Ngayon na ang alis nina Nanay patungong Germany. Inaayos niya na lang ang maleta niya sa kwarto nila.
Pagpasok ko sa loob ay nakabihis na siya at nakaupo sa kama habang inaayos ang isang kahon.
"Nay..." hindi ko napigilan ang pagbasag ng boses ko dahil malalayo sakin ang Nanay ko.
Lumingon siya sakin at ngumiti. "Halika dito anak may ipapakita ako sayo..." tinapik niya ang katabing pwesto at sinipat ang laman ng kahon na binubutbot niya.
May inilabas siyang isang litrato, yung babae ay siya noong dalaga pa, yung lalaki ay mukhang porener na nakaakbay kay Nanay.
"Siya si Joe anak..." pabulong niyang sabi, tinignan ko siya at nakitang may pumatak na luha sa mga mata niya. Ngayon niya lang ipinakita sa'kin ang itsura ng ama ko. Tinitigan ko itong mabuti.
Maputi, abuhin ang kulay ng mata, matangos ang ilong, may cleft chin at may tattoo ng dragon sa kaliwang braso.
"B-bakit niyo pa po ipinakita sa'kin Nay? Hindi ako interesadong makita ang taong umabandona sa'tin," inalis ko ang mga mata ko sa litrato at tumingin sa malayo.
"Anak sana mahanap mo sa puso mo ang kapatawaran para sa Tatay mo. Kasalanan ko din naman kung bakit siya biglang umalis noon. Kung hindi ako nagpatangay sa kanya noong gabing nalasing siya baka-"
"Baka ano Nay? Baka wala ako dito ngayon? A-ayaw mo ba sa'kin noong una Nay?" di ko mapigilang masaktan sa daang tatahakin ng usapan namin.
"Hindi anak, hindi ganon ang ibig kong sabihin. Tignan mo nga at napakaganda mo? Kung hindi nangyari yun eh di sana wala akong magandang anak na nagpapasaya sa akin? Ang sa akin lang, kung hindi ko siguro sinabi sa kanya na buntis ako, eh di sana hindi siya agad umalis..." dumaan ang kakaibang lungkot sa mga mata ni Nanay.
"Nay ano ba yang pinagsasabi mo? Dapat niya lang malaman na may nabuo sa mga nangyari sa inyo! Dapat 'di siya naging duwag at hinarap ang responsibilidad niya sa inyo!" wika ko na halos magpakulo ng dugo ko.
Ang kapal ng mukha ng lalaking iyon, pagkatapos niyang kunin ang iniingatan ng Nanay ay iiwan niya lang ng ganon?
"Anak bata pa kami noon, disi otso lang ako, bente-kuwatro lang siya noon at hindi pa ganon ka-establish ang negosyo ng pamilya nila. Naintindihan ko naman siya anak-"
"Naintindihan niyo siya pero siya ba inintindi niya kayo? Hindi niya ba inisip na may isang bata na lalaking walang ama dahil lang sa wala siyang buto para akuin ang responsibilidad? Ang lakas ng loob niyang kunin ang kabataan niyo pero ang hina niya para takbuhan ang anak niya! Nay naman, tama nang nasaktan tayo. Wala akong pakialam sa taong yan katulad ng wala siyang pakialam sa'tin," lalong lumungkot ang mukha ni Nanay at namalisbis ang luha sa mukha niya.
Mas lalo akong nainis dahil kahit hindi niya sabihin, ramdam kong mahal niya pa rin ang lalaking iyon.
Huminga ako ng malalim at nagpatuloy sa pagsasalita, "Itaga mo sa bato Nay, kahit kailan hindi tayo hihingi ng tulong sa kanya. At kahit kailan hindi natin siya hahanapin! Masaya tayo ng tayo lang Nay..." yun lang at niyakap ko si Nanay na umiiyak pa rin.
Nang maghiwalay kami ay isinilid niya ang mga hawak na litrato at mga liham nila ng aking ama sa kahon at itinago sa cabinet niya.
"Sige anak susundin kita, kung sabagay tayong dalawa lang naman mula noon, kasama ang mga Lolo mo at si Lena. Hanggang sa huli tayo pa rin ang magkakasangga..." niyakap ako ni Nanay ng mahigpit at muli ay napaiyak ako.
"Nay mamimiss kita... Una si Lena, ngayon naman ikaw. Paano ako? Paano kami nina Lola?" di ko napigilang maiyak dahil ngayon lang malalayo ng matagal ang Nanay ko.
Kahit madalas siya noon sa mansiyon ng pamilya Adler sa Maynila ay nakakauwi pa rin naman siya kahit isang beses isang linggo, pero ngayon ay iba na dahil kahit yata lumuha ako ng dugo hindi siya uuwi ng isang beses isang linggo sa layo ng pupuntahan niya.
Pinalis ni Nanay ang mga luha ko at inipit sa tainga ko ang buhok kong parang walis na sa gulo, "Anak nandiyan naman si Baste pati na sila Tita Penny mo. Nandiyan din ang Lolo at Lola mo pati na ibang mga kasambahay na kasama mong lumaki. Hindi ka nila pababayaan Jacklyn..."
Sumama ang timpla ng mukha ko nang banggitin ang pangalan ni Baste.
"Nako Nay kung sina Tita Penny ay naniniwala pa'ko, pero si Baste? Hindi ako nagtitiwala sa isang iyon!"
"At bakit naman? Aba'y kaytagal niyo nang magkasama ah, bakit anak? May nagugustuhan ka na bang iba? Si Connor ba?" nananantiyang tanong ni Nanay na nagpabilog sa malalaking mata ko.
"Nay ano ka ba naman? Aalis ka na lang eh inaasar mo pa ko, atsaka bakit nadamay si Connor dito?" nakalabi kong tanong na tinawanan ni Nanay.
Inginuso niya ang kwintas ko, napahawak naman ako sa kwintas na bigay ni Connor at muli ay napangiti.
"Kita mo ang ngiti mo? Anak kinse ka pa lang, marami ka pang makikilala at makakasalamuha. Akala mo hindi ko alam yang mga pangako niyo sa isa't isa?" kunot-noo niyang wika na kababakasan ng pang-aasar pero nandun pa rin ang pag-aalala para sa akin.
Nanlaki ang mga mata ko nang mapatingin kay Nanay.
Binigyan niya lang ako ng ngiti at hinagod ang buhok ko...
"Kamukhang-kamukha ka ng Tatay mo anak. Kung nakikita ka lang sana niya ngayon..." umasim nanaman ang mukha ko sa sinabi niya.
"Wag niyong sirain ang araw Nay sa pagbanggit sa taong yon. Tara na Nay at baka hinihintay ka na nina Mam Bea," pag-iiba ko ng usapan at isinara na ang zipper ng maleta niya.
"Basta anak mag-aaral ka ng mabuti ha? Wag ka munang magboboypren! Alagaan mo ang Lolo at Lola mo naiintindihan mo?"
"Opo Nay..." niyakap niya akong muli at hinalikan sa ulo.
"Mahal na mahal kita anak, ikaw ang PINAKAMAGANDANG nangyari sa buhay ko. Nagsisi man ako dahil maling lalaki ang inibig ko, pero hinding-hindi ko pagsisisihan na ikaw ang naging anak ko..."
"Nay naman pinapaiyak niyo nanaman ako eh!" ani ko na nagpapadyak pa habang umiiyak.
"Wag ka nang umiyak, hindi mo masasabi, malay mo sumunod ka sa'kin sa Germany," ngumiti si Nanay sabay kindat.
Treinta y tres pa lang ang Nanay ko kaya naman ang ganda niya noong dalaga ay mas lalong tumingkad kahit nadadagdagan ang edad niya, ang hiling ko lang para kay Nanay ay makatagpo siya ng lalaking magmamahal sa kanya. Hindi pa naman huli ang lahat dahil bata pa siya.
"Nay... bigyan niyo ako ng kapatid na German ah!"
"Tumigil ka ngang bata ka! Aba'y itsura kong 'to hahanap pa ng German na bubuntis sa'kin? Nako Jacklyn tigilan mo ako!" sikmat niya sa akin pero sa huli ay nagtawanan lang kami.
Naglalakad na kami palabas habang nag-aasaran pa rin.
"Eh Nay ang ganda ganda niyo po kaya, atsaka 33 pa lang kayo kaya pwedeng-pwede ka pang mag-asawa Nay! Hindi ako magagalit sa inyo kahit mag-asawa at mag-anak pa kayo. Kasi gusto kitang maging masaya," tingala ko sa kanya, may katangkaran ang Nanay ko na mukhang namana ko sa kanila ng 'tatay' ko.
"Ang batang ito talaga, masaya naman ako Jackie kasi nandyan ka... Eh kung may dadating eh di okay, kung wala eh di okay lang din. Di ko naman na talaga kailangan, ikaw lang anak sapat na sa akin," hinalikan niya akong muli sa noo.
Nagtatawanan kami nang biglang lumitaw si Baste, tinaasan ko siya ng kilay at hindi pinansin. Mula nang magtalo kami sa gubat ay hindi ko na siya pinansin.
"Aling Jemma mag-iingat ho kayo sa biyahe. Eto ho pinapa-abot nina Mamay. Pasensya na raw po at may inaasikaso pa sila sa Talavera kaya hindi pa sila nakakabalik at hindi makapagpaalam sa inyo..." may iniabot itong kahon kay Nanay bago kumamot sa ulo niya na lalong nagbigay dito ng 'Boy Next Door' feels. Pero tse! Bwisit pa rin siya!
Inabot ni Nanay ang kahon at ngumiti kay Baste, ako namang chismosa ay gustong malaman kung ano yung inabot ng talipandas na ito.
"Pakisabi sa Mamay at Papay mo Baste maraming salamat. Kayo na ang bahala dito kay Jackie pati na kina Nanay at Tatay ha? Ihahabilin ko sa'yo itong anak ko..."
"Nako Nay kahit hindi na kaya ko naman ang sarili- aray naman Nay!" kinurot ni Nanay ang tagiliran ko kaya di ko natapos ang sasabihin ko.
"Pagpasensyahan mo na itong anak ko at medyo wala sa mood. Basta alagaan mo ito Baste ah... Alam kong hindi mapapahamak at masasaktan ang anak ko sa'yo..." ani ni Nanay na lumapit kay Baste at niyakap ito.
Ano bang pinagsasabi nito ni Nanay para naman niya akong binebenta dito sa lalaking ito.
Nakatingin sakin ang abuhing mata ni Baste, may lungkot sa mga mata niya. Oh ano naman kayang drama ng isang 'to?
"Tara na at baka ako na lang ang hinihintay," lumakad na kami ni Nanay papasok sa mansyon pero hindi na sumunod si Baste dahil pinanlakihan ko siya ng mata, mabuti naman at may takot siya sakin.
Lumingon ako sa kanya at nahuli ko ang pagpatak ng luha sa mga mata niya. Bakit naman umiiyak ang isang iyon? Anak ba siya ni Nanay para maki-iyak?
"Amber!" sigaw ni Connor at niyakap ako pagkakita niya sa akin.
Ako naman itong gulat na gulat kaya hindi ako naka-alis agad sa yakap niya.
"I'll miss you Amber... Promise me you'll wait for me as I'll wait for you too..." sa tangkad niya ay halos kuba siyang nakayakap sa'kin habang binubulong ang mga katagang iyon.
Nang ilayo niya ako sa kanya ay may malawak siyang ngiti na parang nagpapataba ng puso ko.
Hindi ako tumango pero ngumiti ako sa kanya.
Yumakap sakin si Mam Beatrix, "Mag-aaral ka ng mabuti ha Jackie? Wag kang mag-alala sa Nanay mo, ihahanap namin siya ng love life ron!" ngiti sabay kindat ni Mam Beatrix na nagpatawa sa aming lahat at ikinapula naman ni Nanay.
"Naku Mam si Jackie lang po eh sapat na sa'kin..." nahihiyang tugon ni Nanay sa mga pang-aasar sa kanya.
"Ay nako Jemmalee bata ka pa! Sayang naman yang matres mo kung hindi mo bibigyan ng kapatid itong si Jackie! Kawawa naman ang apo ko mag-isa lang," ngumuso pa si Lola na dahilan ng paghagikgik namin ni
"Inay! Nakakahiya..." napatakip ng tenga si Nanay at kita na rin ang pamumula ng mukha niya sa kahihiyan.
Tumawa kaming lahat dahil sa kaprangkahan ni Lola. Nagyakapan na ang lahat at sumakay na sila sa sasakyan.
Si Atasha ang nahuli, "See you soon Jackie! Medyo nalilito ako ngayon kung kanino kita ishi-ship pero eto ang sigurado ako, baka isang taon mula ngayon, susunod ka sa Germany," pagkasabi niyon ay tumakbo na siya sa sasakyan at kumaway habang natatawa.
Ako naman ay naiwang nakatulala habang pinapanood ang paglayo ng sasakyan nila. Kasabay nila patungong airport ang magkapatid na Connor at Cole.
Ito talagang si Atasha kung anu-anong pinagsasabi. Kinabahan naman ako sa uri ng ngiti niya kanina, manghuhula na ba siya at nakikita ang hinahanarap? Bakit siguradong-sigurado siya na susunod ako ng Germany? Halos magkapareho sila ng sinabi ni Nanay.
Ipinilig ko na lang ang ulo ko at tumungo na sa daan papunta sa bahay namin. Malayo pa ako ay nakita ko na si Baste na nakaupo sa hagdang bato sa mismong harap namin.
"Jacklyn!" nagliwanag ang mukha niya pagkakita sa'kin at tumayo, nagpagpag muna siya ng shorts at kamay bago lumapit sa'kin.
"Pwede ba kitang makausap?"
"Nag-uusap na tayo Baste," patamad kong sagot bago siya bumuntong hininga.
"Tara dun tayo sa talon... May gusto lang akong sabihin," mailap ang mga mata niya.
Nagtaka naman ako sa biglaang pag-aaya niya sa akin, "Bakit kailangan sa talon pa? Bakit hindi na lang dito? Lalayo pa tayo," nakataas-kilay kong sagot.
Hindi ko pa rin siya napapatawad sa pagsigaw niya sa'min ni Connor noong nakaraang linggo doon din sa talon.
"Please? Baka kasi ito na yung huling pagkakataon ko para sabihin sa'yo ito eh..." mahina niyang tugon pero rinig na rinig ko kaya kagyat akong napabaling sa kanya.
"Anong pinagsasabi mong huli diyan? Kung nagpapaawa ka para samahan kita puwes-"
"Jacklyn please gusto lang kitang makasama..."
Nabanaag ko ang lungkot at sakit sa mga mata niya.
Para namang hinahalukay ang puso ko dahil sa nakikitang lungkot na nakabalatay sa mukha niya.
Huminga ako ng malalim at hinawakan siya sa kamay, "Tara na baka abutin pa tayo ng dilim sa gubat..."
Hatak ko siya at tinalunton na namin ang daan patungo sa talon. Nang makarating kami doon ay nilagpasan namin ang talon at dumiretso sa likod nito.
Dahil private property ito ng mga Adler ay kakaunti lang ang nakakaalam ng kwebang ito.
Pagdating sa loob ay binuksan ni Baste ang sulo na nakaantabay sa gilid na pader at lumakad papasok sa loob. Alam na alam ko rin ito dahil madalas kaming tumungo rito noon.
Nang makarating sa looban ay umupo si Baste at itinayo ang sulo sa hawakan. May binungkal siya sa ilalim ng lupa.
'Oh bakit niya binubungkal yung nilibing dito?'