Chapter 18
Raven’s Pov
“Raven.”
Isang salita lang, pero sapat para patigilin ang mundo ko.
Tumigil ako sa paglalakad, dahan-dahan akong lumingon.
Nakatayo si Papa sa tabi ng kanyang sasakyan, naka itim na amerikana kahit mainit ang araw.
Kalmado siya, gaya ng dati. Pero kilala ko siya ang bawat tikwas ng labi niya ay may ibig sabihin.
Ang bawat tingin niya ay parang paninimbang kung dapat ba akong paniwalaan o parusahan.
“Anong ginagawa mo dito sa Costa Fuego?”
Tahimik pero mabigat ang tanong niya.
Saglit akong tumingin sa dagat bago ako sumagot.
“Gusto ko lang ng tahimik, Pa. Gusto ko lang lumayo sa lahat.”
“Lumayo? Sa lahat, o sa amin?”
Hindi ko agad nasagot.
Sa totoo lang, pareho.
“Hindi ka ba nagbalak bumalik sa Maynila? Hindi ka ba naalala ng negosyo? Ng pamilya mo?”
Patuloy niyang tanong habang palapit ng palapit.
“Mahigit isang taon kang hindi nagpakita, Raven. Walang tawag, walang mensahe. Akala ko, kinuha ka na ng dagat dito.”
“Hindi ko kailangan magpaalam sa lahat ng oras, Papa,” sagot ko, marahang pero may bigat. “Hindi ako bata.”
Ngumiti siya, pero malamig.
“Hindi ka bata, pero umaasal ka pa rin na parang isa.”
Tumalikod ako, pinili kong hindi siya tingnan. Alam kong kapag nagtagpo ang mga mata namin, matutunaw lang ang tapang ko.
Kilala ko si Papa hindi kailanman siya nakukuntento sa sagot na “maayos lang ako.”
Lagi siyang naghahanap ng dahilan, ng kontrol, ng paliwanag.
“Sino kasama mo rito?”
Ayun na.
Ang tanong na kanina ko pa iniiwasan.
Huminga ako nang malalim.
“Wala akong kasama.”
“Wala?” ulit niya, napataas ang kilay. “Walang kasama, o ayaw mong sabihin?”
Tahimik ako.
“Hindi mo naman kailangang magtago, anak. May nagsabi sa akin, may babae raw na madalas mong kasama rito.”
Sa loob-loob ko, napamura ako sa isip. Si Cassandra.
Walang iba.
“Hindi mo kailangang makialam sa buhay ko, Papa.”
“Kapag ang buhay mo ay may kinalaman sa pangalan nating Villanueva may karapatan akong makialam.”
“Sa inyo lang papa hindi sa akin dahil dinadala kong apelyido ay kay mama. Kaya wag kayong makialam kung sino kasama ko po.”sagot ko sa kanya.
“May karapatan pa rin akong malaman dahil ama mo ako Raven.” Wika niya sa akin.
Tinitigan niya ako nang matagal, gaya ng dati yung tingin na parang binabasa ang kaluluwa mo.
“Sino siya, Raven?”
“Isang tao lang na kailangan ng tulong.”
“Tulong?” ngumiti siya, pero puno ng panunumbat. “O isa na namang babae na gagamitin mo para takasan ang sarili mong anino?”
Doon ako napalakas ng boses.
“Hindi siya gano’n, Papa!”
Tahimik.
Ang echo ng sigaw ko ay tumama sa mga pader ng bundok sa paligid ng baybayin.
Si Papa, nanatiling kalmado. Pero sa ilalim ng malamig na ekspresyon niya, alam kong nagliyab ang galit.
“Kung ganon, bakit ka nandito, Papa?” tanong ko, sinusubukang ibalik ang bigat ng tingin niya.
“Hindi mo naman ako hinahanap noon. Hindi ka pumupunta dito kahit alam mong dito ako madalas magpunta.”
Ngumiti siya nang pilit.
“Hindi ako pumunta rito para sa’yo, Raven.”
“Para kanino, kung ganon?”
“Hinahanap namin si Luna.”
Para akong nabingi sa sinabi niya.
Ang pangalan na iyon ang pangalan ng babaeng nasa tabi ko halos araw-araw bigla kong narinig mula sa bibig ng taong kinatatakutan ko.
“Bakit si Luna?” tanong ko, pinilit kong huwag magpakita ng pagkagulat.
“Dahil siya ang dahilan kung bakit halos mabuwag ang kasunduan namin ni Don Ramon.”
“Siya ang dahilan kung bakit nag-aalangan ang pamilya nila na ipagpatuloy ang negosyong pinag-usapan namin. Nawawala siya, at ang pamilya niya’y nababalisa.”
Lumingon ako sa dagat.
Naramdaman kong biglang bumigat ang hangin sa paligid.
“At sa palagay mo, nandito siya?” tanong ko, mahinahon.
“Ayon sa mga impormasyon ng tao ko, may babaeng tumutugma sa kanyang deskripsyon na naninirahan sa tabing-dagat.”
Napakapit ako sa railing ng veranda kung saan kami nag-uusap.
Ang bawat salita ni Papa ay parang mga suntok sa dibdib.
Kung malaman niyang si Luna nga ang tinutukoy niya… ano’ng gagawin niya?
Hindi ako sumagot.
Tahimik lang akong nakatingin sa malayo habang siya ay patuloy sa pagsasalita.
“Hindi ko alam kung anong kinalaman mo rito, Raven. Pero kung meron man makabubuting layuan mo na ang babae. Hindi siya para sa’yo.”
“At sino ang makapagsasabi niyan, Papa? Ikaw?”
Ngumiti siya ng malamig.
“Ako, at ang realidad. Hindi mo alam kung sino ang mga taong nilalapitan mo. Hindi mo alam kung anong klaseng panganib ang dala ng mga taong galing sa kabilang pamilya.”
Hindi ko na kinaya.
“Hindi lahat ng tao sinusukat sa apelyido, Papa!”
“Sa mundong ginagalawan natin, oo!”
Sabay hampas niya ng kamay sa mesa.
“Kapag may koneksyon sa pangalan ng Villanueva, lahat may presyo. Lahat may kapalit. At lahat ng desisyon mo ay hindi lang para sa sarili mo, kundi para sa buong pamilya natin.”
Tahimik akong tumingin sa kanya.
Nakikita ko ang taong minsan kong hinangaan, pero ngayon, hindi ko na kilala.
“Hindi ko na alam kung pamilya pa ba ‘to o negosyo,” sabi ko mahina.
Ngumiti siya nang mapait.
“Pareho lang ‘yan, anak.”
Pag-alis ni Papa sa resort kung saan kami nagkita, matagal akong nakatulala.
Pinanood ko siyang sumakay sa sasakyan, bitbit ang mga tanong na ayaw kong sagutin.
Hindi niya alam si Luna, ang hinahanap niya, ay nasa bahay ko lang.
At ako, ang anak niyang tinatawag niyang pasaway, ay ang tanging tagapagtanggol ng babaeng iyon laban sa kanya.
Pag-uwi ko, nadatnan kong si Luna ay tahimik lang sa veranda, nakatanaw sa dagat.
Nang marinig niya ang yapak ko, napalingon siya, kita ko agad ang kaba sa mga mata niya.
“Si Papa nandito,” sabi ko.
Napatigil siya, nanginginig ang labi.
“Ano’ng sinabi niya?”
“Hinahanap ka nila, Luna.”
Tahimik siya.
Tumingin sa malayo, hawak ang braso niya na parang nilalamig.
“Alam ko darating ang araw na ‘to,” mahina niyang sabi. “Hindi habambuhay matatago ang isang kasinungalingan.”
Lumapit ako, marahan kong hinawakan ang kamay niya.
“Hindi ko ipapaalam na nandito ka. Kahit ano pa mangyari, protektado ka hangga’t ako ang kasama mo.”
“Raven, hindi mo alam kung ano ang pinapasok mo,” sagot niya, halos paos. “Hindi mo kilala nang buo ang ama mo. At kapag nalaman niya ang lahat, hindi lang ako ang mawawala pati ikaw.”
Tumitig ako sa kanya, ramdam ang bigat ng sinabi niya.
“Kung anuman ‘yung totoo, Luna, handa akong harapin ‘yon. Basta huwag mo lang akong iiwan.”
Tahimik siya.
Pero sa likod ng kanyang mga mata, nakita ko ang takot at isang lihim na parang matagal na niyang gustong ilantad, pero pinipigilan pa rin.
Kinagabihan, habang nakaupo ako sa terrace, tumunog ang cellphone ko.
Isang mensahe mula kay Cassandra.
“Raven, alam ko na ang totoo. Nandyan siya, ‘di ba?”
Kinabahan ako.
Hindi ko alam kung paano niya nalaman, pero isang bagay ang sigurado.
May paparating na unos.
At sa pagkakataong ito, hindi lang dagat ng Costa Fuego ang mag-aalimpuyo,
kundi pati ang mga pusong pilit naming pinoprotektahan sa dilim ng mga lihim.
“Alam ko si Cassandra nagbigay ng impormasyon nito Luna na nandito ako at may kasamang babae. Humanda talaga siya sa akin pag nakita ko siya.” Galit kong sabi.
“Pero kahapon natatakot talaga ako ng pumasok siya sa kubo nanginginig talaga ako sa takot Raven akala ko kakaladkarin na naman niya ako.” Balisa niyang sabi sa akin.
“Huwag kang mag alala Luna dito ka lang sa tabi ko hindi ka niya papakialaman hanggang nandito ka sa akin. Hindi niya alam ikaw kasama ko Luna.” Wika ko sa kanya.
“Salamat Raven.” Sagot niya sa akin.
“Hindi kita pababayaan Luna kahit anong mangyari kahit ama ko pa babanggain ko para sayo.” Wik ko sa kanya.
“Raven ama mo pa rin siya. Huwag mong isugal para sa akin. Mapapahamak ka lang Raven. Ako yung natatakot para sayo.” Wika ni Luna sa akin.
“Muntik ko ng masuntok kanina kung di lang ako nagpigil dahil pinipilit niya akong bumalik sa Maynila sa negosyo daw.” Sabi ko kay Luna.
“Ano buti walang nangyari sayo Raven.” Wika niya sa akin.
“Pinipilit niya lumalatay daw ang dugo ko sa pagnenegosyo. Sabi ko wala akong pakialam sa negosyo ninyo dahil hindi ako Villanueva.” Sabi ko kay Luna.
“Pinapabalik ka na ng Maynila ng papa mo?” Tanong niya sa akin.
“Oo para tumulong daw sa negosyo. Pero tinanggihan ko gusto nilang mangyari ayokong makialam sa negosyo nila Luna.” Wika ko sa kanya.
“Pano pag pinilit ka bumalik?” Tanong niya sa akin.
“Hindi ako sasama gusto kong mapayapang buhay Luna kasama ka.” Wika ko sa kanya.
Napatingin siya sa sa akin na maluha.
“Oh wag ka ng umiyak Luna mahal kita. Wala akong pakialam sa gusto nila.” Sabi ko sa kanya.
“Bakit pa kasi ngayon lang kita nakilala Raven. Sana ikaw na lang pinagkasundo sa akin na magpaksal.” Iyak niyang sabi sa akin.
“Pwede naman yun Luna. Hintay ka lang papakasal tayo.” Wika ko sa kanya