NGINUNGUYA NA NI Papa ang isinubo ko sa kaniya. Napatingin siya sa akin, at kita ko ang pagningning ng mga mata niya—halatang natutuwa siya sa ginagawa namin. Napangiti siya at napailing, kaya hindi ko napigilang mapanguso habang tinitingnan siya.
“Bakit, Pa?” tanong ko.
Napabuntonghininga siya. “Nakita ko lang si Rose sa katauhan mo. Hinahanap ko lang iyong kalinga niya… iyong mga pagkakataong pinagsisilbihan niya ako.”
Napangiti ako. “Alam kong pareho kayong dalawa ni Mama ng nararamdaman. Pero ang sigurado ako, masaya siya na nagpatuloy ka sa buhay. Kahit nalulungkot ka sa kaniyang paglisan, kinakaya mo pa rin.”
“Parang ikaw rin, Mara,” aniya.
“Tama po, Pa. Walang rason para tumigil. Magagalit si Mama. Kasi noong buhay siya, isa lang naman ang gusto niya—ang magkaroon ako ng maganda’t masaganang buhay.”
“Hindi naman kita pababayaan. Kasama mo ako. Basta kung mawala ako, huwag mong pabayaan ang bunsong kapatid mo.”
“Ang bata ninyo pa, Pa, para sabihin iyan. Makakasama ninyo pa kami ni Parker hanggang sa pagtanda. Makikita ninyo pa ang mga apo ninyo sa amin.”
“Ikararangal ko iyon. Sana bigyan pa ako ng Diyos ng mahabang buhay.”
“Basta mag-ingat lang po kayo. Alagaan ninyo ang kalusugan ninyo. Mag-ehersisyo po kayo at iwasan na nang kunti ang pag-inom.”
“Iinom pa naman ako mamaya. Bakit sinabi mo iyan?” Napatawa siya.
Napatawa rin ako. “Pwede naman iyon kung may handaan. Ang ibig kong sabihin, huwag gawing kaugalian ang pag-inom.”
“Sige, Amo,” biro ni Papa.
“P-Papa,” nahihiya kong sambit.
Muli ko siyang sinubuan. Aminado ako na noong una’y nakaiilang, pero habang tumatagal, nawawala na ang ilang na iyon. Wala nang malisya at wala na akong iniisip na kung anu-ano.
“Pinuntahan ka pa talaga rito ni Madam Lavinia. Ninanais niya talagang makasama ka,” sabi ko.
“Alam niya kasing hindi niya ako mapapayag kung mag-uusap lang kami sa telepono,” sagot niya.
“Mabuti’t hindi ka nila napaikot, Pa. Siguro kung hindi ka ganyan, walang kayo ni Mama. Wala ring Parker.”
“Hindi ako bulag. Alam kong mahilig silang magmanipula. At iyon ang matinding rason kung bakit nagsusumikap akong maging mahusay para hindi nila ako mahawakan sa leeg. Kahit paano, masasabi kong nagtagumpay ako roon. Naipanalo ko ang ina mo.”
Napangiti ako. Ang sarap marinig na may isang taong ipinaglaban si Mama. Kahit may sabit na siya—ako—hindi iyon naging hadlang para mahalin pa rin siya ni Papa Fernando.
“Talagang naipanalo mo si Mama, Pa,” nakangiting sabi ko.
“Hindi lang siya. Pati ikaw. Alam kong kailangan mo ng ama, at nandito ako para sa iyo. Hindi man ako iyong pinakamabuting ama, pero sana sapat na iyon para maramdaman mong hindi ka iba sa akin. Minahal ko ang ina mo, at kasama ka na roon.”
Hindi ko mapigilang hawakan ang kamay ni Papa. “Ramdam ko po iyon. Sadyang nahihiya lang talaga ako sa iyo dahil nasa ulirat na ako noong dumating ka sa buhay namin ni Mama. Hindi ako sanay na may lalaki sa buhay ko. Lumaki akong si Mama lang ang meron ako.”
“Naiintindihan ko iyon. Ang mahalaga, nawala na iyon. Parang mag-ama na talaga ang turingan natin. Mas naging malapit pa nga tayo nang nawala ang ina mo. Kasi noong buhay siya—”
Napatawa ako sabay higpit ng hawak sa kamay niya. “Para kang linta sa kadidikit sa kaniya.”
Napahalakhak si Papa, napayuko pa sandali sa tuwa. Pero ilang segundo lang ang lumipas, natahimik siya. Sa liwanag mula sa bintana ng opisina, kita ko ang bahagyang pagbabago sa ekspresiyon niya. Pag-angat ng paningin niya sa akin, may lungkot na sa mga mata niya.
Nginitian ko siya para basagin ang bigat ng sandali, pero isang matipid na ngiti lang ang ibinalik niya sa akin.
“Bakit, Pa?” tanong ko, saka marahang binitiwan ang kamay niya.
Napabuntonghininga siya at tumingin sa malayo. “Naalala ko lang tuloy ang ina mo. Kapag naiisip ko siya, halo-halo ang emosyon na nararamdaman ko. Masaya’t malungkot.”
“Naalala mo po ba, Pa, na minsan kang naging linta?” biro ko.
Napatango siya. “Dahil sa linta. Iba kasi magmamahal ang ina mo. Pero nakita kong nakuha mo ang ugali niyang ganoon. Kaya kung sino man ang mapapangasawa mo, napakasuwerte niyang lalaki.”
“Kung sino man siya? Sigurado akong ako ang suwerte. Bakit? Dahil kung mamahalin ko siya, alam kong iba siya magpakita ng pagmamahal sa akin.”
Napangiti si Papa. “Masuwerte kayong dalawa sa isa’t isa. Maliban sa mabait, piliin mo rin iyong alam mong kaya kang buhayin, ha? Hindi iyong aasa pa sa iyo.”
Napatango ako. “Sana nga po, Pa.”
Natapos naming kumain, maingat na niyang iniligpit ang gamit niya. Ibinalik na niya iyong sa lalagyan, samantalang ako nama’y abala sa paghahanda ng sarili ko.
“Nakahanda ka na?” tanong ni Papa.
Napalingon ako sa kaniya at agad na tumango. Pagkaligpit ng mga pampaganda ko, tumayo ako. Nahuli ko siyang nakatitig sa akin, kaya’t napakunot noo ako. Hindi ko tuloy mapigilang itanong sa sarili ko kung may mali ba sa mukha ko.
Marahan kong hinaplos ang balikat ko. “Bakit, Pa?”
Lumapit siya nang dahan-dahan. Pagdating niya sa harap ko, ipinatong niya ang dalawang palad sa aking mga balikat. Ramdam ko ang bigat at init ng kaniyang haplos. Ang mga mata niya’y nakatuon lang sa akin, seryoso at buo, na para bang binabasa niya ang laman ng kalooban ko. Napalunok ako ng laway, bigla lang nanuyo ang lalamunan ko.
“Mas maganda kung…” bumigat ang tinig niya. Unti-unti niyang ibinaba ang suot kong americana. “Tanggalin mo ito.”
Bahagya akong natigilan bago tumango. “Sige, Pa.”
Ako na ang nagpatuloy sa pagbukas at paghubad ng americana. Nang tuluyan ko itong alisin, ramdam ko ang pag-init ng pisngi ko. Parang biglang naging hubad ang kaluluwa ko sa harap niya. Hindi ako sanay sa ganoong ayos—ang dami kong insecurities na matagal ko nang tinatago.
“Hindi ba masyadong mapangahas, Pa? Hindi ako komportable,” mahina kong sabi.
Napangiti siya at parang alam na alam niya ang iniisip ko. “Sanayin mo ang sarili mo. Walang masama kung ipapakita mo kung anong meron ka.”
Napayuko ako, iniwas ang tingin. Pilit kong iniwasan ang bigat ng kaniyang mga mata.
“Ano ba ang meron ako?” tanong ko.
“Ang magandang katawan,” aniya nang walang alinlangan.
Napatingin ako muli sa kaniya at napatawa na lang, kahit may halong hiya. “Pinupuri mo lang ako dahil anak mo ako. Gusto mo lang na tumaas ang kumpiyansa ko sa sarili ko.”
“Pero totoo ang sinabi ko,” sagot niya, seryoso ang tinig. “Alam kong alam mong maganda ang katawan mo. Ikaw ang may bitbit niyan at ikaw lang ang malayang makakita niyan… sa ngayon. Gusto ko lang na—tama ka sa sinabi mo—gusto kong tumaas ang kumpiyansa mo sa sarili mo. Mara, mas masarap mabuhay kung mataas ang tiwala natin sa sarili. Mas madali nating mararating ang paroroonan natin.”
Natawa ako, kahit may bahid ng kaba. “Baka mapadali akong mag-asawa niyan, Pa.”
“Mas maganda nga iyon,” mabilis niyang tugon, pero may halong biro at pang-aasar. “Dalawampu’t apat ka na pero hindi mo pa rin nakikita ang para sa iyo. Gusto mo bang tumandang dalaga? Sayang ang hene mo. Ang sabi sa bibliya, magmahal at magparami.”
Napailing ako habang hindi mapigilang matawa. “Bakit ba napunta na naman tayo sa usapang ganito, Pa? Pinatanggal mo lang naman sana ang americana ko.”
“Hindi ko rin alam. Tara na?” aniya.
Napatango ako. “Opo. Si Parker? Dadaanan ba natin? Alam ba niyang pupunta tayo kina Don Alejandro?”
“Oo. Nakapaghanda na iyon. Bumili na lang din tayo ng susuotin niyang kamiseta. Ang sabi niya, ikaw na raw ang pumili. Basta raw kulay itim, sapat na.”
Napatango ako. “Walang problema.”
Makalipas ang ilang minuto, huminto na kami sa tapat ng paaralan ni Parker. Pagpasok niya sa sasakyan, agad kong iniabot ang binili kong damit.
“Salamat dito, Ate. Mabuti at sumama ka kahit alam mong halang ang kaluluwa ng mga taong nandoon,” sabi ni Parker.
“Parker,” saway ni Papa, mariin pero may laman, “Alam kong galit ka sa kanila, pero masamang magsalita ng ganyan lalo na sa mga nakatatanda. At isa pa, hindi lang sila basta tao—mga kadugo natin sila.”
“Alam ko, Pa,” sagot ni Parker, bahagyang nakasimangot. “Pero hindi ko matanggap kung bakit ganoon kasama ang trato nila kay Ate. Kapag tinititigan nila si Ate, para bang kriminal.”
Napalunok ako. Kahit ilang beses ko nang naririnig ang ganoong mga salita, iba pa rin ang sakit. Mas masakit dahil hindi lang ako ang nakakaramdam—pati si Parker, bata pa, pero damang-dama na niua ang pait ng pagtanggi ng angkan nila sa akin.
“Kapatid sila ng lola mo,” sabi ni Papa, malamig ang tinig. “Ano pa ba ang aasahan mo? Kahit si Mama—ang lola mo—hindi rin nagkakalayo sa kanila.”
“Ewan ko sa kanilang lahat,” singhal ni Parker. “Kung hindi lang ako mahal ni Lola, matagal ko na siyang binura sa buhay ko. Pero ang hindi ko talaga maintindihan, bakit ganyan ang tingin nila kina Mama’t Ate.”
Napayuko ako, pinilit itago ang bigat sa dibdib. Minsan naiisip ko, sana hindi na lang alam ni Parker ang lahat. Sana hindi niya kailangang makita kung paano ako tratuhin ng mga kadugo niya—dahil ayaw kong madungisan ang pananaw niya sa mundo. Pero sa kabilang banda, natutuwa ako. Kasi sa murang edad, pinipili niyang manindigan para sa amin, para sa akin.
“Hayaan mo na sila,” sabi ni Papa, huminga nang malalim. “Ang mahalaga, nandito tayo para sa Ate mo. Kaya nga ako mahigpit sa iyo dahil gusto kong maging magaling ka. Gusto kong hindi ka nila mahawakan sa leeg.”
Napabuntonghininga si Parker, ngunit nanatiling matatag ang tinig. “Subukan lang nila akong pakialaman. Hindi ko sila mapapatawad. Ikaw at si Ate lang ang pakikinggan ko.”
Napangiti ako nang hindi ko namamalayan. Sa lahat ng pasakit, sa lahat ng sugat na iniwan ng pagtakwil ng mga angkan ng Jimenez at De Mercedes, heto si Parker—ang kapatid kong hindi ako pinapabayaang bumagsak. Ang sarap lang sa pakiramdam na sa edad niya, kaya na niyang makita kung alin ang tama, at kaya niyang pumili kung kanino siya tatayo.
At higit sa lahat, pinipili niya ako.
“Salamat sa pagmamahal mo sa akin, Parker. Pero hindi ko hahayaan na humantong kansa kawalang respeto sa mga nakatatanda sa iyo. Lalo na kay Madam Lavinia. Lola mo pa rin siya. Mama siya ni Papa.”
“At kapatid kita,” mariing paalala ni Parker.
Napatitig ako sa kaniya, saka ibinaling ang tingin kay Papa. Ngumiti lang siya, payak at may halong lambing. “Sa iyo ba ito nagmana, Pa? Hindi naman matigas ang ulo ni Mama.”
Napailing si Papa, napangiti rin. “Mukhang sa akin nga. Mas mabuti pang umalis na tayo. Doon ka na lang magbihis sa bahay ng Lolo Alejandro mo, Parker.”
Napatango si Parker. “Sige po, Pa.”
Makalipas ang ilang oras, narating na namin ang bahay nila Don Alejandro. Habang papalapit, hindi ko maiwasang kumabog nang mabilis ang dibdib ko. Aminado akong kinakabahan ako, pero para kina Papa at Parker, kailangang tatagan ko ang loob ko. Sigurado naman akong hindi nila ako pababayaan kapag nasa loob na kami.
Nang makahanap ng mapaglagyan ng sasakyan si Papa, agad na bumaba si Parker, bitbit ang binili kong damit. Hindi pa niya isinara ang pinto; hinintay niya muna akong makalabas.
Pagbaba ko, ramdam ko agad ang bigat ng hangin sa paligid. Ang pintig ng puso ko’y parang rumaragasa. Iba talaga ang kaba ko kapag nasa baluwarte ako ni Madam Lavinia. Parang bawat pader ng mansyon ay naglalaman ng tingin at bulong laban sa akin.
Mali mang sabihin, pero sa napansin ko, mas matindi ang ugali ng mga Jimenez. Mas mapanganib sila, sapagkat mas makapangyarihan ang angkan nila.
At ngayong muli akong nakatuntong dito, ramdam ko na para akong pumapasok sa pugad ng mga taong matagal nang nagtatakwil sa akin.
“Hali na kayo, mga anak,” sabi ni Papa.
Napatingin ako sa kaniya. Nang magtama ang mga mata naming dalawa, inalayan niya ako ng isang matamis na ngiti—isang ngiting alam kong hindi basta ngiti lang, kung hindi paalala na huwag akong matakot.
Nauna nang humakbang si Parker. Ihahakbang ko na rin sana ang paa ko, ngunit para bang biglang nanigas ang mga paa ko. Parang nawala ang lakas ko.
Hinawakan ni Papa ang braso ko, banayad pero matatag—gaya ng paghawak ng isang magulang sa batang natatakot tumawid. Napalingon ako sa kaniya. Nakangiti siya, ngunit ang mga mata niya’y nagsasabing kaya ko ang lahat ng ito.
“Ipakita mo sa kanilang anak kita,” aniya, buo at mariin.
Napangiti ako, saka napabuntonghininga. “Salamat, Pa.”
Binitiwan niya ang braso ko at inilapat naman ang kamay sa aking balikat, inakbayan ako na para bang ipinapakita sa lahat na ipinagmalaki niya ako bilang isang anak.
“Tara na.”
Pagpasok namin sa loob ng mansyon ng mga Jimenez, ramdam ko agad ang bigat ng mga matang sabay-sabay na napalingon sa amin. Hindi pala—sa akin.
Bakit?
Ano bang meron sa akin?
Bakit sa tuwing dinadala ako rito ni Papa, tila ba sinusuri ako ng lahat, lalo na ng matatanda?
“Ngumiti ka lang,” mahinang bulong ni Papa.
Sinunod ko siya. Pilit kong iniangat ang mga labi ko, kahit ang loob ko’y nanginginig. Nang mapansin ko ang bulto ni Parker sa itaas ng hagdan, kasama sina Aquilles at Matteo, agad akong tumingin sa kanila. Kumaway si Aquilles, kaya’t sagot ko’y marahang pagyuko.
Ngunit pag-angat ko ng paningin, doon ko nasilayan si Don Alejandro. Nasa likuran ng mga binatilyo, ngunit nangingibabaw pa rin ang presensya niya. Nakatitig siya sa akin—matulis at matalim. Agad kong iniwas ang tingin sa kaniya. Sa lahat ng kapatid ni Madam Lavinia, siya ang kinatatakutan ko. Iba kung tumitig siya, para bang binabalatan ang kaluluwa mo.
“Fernando,” tawag ng isang tinig ng babae.
Paglingon ko, si Madam Silvia pala—ang bunso sa pamilya Jimenez. Nakatingin siya sa akin, nakakurba ang labi niya na hindi ko mabasa—ngiti ba iyon, o pangungutya?
“At dinala mo pa talaga ang anak ng aming alipin dito, Fernando,” aniya, may halong panlalait ang tinig. “Nahihibang ka na ba? Sa kaarawan pa talaga ng Kuya Alejandro?”
Parang tumusok ang mga salita niya sa tenga ko. Alipin? Si Mama ba ang tinutukoy niyang alipin?
“Tita Silvia,” mariin ang tinig ni Papa, “Huwag ka nang mag-atubiling magtanong sapagkat alam mo na ang sagot kung bakit ko dinadala rito si Mara. Gusto ko lang na—”
“Itikom mo ang iyong bibig, Fernando.” maawtoridad na sabi ni Madam Silvia.
“Masusunod, Tita.” Yumuko si Papa at inabot ang kamay niya. “Akin na ang iyong kamay nang ako’y makapagmano.”
Humugot ako ng malalim na hininga. Ramdam ko ang tensyon sa pagitan nila. Hindi lang iyon basta palitan ng salita—may nakatagong sugat at bigat na hindi ko pa mawari.
Nilingon ako ni Papa. “Magmano ka rin sa iyong—”
Ngunit bago niya matapos ang sasabihin, tumalikod si Madam Silvia at mabilis na umalis.
Napangiti na lang ako, pilit na binasag ang bigat ng sandali. “Ayaw niya po,” biro kong tugon, kahit may kirot sa dibdib ko.
~~~