzeus sa loob ng bahay ni Manang Tanya kaya dumeretso ako sa gate at lumabas. May nakita akong sasakyan sa harap at doon, nakasandal si Lanzeus Empreso habang naka-cross ang mga braso sa dibdib. Nakatingin siya sa kalsada nang makita ko siya kaya hindi niya ako napansin. Maya-maya ay napatingin siya sa relo niya at napakamot ng ulo kaya nagdisisyon na akong lumapit kasi alam kong naiinip na siya.
"Sir," tawag ko sa kanya.
"What took you----" nabitin sa ere ang sasabihin niya nang lumingon siya sa akin. Bahagya pang nakakunot ang noo niya na agad nawala nang makita niya ako.
Bigla akong kinabahan. Baka may nasira ako? Talaga naman, oh. Ingat na ingat na ako kanina sa paglalakad kasi kakatapos lang ng ulan at baka maputikan ang suot ko.
"What's your name?" bigla niyang tanong kaya kumunot ang noo ko. Nadulas ba siya kanina at nabagok ang ulo? Paano niya nakalimutan ang pangalan ko.
"Jazel Heaven Villamor ho, Sir," walang gana kong sagot.
Napatango naman siya. Nabagok ba talaga 'to? Magtatanong na sana ako nang bigla siyang nagsalita na bahagyang ikinaawang ng labi ko.
"Heaven. I see. That made you look like an angel. Gorgeous."