TAHIMIK AKONG NAKAUPO sa sulok habang hinihintay sina Parker at Aria. Kanina pa nagpaalam si Papa para puntahan ang mga kapatid ng ina niya. Sa totoo lang, hindi magandang ideya na sumama ako rito. Ang bigat ng hangin, at bawat tingin ng mga tao’y parang matalim na patalim na pilit bumabaon sa balat ko.
Ano ba talaga ang kasalanan ko sa kanila?
Napabuntonghininga ako. Sa isip ko, muling bumalik ang tinig ni Madam Silvia—ang malinaw na sabi niya na alipin daw nila si Mama. Hindi ko alam kung paano ko iyon sasaluhin.
Trabahador ba talaga si Mama ng pamilyang Jimenez?
Kung sakali, bakit kailanman hindi niya nabanggit iyon sa akin? Alam kong malihim siya, alam kong pati ang tungkol sa ama ko’y hindi niya kailanman sinabi. Pero ang pagiging alipin? Hindi ko maintindihan kung anong kailangan itago roon.
Ipinikit ko sandali ang mga mata ko. Binalikan ko ang mga alaala—kung paanong tuwing naririto ako, kailanman hindi sumasama si Mama. Lagi siyang wala, palaging may dahilan, at kami lamang ni Parker ang dinadala ni Papa.
At ngayon, habang iniisip ko iyon, unti-unting nabubuo ang tanong na matagal kong iniiwasan:
Kung alipin nga siya ng mga Jimenez, ano ang dahilan kung bakit hindi na niya muling tinuntong ang lupain na ito? Anong sugat ang itinago niya sa akin, at bakit hanggang ngayon ay ramdam ko ang bigat ng lihim na iyon?
Nagpalinga-linga ako sa paligid, sinusubukang huwag patagalin ang pakiramdam ng pagiging banyaga sa angkan ng pamilya ko. Doon ko napansin ang isang matandang nakatitig sa akin. Sa halip na malamig na tingin gaya ng karamihan, may kakaibang lambing sa mga mata niya. Napangiti ako, at nang ngumiti rin siya pabalik, biglang gumaan ang dibdib ko. Hindi ko iyon inasahan. Akala ko’y susungitan din niya ako.
Hindi ko na napigilan ang sarili kong tumayo. Hinayaan kong dalhin ako ng kutob na siya’y hindi kasingsama ng iba. Lumapit ako, at pagdating sa harap niya’y marahan akong naupo sa tabi. Sa tantiya ko, mas bata pa siya kaysa kay Madam Lavinia, ngunit halata pa rin ang bigat ng mga taon sa kaniyang mukha.
“Magandang gabi, Madam,” magalang kong bati.
“Magandang gabi rin, Señorita,” sagot niya, at sa tono ng tinig niya’y may bahid ng pagkilala, hindi lamang pakikipagbatian.
Napangiti ako. “Grabe naman po kayo sa señorita. Pero maaari po bang tumabi sa inyo? May mga katanungan lang akong nais ipabatid.”
“Umupo ka rito,” aniya, bahagyang itinuro ang bakanteng espasyo sa tabi niya.
“Salamat po.” Pagkaupo ko’y nilingon ko siya. “Kaanu-ano ninyo po ba ang pamilya Jimenez, Madam?”
“Kaibigan ko si Silvia,” maikli niyang sagot.
Napatango ako, pilit iniipon ang lakas ng loob. “Ganoon po ba? Ako ba’y kilala ninyo? Kasi po… pakiramdam ko, kilala ako ng karamihan dito. Ramdam ko iyon sa paraan ng pagtitig nila—may diin at may bigat.”
Sandaling tumitig siya sa akin bago ngumiti. “Kilala rin kita. Napakaganda mong bata. Manang-mana ka sa—”
Hindi na niya naituloy ang sasabihin.
“Binibining Mara,” biglang sumingit ang isang tinig na agad kong nakilala—si Aquilles.
Paglingon ko, inabutan niya ako ng basong may lamang alak. Tinanggap ko iyon bilang respeto.
“Magandang gabi, Lola. Pero maaari ko bang hiramin sandali ang magandang binibini sa iyong tabi?” sabi ni Aquilles.
“Ikaw ang bahala, Señorito. Pero kanino ka ngang anak? Alam ko’y apo ka ni Ate Lavinia,” sagot ng matanda.
Inabot ni Aquilles ang kamay niya at nagmano. “Anak po ako nina Miguelito at Josefina.”
“Tama pala. Pagpasensiyahan mo na ang matanda.”
“Walang anuman po. Hiramin ko muna ang kaibigan ko.” Paglingon niya sa akin, ngumiti siya. “Ipinasundo ka sa akin ni Aria. Doon daw tayo sa likuran ng mansion.”
“Sige po.” Nilingon ko ang matanda. “Mauna na po kami, Madam.”
Pagkatayo ko, agad hinawakan ni Aquilles ang bewang ko. Agad ko rin hinawakan ang kamay niya at ibinaba iyon. Pagtingin ko sa kaniya, napangiti lang siya na para bang nasanay na sa pagtanggi.
“Ako’y hindi mo madadaan sa alindog mo. Iba ako sa mga babaeng nakukuha mo nang ganoon kadali,” matatag kong paalala.
Napabuntonghininga siya, saka ngumiti. “Sabi ko na nga ba na iba ka. Kaya mas lalo akong nasasabik na makilala ka.”
“Kung may balak ka sa akin, mas mabuti pang magpaalam ka kay Papa Fernando,” mariin kong sagot. “Binabalaan niya ako tungkol sa iyo. Kilala ka niya bilang isang binatilyo.”
Napakamot siya sa ulo, bahagyang nahihiya. “Si Tito talaga… hindi ba niya naisip na puwede rin akong magbago?”
Napangiti ako. “Hindi mo siya masisisi. Siya ang tagapag-alaga ko. Ibinilin ako ni Mama sa kaniya, kaya iniingatan niya ako. Kahit pamangkin ka niya, kung iyon ang pagkakilala niya sa iyo, kailangan mong baguhin ang paniniwala niya.”
Tumingin siya nang diretso sa akin. “Kung tatanungin kita, maaari ba kitang ligawan?”
“Hindi ko alam.”
“Pero gusto mo ba ako?”
“Hindi,” mabilis pa sa kidlat na sagot ko.
Napatawa siya at marahang tinulak ako. “Pwede mo namang bagalan ang sagot para hindi masakit pakinggan.”
Napangiti ako at iniangat ang baso. “Baka matapon.”
“Inumin mo muna,” aniya.
Napatango ako at tinungga ang laman. Hindi ganoon kapait; madali lang lunukin. Nakainom na ako noon, kaya’t hindi na iyon bago sa akin, pero kailanman, hindi pa ako nalasing—tikim-tikim lang.
“Mara,” aniya.
“Ano po ang maipaglilingkod ko?” biro ko.
“Pwede ko bang malaman kung ano ang mga katangian na gusto mo sa isang lalaki?”
Napangiti ako. Ang unang pumasok sa isipan ko ay si Papa. Kung paano niya minahal si Mama nang buo, nang walang pakialam sa mundo.
“Katulad ni Papa Fernando,” sagot ko.
“Pwede mo bang sabihin isa-isa?”
“Kung anong ganda ng anyo niya, ganoon din ang kalooban niya. Hindi siya tumitingin sa estado. Kapag mahal niya, mahal niya. Kahit gaano karaming hahadlang, ipaglalaban niya nang buong tapang. Sana ganoong lalaki ang ibigay sa akin ng Diyos.”
“Ang hirap naman ng pamantayan mo. Si Tito pa talaga?” natatawa niyang sagot.
Napangiti ako. “Ipinangako ko sa sarili ko: kung sino ang iibigin ko, siya na sana hanggang dulo. Kaya hindi ko bababaan ang pamantayan ko.”
Tinitigan niya ako, bahagyang nakangisi. “Ayaw mo ba sa isang katulad ko? Magandang lalaki, matangkad, maganda ang katawan, at sariwa.”
Mahina akong natawa. “Lumaki akong kilala ka, Aquilles. Ilang babae na ba ang inuwi mo sa inyo? Sa tingin mo, madadaan mo ako sa panglabas na anyo? Gusto ko lang magpakatotoo: may takot ako sa lalaking katulad mo. Nabigo na si Mama noon, ayokong maranasan ang naranasan niya. Kung ikaw ang iibigin ko, hindi mawawala sa isip ko na baka bukas, ipagpalit mo na ako kapag nakuha mo ang gusto mo.”
Tahimik siyang napatingin sa akin, bago bumuntonghininga. “Naiintindihan ko kung iyon ang tingin mo. Pero paano kung ipakita kong seryoso ako? Na handa akong magbago, magsilbi sa iyo? Bibigyan mo ba ako ng pagkakataon?”
Napangiti ako. “Mas mabuti sigurong maging magkaibigan muna tayo. Sa ganoong paraan, mas makilala natin ang isa’t isa. Huwag muna ang ligaw na iyan. Baka bugso lang ng damdamin ang nararamdaman mo. Akala mo gusto mo ako, pero hindi pala.”
“Kung iyan ang gusto mo, naiintindihan ko. Kaibigan na ba tayo?”
Napatango ako. “Oo. Basta huwag mong sirain ang tiwala na ibinigay ko.”
“Kung ganoon, salamat. Pero alam mo, ikaw pa lang ang kauna-unahang babae na tumanggi sa akin.”
“Hindi ko rin sila masisisi kung bakit nahulog sila sa iyo. Hindi ko naman maitatanggi na napakaguwapo mong lalaki. Para kang isang diyos sa mito.”
“Salamat sa papuri,” aniya, may bahid ng ngiti sa tinig.
“Walang anuman. Totoo lang ang sinasabi ko.”
Pagdating namin sa kinaroroonan ni Aria, agad siyang napatayo mula sa upuan at sinalubong ako nang mahigpit na yakap, para bang matagal kaming hindi nagkita.
“Hindi ka ba pinag-initan ng angkan namin?” tanong niya, halatang may pag-aalala.
Umiling ako at bahagyang lumayo sa yakap niya. “Wala namang ganoon. Pero… may gumugulo sa isip ko.”
“Ano iyon, Ate?”
“Si Madam Silvia,” sagot ko. “Binanggit niya na alipin daw si Mama. Hindi ko tuloy maiwasang isipin… baka nga napaglingkuran ni Mama ang pamilya Jimenez noon.”
Natigilan si Aria, seryosong nakatitig sa akin. “Ngayon ko lang din narinig iyan. Pero para mapanatag ka, ako na mismo ang maghahanap ng kasagutan. Sa oras na may nalaman ako, ipapaabot ko agad sa iyo.”
“Sige. Pero tatanungin ko rin si Papa,” wika ko.
“Halika na, samahan kita sa mga pinsan ko.”
Nag-aatubili akong nagtanong, “Hindi ba sila galit sa akin?”
“Napagsabihan ko na sila. Huwag kang mag-alala, may ilan pa ring mabubuti roon—lalo na sina Kuya Danilo at Ate Carmela.”
Napabuntonghininga ako. “Mabuti naman.”
“Kainis din kasi si Tito Fernando,” dagdag ni Aria, may inis sa tono. “Hindi ko maintindihan kung bakit pinipilit ka niyang sumama rito kahit alam niyang hindi ka komportable.”
“Iyon nga rin ang iniisip ko. Simula’t sapul, dinadala na niya ako rito.”
“Kung ano man ang dahilan niya, sana lang maganda ang kahihinatnan.”
Napangiti ako kahit may bahid ng pangamba. “Hayaan na muna. Kahit may kirot tuwing naririto ako, nasanay na rin ako sa huli.”
Maya-maya, sunod-sunod nang iniaabot sa akin ang mga baso ng alak. Kahit nandidiri at naiilang na ako, napipilitan pa rin akong tanggapin at inumin, dahil nahihiya akong tumanggi. Tama si Aria—mabuti ang loob nina Danilo at Carmela. Pero ang ibang pinsan niya, malinaw na may masasamang ugali.
Napatayo ako mula sa kinauupuan ko. “Magpapaalam muna ako sandali. Kailangan ko lang magbanyo.”
“Kailangan mo ba ng makakasama, Ate?” tanong ni Aria.
Napangiti ako. “Salamat sa pag-aalala, pero hindi na. Alam ko naman kung saan iyon makikita.”
“Sige. Bumalik ka agad.”
Tumango ako. “Oo, sige.”
Paglayo ko, nakaramdam ako ng bahagyang pagkahilo. Napangiti na lang ako—malakas ang kutob kong tinamaan na ako ng espiritu ng alak. Pero tiyak kong kaya ko pang maglakad. Pagbalik ko, tatanggi na ako sa kahit anong alok. Hindi ko kayang malasing dito at baka makagawa pa ako ng eksena. Mahirap na—baka lalo lang silang magkaroon ng dahilan para magalit sa akin.
Napatawa ako sa sarili kong iniisip. Sigurado akong hindi nila ako mapapatawad kung mangyari iyon.
“M-Mara?” sambit ng isang boses—si Papa.
“Ako ba’y nakikita mo, Pa? Kasi ako, hindi kita makita. Nanlalabo na ang paningin ko,” sagot ko.
Nasa isang madilim na bahagi ako ng lakaran; malayo na ang mga poste ng mga ilaw.
“Nandito ako sa may halaman. Umiihi,” sagot ni Papa.
“Ah, ganoon po ba? Sige, dadaan muna ako sa banyo. Naiihi rin po ako.”
“Kailangan mo ba ng tulong? Lasing ka na ba?”
“Medyo may tama na, Pa, pero kaya ko pa. Sige po, ipagpatuloy mo na ang ginagawa mo riyan.”
“Sige. Hihintayin na lang kita rito.”
Tumango ako at naglakad papasok. Pagdating ko sa banyo, agad kong ibinuhos ang lahat. Ang gaan ng pakiramdam matapos noon—parang nakahinga ulit nang maluwag ang katawan ko.
Paglabas ko ng banyo, hindi ko mapigilang magulat nang bumungad sa harapan ko si Papa. Napangiti siya nang makita ang reaksiyon ko kaya napahawak na lang ako sa dibdib ko.
Marahan kong hinimas ang dibdib ko. “Ginulat mo naman ako, Pa.”
“Sa guwapo kong ito, nagulat ka?”
Napangiti ako. “Nakainom ka na rin siguro.”
Inamoy niya ang hininga niya gamit ang kamay niya. “Oo. Pero hindi pa ako lasing. Sanay na rin naman akong uminom. Mataas na rin ang tiyaga sa alak ko.”
“Mabuti.”
Napatango siya. “Tara na.”
Nauna siyang humakbang at sumunod lang ako sa kaniya. Pagdating niya sa madilim na bahagi ng lakaran, napansin kong bigla siyang huminto. Para bang may hinihintay.
Paglapit ko sa tabi niya, marahan niyang inilapat ang palad niya sa bewang ko. Mahigpit ang pagkakahawak niya, kaya hindi ko maiwasang maligaw ang isip ko kung ano na naman ang ibig sabihin nito.
“Mara,” basag niya sa katahimikan.
“Bakit, Pa? May mahalaga ka bang sasabihin?” tanong ko, pilit pinapakalma ang sarili.
“Napakaraming lihim ng ina mo sa iyo,” malamig niyang tugon. “Sana, sa oras na malaman mo ang lahat, hindi ka magagalit sa kanya. May dahilan siya kung bakit ginawa niya iyon.”
Nanlamig ang pakiramdam ko. Para bang may aninong gumapang sa likuran ko. Hindi ko alam kung bakit bigla niya itong binabanggit ngayon, at dito pa—sa dilim.
“Itinago niya rin sa akin ang lahat. Nalaman ko lang… sa huli,” dagdag pa niya, mababa ang tinig, tila may laman ang bawat salita.
Napatigil ako. Malakas ang kutob ko—parang alam ni Papa Fernando ang katotohanan tungkol sa pagkatao ko.
“Kilala mo ba kung sino talaga ang totoong—”
Hindi ko na natapos ang tanong. Bigla niyang hinagod ng hintuturo ang gilid ng dibdib ko. Nanigas ako sa kinatatayuan. Para akong naparalisa—hindi makagalaw at hindi makapagsalita. Pero higit sa lahat, ang mas nakakatakot… bakit hinayaan ko lang siya?
~~~