"Anong ginagawa mo Baste?" naguguluhang tanong ko.
Seryoso lang siya sa paghuhukay kaya ilang segundo ang lumipas bago niya ako sinagot, "May kukunin lang ako..."
Nang makita na ang hinahanap ay inangat niya ang isang maliit na treasure box. Napangiti kaming dalawa nang maalala kung paano kami tumakas noon para lang ilibing ang treasure box dito.
Pagbukas niya ay unang tumambad sa amin ang isang heart shaped locket na may pangalan niya 'INNO'.
Yan ang tawag sa kanya ng mga magulang niya pati na din ng ilang kasambahay. Sabi niya ay nakasanayan lang daw ng mga magulang niya na Inno ang itawag sa kaniya.
Natawa ako nang makita ko ang kwintas na ibinigay sa'kin ni Nanay noong bata pa ako. Meron itong Ruby pendant, sabi ni Nanay ay iniregalo ito sa kanya noong mag 18th birthday siya. Pareho kaming July ang birthday kaya naman ipinasa niya sa'kin ang kwintas na ito.
Pero itong mga kwintas na 'to ang simbolo ng musmos na mga pangako namin ni Baste sa isa't isa.
Napatingin kami sa isa't isa at natawa. Dinampot niya ang locket at pinagmasdan iyon. Hindi niya binuksan iyon at ang sabi niya ay sikreto ang laman niyon kaya naman hindi ko na rin pinakialaman.
"Alam mo naman na 'yung kwento nito di ba? Family locket ito, lahat kami mayroon pati mga kapatid ko. Pero nang maaksidente sina Mamay dala dala nila ang parehong locket ng mga kapatid ko dahil ipapabago nila 'yon... Paano ay buntis si Mamay noon sa'kin kaya gusto nilang ipacustomize ulit ang mga locket. Pero hindi na sila nakabalik dahil nanganganib ang buhay nila. Hindi nila nabalikan ang mga kapatid ko dahil baka mapahamak lang daw sila tulad nina Mamay," bumalatay sa mukha niya ang lungkot sa pagkaalala sa mga kapatid niya.
Labing-pitong taon na Jackie pero gabi gabi kung umiyak si Mamay. Nasasaktan akong nakikita siyang umiiyak kapag naaalala ang mga kapatid ko. Hindi kami makalapit dahil ang alam nila ay patay na sila Mamay..."
"Ha? Bakit naman nila naisip yon?"
"Dahil may inilibing silang katawan. Itinago kami nina Tito Gael para protektahan. Sila na din ang gumawa ng paraan para palabasin na patay na sina Mamay at Papay at para mahuli ang gumawa nito sa pamilya namin. Ilang taon na Jackie pero hanggang ngayon malaya pa din ang taong yon, at ngayon balak nilang saktan pati kapatid ko..."
Napasinghap ako, "P-paano mo nalaman?"
Humugot siya ng hangin sabay tingin sakin, "Basta Jackie... marami kaming mga mata at tenga sa siyudad."
"K-kung ganoon..."
"Kailangan ko nang kumilos Jackie..."
"Hoy anong kilos sinasabi mo diyan ang bata mo pa para kumilos at sugurin ang gumawa nito sainyo..."
"Hindi pa ngayon Jacklyn... Nakausap ko na sina Mamay at Papay at buo na ang desisyon ko."
"A-anong desisyon mo?"
"Mag-aaral ako sa ibang bansa. Magpapalakas, magpapakadalubhasa... para hindi na kami muling pahirapan ng mga walanghiyang yon! Malaki ang utang nila sa pamilya ko, buhay ang tinangka nilang kunin, kaya buhay rin ang kapalit."
Kinilabutan ako sa paraan ng pananalita niya, parang hindi siya yung Baste na palabiro at masayahin. Parang ibang tao siya...
Naramdaman niya siguro ang pagkatigil ko kaya naman tumikhim siya at bumalik na ulit sa dati ang mukha niya.
"S-sorry Jackie... I didn't mean to scare you nadala lang ako," tumawa siya pero ramdam ko ang tensyon mula sa kanya.
Huminga ako ng malalim at hinawakan ang kamay niya.
"Naiintindihan ko Baste, anong balak mo? Magkokolehiyo ka na..."
Kung magkokolehiyo siya, ibig sabihin ba ay aalis siya? Oh sa Baltimore pa rin siya mag-aaral?
Tumikhim siya kaya naputol ang pag-iisip ko.
"H-hindi ko pa alam kung saan ako mag-aaral. Pero ang sigurado ako ay ang kursong kukunin ko, itutuloy ko yung plano kong kumuha ng Medicine, kasabay ng pagti-training ko sa pakikipaglaban at paghawak ng baril."
"H-ha? Kaya mo bang pagsabayin iyon? At bakit kailangan mong gumamit ng baril? Hoy Baste nakakatakot yang mga iniisip mo!"
Pinitik niya ng marahan ang ilong ko at tumawa. "Wala ka bang tiwala sa'kin Diyaki?"
"Hoy Baste tigilan mo na pagtawag sakin ng Diyaki! Kanina tama na 'yung tawag mo sa'kin eh!"
"Bakit? Eh kesa naman sa bangus na 'yon na Amber tawag sa'yo. Ano nga ulit yung sabi niya, 'You are my only sun ray'? Baduy! Alam mo Jackie huwag kang magpapaniwala sa bangus na 'yon! Maraming magagandang babae sa Canada!"
"Alam mo kahit kelan panira ka Baste eh! Kaya mo ba 'ko dinala dito para takutin at asarin?" akmang tatayo ako nang hatakin niya ulit ako paupo.
"Ikaw naman Jackie di ka naman mabiro... Meron akong dahilan bakit kita sinama dito. Bukod sa para ipakita at ipaalala ko sayo yung pangako natin noon..." napayuko siya at nagkamot ng kilay.
"Gusto ko sanang kunin yung pagkakataon na 'to para... magtapat sa'yo," napanganga ako sa sinabi niya.
At sinabi niya talagang wag akong maniniwala kay Connor eh isa din siyang mangangako tapos aalis?
Hindi ako nakasagot kaya ipinagpatuloy niya lang ang pagsasalita.
"Matagal ko nang balak to Jackie pero kasi masyado pa tayong bata kaya palagi kong isinasantabi..." humugot siya ng malalim na hininga bago tumitig sa akin ang mga mata niya.
"Pero nung nakita at narinig ko si Connor na nagtatapat at nangangako sa'yo, parang gusto ko siyang saktan. Kasi nakita ko sa mga mata mo na papayag ka..." tumawa siya ng pagak at napailing-iling.
"At paano ka nakakasigurong papayag ako aber?" pinamewangan ko siya at binigyan ng matalim na tingin.
"Wag mong ikaila Jackie kilala kita. Nakita kong tatango ka na kaya nga ako sumingit eh," nakasimangot niyang tugon, titig na titig pa rin sa akin ang mga mata niya.
"Eh ano naman ngayon sayo kung papayag ako? Si Connor may isang salita yon, kita mo naalala niya yung pangako niya sakin noon?"
Napanganga siya sa sinabi ko, "Naalala ko din naman yung satin ah!"
"Parang hindi naman," bulong ko sabay ikot ng mata.
"Kapag lumaki na tayo at nakatapos ng pag-aaral, nagkaroon ng magandang trabaho, magkita tayo ulit... Pangako ikaw at ako lang sa dulo, tayo ang magpapakasal... Tama ba ako Jack?"
Napatulala ako sa kanya habang awang ang bibig, ang talipandas na 'to!
Naaalala niya pala pero kung i-bully ako daig ko pa yung humahabol sa kanya na mga anak ng mga trabahador dito!
"Alam ko yang tingin mong yan! Bata pa kasi tayo Jackie... Gustuhin ko mang maging akin ka ngayon hindi pa puwede, baka kalbuhin ako ni Aling Jemma," ngumiti siya pagkabanggit kay Nanay at napatingin sa mga kwintas.
"Oh eh bakit nilabas mo na 'to?"
"Aalis ako Jackie remember? Gusto kong ibigay sa'yo itong kwintas na 'to para maalala mo yung pangako ko sa'yong hihintayin kong dumating ang tamang panahon para sa'ting dalawa. Ilang taon na lang din naman kaya makakapagtiis pa ako. Basta ipangako mo sa'kin, na kahit anong mangyari hihintayin mo ako..." hinawakan niya ng mahigpit ang kamay ko at muling tumitig sa akin.
"Paano-" singit ko pero hindi nanaman ako pinatapos magsalita.
"Wag na maraming tanong Jacklyn, kahit anong mangyari babalik ako, babalikan kita. Kahit saan ka magpunta Jackie mahahanap kita. Hindi man ako kasing yaman ng Connor na yon, pero mahahanap kita basta dala dala mo ito."
Inalis niya ang kwintas na bigay ni Connor at inilagay sa kamay ko, "Oh! Wag kong makikitang suot mo yan Jacklyn!"
Isinuot niya sakin ang kwintas na may locket, bubuksan ko sana nang pigilan niya ako.
"Wag mo munang bubuksan, may tamang panahon para buksan mo yan," binigyan niya ako ngayon ng million dollar niyang ngiti, yung ngiting magpapalambot ng tuhod kahit pa matandang uugod-ugod na.
Ganoon ang epekto ni Sevazte sa mga kababaihan dito sa San Antonio.
Sa harap ng locket ay nakasulat ang 'Inno', pero sa likod ay nakasulat ang mga katagang, 'Yna' at 'Sese'.
Yna? Sese? Sino sila? Sila ba ang mga kapatid ni Baste? Sana naman makapagkita-kita na sila at maging masaya na ang pamilya nila. Nakakaawa na din si Tita Penny na palaging malungkot at madalas kong makitang nakatanaw sa malayo.
°°°°°
Sa halos dalawang buwan ay araw araw kaming magkasama ni Baste. Paano ay araw araw akong sinusundo sa bahay namin para ayain na mangabayo, magtanim, mamitas ng kung anu-ano at umakyat sa burol.
Gusto niya lang daw sulitin ang mga araw na makakasama niya ako bago magpasukan, bago siya umalis.
Sa bawat araw na lumilipas ay bigat sa damdamin ang nararamdaman ko, dahil sa bawat araw na nalalagas ay palapit din ng palapit ang araw ng pag-alis niya.
Hindi ko mapigilang malungkot dahil lalo siyang napalapit sa puso ko. Ang sabi niya sakin ay palagi siyang magpapadala ng sulat. Ang korny din ng isang ito eh. May laptop at selpon naman na ngayon at internet kaya pwede kaming magtawagan, ang gusto eh susulat pa.
Ang dahilan niya, gusto niyang makita ko ang effort niya.
Hindi niya pa din sinasabi sakin kung saan siya mag-aaral pero pakiramdam ko ay sa Maynila lang siya. Oh di ba kita mo ilang oras lang ang biyahe pa-Maynila pero ang gusto eh susulat pa.
Ang taong ito di natigil sa pagpapakilig sakin. 'So kinikilig ka? Umamin ka din Jackie...' At kelan pa natutong mang-asar ang isip?
Bukas na ang simula ng klase ko sa private school sa bayan, inilipat ako ng eskwelahan ni Nanay na una ay kinaaayawan ko talaga ngunit mapilit ang Nanay kaya naman pumayag na ako.
Ang klase ni Baste ay sa Setyembre pa daw magsisimula kaya daw may oras pa siya para ihatid at sunduin ako.
Inaalaska na nga kami ng mga trabahante ng mga amo namin, pati mga kasambahay ay inaasar kami. Ultimo mga magulang ni Baste ay parang masaya kapag nakikitang magkasama kami. Nagugulumihanan ako dahil wala naman kaming relasyon, wala pa...