“ANTIPATIKO! Hmp!” Inis na tinungo na ni Amor ang kaniyang silid. Bumaba siya para kumuha ng gatas pero pagtapat sa pinto ng silid na inookupa ng antipatikong lalaki ay bigla na lang iyon bumukas. Nagulat siya nang tanungin nito kung siya daw ang sumisipol rito at natural na naasar siya. Ang kapal din naman ng mukha ng lalaking iyon. Pagkatapos pasukin ang silid ni Luna ay pagbibintangan pa siyang sumisipol? The nerve!
‘Bakit naman kasi ayaw mo pang magpakita sa’kin, Luna! We need to go back to Manila now!’
Hawak ang medalyon ay humarap siya sa salamin. Wala. Wala pa rin si Luna.
Noon bumukas ang pinto ng silid at bumungad si Nana Pacita.
“Hinahanap mo raw ako, sabi ni Lester, anak? May kailangan ka ba?”
“Nanang!” Tumayo siya at tumakbong palapit rito saka yumakap. “Nang, huwag ka na pong magtampo sa’kin, please…sorry na. Sobrang busy lang talaga kaya hindi ako napapasyal dito.”
“Pasyal? Bahay mo ‘to, Maria Amor! Hindi ito basta pasyalan,” anang matanda na nangingilid ang luha.
“Opo, alam ko. Sorry na talaga. Ang mahalaga ay nandito na ‘ko at dito ako magsi-celebrate ng birthday.”
Napangiti naman ang matanda. Inalalayan niya itong maupo sa kaniyang kama at saka sila saglit na nagkuwentuhan.
“Noong sinabi mo sa akin na paupahan ko ang silid mo, naisip ko na noon na matatagalan ka bago umuwi. Pero ginagamot ko ang sarili kong tampo. Inisip kong plano mo lang na dito sa silid ni Luna tumigil sa tuwing uuwi ka. Pero walong buwan na buhat nang huli kang umuwi. Sobrang nag-aalala na ko sa’yong bata ka!”
Yumakap siya ulit sa matanda. Nabagbag ang loob niya sa sinabi nito. Si Nana Pacita na ang tumayo niyang ina buhat nang mawala ang kaniyang mga magulang. Bakit nga ba niya nagagawang balewalain ito? “Sorry po talaga, ‘Nang. Hayaan niyo, pangako, every other month ay uuwi na po ako. Pangako ‘yan.”
“Sigurado ka, anak? Kung ganoon ay ibakante na ulit natin ang kuwarto mo. Masyadong nawiwili si Jerry sa pagpapapunta ng guest dito. Hayan at okupado na naman ang silid mo.”
Umiling siya habang napapangiti. “Ayos lang po ‘yan. Okay naman ako dito sa kuwarto ni Luna,” aniya. “Siya nga pala, Nanang, sino ‘yung lalaking antipatiko diyan sa room ko?” Inginuso niya ang connecting door.
Si Miguel ‘yan, taga-Maynila, kaibigan ni Jerry.”
“Jerry who?”
“Suki na natin ‘yan dito. Mababait naman at mga guwapong bata. ‘Yung Miguel, mukhang bagay sa’yo, anak.”
“Nanang talaga!”
“Aba’y bakit? Ganyan ang mga tipo mo, hindi ba. Kaporma nung kapitbahay nating crush mo noong araw eh.”
“Nanang!”
“Ano? Eh talaga naman. Matangkad, guwapo at hindi masyadong maputi. Maskuladong tingnan.”
“Hay naku! Kung sa antipatiko lang naman na ‘yan ay huwag na, ‘Nang! Hindi ko siya type!” Nanunudyo ang ngiti ng matanda kaya nagpatuloy siya. “Isa pa nga ‘yan kaya gusto ko rin kayong kausapin. Hanggang kailan ba ‘yan dito?”
“Sa tingin ko ay hanggang sa susunod na lingo, hija. Walang definite date na ibinigay si Jerry pero sabi niya, baka abutin ng isang linggo dito ‘yan.”
“Siguro, batugan ang lalaking ‘yan at walang iniintindi sa buhay kaya ganyang wala ring katiyakan pati mga plano niya. Hmp! Aksayado sa pera!”
“Eh bakit naman inis na inis ka, anak?” tudyo pa rin ng matanda na hindi na lang niya pinansin.
“Basta, Nanang! Pakigawan niyo naman ng paraan na mapaalis ang lalaking ‘yan.”
“Imposible ‘yan dahil limang libong piso na ang paunang bayad ni Jerry. Magtatatlong araw pa lang ‘yan dito.”
“Baka naman abutin pa siya ng birthday ko, Nanang?”
“E ‘di maganda. May instant kang bisita!”
Sumimangot siya na ikinatawa na lang ng matanda.
‘Luna...grrr..’
MAGHAPONG naglimayon si Miguel. Hindi sana siya mahilig sa mga ganoon pero inudyukan siya ni Jerry na maglibang. Baka naman daw mabato siya kung nasa villa lang. Sinunod naman niya ang suggestion nito. Okay na rin iyon para makaiwas siya sa babaeng masungit sa mansiyon. He went out. Namasyal siya, nagpa-spa at nag-gym. Surprisingly, he enjoyed the whole day.
Pagod siya nang makauwi sa villa. All he wanted was to take a shower and rest. Kumuha siya ng towel, boxers at undies saka diretsong pumasok sa shower room. Isinampay niya sa towel rod ang mga iyon at saka pumasok sa shower cubicle. He enjoyed the warm water. Paniguradong hindi na niya kakailanganin ng beer at magiging masarap ang tulog niya ngayong gabi.
It took him ten minutes to finish. He was truly refreshed. Paglabas ng cubicle ay isinuot niya ang slippers. Kinuha ang nakasampay na tuwalya at saka tinuyo ang katawan. Pero natigilan siya nang mapansing wala roon ang kaniyang boxers at panloob.
Napakunot-noo siya. He was sure he put the things there! Nataandaan pa niya kung paano niyang isinampay ang mga iyon sa towel rod, paanong nawawala na ngayon?
Yumuko siya at kahit imposible ay hinanap sa ilalim ng bathroom sink ang mga panloob pero wala talaga!
‘Who’s playing tricks on me?’ gigil niyang sabi. Luminga siya at hinagip ng tingin ang connecting door. It was unlocked. Napatiim-bagang siya sa matinding inis.
“LUNA naman, please! Magpakita ka na sa akin! Ano pa ba ang gusto mo? Nandito na ko sa villa ah! Show up!” Nanlulumong napaupo si Maria Amor sa kama.
Mukhang pinagtataguan siya ng kakambal. Kinakabahan na siya dahil napapadalas na ang follow up ni Nina tungkol sa ‘special project’ nila. Ipinangako niya ritong matapos ang linggong iyon ay babalik na siya ng Maynila at aasikasuhin ang deal nila nito. Nadagdagan pa ang pressure niya nang i-confirm nito na nag-sign na sa application form si Mrs. Gatchalian para sa isang unit. Patunay daw na hindi ito nakikipaglokohan kaya dapat siyang tumupad sa pinag-usapan.
Tumayo siya at kumuha ng damit pantulog sa closet. Hinubad niya ang suot na blouse upang magpalit subalit laking gulat niya nang biglang bumukas ang pinto. Napatili siya sabay takip ng damit sa kaniyang katawan.
“How did you get in here?!” dumadagundong sa lakas ang boses ni Miguel. Tulad nang una nilang pagkikita ay nakatapi na naman ito ng tuwalya.
“Bastos! Wala ka talagang modong lalaki ka!” malakas niyang sigaw.
Tila natauhan naman ito at biglang tumalikod. Sinamantala niya iyon para mabilis na isuot ang damit na hinubad. Nang maiayos ang sarili ay malalaki ang mga hakbang na lumapit siya rito at hinampas ito sa braso.
“Ipinanganak ka ba talagang walang kahit kapirasong respeto sa katawan?! Puwede bang matuto ka namang kumatok!” talak niya rito.
Humarap ito sa kaniya, pinagkrus ang mga braso sa dibdib, hindi alintana ang kahubdan nito. “You got in the shower room and took my boxers!”
Pakiwari niya ay nanlaki ang ulo niya sa narinig. “Pinagbibintangan mo ba ‘ko?!” nanlalaki ang mga mata at gigil niyang tanong.
“I have this feeling that you want to annoy me at walang ibang tao dito liban sa ating dalawa.”
“So pinagbibintangan mo nga ako?!”
“Nope. I’m stating a fact.”
Napasinghap siya sa matinding pagkabigla. Ang lalaking ito ang unang taong nakipag-usap sa kaniya sa ganoong paraan. How rude!
“So sinasabi mong pumasok ako sa bathroom nang nandoon ka at kinuha ko ang undies mo, ganoon?”
Tumango ito.
“Ang akala ko ay makapal lang ang mukha mong lalaki ka! Hindi ko akalaing nuknukan pala ng kapal! Bakit ko naman gagawin iyon, aber?!”
Nagkibit ito ng balikat. “You tell me,” anitong nakatitig pa rin sa kaniya.
“For your information, Mister Angas, masyado akong busy para pagkaabalahan ka ng oras! At hinding-hindi ko po iyon gagawin kahit ikaw pa ang pinakahuling lalaki sa mundong ibabaw. Narinig mo?!”
“So it’s like insinuating that there are ghosts in this house. Ganoon ba?”
Natigilan siya. Ghosts? Hindi maaaring kumalat ang balitang iyon dahil posibleng ikasira iyon ng Villa Esperanza. Bigla niyang naalala si Luna at ang sinabi nito. Hindi kaya ang kakambal ang gumagawa ng mga panggugulong iyon? At kaya hindi nagpapakita sa kaniya ang kapatid ay dahil busy ito sa pagsasagawa ng sarili nitong plano?
Hindi maaari! Kailangan niyang pigilan si Luna! “W-walang multo sa bahay na ‘to!” nabigla niyang sabi.
“So alin sa dalawa? Pumasok ka sa bathroom at kinuha ang gamit ko o may multo talaga dito? Come to think of it, hindi nga imposible. Ang ganitong klaseng villa ay tiyak na maraming kuwento. Ano kaya ang orihinal na anyo ng bahay na ito kung hindi na-renovate?”
Nagtalo ang isip niya. Aamin ba siya sa isang bagay na hindi niya ginawa para lang isalba ang image ng villa? Ano naman ang magiging impression sa kaniya ng lalaking ito kung sakali?
“I’m waiting…did you get it?”
“Huh? Ano kasi eh…”
“I’m impressed. Hindi lahat ng babae ay maglalakas-loob na magparamdam tulad ng ginawa mo. But we can do something about it.” Lumapit ito at akma siyang hahawakan. Dahil hindi niya inaasahan iyon ay kusang umangat ang isa niyang tuhod upang atakehin ang hindi dapat. Umigik sa sakit si Miguel sa ginawa niya. “W-why?” nakangiwing tanong nito habang salo ang bahagi ng katawan na nasaktan.
“You got the wrong signals, Mister Angas! Isipin mo na ang gusto mong isipin pero kailangan mo nang lumabas ngayon dahil magbibihis na ‘ko!”
“Y-you will pay for this, woman! I assure you will!” pautal nitong sabi. Paika itong pumasok sa bathroom. Ini-lock niya iyon at noon lang siya nakahinga nang maluwag.
“Luna!” gigil niyang bulong sa hangin.